Kabanata Tatlo [2]
2:36 pm
"WREEN!"
"Wreen nasaan ka?!"
"Wreen?!"
Sunod-sunod na umalingawngaw ang kaniya-kaniyang sigaw ng grupo habang sinusuot nila ang masukal at malawak na kagubatan, iilang oras na silang naghahanap at ramdam nila ang alinsangan ng panahon na walang ibang hatid kung hindi ang uhaw sa kaniya-kaniyang lalamunan. Madalang lang ang haplos ng bugso ng hangin kaya namumuo ang pawis sa iba't ibang bahagi ng kanilang katawan, salungat naman ito sa kanilang lalamunan na labis ng nanunuyo dulot ng panay na pagtawag sa atensyon ni Wreen; ubos na ang dala nilang tubig at wala rin silang balak pang uminom dahil sa labis na pag-aalala. Malulutong ang tunog ng mga tuyong dahon na kanilang naaapakan kalakip ang malapot na tunog ng sapatos nilang dumudulas sa lupa, hindi sila tumitigil sa paglalakad upang magpahinga at masusing sinuyod ang gubat sa kagustuhang matunton kaagad ang lalake.
"Buwisit! Ang daming kati-kati sa katawan ko!" reklamo ni Bella sa mga mumunting insekto na kanina pa nangangagat sa kaniya.
"Maligo ka kasi." Bulong na usal ni Eurie na napairap na lang.
"Wala ka bang alcohol or lotion diyan? Lagyan mo na lang 'yang balat mo kaysa sa puro ka reklamo." Suhestyon ni Ivan.
"Wala akong dalang kahit na ano, ang akala ko kasi ay magiging mabilis lang ito" sagot nito, "At saka hindi ko alam Ivan na nag-aalala ka rin pala sa 'kin."
"Hindi ako nag-aalala sa 'yo, kanina pa ako naririndi sa boses mo at gusto kong tumahimik ka na." naiinis na wika ni Ivan na ikinataas ng kilay ng babae.
"Kailangan na nating maghiwa-hiwalay." Suhestyon ni Lucas na ikinatigil ng lahat, "Ang bilis lumipas ng oras pero kaunti pa lang ang nasusuyod natin. Gagabihin tayo nito."
"Hindi puwede Lucas, mas lalong delikado 'yan." Tanggi ni Eurie, "Mas maiging magsama-sama tayo."
"Pero mas malabong mahahanap kaagad natin siya." Giit ng lalake, "Baka napano na yun."
"Wow Eurie, nagreklamo ka pa talaga sa paghahati-hati ng grupo? Parang kanina ka lang desidido na sundan mag-isa yung bakas, mas delikado pa nga yun." Komento ni Bella.
"Puwede ba Bella tumahimik ka muna kahit isang oras lang?!" sigaw ni Eurie sa babaeng tinaasan lang siya ng kilay.
"Kailangan kong mag-ingay, para mapansin n'yo kaagad kung mawawala na ako."
"Bella, walang mawawala, okay? Kumalma muna kayo pakiusap at pakinggan ako." Mahinang wika ni Lucas na napabuntong-hininga na lang sa pagod. "Ang kailangan nating pagtuonan ng pansin ngayon ay ang maibalik kaagad si Wreen dahil hindi natin ito malulutas kung wala siya, kaya kailangan nating hatiin ang grupo upang lumawak ang saklaw natin." Pahayag nito sa lahat at napatango naman ang iilan.
Napabuntong-hininga na lang si Eurie nang matahimik lang ang kaniyang mga kasama at halatang sumasang-ayon ito kay Lucas, "Anong plano?" tanong niya
Sa posisyon at lakas na mayroon ang kanilang pinuno ay agad naman nitong hinati ang grupo sa tatlo, "Eurie, Bella, at Ivan, magkasama kayo at ipagpatuloy n'yo itong nasimulan natin. Samantalang kasama ko naman sina Charice at Emily para sa kabilang bahagi nitong gubat. Jimmy at Kezel, kayong dalawa ay bumalik kaagad sa kampo at bantayan ang mga surveillance cameras, balitaan n'yo agad kami kung sakaling bumalik si Wreen doon o kaya ay mahahagip ng mga camera."
***
4:14 pm
"KANINA PA TAYO nag-aabang at nagre-review sa mga tapes pero wala pa rin tayong nakukuha. Sumasakit na ang mga mata ako." Reklamo ni Jimmy na napasandal na lang sa sandalan ng upuan kasabay ang malakas na hikab at pag-uunat.
"Ipahinga mo muna 'yang mga mata mo at pagtimpla na lang ako ng kape, ayos lang ba?" suhestyon at utos ni Kezel, "Ako muna ang magbabantay rito."
"Sige, mabuti pa nga. Inaantok na talaga ako at gutom din." Ani nito na napatayo kaagad at muling napaunat.
"Nag-aalala na talaga ako kay Wreen, hanggang ngayon ay wala pa ring balita mula sa kaniya." Wika ni Emily habang nakatitig na tatlong monitors ng computer, "Ayokong mag-isip ng masama pero kataka-taka ang biglaang pagkawala ni Wreen sa kuha ng surveillance cameras kanina, kung papauwi talaga siya ay masusubaybayan natin siya." Pahayag ng babae na gustong pahabain ang usapan nila at nang hindi sila malunod sa katahimikan, "Pero kung napakalaki nga ng away nila ni Eurie, siguro ay nasaktan talaga ito at umalis muna para magpalamig, sana lang ay tumawag kaagad siya sa lalong madaling panahon para matigil na itong paghahanap at nang makabalik na tayo sa trabaho. Nasasayang ang oras na 'tin sa imbestigasyon."
"Hayaan mo na yun, kilala ko si Wreen, ganiyan talaga siya 'pag nasasaktan—umaalis kaagad ng walang paalam." Wika ni Jimmy na hinahalo gamit ang plastik na kutsara ang tinunaw na kape sa mainit na tubig, "Pero maiba naman tayo Kezel, matanong ko lang, kumusta ka na? Ngayon lang kasi ulit tayo nagkita matapos ang ilang taong nakalipas."
"Heto, nahihirapang kumuha ng trabaho, hanggang ngayon kasi ay pumapalya ako sa LET, pang-apat na beses na 'to. Ewan ko kung bakit, kahit na puspusan naman yung pag-aaral ko." Malungkot na sagot nito, "Kaya nagpaplano na lang ako na baka mag-apply bilang clerk sa munisipyo natin o kaya ay mangibang bansa na lang."
"Magsikap ka lang Kezel at huwag mong pagurin ang utak mo sa kakaaral, mag-enjoy ka rin at nang tumatak sa isipan mo ang iyong inaral. Kung oras mo na talaga, papasa ka. Ako nga himalang pumasa kahit na hindi ako gano'n kaseroso sa review." Pahayag niya rito, "Tsaka gusto ko ring mag-abroad dahil malaki ang pasuweldo roon, kaso 'di ko maiwanan sina Papa, kailangan niya talaga ng katuwang sa bukid at ayaw niyang mawala ako sa tabi niya. Kaya pinagsasabay ko na lang ang pagtuturo at pagtulong kila Papa sa pinansyal na paraan, kahit na hindi gano'n kalaki ang sahod ko kada buwan."
Muling tumabi si Jimmy sa babae at marahang inilapag ang mug na may disenyong larawan ng magandang tanawin ng isang sikat na isla sa tabi ng keyboard, mainit pa ito at diretsong nasamyo ng babae ang halimuyak ng matapang na kape sa kaniyang ilong. Samantalang itinabi naman niya muna ang cup noodles na pinapalambot pa ang laman at maiging tinakpan ito ng folder upang masigurong mabilis na maluluto ito. Habang hinihintay ang pagkain ay tumulong na rin siya sa pagbabantay ng mga surveillance cameras, sa katahimikan na muling nanaig sa buong tent ay dinig na dinig nila ang hangin na dumadaan at tumatangay sa mga sanga ng kahoy sa labas, bagay na mapayapang pakinggan.
Ngunit laking-gimbal nilang dalawa nang biglang namatay ang monitor at kapuwa nila nakita agad ang malabong repleksyon sa itim na screen, sa bilis ng panyayari ay saglit silang natulala bago nagbalik sa reyalidad at kaniya-kaniyang kumilos. Upang tukuyin kung ano nga ba ang nangyari ay agad na napatingin si Kezel sa linya ng kuryente sa baba ng mga computer at baka may natanggal lang na kable. Samantalang mabilis namang napatingin si Jimmy sa water dispenser, at nang makita niyang hindi na nakailaw ang dalawang kulay rito ay nalaman kaagad niya ang problema.
"Brown out pala." Aniya sa babae.
"Brown out nga."
"Sandali lang at pagaganahin ko lang ang generator natin." Pamaalam ng lalake na agad na napatayo at naglakad palabas.
"Sige."
Napaupo na lang si Kezel at saka sinundan ng tingin si Jimmy hanggang sa ito ay tuluyan nang nakalabas, sa pag-iisa niya sa loob ng maespasyong tent ay nalunod ang kaniyang sarili sa katahimikan at malalim na pag-iisip. Muli siyang nagbalik-tanaw sa nakaraan at inisip ang mga magagandang alaala kasama ang mga kaibigan no'ng sila ay nasa kolehiyo pa, parang kahapon lang ito nangyari at sariwa pa sa isipan niya ang turingan nila na parang pamilya. Napangiti na lang siya rito at wala siyang ibang masabi sa sariling isipan kung hindi ang kagustuhang mangyari ulit ito—ang mga panahong may nakilala siyang bagong kaibigan na naging sandigan niya sa lahat ng problema.
Ngunit ang katahimikan niya't pagbabalik-tanaw ay nagambala nang kalaunan ay napagtanto niyang wala pa rin siyang naririnig na makina ng generator, upang alamin kung anong problema sa labas at bakit hindi pa rin nakakabalik ang kuryente ay napagpasyahan niyang sundan si Jimmy at tulungan ito. At saktong napatayo siya nang bigla siyang nagtaka matapos makalanghap ng kakaibang amoy sa loob ng tent, mas nilakasan pa niya ang paglanghap nito upang tukuyin kung anong uri ng amoy, ngunit imbes na makakuha ng sagot ay laking-gimbal na lang niya nang makaramdam ng pagkahilo.
Bago pa man siya nakahakbang ay nasaksihan na lang niya kung paano napuno ang tent ng makapal at puting usok animo'y nasusunog ang buong kampo. Ang isipan niya ay agad na nagdikta na tumakas, ngunit ang katawan niya mismo ang tumutol at pumigil sa kaniyang sarili, laking-sindak niya nang wala siyang magawa kung hindi ang mapakapit sa kalapit na mesa nang maramdamang nanghihina ang sariling katawan at nawawalan na siya ng balanse; nagsimula na rin manlabo ang kaniyang paningin kalakip ang dahan-dahang pagkabingi niya.
"L-Lucas..." huli at tanging nausal nito nang mawalan siya ng kontrol sa buong katawan at tuluyang sinakop ng dilim ang kaniyang mga mata at saka nilagasan ng lakas.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top