Kabanata Lima [2]
Napabuntong-hininga na lang siya at umupo sa inalok ng pulis na plastik at puting upuan sa harap ng parisukat na mesa, kasabay naman nito ay inukupa rin ng lalake ang sariling upuan nito sa kabilang bahagi at hinarap ang computer na nakatayo sa mesa. Sandaling nanaig ang katahimikan sa pagitan ng balisang lalakeng hindi mapirmi ang panginginig ng paa at kamay at ng kalmadong pulis na may tinitipa sa keyboard ng computer, hanggang sa ilang saglit pa ay nagsimula nang magsiyasat ng ito sa kaniya.
"Ano ang pangalan mo at ano yung sinasabi mo kanina?" tanong nito.
"L-Lucas...Lucas Agoncillo. May kasama akong walong kaibigan at kailangan namin ng tulong n'yo." Sagot niya sa lalakeng abala sa paggalaw ng mouse sa tabi.
"Ano bang nangyari?" tanong ulit nito na hindi siya binabalingan ng tingin.
Bago pa man siya nakasagot ay saktong inabot sa kaniya ng lalakeng nagngangalang Jake ang isang basong tubig, nang makita ito ay agad siyang nakaramdam ng uhaw kung kaya't mabilis niya itong tinanggap at saka uminom bago nagsalita't nagsalaysay.
"Nawawala ang isa sa mga kaibigan ko kaninang umaga, ngayon ay nawawala na naman ang dalawa pa, at may isa rin akong kasama na sugatan at nangangailangan kaagad ng saklolo."
"Teka...nasaan ba 'tong mga kasama mo no'ng huli mo silang nakita? Wala ba silang sinabi sa iyo bago nawala? At saka anong nangyari sa sugatan mong kasama?"
"Nasa gubat diyan sa likod ng—."
"Likod ng bakod ng munisipyo?" biglang tanong ng pulis sa tonong nagulat, bagay na kumuha rin sa atensyon ng iba, "Bakit nando'n kayo?"
"O-Opo, do'n po kami inilagay ni Mayor—."
"Lucas, walang puwedeng pumasok doon dahil pribadong lugar 'yon na pagmamay-ari ng alkalde rito. At si Mayor mismo ang nagpapasok sa inyo? Imposible 'yan dahil hindi niya kami napagsabihan. Marami ng pumasok sa gubat na 'yan na nahuli at nakulong dito, kahit pa kukuha lang ito ng panggatong o namamastol. Higpit na pinagbabawal yun, kaya nga may mga surveillance cameras na nakalagay roon na binabantayan ng kaniyang anak." Wika nito na ikinawindang niya.
"Hindi po ako nagsisinungaling! Si Mayor po ang nagpapasok sa 'min dahil kalahok kami sa paligsahan!"
"Tama na Lucas. Mamaya ka na magpaliwanag 'pag si Mayor na mismo ang kausap mo. Akin na ang mga gamit mo," Ani nito at naglabas ng isang parihaba at puting tray na inilapag sa kaniyang harap. "Smartphone, susi, kahit na anong dala mo."
"Teka lang! Hindi n'yo ba tutulungan ang mga kaibigan ko?! Nawawala po sila at nasa panganib ang isa!"
"Paki-detain nga muna nitong lalake, isang trespassing na naman sa gubat. Taon-taon na lang may ganito." Anunsyo nito sa loob ng presinto, "Tatawagan ko muna si Mayor kung may alam ba siya rito gaya ng sinasabi nito."
"Hindi! Sir pakiusap! Tulungan mo kami! Nanganganib ang buhay ng mga kaibigan ko!"
"Walang paligsahan dito Lucas, sa susunod na linggo pa ang pagdiriwang dito sa lungsod, kaya huwag na tayong maglokohan pa."
"Hindi! Sir! Huwag po! Tulungan n'yo po kami!" iyak ni Lucas nang hilain siya ng pulis at kinaladkad patungo sa selda, "Mamamatay ang kaibigan ko! Sir!"
***
"KUMUSTA NA ANG paa mo?" tanong ni Eurie nang mapalagay silang dalawa sa loob ng tent, pumuwesto sila sa unang palapag ng isa sa mga nakahilerang double deck na higaan.
"Masakit pa rin." Daing ni Bella habang marahang hinihilot ang paa nitong kumikirot pa rin kapag nagagalaw. "Uhm Eurie, salamat pala dahil hindi mo 'ko iniwanan kanina."
"Wala yun... Kaibigan kita Bella, hindi ko kayang iwan ka lang do'n ng mag-isa."
"Tsaka yung tungkol kanina—."
"Huwag kang mag-alala, dahil sa ikinuwento mo sa 'kin kanina ay mas lalo kitang naindintidihan: kung bakit ka ganiyan umakto, bakit ganiyan ang asal mo, at bakit ganiyan ang pakikitungo mo. Isang matapang na tao ang may kakayahang magkuwento ng masalimuot na nakaraan, hayaan mo...hindi ka man nakaganti ro'n sa mga bully, pero balang araw, tatamaan din sila ng karma. Lalo na no'ng nanggahasa sa 'yo, sana makulong yun at nang mabigyan ka ng hustisya."
"S-Salamat."
"Pero tandaan mo Bella, hindi mo kailangang umaktong matigas at matapang. Hindi mo kailangang kimkimin ang lahat ng hinanakit mo at problema dahil sasabog ka niyan. Hindi ka naman nag-iisa, narito lang kami na handang pakinggan at damayan ka."
"Salamat."
"Teka bakit ang tagal ni Lucas?" biglang tanong ni Eurie nang mapansin niyang iilang minuto na rin ang lumipas no'ng umalis si Lucas, "Nanganganib na si Charice, sana bilisan pa niya."
"Baka pabalik na yun kasama ang mga pulis?"
"Baka nga—."
Agad na naputol sa pagsasalita si Eurie nang takpan ni Bella ang kaniyang bibig, nang sumenyas itong manahimik siya agad niyang pinagtuonan ang ingay ng paligid na halatang tinutukoy ng babae. At sa pagtalas ng kaniyang pandinig ay nanindig na lang ang kaniyang balahibo nang marinig niya ang mahinang hakbang o yapak mula sa labas, nagkatinginan na lang sila ni Bella at walang ibang bumakas na emosyon sa kaniya-kaniyang mata kung hindi ang takot. Mistulang namanhid ang katawan ni Bella nang manlamig siya, samantalang si Eurie naman ay labis na nangamba, at sa sandaling pagtitig nila ay mistula silang nag-usap at nauwi sa isang desisyon.
Kapuwa sila dahan-dahan na umalis sa higaan at pilit na iniiwasang makagawa ng ingay na maaring mapagkuhanan ng pansin mula sa labas, kaniya-kaniya naman silang napakapit sa sarili animo'y kumukuha ng lakas ng loob sa bawat isa. Maingat silang humakbang at nangapa sa dilim upang baybayin ang daan patungo sa lagusan na may nakatabing lang na trapal, at sa tulong ng kaunting sinag ng liwanag na nagmumula sa kalangitan at tumatagos sa kaunting siwang ng trapal ay nagawa nilang tunguhin ang lagusan habang nananatili pa rin sa dilim.
"S-Sino 'yan?" mahinang bulong ni Bella nang silipin nila ang panauhin.
"H-Hindi ako sigurado kung sino..." sagot ni Eurie habang pilit nilang inaaninag ang panauhing naglalakad papalapit sa kampo. "Shit! Yan yung estranghero kanina!"
Sa isang kurap lang ay agad silang nagsitakbuhan sa loob habang pilit na iniiwasan ang mga nakaharang na mesa sa gitna, tuluyan na silang nagsibitawan at kaniya-kaniyang nagtago. Sa takot ni Bella ay mabilis siyang gumapang sa ilalim ng isa sa mga nakahilerang double deck, sa sikip nito ay sobrang ikli na lang ng distansya ng kaniyang mukha at lupa; nasisinghot na niya ang alikabok nito sa tuwing siya ay malalim na sumisinghap ng hangin, bagay na nakakairita sa ilong. Ngunit balewala ang sikip sa ilalim at alikabok nang balutin siya ng takot, sapagkat wala siyang ibang iniisip kung hindi ang hindi matagpuan ng estrangherong maaaring kumuha kila Wreen, Jimmy, at Kezel.
Sa kabilang dako naman ay naroon nagtago si Eurie sa likod ng maliit na mesa ng mga monitors para sa surveillance cameras, nakasandal siya sa trapal at damang-dama ang lamig nito na hatid sa kaniyang likod. Hindi naman niya mapigilan ang sarili sa panginginig habang binubulag pa rin ng kadiliman, ang tainga niya ay sobrang talas na at nakatuon lang tunog ng paparating na estranghero. Hanggang sa kalaunan mapadako ang kaniyang tingin sa kaunting linya ng siwang sa gitna ng laylayan ng trapal at lupa sa kaniyang gilid, at isang ideya naman ang pumasok sa kaniyang isipan nang hawiin niya ito. Sa tulong ng kaniyang pinatalas na pandinig, nang saktong bumukas ang lagusan ng kanilang tent ay agad niya ring hinawi ang trapal sa tabi at diretsong gumulong palabas. Dali-dali naman siyang gumapang patungo sa sulok ng tent kung saan nagtagpo ang trapal at sementadong pader, mabilis niyang isiniksik ang sarili rito at saka tinakpan ng makapal na trapal ang buong katawan.
At sa katahimikang mayroon at pag-iisa niya ay wala siyang ibang naririnig kung hindi ang pintig ng kaniyang puso na kay lakas at ang mabilis niyang pagsinghap ng hangin, tagaktak ang kaniyang malamig na pawis at hindi niya rin mapigilan ang panginginig ng sariling kamay. Sinubukan niyang kumalma, tinulungan niya ang sarili na huminga sa tamang ritmo, ngunit kahit na anong gawin niya ay hindi talaga siya mapalagay lalo na't naiwan sa loob si Bella na nanganganib. Ngunit hindi nagtagal ay tumama kaagad ang kaniyang pinakakinakatakutan, mabilis na lang siyang napatakip ng sariling bibig nang marinig ang nakakagimbal na sigaw ni Bella mula sa loob.
"Tulong! Eurie!"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top