Kabanata Dalawa [2]
"EURIE, GUMISING KA NA..."
Agad siyang napadilat nang maramdaman ang mahinang pagyugyog ng sariling katawan kalakip ang marahang pagtawag ng lalake. Mula sa ibabaw ng isang double deck na higaan ay matamlay siyang umikot at hinarap ito, at ang unang bumungad sa kaniyang tingin ang mukhang puyat na puyat ni Lucas.
"Eurie."
"Anong oras na ba?" mahinang tanong niya na hindi gaanong binuuka ang sariling bibig.
"Alas kuwatro pa lang ng madaling araw. Halika, may dapat kang makita." Sagot at aya nito kaya dahan-dahan siyang bumangon sabay sapo ng sariling ulo na kumikirot.
"Ang sakit ng ulo ko dahil sa shifting." Reklamo niya dahil sa napakaikling kaniyang tulog, "Naninibago ang sistema ko."
"Humingi ka ng pain killer kay Emily mamaya, hayaan mo, masasanay ka rin niyan." Saad nito at nangunang tinungo ang mga kasamahan nila na nagtitipon-tipon sa paligid ng mesang nakatalaga para sa surveillance team.
"Teka, ano bang nangyari?"
"May nakuha sila sa surveillance cameras."
Dulot ng kuryusyidad na bumalot sa isipan ni Eurie ay dali-dali siyang bumaba mula sa pangalawang palapag ng higaan at sinuot ang sariling tsinelas na nakasiksik sa may paanan nito. Agad din naman niyang tinungo ang nag-iisang mesa sa sulok at bandang kanan ng kanilang tent at dinaluhan ang mga kasamahang nagtipon-tipon sa harap ng tatlong monitors ng mga kumpyuter. Sa paglapit ay naabutan niyang pinapanood nila ang isang footage mula sa "Camera 07", walang nagsasalita at titig na titig lang sa monitor at naghahanap ng sagot sa sari-saring tanong na naisip.
"Sa oras na ito ay lilitaw siya." Wika ni Ivan bilang hudyat.
At nagulat din si Eurie nang makita niya ang tinutukoy nito, sa loob ng kagubatan na hindi niya mapunto kung saang bahagi ay biglang lumitaw sa frame ng footage ang tao na nakasuot ng makapal na itim na hoodie na paatras na naglalakad. Sa simula ay takang-taka siya kung bakit, ngunit ilang segundo ay napanood nilang may kinakaladkad pala itong katawan. Ilang hila pa nito ay nakita niya ang hubad na katawan ng babaeng walang kabuhay-buhay o nanlalantang kinakaladkad ng taong hindi nila mabigyan ng pagkakakilanlan dahil sa nakatabing na hoodie sa ulo nito, samantalang ang babae naman ay may mahabang buhok at may balingkinitang katawan na agad nilang kinunan ng larawan upang gamitin sa paghahanap ng records nito sa bayan.
"Tama nga na bantayan natin ang surveillance cameras sa gubat, dito nga natin mahahanap ang salarin, dito siya tumatakas o maaaring nasa gubat lang ang pinagtataguan niya." Komento ni Charice, "Malaking tulong ito sa grupo, kung mahuhuli kaagad natin siya ay panalo na tayo agad."
"Hindi pa rin puwede Charice, kailangan pa natin ng ebidensya at ipaliwanag ang krimen. Hindi natin 'to malulutas sa isang araw lang."
"Mannequin naman yung babae 'di ba? Hindi yun totoo?" tanong ni Emily na nagambala sa napanood.
"Kaninong shift ito nangyari?" tanong niya nang makita ang oras kung kailan ito naganap.
"Sa 'min ni Bella." sagot ni Ivan, "Nakatulog ako at umiihi naman si Bella kaninang alas tres y medya nang saktong nangyari 'yan."
"Tara suyurin natin ang gubat at hanapin ang naiwang bakas nito. Alam ko kung saan 'yan naganap, iilang metro lang ang layo niyan mula rito sa HQ." aya ni Lucas.
"Ngayon agad-agad?" tanong ni Eurie na nagadalawang-isip sa plano nito.
"Oo, kailangan nating kumilos agad dahil baka wala na tayong maabutan pa kung papalipasin pa natin ito." Sagot ng lalake.
"Kung gano'n, tama nga ang ideyang may kidnapping na nagaganap nga rito sa kaso." Pahayag ni Wreen.
"Paano kung ibang kaso pala ito? Hindi ba dapat na ihatid muna natin ito sa presinto at ireport nang sa gayon ay may kasama tayong otoridad? Napakadelikado ngayon dahil napakadilim pa at hindi natin kabisado ang buong gubat." Wika ni Eurie, "Ipakumpirma muna natin kung kasali ito sa laro."
"Eurie, sabi nga ni mayor kanina na mga actor at aktres lahat. Kaya isa itong ebidensya." Giit ni Lucas.
"Hindi na kailangan pang pumunta sa presinto at humingi ng tulong, ang gagawin na lang natin ay mangalap muna ng sapat na ebidensya sa lugar kung saan kinakaladkad itong babae." Giit naman ni Ivan, "Malaki ang maitutulong nito sa 'ting grupo dahil napakalaki ng ebidensya at may pruweba pa tayo."
"May punto si Ivan, Eurie. Kailangan nating lutasin ito mag-isa. Kaya kailangan na nating umalis ngayon hangga't presko pa itong ebidensya." Ani ni Lucas.
"Tutol ako sa planong lalabas tayo ngayon, ang mas magandang gawin ay hintayin nating sumikat ang araw, napakadelikado pa."
"Hindi naman siguro tayo ipapahamak ni mayor sa larong ito 'di ba?" tanong naman ni Kezel, "At saka may mga surveillance cameras naman na nagmamasid sa 'tin."
"Kahit na, 'di pa rin tayo puwedeng pakampante." Saad niya, "Nanonood lang sila, habang tayo ay narito sa gubat. At saka madaling araw pa, tiyak na tulog pa ang nagmamanman sa 'tin! Baka mapano tayo sa labas!"
"Eurie hindi ikaw ang pinuno rito." Sabi ni Bella.
"At lalong hindi ka rin pinuno, Bella. Hindi ba kayo nagtataka? Unang araw pa lang natin dito pero may nagpakita kaagad sa atin? Sa lawak ng gubat bakit pa sa camera natin sila dumaan? Imposible yun, dahil kung ako ay isang matagal ng kriminal dito sa lungsod ay malalaman ko talaga kung may isang grupong susubok na huhulihin ako dahil sa bonggang set-up nitong kampo natin! Patibong lang ito, sabi nga ni mayor na maaaring gugulo o tutulong sa kaso ang mga aktres at actor. At ito ay halatang gugulo sa 'tin, lilihisin tayo nito sa katotohanan at ito ang ikakatalo ng grupo natin." Pangungumbinse niya sa mga kasamahan.
"Eurie kumalma ka muna." Sabi ni Wreen.
"Huwag mo akong utusan Wreen!" asik niya na ikinatahimik naman kaagad ng lalake, "Ang gusto ko lang sabihin ay sana huwag tayong magpadalos-dalos, grupo tayo...kaya aakto rin tayo na grupo."
"Oo nga, may saysay rin ang pahayag ni Eurie. Hindi nga tayo puwedeng magpadalos-dalos na lang dahil napakadelikado pa." pagsang-ayon ni Charice.
"Kailangan nating mag-ingat at mangalap muna ng tamang impormasyon upang makilala natin kung sino at anong klaseng tao itong nakita natin. Bawat kilos ay kailangan nating kalkulahin ng maayos." Aniya, "Tsaka hindi rin puwedeng tayong lahat susugal at pupunta ro'n. May kaniya-kaniya tayong trabaho na dapat gampanan at kailangan natin itong unahin."
"S-Sige, mas mabuti nga kung gano'n." sabi ni Lucas na sumuko na lang.
***
NANALO ANG DESISYON ni Eurie at napagdesisyonan ng grupo na manatili na lang muna at mag-ayos: ginamit nila ang oras para maligo at magbihis, may naghanda ng makakain, at may bumalik sa pagtulog. Kahit inaantok pa ay mas piniling maligo na lang ni Eurie upang gisingin ang kaniyang sistema at saka mapokus ang kaniyang atensyon sa kasong kinakaharap ngayong parang hindi basta-basta ang kanilang kalaban. Kahit ayaw niyang isipin ay nagdududa talaga siya na may mali sa kasong ito, isa na rito ang katotohanang napakaraming kaso na palang nangyari at bakit hanggang ngayon wala pa ring nakakalutas kahit na mayroon silang sapat na puwersang militar.
"Hindi ka ba nagugutom? Heto, kumain ka muna." tanong ni Ivan na biglang lumapit at pumuwesto sa upuang direktang kaharap niya.
Agad naman siyang napatigil sa pagbabasa at binalingan ng tingin ang lalake, at laking-gulat niya nang ilapag nito ang dalawang mainit pang cup noodles sa mesang namamagitan sa kanila. Nang masamyo niya ang amoy nito ay agad siyang nakaramdam ng gutom, kung kaya't dali-dali niyang isinantabi muna ang mga dokumentong harap-harap upang tugunan ang tawag ng katawan.
"Salamat Ivan." Aniya rito habang maingat na hinihila at inilipat ang cup noodles na may kalakip na tinidor.
"Walang anuman. Ikaw babae, dapat hindi mo pinapabayaan ang iyong sarili. Huwag kang papagutom dahil malaki rin ang kontribusyon mo sa grupong ito." Wika nito na ikinangiti at niya.
"Ivan, alas singko pa lang ng umaga. Mamayang alas sais pa sana ako kakain."
"Pero alam kong nagugutom ka."
"At paano mo naman 'yan nasabi?"
"Ah sikreto ko na yun, may kakayahan kasi akong bumasa ng taong nagugutom." Natatawang pahayag ng lalake.
"Okay hindi na ako makikipagtalo." Aniya na napailing na lang.
"Eurie huwag mo siyang balingan ng tingin...pero kanina ko pa napapansin na pasulyap-sulyap sa 'yo si Wreen." Bulong ni Ivan at saka humigop ng sabaw.
"Hayaan mo 'yan, nagseselos 'yan sa 'yo."
"Ganda mo talaga no? Akalain mong may lalake pa talagang maghahabol sa 'yo kahit pinagtabuyan mo na." bulong na sabi ni Ivan na sinasabay ang pagnguya ng noodles.
"Ivan kung maganda pa ako, hindi sana siya magloloko. Ibinigay ko naman ang lahat ng oras ko sa kaniya, pati pa yung extra kong allowance pero pinili pa rin niya yung alupihan."
"Oo nga naman..."
"Huwag na natin 'yan pag-usapan."
"Okay okay, pero kumusta ka na pala Eurie? Madalang na lang tayong nagkikita sa 'tin."
"Gano'n pa rin, pagod sa trabaho. Buti na lang at may inalok si Lucas, kahit papano ay makakapag-relax din ako, nagpaalam muna ako na lumiban ng isang linggo."
"Ah—."
"Okay guys, sumisikat na ang araw kaya maghanda na kayo. Aalis na agad tayo ngayon para sa kaniya-kaniyang trabaho." Anunsyo ni Lucas na kakapasok lang sa tent.
Sa pahayag ng kanilang pinuno ay nagkatinginan na lang sila ni Ivan, "Bilisan na natin 'to..." ani ni Eurie at saka humigop ng sabaw.
Dahil sa hindi na gaanong mainit ang pagkain ay mabilis na lang nilang naubos ang noodles, dali-dali na rin nilang hinigop ito saka kaniya-kaniya nang napatayo. Akmang tutungo na sana si Eurie sa basurahan nang pigilan siya ni Ivan at nag-alok na lang na siya na lang ang tatapon nito, hindi naman ito tinanggihan ng babae at ibinigay ang kaniyang nagamit na cup saka umusal ng pasasalamat. Hangga't may pagkakataon pa ay inayos muna niya ang sariling higaan na iniwanan niya lang kanina; hindi na siya nag-abala pang magsipilyo at uminom na lang ng tubig at kumain ng chewing gum. Lahat sila ay natuon sa kaniya-kaniyang balak suotin at dalhin, pawang naghahanda sa gaganaping lakad at imbestigasyon. Hindi nagtagal ay tinawag na rin sila ni Lucas sa labas, kung kaya't dali-dali rin silang nagsilabasan.
Unang bumungad sa kanilang paningin ay ang magandang tanawin ng kakahuyan kung saan tumatagos ang liwanag sa mga sanga at dahon ng kahoy na nagbibigay kulay sa buong kapaligiran. Kahit wala silang nadaramang malakas na bugso ng hangin ay malamig pa rin ang temperatura ng ere, kung kaya't kaniya-kaniya silang napayakap sa sariling katawan habang iginagala ang tingin sa paligid. Aliw na aliw naman sila sa musikang gawa ng mga sari-saring ibon na kumakanta o humuhuni, nakakagaan ito sa loob at mistulang pinapawi ang kanilang antok.
"Ganito ang mangyayari ngayon: Wreen, Eurie kayo ang titingin sa nakuha nating footage kanina—."
"Teka bakit ako? Akala ko ba aalis tayo ngayon para sa dalawang kaso natin?" reklamo ni Eurie na kanina inaasahan ni Lucas.
"Tama yung sinabi mo kanina na hindi puwedeng tayong lahat ang tutungo sa huling sighting no'ng taong may kinakaladkad na babae. Kaya napagpasyahan ko na kayo na lang ni Wreen ang pupunta roon habang ang iba ay didiretso sa napagplanuhan nang mga lakad." Paliwanag ng lalake.
"Bakit si Wreen? Puwedeng si Charice na lang?" tanong niya rito.
"Eurie ba't ka ba nagrereklamo? Hindi ka naman ang pinuno rito." Nababanas na wika ni Bella.
"Excuse me Bella, may karapatan akong magreklamo at pumili ng kasama, okay? Lalo na kung para sa kaligtasan ko ito." aniya sa babaeng nagtataray na naman, "Kung hindi puwedeng isama si Charice, mas ligtas pa siguro kung mag-isa lang akong tutungo roon."
"Eurie, para sa paligsahan ito. Ako ang tumatayong pinuno ng grupo rito, lahat ng desisyon ko ay para sa ikabubuti natin kaya pakiusap, sumunod ka na lang."
Sa pinahayag ng pinuno niya ay hindi na siya tumanggi pa at nanahimik na lang, sa mga tinging ipinupukol din sa kaniya ng mga kasamahan ay natauhan din siya at napagtantong mukhang sumusobra na nga siya, malalim na lang siyang napabuntong-hininga at tumango-tango na lang nang para siyang nawalan ng ganang magsalita. At dahil sa wala na ngang tumututol kay Lucas ay napagpasyahan na nito na magpatuloy sa pagbibigay ng utos.
"Kailangan nating bumalik dito sa tent mamayang tanghali, ako muna ang maiiwan at magbabantay rito sa kampo."
"At ang ibig sabihin nito ay ako na lang mag-iisa ang mag-iimbestiga sa dalawang kaso natin?" tanong ni Ivan na halatang nabigatan sa rami ng kaniyang kakausapin at iimbestigahan.
"Hindi 'Van, hawakan mo lang yung sa kandidata at bumalik ka agad dito bandang alas otso y medya at palit tayo. Ikaw magbabantay rito sa kampo at ako naman ang mag-iimbestiga sa mga mag-asawa at photogrpaher."
"Ah sige, ayos."
"Hindi ganito na lang..." singit ni Charice, "Magtutulungan na lang kami ni Ivan sa kaso at dito ka na lang. Alam kong marami ka pang gustong gawin na mas importante."
"Sige, gano'n na lang, salamat Charice." Aniya sa babae, "Okay lang ba 'to sa 'yo Ivan?"
"Oo naman." Wika nito.
"Wala na ba kayong mga tanong?" tanong ni Lucas sa lahat ng kasapi.
"Wala na."
"Sige puwede na kayong umalis at nang makabalik kayo kaagad para sa diskusyon mamayang hapon. At tandaan n'yo, gawin natin ito sa pinakatahimik na paraan. Kahit na sino sa bayang ito ay ang salarin, kaya dapat lang na hindi tayo matutunugan."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top