Miss Ko Na!
"Miss ko na talaga. I-chat ko na kaya si—?"
"Hep! Ayan ka na naman, eh. Wala pang 24 hours, bibigay ka na agad? Kung contest lang siguro ang karupukan, baka title holder ka na."
Napalunok ako sa kaba nang bigla na namang sumulpot sa kanang balikat ko ang isang maliit na ako. Oo, literal na parang mini-me ko na nakasuot ng barong. Noong unang beses na nakita ko siya, akala ko sign na 'yon ng universe sa'kin na malapit na akong iburol. That's when he calmly explained that he was my "good side".
Boses ng konsensiya. Tinig ng katarungan. Guardian angel... Maraming tawag sa kanya, pero dahil ayokong nagme-memorize, tinatawag ko na lang siyang Boss Mabuti.
"Bakit ba nandito ka na naman? Wala ka ba talagang ibang ginagawa sa buhay?" Naiinis kong sabi sa kanya habang pasulyap-sulyap pa rin ako sa cellphone.
Malay natin, siya na mismo ang unang mag-chat, 'di ba? Eh 'di, na-solve ang problema ko.
Napailing naman si Boss Mabuti nang mabasa ang iniisip ko. Err...hindi naman literal na "basa", dahil pinapakinggan lang naman niya, but I hope you get my point. Bakit ba kasi tinatawag na "mind-reading" kahit na 'di ka naman literal na nagbabasa? Hay.
"Sorry, ha? Trabaho ko kasi ang pigilan ka sa mga maling desisyon mo at ibalik ka tuwid na daan!"
"Ba't ka nagagalit?"
"HINDI AKO GALIT!"
Just then, I felt another weight on my other shoulder. Isang mahinang pagtawa ang narinig ko mula sa isa pang kontrabida sa buhay ko.
"At trabaho ko naman kunsintihin ka sa mga bagay na gusto mong gawin," kumento niya. "Hindi ako killjoy tulad ng isang 'yan. Kung makasigaw, daig pa nanay mo. Gusto mo ba 'yon?"
Si Boss Masama.
Siya naman ang mini-me na mukhang anak ng mafia boss. Kung barong na puti ang suot 'nong isa, ito naman feel na feel ang black leather jacket at emo look. Siya siguro ang bersyon ko sa isang alternate reality na naging rockstar ako imbes na engineering student. Cool.
"Wag mo nang pansinin ang santo na 'yan. Chat mo na siya!"
Napasimangot si Boss Mabuti. "Bad influence ka na naman, eh. Panira ka talaga ng araw, leche."
"O, akala ko ba 'mabuti' ka? Mas madalas ka pang mapikon kaysa sa'kin, eh." Napangisi si Boss Masama. "Bait-baitan alert."
Napabuntong-hininga na lang ako nang nagsimula na naman ang World War 3 sa pagitan nilang dalawa.
As usual, ako ang nasa gitna...
"WAG KANG MAKIKINIG SA KANYA, MUKHA SIYANG GANGSTER!"
"WAG KANG MAKIKINIG SA KANYA, MUKHA SIYANG TAKAS SA FUNERAL HOMES!"
"ANONG PROBLEMA MO SA BARONG KO?"
"LAHAT DAHIL HINDI BAGAY SA'YO!"
"WAG NA WAG KANG TATAPAK SA BALIKAT NA 'TO!"
"WALA AKONG PAKIALAM SA TERITORYO MO, KAHIT HANGGANG KILI-KILI PA 'YAN!"
Wala sana akong pakialam, pero ang hirap nilang isnob-in kung nasa magkabilang balikat lang sila, eh! Mukhang maaga pa akong mabibingi sa dalawang 'to. Ito talaga ang rason kung bakit ayaw na ayaw kong gumagawa ng mga kritikal na desisyon sa buhay. No, I cannot control when they'll appear and I can't even banish them unless I make a decision.
"Pag mahalaga sa'yo, i-chat mo!" Sigaw ni Boss Masama na may...oh shit, kailan siya nakakuha ng mini-megaphone?
"Eh, karupukan tawag diyan! Icha-chat mo, baka busy pala siya." At bakit may mini-microphone at sound system na si Boss Mabuti?
Lalo yata akong na-stress sa dalawang 'to.
"MAY DESISYON NA AKO!" Sigaw ko na agad na nakapagpatahimik sa kanilang dalawa. Naglaho ang megaphone at speakers at naupo sila na parang mga bata sa balikat ko, hinihintay ang sasabihin ko.
"Hindi ko siya icha-chat!" I declared.
Nag-thumbs up naman si Boss Mabuti. "Tama 'yan! 'Wag kang maru—"
"Pupuntahan ko na lang siya!"
Para bang nalaglag ang panga ni Boss Mabuti sa sinabi ko. Meanwhile, Boss Masama is already celebrating and doing a little happy dance on my other shoulder. "Ha! Tama 'yan. Life is too short, kaya kausapin mo na siya para sa pag—"
"KAIN!"
Natulala si Boss Masama.
Wala nang nakaimik sa kanila nang bumaba ako sa sala at nilapitan ang nanay kong busy sa pagtitingin sa Shopee.
"Nay, pahingi pera. Na-miss kong kumain ng kwek-kwek sa kanto."
THE END.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top