9-Si Flora Sanz
Tahimik na dumaan ang Linggo. Pagkatapos magsimba kasama si Tiya Cely, kumain kami sa isang panciteria pagkatapos. Pagkauwi sa bahay, tinapos ko ang aking mga gawain na paglilinis at paglalaba.
Masusi akong nakatitig sa aking bagong damit na nakasampay. Napagpasiyahan kong hindi ko muna ito isusuot bukas sa trabaho. Kung gagawin ko lang ito para mapansin ni Ser Jaime, ang desperada ko sa pagkauhaw sa kanyang atensiyon.
Kung magpapaganda man ako, dapat ay para ito sa aking sarili.
"Ang tahimik mo buong araw," ika ni Tiya Cely habang kami ay naghahapunan. "Masama ba pakiramdam mo, hija?"
Walang kibo ko siyang tinignan. Bukod kay Ser Jaime, ang aking misteryosong panaginip ang isa pang gumugulo sa akin.
"Hindi po Tiya. Maayos naman po ang aking pakiramdam." Tipid akong ngumiti at pinagpatuloy ang aking pagkain.
"Magsabi ka lang, para mabigyan kita ng gamot," paalala niya.
"Masusunod po."
Sa mga sandaling iyon ay sabik akong tanungin si Tiya Cely tungkol sa aking nakaraan. Ngunit alam ko ang kanyang isasagot. Dalawa lang iyon: sasabihan niya ako na huwag ko munang isipin o mananahimik siya.
Balewala rin magtanong kung ayaw niya itong ungkatin. Siguro ako na lang sa sarili ang gagawa ng paraan para maalala muli ito.
Mahimbing akong nakatulong nang gabing iyon. Pagkagising ko ng Lunes ng umaga, napagpasiyahan kong manamit ng puting blusa, gray na palda, at itim na sapatos. Inilugay ko muna ang aking basang buhok mula sa paliligo, at naglagay ng make-up: face powder, eyeshadow, mascara, at pink na lipstick.
Napangiti ako nang makita ang sarili sa salamin. Hanggang balikat na ang aking buhok at natural na kulot ang mga dulo nito. Kulay kape ang aking malalalim na mga mata, mataas ang ibabaw ng ilong, at prominente ang pagka-bow shape ng aking mga labi, na mas pinatingkad pa ng lipstick.
Sabi ni Tiya Cely, nakikita niya ang aktres na si Nida Blanca sa akin, na kasing-puti ko raw. Ngayon ko lang naisip na totoo pala ang obserbasyon niyang ito. Kahit ang pinsan kong si Julia ay pinapangarap na maging maputi gaya ko.
"Mas maganda ka nga, dahil sa kulay kayumanggi ka at diretso ang maitim na buhok," minsan kong nasabi sa aking pinsan, na siyang ikinatuwa niya. Ganoon din ang itsura ni Tiya Cely, pero mas maliit lang ang kanyang mga mata.
Siguro may kinalaman ang aking itsura sa aking mga magulang na hindi ko maalala, dahil ang laki ng pagkakaiba ko sa aking tiyahin at pinsan.
Pagkakain ng agahan, umalis din ako at sumakay ng dyip patungong Escolta, kung saan nandoon ang Luxuriant. Buti na lang at nakarating ako sa oras bago mag alas-nueve.
"Eloisa, narinig mo ba ang balita? Darating ngayong umaga si Flora Sanz dito!"
Ito ang masayang balita ni Mila pagkarating ko sa aming opisina sa second floor.
"Mukhang masaya ka diyan ah," bati ko sa kanya nang makarating ako sa aking desk sabay lapag ng aking handbag.
"Oo, dahil balak niyang mamili dito sa Luxuriant at i-promote ang ating store!" Labis na kinikilig ang aking kaibigan.
"Naku, hindi ako interesado sa kanya. At hindi tayo pwedeng bumaba sa store para makiusisa." Wala akong interes na makita si Flora Sanz kagaya ni Mila.
"Eloisa, samahan mo ako sa ibaba, kahit sandali lang!" pagmamakaawa niya.
"Magtrabaho na lang tayo at baka magalit pa si Sir." Naupo ako at kunwaring tinignan ang mga papeles sa lamesa, para lang maisip ni Mila na seryoso ako.
"Ang totoo niyan, si Ser Jaime ang maglilibot sa kanya sa shop! Narinig ko ang mga salesgirls na pinag-uusapan sila, sabi palihim na silang nagkikita! Magkakilala raw ang kanilang mga pamilya."
Natigilan ako at nanlaki ang mga mata kay Mila. Napatikom tuloy siya ng bibig.
"Ay, ang daldal ko masyado. Pasensiya na, excited lang kasi akong makita sa personal si Flora."
Paalis na sana si Mila nang aking sabihin:
"Huwag ka nang mag-alala tungkol sa akin at kay Ser Jaime. May iba na akong tinatagpo," malamig kong winika.
Alam kong uungkatin ulit ni Mila ang tungkol sa akin at sa damdamin ko para kay Ser.
"Mabuti naman, 'Loisa."
Tinignan ko siya at halatang hindi siya makangiti. Tahimik siyang lumayo at hindi na niya ako inaya pang bumaba para tignan si Flora Sanz.
Ang bigat ng aking pakiramdam habang pinipilit kong magtrabaho.
Tama, hindi talaga para sa akin ang isang kagaya ni Jaime Miranda. Ito na ang senyales na sobrang magkalayo ang aming mga mundo.
Napakagat-labi tuloy ako at pinigilan ang sarili na maluha. Tumayo muna ako saglit at nagpunta sa pantry para uminom ng tubig.
Napabuntong-hininga ako. Hindi ko siya basta-bastang malilimutan, pero kakayanin ko ito, dahil iyon ang dapat.
Pagkabalik ko sa aking lamesa, nagulat ako nang makita si Ser Jaime na kasama ang isang mestizahing babae.
"Magandang araw po Sir," magalang kong bati.
"Good morning, Miss Aldaba!" ngiti niya. "By the way, I have with me today Miss Flora Sanz. She just bought something from our store and will promote it for a movie star magazine. Pinapasyal ko lang siya dito sa ating headquarters."
"Good morning po, Miss Sanz."
Nang tinignan ko siya, ramdam ko na pinapasadahan ako ng tingin ni Flora Sanz. Kakapanood ko lang sa kanya sa Hardin ng Pag-Ibig, at ngayon ay nasa harapan ko na siya. Totoong elegante ang kanyang ayos. Mukhang mamahalin ang kanyang shiny A-line dress at high heels. Bagay din sa kanya ang make-up niya, na red lips at dark eyeshadow.
"Is she one of your staff, Jimmy?" Tinaasan niya ako ng kanyang manipis na kilay.
"Yes Flora, she is Miss Eloisa Aldaba, my trusty secretary," malugod niyang pakilala sa akin.
"Pleased to meet you, Madam Sanz. I just watched your movie recently."
Bihasa ako sa wikang Ingles, salamat sa mga foreign na pelikula at babasahin.
"Oh! Hardin ng Pag-Ibig?" tanong niya.
"Opo. Maganda po ang kwento."
"Your secretary has great taste in movies, Jimmy!" galak niyang wika. Sa loob-loob ko, alam kong pakitang-tao lang ang kanyang inaasta. Aminin natin, unang kita ko pa lang sa kanya ay hindi ko na siya gusto, at di dahil pwedeng may relasyon sila ni Ser Jaime.
"Matalino talaga iyan si Miss Aldaba," komento niya.
"She seems like it, indeed." Ngumiti sa akin si Flora Sanz at humalik sa pisngi ni Ser Jaime. "Let's go out for lunch now, Jimmy." Lumingkis siya sa braso nito.
"Of course, Flora. Miss Aldaba, aalis muna kami. Mananghalian ka na rin," bilin ni Sir.
"Sige po, have a good day!"
Nakangiting tumango sa akin si Ser Jaime at magkaakbay silang umalis ng opisina.
Nakahinga ako nang maluwag nang wala na sila sa aking paningin.
Mukhang mayroon ngang namamagitan sa kanilang dalawa. Masakit itong sampal ng reyalidad, pero dapat ko itong tanggapin.
Pinilit kong maging masaya habang kasama kong kumakain si Mila.
"Sayang di mo naabutan, dumaan dito kanina si Flora Sanz kasama si Ser Jaime!"
"Hala! Nakita mo sila?"
"Oo. Humalik pa nga si Flora sa pisngi ni Sir. Mukhang nagda-date nga sila," ika ko.
"Eloisa, ayos ka lang?" biglang tanong sa akin ni Mila sa gitna ng aming pananghalian sa pantry.
Nanahimik ako. "Oo, ayos lang ako. Huwag kang mag-alala, totoo naman ang iyong sinabi. Tama ka, dapat ko nang talikuran ang aking damdamin para kay Sir."
Inilayo ko ang tingin kay Mila. Nararamdaman kong namumuo ang aking mga luha, na kaagad kong pinalis ng aking mga kamay bago pa ito tumulo.
"Eloisa."
Hinawakan ni Mila ang aking kamay at sinabing, "Maganda ka. Mabait at matalino. Siguradong may magkakagusto sa iyo kahit di siya iyon. Sayang, pinakawalan ka niya oh. Ayan tuloy, andiyan si Tony!"
Ngumiti siya nang banggitin ang aking kaibigan.
"Oo nga, ako lang ang sinayang niya," natawa ako. "Pero ayos lang, may darating pa."
"Dumating na nga eh!" natawa si Mila.
"Naku, wala akong nararamdaman para kay Tony! Magkaibigan lang kami!"
"Ay sus! Huwag kang magsalita ng tapos! Malay mo naman!"
Nagtawanan kami ni Mila.
"Oo nga pala, maganda sa personal si Flora Sanz, pero mukhang suplada! Pinasadahan naman ako ng tingin at tinaasan ako ng kilay!" Kwento ko. Gumaan na muli ang aking kalooban, salamat kay Mila.
"Ay, suplada nga. Hindi na ako fan! Akala mo pala kung sino!" ismid ni Mila.
"Balik na lang tayo sa pagiging fans nila Nida Blanca at Nestor de Villa!" ngiti ko.
"Next time panoorin natin ang pelikula nila ah?"
"Oo! For sure!"
Salamat kay Mila, at nawala na ang aking sama ng loob.
A/N:
Totoong nag-exist sila Nida Blanca at Nestor de Villa. Ito sila:
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top