7-Isang Dating Kaibigan

Dumating ang Sabado. Natuloy nga ang aming pagkikita ni Mila, at nagsimula ito sa isang masarap na pananghalian sa Sally's Diner.

"Salamat sa order mo na Pancit Malabon at pritong manok! Sarap nito!"

"Dapat lang mag-enjoy ka ngayon!" Ngiti ni Mila sa akin. "Aba, ayos na ayos ka ah!"

Hangang-hanga niya akong pinagmasdan sa aking suot na black and white na dress na may polka dots. Nagkulot din ako ng aking buhok at naglagay ng mascara at blush on.

"Naisipan kong mag-ayos ngayon, para mas espesyal ang ating lakad!" Ngiti ko.

"Naku, baka makasalubong natin si Ser Jaime, ano?" Kinindatan ako ni Mila.

"Hindi ah! Bakit, di ba pwedeng mag-ayos para sa sarili?" Tanong ko.

Ayoko na muna siyang pag-usapan pero panay ang arangkada ni Mila tungkol sa kanya.

"Natutuwa akong tuksuhin ka sa kanya." Kay lawak ng ngiti ng aking kaibigan sa naiisip.

"Kurutin kita diyan," nagkunwari akong nakasimangot. "Pwede ba, huwag muna natin siyang pag-usapan?" Pakiusap ko.

"Sige, naawa naman ako sa iyo. Hanggang dito ba natin siya iisipin?"

"Baka ikaw ang may gusto sa kanya. Ikaw itong mahilig magbanggit," ika ko.

"Sa iyo siya talaga! At isa pa, may ka-date ako tuwing Linggo! Konti na lang, sasagutin ko na siya." Kinilig si Mila sa kanyang upuan.

"Balitaan mo ako ah?"

"Oo! Ikaw na rin bridesmaid sa kasal namin!"

Nagkatinginan kami ni Mila at sabay na natawa.

Pagkatapos ng pananghalian ay naglakad kami papuntang Lyric theater, kung saan ipapalabas ang pelikulang Hardin ng Pag-Ibig.

"Eloisa, buti maaga tayo! Alas dos pa ipapalabas!"

Tinignan kong mabuti ang nakapaskil na poster ng pelikula sa lobby.

"Ito ba yung sinasabi mo na si Flora Sanz?"

Nakatitig ako sa larawan ng isang babae na kulay brown ang buhok, malalim ang mga mata, at matangos ang ilong. Nakayakap siya sa kanyang leading man na si Armando Goyena. Kilala ko ang nasabing aktor dahil fan ang aking Tiya Cely nito at palaging nanonood kapag si Armando Goyena ang palabas.

"Ay oo, siya si Flora Sanz!" Magiliw na wika ni Mila. "Ganda niya, hindi ba? Isang taon pa lang siyang gumagawa ng pelikula sa LVN Studios, pero sikat na sikat na siya!"

"Ngayon ko lang siya mapapanood. Pero kilala ko ang leading man niya," ika ko. "Inaaya kasi ako ni Tiya Cely kapag si Armando Goyena ang nasa pelikula."

"Buti naman, akala ko hindi ka na halos lumalabas ng bahay kapag walang trabaho!" biro ni Mila.

"Puro ka daldal diyan, bumili na tayo ng ticket!" Paalala ko.

"Sige na nga!"

Pagkabili namin ni Mila ng tickets para sa pelikula, pumasok na agad kami sa sinehan. Pagpatak ng alas-dos, pinatugtog muna ang pambansang awit at pagkatapos ay nagsimula na rin ang pelikula.

Tipikal na romansa ang kwento ng Hardin ng Pag-Ibig, na tumakbo ng isa at kalahating oras. Magkasintahan na bawal ang pag-iibigan dahil mahirap ang bidang lalaki, at mayaman ang babae. Nagkikita sila sa isang hardin nang palihim. Ngunit natagpuan ang kanilang lihim, pilit na pinaghiwalay ng kani-kanilang pamilya, ngunit sa bandang huli ay sila rin ang nagkatuluyan.

"Ang romantic!" Komento ni Mila nang makalabas na kami ng sinehan.

"Di ko nagustuhan masyado," matamlay kong wika.

"Ha?" Kumunot ang noo ni Mila at tinignan niya ako. "Wala ka bang kaunting kilig sa katawan?"

"Siguro kasi, ang dami nang ganyang kwento sa pelikula."

Naglakad-lakad kami sa kahabaan ng Escolta habang nagkukwento.

"Pero ang gwapo ni Armando at ang ganda ni Flora. Bagay sila!" Ngiti ni Mila.

"Di ko gusto ang pag-arte ni Flora Sanz. Iisa lang ang ekspresyon ng mukha," ismid ko.

"Ang killjoy mo!" Pinalo ako ni Mila sa braso.

"Nasanay kasi ako sa panonood kina Nida Blanca at Nestor de Villa. Mas gusto ko kwento kagaya ng Waray-Waray, yung palaban ang bidang babae imbes na iiyak-iyak," nasabi ko.

"Kungsabagay, kanya-kanyang hilig iyan," kibit-balikat ni Mila. "Ay, pasok tayo doon sa bagong boutique! Tignan mo!"

Itinuro niya sa akin ang isang window display na may tatlong manequin na suot ang makukulay na mga bestida at palda.

"Sige nga!"

Tumawid kami patungo doon at nang makapasok kami ni Mila, namangha ako sa iba-ibang disenyo ng mga dresses, palda, at blusa. May kalakihan ang nasabing tindahan, kaya pwedeng lumibot at tumingin ng kanilang mga paninda.

"Uy, ang ganda nitong blue dress!" Hinimas ni Mila ang isang sleeveless na dress na may balloon skirt.

"Babagay iyan sa iyo. May pambili ka ba? Palibre!" biro ko.

"Sa susunod na linggo pa ang sahod, uy!" paalala ng aking kaibigan.

"Ay oo nga pala. Balik tayo dito ah?"

"Eloisa? Ikaw ba iyan?"

Narinig ko ang isang tinig na pawang pamilyar sa akin. Nilingon ko ito at nagulat sa nakita ko.

"Tony?"

Sa harapan ko ay isang binatang naka-stripes na collared shirt, itim na pantalon, at leather na sapatos. Nakapomada ang kanyang maitim na buhok at bakas ang kanyang dimple sa kanang pisngi nang ako ay makita.

"Ako nga ito!" Napatakbo tuloy ako at nakipagkamay sa kanya.
"Aba, di ko akalain na nandito ka na pala sa Maynila!"

"Boutique pala ito ng aking ina. Bagong tayo lang," ngiti niya. "Buti nagawa na namin makipagsapalaran dito sa Maynila."

"Magkakilala kayo?" Tanong ni Mila paglapit sa amin.

"Ay, oo. Mila, ito si Antonio Suarez Jr. Tony for short, kababata ko noong dati kaming nakatira ni Tiya Cely sa Laguna. Tony, si Mila, kaibigan ko."

"Kumusta?" Inilahad ni Tony ang kanyang kamay kay Mila at nagbatian sila.

"Aba naman, di ko lubos akalain na kilala mo pala itong si Eloisa! Pumasok lang kami dito para tumingin ng mga damit," ngiti ni Mila.

"Small world, di ba?" Sagot ni Tony. "Nakilala ko si Eloisa dahil lumipat kami at naging magkapitbahay pagkatapos ng giyera, mga December 1945."

"Ilan taon kayo noon?" tanong ni Mila.

"Mga teenager pa lang kami noon." Tinignan ako ni Tony na may lambing sa kanyang mga mata.

"Sabihin na natin, mga katorse (14) anyos. Ang payat nitong si Tony dati! Patpatin!" tawa ko.

"Oo nga. Huli tayong nagkita noong bago ka umalis, diyesinwebe (19) anyos kami pareho. Sila Eloisa itong unang umalis patungo dito sa Maynila dahil sinuwerte sa negosyo ang tiyahin niya," kwento ni Tony.

"Oo kabisado na niya buhay ko, Mila," natawa ako. "Pwede ba kaming makahingi ng libreng damit?" biro ko kay Tony.

"Babayaran namin ng installment, dalawang beses kada araw ng sahod namin!" Dagdag ni Mila. Natawa kaming lahat.

"Basta bumalik kayo dito sa isang linggo," pakiusap ni Tony. "Sasabihin ko sa aking inay na ilabas ang lahat ng bago naming stocks ng damit! May iba dito, galing London at New York."

"Talagang babalik kami!" Pangako ni Mila.

"Uy, mauna na kami ah? Kumain naman tayo minsan," alok ko kay Tony.

"Oo naman," wika niya. "Walang magseselos, dahil wala pa akong nobya."

"Ay oh!" tukso ni Mila.

"Sige ba," pagpayag ng binata.

"Paalam na!" Napayakap ako kay Tony.

"Nagagalak akong makita kang muli, 'Loisa."

Ngumiti kami pareho sa isa't isa at doon na kami umalis ni Mila.

"Bagay kayo," bulong ni Mila sa akin.

"Ano ka ba, kaibigan ko lang si Tony!"

"Pero baka iyan na ang senyales na hindi para sa iyo si Ser Jaime. Kung ako sa iyo, mas pipiliin ko iyang si Tony kasi magkakilala na kami dati pa. At mukhang kursunada ka niya!"

Kinilig na naman ang aking makulit na kaibigan.

"Huwag mo nga akong madaliin. Masaya lang ako nakita ko ulit ang aking kababata."

"Oras na para buksan ang iyong puso para sa ibang gustong umibig sa iyo," wika ni Mila.

Napatingin ako sa malayo. Ayokong biglain ang aking sarili. Hahayaan ko na lang na ang paglipas ng panahon ang mismong tutulong sa akin na hindi na mabaliw kay Ser Jaime.

Ayokong gamitin ang dati kong kaibigan na si Tony para lang dito. Pero kung siya ang nakatadhana para sa akin, gusto ko na matuto siyang mahalin paunti-unti, bilang siya, at di dahil may gusto akong kalimutan.

A/N:

Nasa header ang sikat na Lyric Theater noong araw. Kilala ito sa Art Deco style na facade at matatagpuan sa 81 Escolta St. Binondo.

Ang 1950s ang tinaguriang "Golden Age of Philippine Cinema. Major film studio ang LVN noong mga panahong iyon at dito nakilala ang mga artistang binaggit dito sa chapter, na sila Armando Goyena at ang magka-love team na sila Nestor de Villa at Nida Blanca, na bida sa "Waray-Waray", na pinalabas noong 1954.

Synopsis ng "Waray-Waray" from IMDb:

A young woman takes up a job as a cook in a wealthy couple's residence. Her employer, an elderly man is infatuated by her, much to the dismay of his arrogant wife.

Di totoong tao si Flora Sanz, I just made her up for this story.

Some trivia for you guys. Marami pang mangyayari in this story. Ma get-get over kaya ni Eloisa si Sir Jaime? At ano kaya naging history nila ni Tony?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top