4-Date

"Magandang araw, maari po bang makausap si Miss Aldaba?"

Isang tinig ng binata ang aking narinig sa kabilang linya nang kinuha ko ang receiver ng aming telepono.

"Good day, this is Miss Aldaba, speaking," magalang kong tugon.

"Naaalala mo pa ako? Si Noel ito, anak ni Aling Petunia."

"Ah, Noel!"

Naupo ako sa silyang solihiya, na kalapit lang ng lamesita kung saan nakapatong ang telepono. "Kumusta ang bar exams?" Buti na lang naalala ko na kumuha siya nito.

"Maayos naman, pinagdadasal ko na sana makapasa na at maging ganap na abogado na ako," ika niya.

"Huwag kang mag-alala, may awa ang Panginoon at tutulungan ka niyang matupad ang iyong pangarap."

"Sana nga."

Nanahimik bigla ang kabilang linya.

"Noel?" Tanong ko. Aba, inaatake ba siya ng pagiging torpe?

"Miss Aldaba-"

"Eloisa na lang." Hindi ko mapigilan ang matawa ng kaunti. "Halos magkaedaran naman tayo, balewala sa akin kahit di ka magpaka-pormal."

"Ah, Eloisa, maari ba kitang imbitahan na...manood ng sine at...magmerienda sa soda fountain?"

Gusto ko nang matawa sa tinig ng kanyang boses, na halos mautal na sa kaba. Ngunit pinigilan ko ang aking sarili. Hindi ko man siya gusto noong una naming pagkikita, siguro ay bibigyan ko na rin siya ng pagkakataon para makilala ako at ganoon din sa aking panig.

"Kailan mo gustong lumabas?"

"Sa Sabado na lang. Mga alas tres ng hapon."

"Susunduin mo ba ako dito? Baka maligaw ka sa pagpunta sa amin!" Biro ko.

"Huwag kang mag-alala, alam ni Mama ang address niyo. Binigay niya sa akin, at kaya kong puntahan. Hintayin mo ako ah?"

"Sige, see you soon!"

"Paalam, Eloisa."

Unang binaba ni Noel ang telepono niya. Nang mailapat ko na ang phone receiver, nakahinga na rin ako ng maluwag.

Ang totoo niyan, ayokong makipag-date sa kanya. Pero gaya nga ng aking sinabi, kailangan kong bigyan siya ng pagkakataon upang lubusang makilala.

Baka sakali, mabago niya ang aking isipan.

---

"Aba naman, 'Loisa, ako'y nagagalak at makikipag-date ka na sa wakas! At sa anak pa ng aking kumare!"

Nang dumating ang Sabado, binigyan ako ni Tiya Cely ng damit na maisusuot. Ternong bestida at palda na kulay rosas, at puting sandalyas naman ang pang-ibaba. Pinahiram na rin niya ako ng kanyang handbag. Sa totoo lang, mukhang mas sabik ang aking tiyahin na makikipagkita na ako kay Noel, at isang linggo na niya akong tinutukso at di-mapakali.

"Salamat po, Tiya, at inaayusan niyo rin po ako ng buhok." Ngumiti ako sa salamin nang matapos na akong maglagay ng polbo at pulang lipstick. Sa likuran ko ay abala si Tiya Cely sa pagtrintas ng aking buhok.

"Ayan, tapos na kitang ayusan!" Pinuyod na niya ang aking buhok sa likod. "Aba naman, ang ganda ng aking pamangkin! Kamukhang-kamukha ni Nida Blanca!" Isang matamis na ngiti ang sumilay sa kanyang mga labi.

"Tiya Cely naman, binobola pa ako!" Tawa ko.

"Ayaw mong maniwala na maganda ka? Walang halong bola iyan, hija!"

Natawa kami pareho, at natigilan lamang nang marinig namin na may nagta-"tao po" sa labas ng gate.

"Si Noel na yata iyon." Agad akong tumayo at kinuha ang aking handbag.

"Ako ang magbubukas, tandaan mo, dapat kang umastang Dalagang Pilipina!" Pabirong sambit sa akin ni Tiya Cely.

"Di ko po kakalimutan ang iyong bilin, Tiya!"

Naunang bumaba ng hagdan si Tiya Cely, habang nakasunod ako sa kanya. Sumenyas siya na maupo ako sa salas, at siya na ang magbubukas ng gate. Lumabas siya ng bahay, at nakasunod si Noel sa kanya nang makapasok na sila.

"Naghihintay ang aking dalagang pamangkin sa iyo, hijo! Kay ganda niya, hindi ba?"

Tumayo sa aking harapan si Noel, na nakabihis ng asul na polo, itim na pantalon, at itim na sapatos. Naka-pomada ulit ang kanyang buhok, at ang linis tignan ng kanyang kutis.

"Magandang araw, Noel." Ngumiti ako sabay tayo. Naramdaman ko na naging tuod na naman siya at di makapagsalita.

"Ano, magtitinginan lang kayo diyan buong maghapon? Ayain mo na pamangkin ko, hijo!" Pinalo ni Tiya Cely ang balikat ni Noel, na ikinagulat niya.

"Halika na." Hindi ko na mapigilan ang sarili na matawa dahil sa kanyang reaksyon.

Inalay ni Noel ang kanyang braso, at marahan akong humawak sa kanya.

"Paalam po, Tiya!"

"Nawa'y maging masaya kayo! Remember, no kissing-kissing!" Biro ni Tiya Cely.

"Opo, Madam!"

Namumulang lumingon si Noel sa aking tiyahin, habang tinakpan ko ang aking tawa.

---

Una naming pinuntahan ang isang sinehan sa Escolta, kung saan nanood kami ng isang romansang pelikula. Halos walang imik si Noel mula nang pumasok kami hanggang sa matapos ang palabas.

"Ang ganda ng pinanood natin, hindi ba?" Tanong ko kay Noel nang makalabas na kami ng sinehan.

"Oo nga," ika niya sabay kamot ng kanyang batok.

"Hindi ba tayo kakain ng merienda?"

Tingnan ng binata ang kanyang relos. "Alas-sais na. Sa palagay ko ay hapunan na natin itong maituturing."

Natawa ako. "Pero pwede naman tayong maghanap ng iba pang makakainan, kung hindi mo gusto sa soda fountain," suhestiyon ko.

Nakita ni Noel ang isang panciteria sa kabilang dulo ng kalye. "Doon na lang," turo niya.

Sumang-ayon ako at pinuntahan na namin ang panciteria. Pinili ni Noel ang isang platong pancit at inihaw na manok, na kanyang binayaran.

Naupo kami at inilapag ni Noel ang tray ng aming order. Doon na kami nagsimulang maghapunan.

Palihim kong inoobserbahan si Noel habang ako ay kumakain. Ako lang ba ang may ganitong impresyon, o sadyang hindi lang siya maboka? Hindi ba siya napapanisan ng laway habang kami ay magkasama?

"Kumusta nga pala akong kasama?"

Buti na lang nakaisip ako ng maitatanong.

Nagitla si Noel at napatingin sa akin. "Ah, eh... maayos naman." Matipid siyang ngumiti sa akin at binalikan ang kanyang kinakain na pancit.

"Wala ka bang maikukwento tungkol sa iyong sarili?" Pag-uusisa ko. "Bukod sa abogasiya, ano pang iba mong ginagawa?"

Sa totoo lang nakakabagot siyang kasama. Hindi ko lang ito pinapakita sa kanya bilang paggalang.

"Mahilig akong makinig ng radyo at manood ng pelikula, gaya ng ginawa natin ngayon," tugon ni Noel.

Tumango ako. Halos maipaikot ko na ang aking mga mata sa pagkabagot. Magsasalita na sana akong muli, nang marinig ko ang isang pamilyar na boses sa aking likuran.

"Miss Aldaba, mukhang may date ka ngayon ah!"

Napalingon ako at halos maramdaman ko ang pagtigil ng aking puso.

"Sir Jaime?"

Nakatayo sa tabi ko ang aking boss, na may bitbit na isang maliit na bilao ng pancit.

"Mukhang nagambala ko kayong dalawa," tawa niya.

"Hindi naman po. Ay Sir, si Noel po, kaibigan ko."

Aking tinuro si Noel sa harapan ko. Lumapit si Sir Jaime dito at tumayo si Noel para makipagkamay sa kanya.

"Noel Fernandez po," pakilala niya.

"Ako si Jaime Miranda, boss ni Miss Eloisa Aldaba sa trabaho." Mahigpit niyang hinawakan ang kamay ni Noel at agad din niya itong pinakawalan. "Huwag kang matakot sa akin, hijo, mabait akong boss. Right, Miss Aldaba?"

Nilingon niya ako at ngumiti ng kanyang trademark na million-dollar smile.

"Sir Jaime, mabait naman po kayo talaga!" Ramdam ko ang aking malawak na ngiti sa mukha nang sabihin ko ito.

"Oh siya, mukhang nakakaistorbo ako sa date niyong dalawa. Makaalis na nga! Basta ikaw, alagaan mo si Miss Aldaba ah?" Bilin niya kay Noel.

"Makasisiguro po kayo, Sir," nahihiyang ngumiti si Noel.

Natatawang naglakad si Sir Jaime at nang madaanan niya ako ay bumulong siya:

"Salary deduction ka sa akin! Hindi ka nagpapaalam!"

Tumindig ang mga balahibo ko sa batok nang ilapit niya ang kanyang mukha sa aking tainga. Lumingon ako at nagtama ang aming paningin dahil halos magkalapit lang ang aming mga mukha.

"Sir naman, huwag naman po!" Natawa ako sabay inilayo ang aking tingin sa kanya. Ramdam ko rin ang pag-init ng aking mga pisngi.

"Paalam!"

Sa pagkakataong ito ay tuluyan na siyang umalis.

Tinapos lang namin ni Noel ang aming hapunan, at nag-aya na siyang iuwi ako. Pumayag na ako, at mula sa panciteria hanggang sa makasakay kami ng jeepney patungo sa amin, ay wala kaming imikan.

Nang makarating na kami sa harapan ng aming bahay, ito ang una niyang sinabi:

"Eloisa, huwag mo sanang mamasamain, pero ito na ang huli nating pagkikita."

"Aba, umayaw ka na kaagad?" Napakunot ang aking noo. "Hindi pa nga kita nakikilala nang lubusan."

"Hindi sa ayaw ko, pero ramdam ko na wala kang interes sa akin. At ako rin, pakiramdam ko na napilitan lang tayong magkasama. Kaya ngayon pa lang, nagpaparaya na ako." Napayuko si Noel ngunit inangat din niya ang kanyang tingin sa akin at mapait na ngumiti.

Tama siya. Wala nga akong interes sa kanya. Masyado ba akong nahalata?

"Sa...salamat sa pagiging tapat sa iyong damdamin. Pero baka masama loob mo."

"Hindi. Sa katunayan nga, masaya akong nasabi ko kaagad ang aking saloobin sa iyo. At isa pa, alam ko na may pagtingin ka sa kanya."

Napaatras tuloy ako. "Ah, si Sir Jaime? Hi...hindi ah!" Pilit kong ngumiti para itago ang aking kahihiyan. Kay bilis niyang nalaman ang aking lihim!

"Sana matagpuan mo ang kaligayahan ng iyong puso. Magandang gabi, Eloisa. Ako ay aalis na."

Magsasalita pa sana ako ngunit agad nang tumalikod si Noel at umalis na.

Iniwan niya lang akong nakatunganga sa harapan ng aming bahay.

Tama siya, hindi nga kami interesado sa isa't isa.

Sa loob ng aking handbag, kinuha ko na ang susi ng aming gate at binuksan ito. Pumasok ako sa aming bahay at naabutan kong kumakain mag-isa si Tiya Cely sa aming lamesa.

"Eloisa, kumusta ang date niyo?" Sabik na tanong ng aking tiyahin.

"Umayaw siya kaagad!" Pabiro kong wika sabay akyat sa aking kwarto.

Doon na muna ako nagkulong para makapag-isa at mag-isip isip. Pinatugtog ko ang aking LP record at napahiga sa kama habang nakikinig ng awiting "Mr. Sandman".

Isang mailap na pangarap ang aking gustong matupad. Tama nga si Noel, na may pagtingin ako kay Sir Jaime.

Hindi ko na dapat iniisip si Sir Jaime. Ngunit hindi ko mapigilan ang umasa na sana, makaramdam din siya ng kahit kaunting pagtingin sa akin.

Suntok sa buwan kung tutuusin. Pero naniniwala ako na walang imposible. Baka sa kakapangarap ko, magkatotoo rin ito.

Hay Eloisa, tigilan mo na ang kahibangang ito!







Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top