3-Tiya Cely

"Oh, Eloisa, nakatulala ka ulit diyan sa may bintana. Parang gabi-gabi na lang kitang nakikitang ganyan ah."

Nagitla ako nang marinig ko ang boses ng aking tiyahin.

"Tiya Cely." Nilingon ko siya para siya ay lapitan. Nagmano ako sa kanya at sinamahan siya sa may salas.

"Sino na naman ba iniisip mo?" Natawa siya sa akin. Hindi naman siya masungit, sadyang mabiro lang.

"Wala naman po. Nagagandahan lang sa mga tala sa kalangitan," nakangiti kong tugon. "Ay siya nga po pala, naghanda na ako ng hapunan. Dumulog na po tayo."

"Mabuti naman. Minsan babawi ako sa iyo at ipagluluto kita ng paborito mong pinakbet."

"Di na po kailangan. Masaya ako na gusto niyo na po mga niluluto ko."

Agad na tumayo si Tiya Cely at nauna sa hapag-kainan. "Aba, mukhang masarap ang sinigang mo, hija!" Galak niyang wika.

"Syempre po, buti nakauwi ng maaga para paghandaan talaga ito."

Naupo ako sa lamesa kasama ang aking tiyahin. Nagsimula na kaming kumain ng niluto kong hapunan. Halos hindi kami nag-uusap. Mukhang nagustuhan naman niya ang aking luto.

"Alam mo, pwede ka nang mag-asawa. Pasarap ng pasarap mga niluluto mo," ngiti sa akin ni Tiya Cely.

"Tiya, sana nga po may magkamali na nga sa akin," natatawa kong biro.

"Aba, Loisa, bente-kwatro anyos ka na! Tignan mo ang pinsan mong si Julia, nag-asawa siya noong isang taon at bente dos lang siya! Ngayon may apo na ako." Tinutukoy niya ang aking pinsan, na ngayon ay nakabukod at may sariling pamilya.

"Hindi naman po ako nagmamadali. Ayoko pong magpadalos-dalos," mahinahon kong tugon.

"Naku, huwag kang tatandang dalaga! Maipakilala nga kita sa anak ng aking kumare sa may tindahan ng tela. Gwapo iyon at baka magustuhan mo." Kumindat siya sa akin.

"Pag-iisipan ko muna po."

"Bilisan mo pag-iisip at baka malipasan ka ng panahon!" Natawa ang aking tiyahin.

Tumawa na lang din ako. Tumayo ako at nagpresentang maghuhugas ng pinggan.

Nang matapos ko na ang aking gawain ay binalikan ko ulit ang aking paboritong lugar, ang bintana kung saan tanaw ang mga bituin sa malinaw na kalangitan.

Naramdaman kong humapdi ulit ang aking daliri dahil sa paper cut. Bakit ba kasi ako ang naghugas ng mga pinggan?

At bakit di ko magawang tumingin sa ibang mga lalaki na hindi si Señor Jaime Miranda?

Iba na talaga ang luwag ng turnilyo sa aking ulo.

Siguro nga tama ang aking tiyahin.

Oras na para makilala ang iba pang mga binata. Baka nga magustuhan ko ang isa sa kanila at tulungang malimutan ang aking pagkahibang kay Sir Jaime.

---

Nang dumating ang Sabado ay tinagpo namin ni Tiya Cely ang kanyang kumare. Sa Ma Mon Luk sa Quiapo kami magkikita at magtatanghalian.

"Petunia, buti kasama mo ang iyong binata!" Masayang bati ni Tiya nang makita ang kanyang kaibigan.

Sa likod nito ay tahimik na nakasunod ang anak nitong lalaki. Naka-pomada ang kanyang buhok at nakabihis ng asul na polo at puting pantalon. Mukha naman siyang maayos at makisig ang pangangatawan, pero di ko lang alam kung gaano kataas ang kanyang kompyansa sa sarili. Para kasi siyang tuod sa kanyang mga kilos. Kahit napilitan ka lang ay huwag mo namang ipahalata ito, hindi ba?

"Naku Cely, buti ay nagawa ko siyang ayain! Iyan ba si Eloisa?"

"Magandang tanghali po." Ako na ang tumayo at nagpakilala sa aking sarili. "Eloisa Aldaba po, pamangkin ni Tiya Cely."

"Kumusta, hija?" Ngumiti sa akin si Aling Petunia at nakipagkamay din. "Aking ipapakilala sa iyo ang aking unico hijo, si Noel."

"Magandang araw," bati ni Noel sa amin.

"Buenas tardes, Noel," ngiti ko sa kanya.

Nahihiyang ngumiti si Noel sa akin. Naupo sila ni Aling Petunia sa harapan namin ni Tiya Cely. Nagsimula na kaming humingi ng aming order sa waiter. Maya-maya ay binalikan kami nito na bitbit ang tray ng mga mami at siopao.

Tahimik lang akong kumain habang abala sa pag-uusap sila Tiya at Aling Petunia. Doon ko nalaman na nasa huling taon na ng abogasiya si Noel at malapit nang kumuha ng bar exam. Tahimik ko lang tinitignan si Noel, na puro pagtango lang ang ginagawa.

Tuod siya talaga. Hindi ko mapigilan ang aking sarili na palihim siyang punahin. Paano kaya ito haharap sa korte nang ganitong lagay?

"Executive secretary naman itong si Loisa. Sa Luxuriant siya  nagtatrabaho," pagmamalaki sa akin ni Tiya Cely.

"Aba naman! Baka may nakikita kang mga artista na bumibili doon?" Sabik na wika ni Aling Petunia.

"Di ko po sila nakikitang madalas. Hiwalay po kasi ang aming opisina sa mismong tindahan," paliwanag ko.

"Makadaan nga doon minsan. Aking ibibili ng relo si Noel. Kaya ipasa mo ang bar exam, ano?" Ngumiti si Aling Petunia sa kanyang anak.

"Syempre po inay, maipapasa ko po iyon," ngiti ni Noel.

Di talaga siya maboka. Ewan ko ba at naiinis ako sa kanya.

"Oh siya, hanggang sa susunod na pagkikita! Dadaan muna kami sa simbahan para magtirik ng kandila. Baka makatulong sa nalalapit na eksamen ni Noel."

"Sige, kumareng Petunia."

Buti naman at natapos din ang tanghalian. Tumayo na kami ni Tiya Cely para magpaalam.

"Sige, basta nasa akin na ang numero ng inyong telepono. Noel, tawagan mo si Eloisa kahit kailan mo gusto ah?"

Hindi maikakaila ang malawak na ngiti ni Aling Petunia nang sabihin niya ito.

"Sige po, paalam Eloisa."

Tumango sa akin si Noel. Tipid akong  ngumiti sa kanya at nauna na kaming umalis ng aking tiyahin. Sumakay kami ng jeep pauwi sa Sampaloc. Matiwasay naman ang aming  biyahe.

"Hija, pwede kayong magtagpo ni Noel kahit kailan niyo gustuhin," paalala sa akin ni Tiya Cely nang makarating kami sa bahay.

"Hindi ho ba kayo nag-aalala?" Tanong ko.

"Naku hija, mga titulado na kayo para pagbawalan ko kayo magtagpo! Sige lang, pag inaya ka niya, sabihin mo lang sa akin at tutulungan kitang mag-ayos!"

Halata ang kasiyahan ni Tiya Cely nang sabihin niya ang mga katangang ito. Iniwan na niya akong mag-isa sa salas at nakaupo.

Hindi ko siya talaga gusto. Pero sige, sasama na ako sa kanya kapag inaya akong lumabas. Wala namang mawawala kapag sinubukan ko, hindi ba?

Hinahanap ko na naman ang aking Sir Jaime sa ibang lalaki. Pero baka nga ito ang paraan para tulungan ang sarili na makita siya bilang isang boss, at hindi isang gwapong lalaki na aking matagal nang pinapangarap.

(Itutuloy)

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top