22-Glamour Night
"Ladies and gentlemen, welcome to Glamour Night! We will be presenting the newest fashion line to be launched in the Philippine market. On The Go is catered to ladies who are looking for the best in ready-to-wear fashion. Whether you are attending a simple lunch date with friends or a posh dinner with your beloved, we have all kinds of dresses and coordinates suited just for you. Tonight we will be having a fashion show, the first of its kind in the Philippines. So sit back, relax, and enjoy, while our models present our amazing clothes just for you. Let the show begin!"
Naririnig ko ang program host sa labas at ang palakpakan ng mga tao pagkatapos. Naghihintay ako sa backstage habang hindi mapakali ang mga kasama kong modelo. Ang iba sa kanila ay pumipila na bago lumabas sa stage, habang ang iba naman ay minamadaling ayusan ng buhok o lagyan ng make-up ng kanilang mga make-up artists.
Trese kaming maglalakad sa ramp. Anim sa kanila ang magsusuot ng casual dresses habang ang natitirang anim ay formal dresses. Ako ang panghuling lalabas bilang modelo ng kanilang pinakamamahaling evening wear.
Tahimik lang ako habang inaayusan ng buhok. Hindi ako makapaniwala na nakatingin ako sa aking sarili sa salamin. Mas pinatapang ng make-up ang aking mukha, lalo na ang deep red lipstick. Parang ibang tao tuloy ang aking nakikita.
Ako ito, ang bagong bersyon ni Eloisa Aldaba. Mas pinatatag ng mga pagsubok habang abot-kamay na ang kanyang mga pangarap. Kung dati ay sa isang tao lang nakatuon ang aking isipan, ngayon ay mas pinagtuunan ko na ng pansin ang aking sarili, kasabay ng pagtulong sa aking tiyahin.
Ginagamit ko ang aking naging mga biyaya at hindi ko maitatanggi na mas maayos na ang aking buhay kumpara sa dati.
Tumayo na ako at pinasuot na sa akin ang sinasabing evening wear, na isang midnight blue off-shoulder dress. Balloon skirt ito at kasama sa aking isusuot ang isang maliit na box hat na may veil sa gilid. Kumpleto na ang aking itsura kasabay ng black high heeled pumps.
"Aba, kay ganda ng dalagang ito!" Paghanga sa akin ng make-up artist, na isang payat na ginoo na nag-aral pa raw sa Paris, France.
"Salamat po," ngiti ko.
"Hindi ba ikaw yung nasa print ad ng Lovely na sabon?" Tanong niya, habang pinag-aaralan ang aking mukha.
"Ako nga iyon," ika ko. "My name's Eloisa." Inilahad ko ang aking kamay at nakipagkamay rin siya sa akin.
"Goodness, finally, you have a name!" Masaya niyang winika.
"Oo nga, I've been anonymous for a long time. Ngayong gabi sasabihin na nila ang pangalan ko."
"Wow, you deserve a good career ahead of you! Gusto mong mag-artista sa LVN o Sampaguita? May kakilala ako, refer kita," alok niya.
"Naku, di ako marunong umarte!" Tawa ko.
"Subukan mo lang! Malay mo, hindi ba? Ka-lebel mo ang magaganda at mga gwapo sa pinilakang tabing! Ay siya nga pala, ako si Randy. Ano ba iyan, nakalimutan kong sabihin ang pangalan ko oh!"
Natawa na lang kaming dalawa.
"Ay, mauna na ako, malapit na ang aking cue. Bye!"
Nagpaalamanan kami ni Randy, ang make-up artist, at pumila na ako sa exit patungong stage.
"It's almost your time, Eloisa," ika ng aking talent manager na si George Sandico. "Just walk calmly along the ramp, strike a pose in the middle, and walk back towards your original spot. Nakahilera sa magkabilang gilid ang iyong fellow models. Pagkatapos ay bibigyan ka ng bouquet of flowers at iaabot mo ito sa head designer ng On The Go na si Madame Maria Heron. You get the directions?"
"Yes," alerto kong sinagot.
"Good. It's your turn. Go!"
Marahan akong tinulak ni George patungo sa stage entrance.
Nagsalita na ang program host. Ramdam ko ang kaba sa aking dibdib at huminga ako nang malalim para kumalma.
"And now, for the cherry on top, we have here our Midnight Dream evening dress worn by none other than our special guest, the face of Lovely Beauty Soap. She used to be anonymous, until tonight. Give a hand for our Lovely Girl, Miss Eloisa Aldaba!"
Umalingawngaw ang palakpakan sa buong paligid nang ako ay maingat na naglalakad sa rampa. Inalala ko sa aking isipan ang steps na tinuro sa akin noong isang linggo. Walk slowly, chin up, keep a straight face, and back straight.
Nang makarating ako sa gitna, iginala ko ang aking mga mata sa audience. Sila ang alta sociedad ng Manila. Mga negosyante, heredera, society girls, ilang mga artista, at politiko. Pamilyar ang iba sa kanila dahil nakikita ko rin sa mga magasin at pahayagan. Nagkumpulan silang lahat dito sa hotel kung saan dinaraos ang fashion night. Parang naging mamahalin ang ihip ng hangin at sa bawat paghinga ko, mukhang kailangan kong magbayad nang malaki para makibagay sa kanilang lahat.
Sa harapan ay nakaupo ang aking Tiya Cely. Nagkasalubong kami ng mga mata at ngumiti siya nang bahagya sa akin. Tumango ako sa kanya at naglakad pabalik sa likuran.
May nag-abot sa akin ng bouquet ng mga bulaklak.
"And now, the real star of the show, the designer of On The Go ladies' line! None other than Madam Maria Heron!"
Masigabong palakpakan ang nanaig sa buong paligid nang lumabas ang kinikilalang designer. May lahing mestiza si Madam Heron at base sa aking nalaman, anak siya ng isa sa mga senador na nasa pwesto ngayon at ang kanyang ina ay parte ng isang exclusive club para sa mga may kayang ginang.
Naglakad ako patungo kay Madam Heron at iniabot sa kanya ang bouquet. Ngumiti siya at yumuko para makipag-beso sa akin.
"You look great, Eloisa!" bati niya sa mahinang boses.
"Thank you!"
Sa unang pagkakataon, ipinagmamalaki ko ang aking sarili.
Naglakad si Madam Heron sa stage at sumunod kami ng ibang mga modelo. Pumaligid kami sa kanya at nagsitakbuhan ang mga photographers para kunan kami ng larawan.
In the midst of the music, flashing lights, and bright smiles, I feel like a million dollars.
Nang matapos ang programa, nagpaunlak ako ng maikling panayam para sa isang weekly magazine. Nakapagpaalam na ako kina George at Madam Heron at paalis na sana kami ni Tiya Cely nang sinalubong kami ng isang lalaking reporter. Nakatoka pala siya na makipag-usap sa lahat ng mga modelo.
"Is this your first time doing this?"
"Yes," nakangiti kong sagot. "I felt nervous but fulfilled. Sanay ako mag-pose para sa print ads, ngunit ngayon lang ako humarap sa maraming tao at nalaman na rin nila pangalan ko."
"May I know a little of your background?" Tanong ng interviewer.
Natigilan ako. Ayokong sumagot ng mga personal na tanong, pero buti naalala ko na sinabihan ako ni George na huwag masyadong magbigay ng detalye tungkol sa akin. Parte ito ng aking kontrata bilang anonymous na Lovely Girl.
"As of now, I'm not allowed to give away anything regarding my personal life outside my work," ika ko.
"Ah ganoon," natawa ang interviewer. "Sige, sabihin ko na lang we will see more of you. Salamat at good night!"
Nakipagbeso ako sa interviewer. "Thank you."
Nang makaalis ang reporter, tumungo ako kay Tiya Cely na naghihintay sa tabi.
"Halika na po, uwi na po tayo."
Sumakay kami sa aking bagong biling kotse. Ako ang nagmamaneho nito matapos makapasa sa driving lessons.
"Tiya, pwedeng tumuloy sa atin?" Tanong ko habang nasa daan. "May damit pa naman akong naiwan doon," tawa ko.
"Aba, Miss Lovely Girl, you're always welcome!" Masayang sagot ni tiya. "Sige, dumiretso ka na sa atin sa Sampaloc!"
Saglit lang ang naging byahe dahil gabi na at wala nang trapiko. Nang tumigil kami sa harapan ng aming tahanan, iniwan ko ang aking kotse na naka-park sa gilid ng gate. Ako ang naunang bumaba at pinagbuksan ko ang aking tiya na nakaupo sa tabi ng driver's seat.
"I missed this house!" Natutuwa kong sinambit nang ako ay makapasok na. Napasandal tuloy ako sa may sofa at ngumiting nakapikit.
"Sa wakas, matatanggal ko na rin ang high heels na ito! Kay sakit sa paa!"
Natatawang sinipa ni Tiya Cely ang kanyang sapatos sa may pintuan at naupo na rin sa aking tabi.
"Gusto mo ba ng midnight snack?" Alok niya.
"Ay, busog pa rin po ako mula sa dinner bago ng show," ika ko.
"Sige, mag-ayos na tayo bago matulog."
Pagkatapos ng ilang minuto, nakapantulog na ako at namalagi muna sa kwarto ng aking tiyahin. Malaki ang kanyang kama, kaya nahiga muna ako doon habang pinapanood siya na naglalagay
ng face cream sa harapan ng kanyang dresser.
"Epektibo ang binigay mo sa akin na imported face cream!" Hinimas-himas ni Tiya Cely ang kanyang mukha. "Siyempre, pinanghilamos ko iyang Lovely Beauty Soap mo!"
"Mukha na po kayong bata!" Ngiti ko.
"Oo naman, ako pa!" Tawa niya. "Siya nga pala, kumusta ang iyong pamumuhay?"
"Ito, namimiss na kayo," sagot ko. "Siguro dadalasan ko nang matulog dito! Hirap ng walang kasama at kausap!"
"Sinabi mo pa. At di ka ibang tao, pwede kang pumunta dito kahit kailan mo gusto!"
Binuksan na ng aking tiya ang lampshade at pinatay na ang ilaw sa kwarto. Nahiga siya sa tabi ko at patuloy pa rin kaming nag-uusap.
"Sana nandito ang iyong mama para makita kung gaano ka kaganda," ika niya.
"Siguradong ipinagmamalaki niya ako," ngiti ko. "Salamat po ulit at inampon niyo ako."
"Basta huwag kang magbabago kapag narating mo na ang itaas. Be humble," payo ni Tiya Cely. "Hindi panghabang-buhay ang kasikatan."
"Opo Tiya. Balak kong magtayo ng negosyo, tindahan sana ng mga tela sa Divisoria."
"Aba, mabuti iyon! Kailan mo gagawin?"
"Pagkatapos po ng aking kontrata," sagot ko. "Tayo mamamahala ah? Naghahanap na rin ako ng suppliers."
"Siyempre naman, ikaw pa?"
Niyakap ako nang mahigpit ng aking tiya at ngumiti ako.
"Siya nga pala, ang On The Go clothing line ay ipapakilala na sa merkado sa susunod na linggo. At unang stop namin ay sa Horace."
Nanahimik kami pareho.
"Sa department store ng mga Miranda?"
"Opo. Sa katunayan nga po, may cocktail party po at ako ang isasama nila George at Madam Heron. Dahil ako ang pinaka-modelo ng brand."
Tumihaya ako at nakatulala sa ere. Isa lang ang ibig sabihin nito: makikita ko sila Jaime Miranda at ang kanyang ama.
"Ayaw mo iyon? Ipakita mo sa dati mong nobyo na magarbo ka na! Ikaw lang ang sinayang niya. Kung ako sa iyo, rarampa ako sa loob ng department store nila. Tse!"
Natawa ako sa pa-ismid na boses ni Tiya Cely.
"Gayahin mo si Bella Flores, magpaka-kontrabida ka! Hayaan mo na sila ang mailang sa iyo! At tunay ka namang anak-mayaman, bakit ka mahihiya? Hayaan mong makonsensiya si Horacio sa
ginawa niya sa iyong papa."
Inisip ko ang payo ni Tiya Cely. May punto nga siya.
Haharap ako sa kanila nang nakataas ang noo at hindi nagpapaapekto sa kanila. Kung may dapat maapektuhan, sila iyon.
Kinakabahan ako sa prospeto na makikita ko ulit si Jaime. Ngunit kailangan kong magpakatatag at ipamukha na nabubuhay ako nang maayos na wala siya.
(Itutuloy)
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top