20-Mga Gunita
"Pagkatapos mong mahulog sa bangin, pinilit kitang kunin kahit na mapanganib. Naiangat kita sa awa ng Diyos. Pasan kita sa aking likuran at mabuti at narating natin ang dulo ng kagubatan. May trak doon ng mga Amerikanong sundalo, at hiniling ko na tulungan kitang dalhin sa pinakamalapit na ospital. Buti na lang at naisalba ka rin pagkatapos ng dalawang oras na biyahe. Wala akong tigil sa kakadasal habang agaw-buhay ka sa aking mga bisig."
Pinalis ni Tiya Cely ang kanyang mga luha habang ikinukwento sa akin ang nangyari matapos akong dumausdos sa bangin.
"May sugat ka sa gilid ng iyong ulo, ngunit ayon sa doktor, hindi ito gaanong mapaminsala. Dalawang araw ka inaapoy ng lagnat. Sinubukan kong tanggalin ang suot mong kwintas, ngunit sa kabila ng iyong kalagayan, pinapalis mo pa ang aking kamay at hinihiling na huwag itong hubarin sa iyong leeg. Ika mo nga, galing ito sa isang batang lalaki na ang tawag mo ay Junior."
Hindi ako makaimik sa aking nalaman. Sinubukan kong alalahanin kung ano pa ang natitira sa aking mga alalala, ngunit sa ngayon, ang naaalala ko lang ay ang pagtakas namin ng aking Tiyahin.
"Ano po ang nangyari pagkatapos noon?" Tanong ko. Inihanda ko na ang aking kalooban sa kung ano man rebelasyon ang sasabihin sa akin.
"Nang unti-unting umayos ang iyong pakiramdam, nagsimula nang magbalik sa normal ang iyong pag-iisip," pagpapatuloy ni Tiya Cely.
"Mahina ka pa rin sa pagkain at mas nananatili kang gising, ngunit hindi ka nakikipag-usap kapag ikaw ay tinatanong. Nakatulala ka lang at walang ekspresyon ang iyong mukha. Sinabi ko sa doktor ang nangyari sa iyo, at tugon nito ay baka nalimutan mo ang iyong mga alaala dahil sa iyong sugat. Sinubukan nga kitang tanungin kung naaalala mo ang iyong pamilya, ngunit umiling ka lang nang walang kibo."
Sumagi ito sa aking gunita. Tama ang aking tiyahin. Nang ako ay nasa ospital, gising ako ngunit wala sa lugar na iyon ang aking diwa. Inaalala ko kung ano ang nangyari sa akin bago ako magising sa ospital, ngunit blanko ang aking isipan, na para bang sinadyang burahin ang aking naging buhay.
Minsan ay narinig ko si Tiya Cely at ang akin pinsan na si Julia na tahimik na nag-uusap. Akala nila ay natutulog ako, ngunit dinig ko ang kanilang boses kahit na pabulong ito.
"Inay, hindi po ba nagsasalita iyang si Ate Eloisa?" Dose anyos pa lang si Julia noon.
"May sakit siya, hintayin mo muna siyang gumaling at babalik din iyan sa dati," tugon ni Tiya Cely.
"Pwede na ba akong makipaglaro sa kanya?"
"Huwag na muna, maselan ang kanyang kondisyon. May sugat siya sa ulo at wala na siyang naaalala sa kanyang naging buhay bago nito."
"Pwede ba natin sabihin sa kanya?"
"Sa ngayon, hindi. Masasaktan lang siya kung malalaman niya ang katotohanan. Ikasasama lang niya ito at lalo siyang magkakasakit. Aampunin na natin siya at ituturing bilang parte ng ating pamilya. Kahit wala na ang tatay, ako ang magtataguyod sa inyong dalawa. Magiging normal na ang ating pamumuhay, dahil patapos na ang giyera."
Pagkatapos kong gumaling, iniuwi nila ako sa kanilang probinsiya sa Laguna. Payak lang ang pamumuhay ng aking Tiyahin, at agad akong nasanay sa kanilang mga gawi. Hindi kami agad nagkasundo ni Julia. Inaaway ko siya kapag inaaya niya akong makipaglaro. Ang totoo niyan, gusto kong mapaga-isa habang inaalala ang nangyari sa akin.
"Julia, unawain mo muna ang Ate Loisa mo. Hindi pa rin siya gumagaling, kaya iwan mo muna siya," hiling ni Tiya Cely nang lumapit ito na umiiyak sa kanya. Pinalo ko kasi siya sa braso nang inaya niya akong maglaro ng luto-lutuan sa likod bahay.
"Gaano ko katagal siya uunawain? Sira ulo ata iyang pinsan ko! Sana di mo na lang inuwi iyan dito!"
Tumakbo siyang luhaan habang iniwan akong nakatitig sa kanya. Blanko ang aking mukha pati ang aking nararamdaman.
"Sana hindi mo siya pinagbuhatan ng kamay," mariin na paalala sa akin ni Tiya Cely. "Sabik lang siya magkaroon ng ituturing niyang kapatid."
Tinignan ko si Tiya Cely at lumabas sa azotea. Naupo ako sa isang bangko at tinignan ang mga puno at halaman na nakapaligid sa akin.
Sa mga panahong iyon, kilala ko lang ang sarili bilang si Eloisa, ang batang walang nakaraan. Paano ako nabuhay? Sino ang aking pamilya? Bakit ako nakatira dito sa aking tiyahin? Sino na akong ngayon at paano ako magpapatuloy kung nawawala ang malaking bahagi ng aking pagkatao?
Dumaan ang mga araw, at nagising na lang ako isang umaga na tapos na raw ang giyera. Lumabas kami sa kalye at pinanood ang mga nagpaparadang mga Amerikanong sundalo, kasama ng mga Pilipinong sundalo at gerilya. Lahat ng tao ay nagdidiwang at masayang winawagayway ang bandila ng Pilipinas.
Dumalo kami nila Tiya Cely at Julia sa isang handaan sa kapitbahay. Unang beses kong makakain ng masasarap na pagkain. Menudo, Pochero, Pancit, at Humba ang ilan sa mga ulam. Ang panghimagas ay makukulay na kakanin gaya ng Biko, Sapin-Sapin, at Puto.
Doon ko rin nakilala si Tony, anak ng may ari ng bahay na iyon. Sabay kaming pumapasok sa eskwelahan. Kalaunan, naging malapit na rin ang aking loob kay Julia. Nagkukwento na kami sa isa't isa tungkol sa aming mga kaklase, guro, takdang-aralin, at siyempre, mga namumuong damdamin at pag-ibig.
"Kay Mario ba ang liham na iyan?"
Tumabi ako kay Julia sa kanyang higaan habang ang aking pinsan ay nakadapa. May binabasa siyang kung anong papel at malawak ang ngiti niya.
"Hindi ah!" Agad niyang tinago sa akin ang liham.
"Sus, kunwari ka pa! Kung alam ko lang, palihim kayong nagkikita pagkatapos ng klase!" Tawa ko.
"Huwag mong sasabihin kay Inay!" Pakiusap niya sa kabadong paraan.
"Akala ko ba magtatapos muna tayo bago tayo humanap ng mga nobyo?" Paalala ko.
"Ikaw na lang. Di ako kasing-talino mo," ismid ni Julia.
"Huwag kang magsalita ng ganyan, may pangarap pa tayo!"
"Wala kang magagawa, labis na kaming nag-iibigan ni Mario!" Pumikit si Julia at ngumiti.
"Basta magtatapos tayo nang sabay!"
"Kunwari ka pa, may Tony ka naman na palagi mong kasama habang nasa tindahan, nagme-merienda!"
"Kaibigan ko lang iyon. Wala akong pakiramdam para sa kanya!"
"Sana kainin mo iyang sinabi mo balang-araw!"
Nagtawanan kami ni Julia. Disi-siyete ako noon, habang siya ay kinse anyos. Si Mario lang ang naging kasintahan niya hanggang sa sila ay kinasal nang bente uno anyos na si Julia. Bumukod siya at kami na lang ni Tiya Cely ang naiwan.
Napagdesisyunan naming makipagsapalaran sa Maynila. Hindi na sumama si Julia at ang kanyang asawa, dahil kampante sila sa kanilang buhay sa probinsiya. Tumira sila sa aming lumang bahay habang nakahanap kami ng mauupahan ni Tiya Cely gamit ang aming ipon mula sa paglalako ng tinapa sa kalye.
Nakapag-aral din ako ng secretarial course, at ito ang nagdala sa akin sa Luxuriant, isang lugar na puno ng matatamis at mapapait na alaala.
Ang batang lalaking si Junior at si Jaime Miranda ay iisang tao lamang. Hindi ako makapaniwala na minamahal ko na siya noon pa man, hanggang sa nasira ng kanyang ama ang relasyon ng aming mga pamilya.
"Eloisa, sabihin mo lang kapag may naaalala ka na. Andito lang ako. Dadalhin din kita sa doktor kung kinakailangan."
Nagmemeriyenda na kami ni Tiya Cely. Pinipilit ko ang sarili na kumain kahit kaunti.
"Huwag na po kayong mag-abala. Gamot lang po ang katapat nito." Matamlay akong ngumiti sa kanya habang kumakain ng suman.
"Aba, hindi pwede ang ganyan! Kahit kinakapos pa rin tayo, dapat kang magpatingin, at maresetahan ka rin ng tamang gamot," ika ni Tiya Cely.
"Pumapayag na po ako," tawa ko.
Ngayon ko lang natanto na mahal din pala ako ng aking tiyahin.
Sa pagdaan ng mga araw, unti-unti nang bumabalik sa akin ang ilan sa mga nalimutan kong alaala. Minsan ay parte ito ng panaginip, minsan naman ay kusa kong naiisip. Takot pa rin ako sa mga tunog ng pumuputok na bagay, kagaya ng gulong o labintador. Ngunit pinapaalala ko ang sarili na hindi iyon putok ng baril.
Naaalala ko na ang aking ama at ina. Nakatira kami sa isang malaking bahay at napapalibutan ng malawak na bukirin. Ayon sa aking ama, pagmamay-ari namin ang lahat ng iyon.
Sumagi sa aking gunita ang mga pagkikita sa bahay ng alcalde. Doon ko nakilala si Horacio Miranda. Sa mga panahong iyon, kilala ko lang siya bilang Ang Alcalde o si Mayor. Mabait ang kanyang asawa, at mayroon silang anak na lalaki, na Junior ang palayaw.
Magkasama kaming nag-uusap sa hardin. Minsan ay nagkukwento si Junior tungkol sa pag-aaral niya sa Maynila. Sa aking panig, sinubukan akong ipadala sa eskwelahan ng mga kababaihan, ngunit hindi ako nagtagal ng isang taon, dahil sa aking kapilyahan. Kaya sa bahay na lang ako nag-aaral. May private tutor na nagpupunta sa akin at itinuturo ang "3 Rs:" Reading, (W)riting, at (A)rithmetic o Matematiko. Marunong din akong tumugtog ng piano, at umaawit din ako paminsan-minsan.
Napaginipan ko ulit si Junior. Naglalakad kami sa may dalampasigan habang inaawitan ko siya ng "I'll Be Seeing You".
"Ang ganda ng iyong boses." Bakas ang kanyang paghanga.
"Salamat," ngiti ko sa kanya. Katorse anyos ako habang siya ay kinse o disi-sais. Kakabalik lang niya sa Calatagan pagkagaling sa Maynila.
"May ibibigay pala ako sa iyo."
May hinugot siyang bagay mula sa bulsa ng kanyang pantalon. Hinarap niya ako at may itinali siya sa aking leeg.
"Isang kwintas?" Yumuko ako at nakita ang isang munting ginintuang puso na nakasabit sa manipis na ginintuang kadena.
"Nanggaling ito dito." Ipinakita sa akin ni Junior ang suot niyang kwintas na may mas malaking puso. Binuksan niya ito at totoo nga, may puwang para sa isang mas maliit na puso.
"Bakit mo ako binigyan nito, dapat nasa loob ito ng malaking puso na iyan," wika ko.
"Gusto ko lang sabihin sa iyo na ikaw lang aking tinitignan mula nang magkakilala tayo. Kung maari..."
Hindi niya maituloy ang sasabihin. Nahihiyang yumuko si Junior at pinanood ang paghampas ng alon sa aming paanan.
"Ano ka ba, alam ko na iyan sasabihin mo," tukso ko sa kanya. "Gusto mo ako," ngisi ko.
"Di naman sa ganoon." Namula si Junior gaya ng lumulubog na araw sa may malayo.
Tumingkayad ako at nagnakaw ng halik sa kanya. Oo, sa mga labi.
"Darling!" Nagulat siya sa aking ginawa. Tumakbo ako habang tumatawa at nagpahabol ako sa kanya.
Sa unang pagkakataon, nagising ako ng may ngiti dahil sa aking panaginip. Ngunit agad kong pinaalala sa sarili na isa na lamang itong magandang alaala. Minsan kaming nagkaroon ng sarili naming mundo, ngunit hindi ito pangmatagalan.
Pagkatapos noon, nagpaalam pala si Junior na magbabakasyon sa Taal kasama ng kanyang ina. Mayroon ulit akong naalala. Pinuntahan ng Mayor ang aking ama sa bahay at narinig ko silang nagtatalo sa bakuran.
Tungkol ito sa paglalathala ng ilang mga artikulo sa pahayagan at hindi alam kung sino ang sumulat.
"Alam kong ikaw iyon, Nestor. Parang-awa mo na, magpakita ka ng kooperasyon sa ating mga bisita." Ito ang ama ni Junior, na halata ang pagkabalisa sa tinig ng kanyang boses.
"Aba, may pruweba ka na ako iyon? Kahit sino, pwedeng siya ang misteryosong manunulat. Huwag ka agad nagbibintang!"
"Mag-iingat ka sa iyong mga kilos at pananalita. May mga mata at tainga ang lupa, at may pakpak ang balita. Isang maling kilos, pwedeng ikapahamak natin lahat. Maiwan na kita, Nestor."
Nagtago ako sa gilid habang dumaan ang Mayor. Nang wala na siya, narinig ko ito sa aking ama:
"Palibhasa, nanghihimod ng puwet ng mga Hapones, lalo na ang Heneral. Ang dami nilang inaalipusta, at ito ang paraan ng aking paglaban, sa pamamagitan ng pagsusulat."
Kinilabutan ako sa sinabi ng aking ama. Inisip ko ang sinabi ng Mayor, at pinagdasal ko na sana ay ilayo kami sa kapahamakan.
Ngunit nangyari ang di-inaasahan.
At dahil sa alaala ng usapan ng aking ama at ng Mayor, naniniwala na ako na may kinalaman ang taong ito sa pagkamatay ng aking pamilya.
Lahat ng detalye ay nagtutugma, mula sa aking naalala at ang kuwento ni Tiya Cely.
Napakawalang-hiya ni Horacio Miranda. Siguro nga ay agad akong nakilala ni Jaime kahit noong ako ay aplikante pa lamang. Siguro pakana nilang dalawa ang lahat ng ito, na ako ay paibigin at sirain.
Labis na akong nandidiri sa sarili, dahil sa aking pagkahibang kay Jaime.
Balang araw, makakaganti rin ako para sa aking pamilya.
At sisiguraduhin kong mangyayari iyon.
(Itutuloy)
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top