2-Paper cut

Natuloy ang aming meeting kasama si Señor Jaime ukol sa mga darating na luxury watches. Ang Luxuriant ay nagtitinda ng mga nasabing relo na galing pa sa ibang bansa. Bukod doon ay mayroon din mga alahas, pabango, hoisery gaya ng stockings, at pailan-ilang mga sapatos. Tunay ngang luxurious ang mga paninda dito. Maliit man na tindahan ay nag-uumapaw ito ng magagandang mga bilihin. Karamihan sa mga namimili dito ay ang mga kilalang may kaya sa buong Maynila, kabilang na rin ang mga politiko at artista.

Dalawang palapag ang Luxuriant. Sa ground floor makikita ang mismong tindahan, na may isang guardia, kahera, at dalawang sales girls. Sa pangalawang palapag ay doon ang main office ni Señor Jaime. Kami naman ni Mila ang kanyang staff. Accountant si Mila habang ako ang secretarya.

Karaniwan kong gawain ang maglista ng minutes of the meeting, magtago ng mga mahahalagang dokumento, at alamin ang bawat gagawin ng aming amo. Hindi man ako nakakasama sa kanyang mga meeting sa labas ng opisina, ay alam ko naman ang kanyang schedule.

Mga bandang alas-kwatro na dumating si Señor Jaime. Umayos ako ng upo nang pumasok siya sa main office.

"Miss Aldaba and Miss Ferrer, to the conference room," order niya.

Tahimik akong tumayo at kinuha ang aking lapis at black journal. Hinayaan ko munang makapasok si Sir at doon ako sumunod. Katabi kong naglakad si Mila at ngumiti siya sa akin.

"Kung alam ko lang..." Wika niya.

"Ssshhh..." Paalala ko.

Buti na lang ay tumigil na ang malakas na dagundong ng aking dibdib. Basta masulyapan ko si Sir Jaime ay bahagyang lumalakas ang tibok ng aking puso.

Hindi na ba ako nasanay sa kanyang presensiya?

Pumasok kami sa munting kwarto na tinuturing namin na conference room. May parihabang lamesa ito sa gitna na napapaligiran ng anim na upuan: tig-isa sa magkabilang kabisera at dalawa sa magkabilang gilid. Nakaupo na si Sir Jaime sa kabisera. Naupo si Mila sa kaliwang bahagi habang ako ay piniling maupo sa may kanan.

Nagsimula na akong magsulat ng minutes of the meeting habang masusing nakikinig.

"Ladies, I have great news," simula niya. "Darating na next week ang shipment ng watches. Before we display it on the shelves, we are required to list the serial numbers of these watches. Gagawin din ito ng isa sa ating sales persons, ngunit importante rin na may kopya tayo. Miss Aldaba, ikaw ang tutulong kay Emy sa baba ng shop."

Tumingin siya sa akin. Inangat ko ang aking ulo at tumugon.

"Opo Sir."

"For Miss Ferrer, you are required to keep the price list of the watches."

"Yes sir," sagot ni Mila.

"And don't forget your most important task, the payroll list."

"Ready na po iyon for the next payday," nakangiti niyang tugon.

"Good." Tumingin sa relo si Sir Jaime. "It's almost close to 5pm. Maari na kayong maghandang umuwi."

"Ay, thank you po Sir." Hindi maikaila ang ngiti ni Mila.

Tumayo na kaming dalawa at tahimik na lumabas ng kwarto. Bumalik na kami sa aming pwesto at nakita kong inaayos na ni Mila ang kanyang handbag. Saglit lang niya ginawa iyon.

"Paalam Loisa," ika niya. "Ay teka, hintayin pa kita?"

"Huwag na. Mauna ka na," ngiti ko sa kanya. "Aayusin ko pa ang lamesa ko oh," tinuro ko ang mga papel na nagkalat sa ibabaw.

"Sige. Mauna na ako."

"Magkita tayo bukas." Ngumiti ako kay Mila. Tumango siya sa akin at doon na siya umalis.

Di ko napansin na makalat na ang aking mga papeles.

Tahimik kong inayos ang mga papel sa ibabaw ng lamesa. Hiniwalay ko ang mga natapos ko na gawain at inilagay sa aking metal file sa gilid. Samantala ay inihanda ko ang mga gagawin pa lang para bukas.

Dumaplis ang dulo ng aking hintuturo sa matalas na gilid ng papel. Natigilan ako nang maramdaman ko ang hapdi nito.

Masakit. Kahit maliit na sugat lang ay sobrang hapdi na.

Nabitawan ko ang papel sa lamesa. Sinipsip ko ang dulo ng aking daliri para maibsan ang hapdi. Ngunit nang tignan ko ay nagdurugo na pala ito.

"Is that a paper cut?"

Naglakad sa tabi ko si Sir Jaime. Magsasalita sana ako ngunit marahan niyang kinuha ang aking kamay para tignan ito.

"Nagdurugo na ah. Napakatulis ata na papel niyan," bahagya siyang tumawa.

"Sir, kaya ko na po ito," nahihiya kong sagot.

"Diyan ka lang."

Binitawan ni Sir Jaime ang aking kamay. Agad siyang umalis at pagbalik niya ay may dala siyang maliit na bulak at bote ng ointment.

"Maupo ka," utos niya.

Sinunod ko na lang siya. Hinila ni Sir Jaime ang upuan ni Mila sa tabi. Doon siya naupo sa aking harap at naglagay siya ng ointment sa bulak. Kinuha niya ulit ang aking kamay na may sugat at dahan-dahan niyang pinahiran ng gamot ang aking hintuturo.

Natulala lang ako habang ginagamot niya ang aking daliri. Sino ba ako para pag-aksayahan niya ng panahon?

Yumuko ako para hindi niya makita ang pamumula ng aking mukha. Ang lambot pala ng mga palad ni Sir Jaime. Kahit ginagamot lang niya ang aking paper cut ay maingat niya itong ginawa.

"Ayan ah, mag-ingat ka na sa susunod, Miss Aldaba."

Binalik ni Sir Jaime ang aking kamay. Maingat ko nang nilagay ang papel na dahilan ng aking sugat sa metal file.

"Sir, salamat po." Kinuha ko ang aking bag at nagpasya nang umalis.

"Ingat ka sa pag-uwi."

Tinignan ko si Sir Jaime sa huling pagkakataon. Ningitian niya ako at sa mga oras na iyon, ay di mapigilan ng puso ko ang magwala.

"Kayo rin po."

Ngumiti ako nang bahagya. Naglakad ako papalayo at pinilit kong hindi siya lingunin.

Tahimik akong lumabas ng Luxuriant at nilakad ang kahabaan ng Escolta. Naglalabasan na rin ang ibang mga tao mula sa kanilang mga trabaho. Sa malayo ay nagsisimula nang mailawan ang mga signs ng iba-ibang mga tindahan.

Tinignan ko ang kalangitan. Nag-aagawan ang kulay kahel at lila, senyales na papalubog na ang haring araw.

Napangiti ako sa aking sarili.

Ngayon ang unang beses na kinausap ako ni Sir Jaime. May halong lihim na kilig at pangamba, lalo na at ngayon lang kami nagkalapit sa ganoong paraan.

Mauulit pa kaya ito?

Ngunit ayokong turuan ang aking puso na masabik.

(Itutuloy)

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top