14-First Date
Masaya ang naging simula ng aking linggo, ngunit ngayong Biyernes ng gabi, ay binabalot ng lungkot ang aking puso.
Nakahiga ako sa kama at pinipilit matulog. Hindi ko matanggal sa isipan si Tony at ang kanyang reaksyon matapos niyang malaman na kami na ni Sir Jaime.
Nasaktan siya sa kanyang nalaman. Alam ko ang pakiramdam ng isang tao na lihim na umiibig. Nasuklian ni Sir Jaime ang aking pagtingin sa kanya, ngunit ang pagsinta ni Tony sa akin ay hindi napunan.
Ang kabutihan lang ng aming sitwasyon, sa akin niya agad nalaman imbes sa bukang-bibig ng ibang tao. Nagkaroon din ng linaw sa kanya na kaibigan lang ang aking turing sa kanya.
Mabuti pa na magpakalayo-layo muna kami sa isa't isa. Nawa'y mawala ang hapdi sa kanyang puso at makhanap ng babaeng mamahalin niya at magmamahal din sa kanya.
---
Nahuli na ako ng bangon pagdating ng Sabado ng umaga. Alas otso ng umaga ako nagising imbes na alas siyete. Maaga akong bumabangon kahit walang pasok, dahil tumutulong ako sa pamamalengke kasama si Tiya Cely at sa gawaing-bahay. Sa bandang hapon naman ay libre na ang aking oras para gawin ang aking naisin.
Ngayong hapon pala ang pagkikita namin ni Sir Jaime sa soda fountain ng Botica Boie. Binuksan ko ang cabinet at agad inilabas ang aking isusuot mamaya: isang light-blue dress na may white polka-dots. Short-sleeved ito at balloon-style ang skirt.
Ngumiti ako sa sarili at iniisip ang magiging reaksyon ni Sir Jaime. Sana ay magustuhan niya ang aking itsura.
Nagpatuloy ang aking umaga. Pagkakain ng agahan ay sinamahan ko si Tiya Cely sa pamamalengke. Nagluto kami ng aming uulamin na sinigang. Pagkatapos, nagpaalam lang ang aking tiyahin na makikipagkita sa kanyang kaibigan na nakatira sa Sta. Ana.
"May lakad ka ba ngayon?" Tanong niya bago siya umalis.
"Opo, diyan lang din sa Escolta, mga alas kwatro pa po."
"Sinong kasama mo?"
"Mga kaibigan lang po."
Lumugok ako at pinilit na umasta sa normal na paraan. Humahanap pa ako ng tiyempo kung paano ko sasabihin sa aking tiyahin ang tungkol sa amin ni Sir Jaime.
"Sige, huwag mong kalimutang ikandado ang pintuan at gate bago ka umalis. May susi naman akong dala, baka gabihin kami. Agahan mo ang uwi ah?"
"Opo, Tiya." Lumapit ako sa kanya at nagmano.
Nang makaalis na si Tiya Cely, napabuntong-hininga ako. Hindi ko maikakaila na kanina pa ako tensyonado.
Magsasabi ako sa aking tiyahin, at iniisip ko kung aayain ko si Sir Jaime para kami ang magpaliwanag tungkol dito.
Pagpatak ng alas tres ng hapon, doon na ako nagsimulang mag-ayos. Naligo ako gamit ang isang sabon na imported, na bigay sa akin ni Tiya Cely. Ang bango pala nito at ang sarap ipaligo. Mas natagalan ako sa paliligo dahil sa pagsasabon habang nilalanghap ang mala-rosas na amoy nito.
Agad din akong nagbanlaw at nagbalot ng tuwalya. Naglagay ako ng lotion na kasama ng sabon na aking ginamit.
Hindi ko na kailangan ng pabango. Sana ay magustuhan nito ng aking nobyo.
Nagbihis na ako ng aking isusuot na dress, at naglagay ng kaunting make-up: face powder, eyeshadow na brown, at light pink lipstick. Nagtuyo ako ng buhok at itinali ang kalahati nito, habang nakalugay ang nasa ilalim.
Isinuot ko sa loob ng aking damit ang aking kwintas na may pendant na gintong puso. Maliit lang ito, kaya hindi halata. Pangako ko sa aking sarili na isusuot ang kwintas na iyon kapag ako ay nagkanobyo.
Ngumiti ako sa salamin. Sa unang pagkakataon ay may pormal ako na date.
---
"Andito na ako."
Lumingon sa akin si Sir Jaime, na nakatayo at naghihintay sa labas ng Botica Boie. Agad namutawi ang isang makislap na ngiti sa kanyang mga labi.
"You're on time." Humalik siya sa aking pisngi.
"Siyempre po, first date natin." Nag-init ang aking mga pisngi pagkatapos ng halik na kanyang iginawad.
"Ikaw ba yung naaamoy ko? Your scent is like a rose garden," ika niya.
"Ako po iyon," natawa ako. "Imported na sabon ang pinangpaligo ko."
"Paano ba iyan, sabong panlaba lang ang pinaligo ko kanina?"
"Kahit ano po ipaligo niyo na sabon, mabango pa rin po," ika ko.
Natawa si Sir Jaime at marahan na kinuha ang aking braso. "Pumasok na tayo."
Ngumiti kami sa isa't isa at sabay na bumili ng chocolate ice cream soda. Kilala ang Botica Boie bilang isang tindahan ng mga gamot na may soda fountain sa ikalawang palapag, kung saan pwedeng magkita-kita ang magkakaibigan at pati na rin ang mga nasa date.
Maraming umiinom ngayon sa soda fountain dahil Sabado, ngunit nakahanap kami ni Sir Jaime ng pwesto na nasa dulo, kubli sa mga tao at table for two.
"Ayan ah, libre ko na iyan," ngiti niya sa akin sabay inom ng kanyang ice cream soda float sa straw.
"Salamat po." Ngumiti ako sa kanya at ininom ang aking ice cream soda, na matamis at malamig sa pakiramdam.
"Huwag ka nang mag-po sa akin, ako na ang iyong nobyo," paalala ni Sir Jaime.
"Sige po... Ay, masusunod din."
Kinurot niya ang aking ilong at tumawa. "Drop the formalities. During weekends, you're my girlfriend, 'Loisa."
Nagulat ako. Ito ang unang beses na tinawag niya ako sa aking palayaw.
"Alam niyo po pala ang aking nickname." Hindi ko mapigilan na ngumiti.
"Palagi kong naririnig si Mila na iyan ang tawag sa iyo. 'Loisa."
Kay lawak ng kanyang ngiti nang banggitin niya ang aking palayaw. Lihim akong nagagalak dahil hindi na sekretarya ang tingin niya sa akin.
"Kahit po ang aking tiyahin, iyan ang tawag sa akin. Siya nga pala, ano ang itatawag ko sa inyo, Sir?"
"Jaime na lang. Or Jimmy. Huwag ka lang madudulas sa opisina at tatawagin akong sweetheart!" Biro niya.
"Hindi naman po..."
"Ayan ka ulit sa po at opo mo! I'm only twenty-six years old! You're twenty-four, am I right?"
"Yes." Hindi halata sa kanya na ganoon siya kabata, dahil sa matangkad si Sir Jaime at mature tignan, lalo na kapag nakabihis sa opisina. Ngayon ay collared shirt at khaki pants ang kanyang bihis.
"Legal na tayong dalawa. Let's have a toast!"
Pinagsalubong namin ang mga dulo ng aming mga baso ng ice cream soda float at natawa. Naging magaan ang aming usapan sa soda fountain at sa unang pagkakataon, hindi tungkol sa trabaho ang aming napag-usapan.
Doon ko nalaman na wala na ang ina ni Sir Jaime. Nag-iisa siyang anak, at nakatira siya sa sarili niyang bungalow sa Ermita, na kilalang lugar ng mga may-kaya.
"Kumusta ang iyong ama?" Tanong ko. Ngayon ay nakaalis na kami sa Botica Boie at itinuloy ang usapan sa Rizal Park habang nakaupo kami sa bench. Papalubog na ang araw at ramdam ko ang paglamig ng ihip ng hangin. Ibig sabihin ay nawawala na ang singaw ng init kanina lamang.
Nanahimik si Sir Jaime. Huminga siya at sinabing:
"Hindi na kami malapit sa isa't isa gaya ng dati. Kay daming nagbago."
"Ba...bakit naman? May nangyari ba na di-pagkakaunawaan?"
Siguro ganoon talaga kapag ang isang tao ay anak-mayaman at ikaw ang namamahala ng negosyo ng inyong pamilya. Nagkakaroon ng lamat ang inyong relasyon, pero sa tingin ko ay pwede pa itong ayusin, basta mag-uusap lamang at makikinig.
Tahimik na nakatingin si Sir Jaime sa malayo.
"Magmula nang pumanaw si Mama pagkatapos ng giyera, nagkalamat ang relasyon namin ng aking ama. Umalis kami ng probinsya para tumira dito sa Maynila at magnegosyo. Naging abala siya sa pamamahala ng department store, habang iginugol ko ang oras sa pag-aaral. Nang makatapos ako ng kolehiyo, binigay niya ang Luxuriant sa akin para ako raw ang mamahala. Palaging abala ang aking ama, ngunit isa lang iyon sa mga dahilan kaya lumayo ang aking kalooban sa kanya."
"Bakit di mo siya subukang kausapin at makipag-ayos?" Mahinahon kong suhestiyon.
"Hindi ganoon kadali iyon, lalo na siya ang naging dahilan kung bakit namatay ang aking ina."
Seryoso akong tinignan ni Jaime. Kinuha niya ang aking kamay at hinawakan ito, na para bang hinihiling niya na makinig ako sa kanya.
"Ang ama ko ay dating mayor ng isang bayan sa Calatagan, Batangas. Galing ako sa pamilya na malakas sa politiko at negosyo. May kaibigan kami na pamilya na kapwa mayaman din gaya namin. Ang pamilyang tinutukoy ko ay may anak na babae, na siyang aking kababata. Siya ang aking unang pag-ibig."
Nakaramdam ako ng kaunting selos sa kanyang sinabi, ngunit ako ay nanahimik lamang.
"Nagseselos ka ba, 'Loisa?" Natawa siya sa aking mukha. Nakakunot na pala ang aking mga kilay.
"Kaunti lang." Natawa ako at sinabing, "Pero salamat at nagtiwala ka sa akin para ikuwento mo ang iyong nakaraan. Ano ang tungkol sa kanya?"
"Hindi ka magseselos ah," biro sa akin ni Jaime.
"Ipagpatuloy mo lang."
"Oh siya, ito na."
Nagbuntong-hininga si Jaime at itinuloy ang kanyang kwento:
"Naging kaibigan ko ang batang babaeng iyon at ganoon din ang turing niya sa akin. Ang kanyang pamilya ay may hacienda, at madalas kaming nagpupunta doon tuwing Sabado o Linggo para mananghalian habang nag-uusap ang aming mga magulang tungkol sa negosyo. Siya ay dose (12) anyos noong una kong makilala, habang ako ay katorse (14) anyos. Kahit mas bata siya sa akin, matalino siya. Matabil din ang dila."
Natawa ako sa sinabi ni Jaime. "Iba ka rin pala, lover boy na dati pa."
"Kaya nga," pagsang-ayon nito.
"Ano ang nangyari sa inyo?"
Doon na nanahimik si Jaime. Hinintay ko siyang magpatuloy.
"Nang sinakop tayo ng mga Hapon, naging kaibigan ng aking ama ang Hapones na heneral at ang kanyang mga hukbo. Ngunit ang pamilya ng batang babae ay di sang-ayon sa relasyon ng aking ama at ng mga Hapones. Collaborator ang tingin sa kanya, ngunit paraan niya iyon para protektahan ang kanyang munting bayan. Isang araw, nang patapos na ang giyera, nalaman ko na lang na pinatay ang kanyang buong pamilya ng hukbong Hapones. Ikinagalit ito ng buong bayan, lalo na ng aking ina. Kaya siya inatake sa puso, na siyang kinamatay nito."
Nagulat ako sa aking nalaman. "Namatay ang batang babae," ika ko.
"Tama ka. Ang masaklap pa, sinunog ang kanilang buong tahanan at hacienda. Hindi na nahanap ang kanilang mga bangkay. Sinisisi ng aking ina ang aking ama sa trahedyang nangyari sa kabilang pamilya. Pagkamatay ni Mama, umalis kami ng aking ama para magtago sa Maynila at makapagsimulang muli. But I was never the same after that."
"Maari bang malaman ang kanyang pangalan?"
Napapikit si Sir Jaime at malungkot ang kanyang sagot:
"Kilala ko lang siya sa palayaw na Darling. Junior ang tawag niya sa akin. Trese o katorse anyos nang siya ay pinaslang. Hindi ko na maisip pa kung anong kahalayan ang ginawa sa kanila ng mga walang-hiyang iyon. Kaya kahit sinubukan kong umibig ng iba, siya pa rin ang naiisip ko."
Tahimik akong yumakap kay Jaime. Maluha-luha niya akong tinignan at sinabing:
"Dahil sa iyo, magagawa kong umibig muli. Oras na para malagay sa tahimik si Darling. Nawa'y magkaroon ng hustisya sa langit ang pagkamatay ng kanyang buong pamilya."
(Itutuloy)
A/N:
Totoo ang Botica Boie. Pharmacy ito na may soda fountain.
Source:
Goco, N. (2019, December 28). Here are 9 Restaurants We Miss in Metro Manila. Pepper.Ph. https://www.pepper.ph/9-restaurants-miss-manila/
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top