12-Dinner Meeting
Maganda na ba ako?
Masusi kong tinignan ang aking sarili sa harapan ng salamin. Suot ko ang damit na bigay sa akin ni Sir Jaime. Hindi ako makapaniwala na galing ito sa isang kilalang designer abroad, at gumastos pa siya para lang may maisuot ako sa meeting namin sa Manila Hotel.
Hinayaan kong nakalugay ang aking buhok, na nakahawi sa gilid gamit ang isang hair clip. Sadyang kulot ang mga dulo nito, gaya ng mga nakikita kong hairdo ng mga babae sa pelikula. Naglagay ako ng make-up sa mga mata na eyeshadow at mascara, blush, at red lipstick. Nang mapansin ko na medyo mapula ang aking mga labi, kumagat ako sa dulo ng tissue paper para di ito magmukhang kapansin-pansin.
Ngumiti ako sa sarili, kontento sa aking bihis, at lumabas na ng kwarto na bitbit ang isang pulang handbag.
"Aalis na po ako, Tiya," pamamaalam ko kay Tiya Cely, na kasalukuyang nakaupo sa salas at nananahi.
"Kakain ka doon ah?" bilin niya. "At sabihan mo iyang sir mo na huwag kang hayaang magpagabi."
Matalas ang mga tingin ni Tiya sa akin.
"Opo, ipapaalala ko po sa kanya," magalang kong tugon.
"Bakit ba naman kung kailan Sabado, at doon makikipagkita iyang kliyente niyo?" reklamo niya.
Natawa na lang ako. Lumapit ako kay Tiya Cely at nagmano. "Baka po libre nila ang aming hapunan," biro ko.
"Sana nga. Basta ikaw, ingatan mo ang iyong sarili. Aba, nagdududa na ako diyan sa iyong amo!"
"Wala po siyang balak na ganoon, Tiya!" ngisi ko. "Aagahan ko po ang balik."
"Dapat lang!" ika niya.
Agad na akong lumabas ng bahay. Pagtuntong ko sa labas, nailabas ko na rin ang aking tawa na pilit kong tinatago sa aking tiya.
Naiintidihan ko ang ibig niyang sabihin. Iingatan ko ang aking sarili, ngunit alam ko rin na hindi ganoong klaseng lalaki si Sir Jaime.
Sumakay ako papuntang Escolta. Habang nasa biyahe, ramdam ko ang tingin ng aking mga kapwa pasahero. Dressed to the nines ako kumbaga, tapos nakasakay ako ng jeepney.
"Para po," sabi ko sa drayber.
"Hija, mag-iingat ka ah," paalala ng matandang drayber sa akin. "Bihis na bihis ah."
Nakita ko ang kanyang malawak na ngiti sa salamin na nasa kanyang harapan.
"Salamat po sa paalala, tatay," ngiti ko.
Bumaba na ako ng jeepney at naglakad patungong Luxuriant. Saktong pagkadating ko doon ay nasa tapat ng store si Sir Jaime, na pawang naiinip na sa paghihintay. Kagaya ko, pormal din ang kanyang bihis at naka-pomada pa ang buhok. Agad kong tinanggal sa isipan na para siyang leading man sa pelikula.
"Andito na po ako," bati ko sa kanya.
"You're a minute late, Miss Aldaba." Kunwari siyang kumunot ng noo sa akin.
"Sakto lang po, it's only 6:05."
Matipid akong ngumiti. Napatitig sa akin si Sir Jaime.
"The dress looks great on you," bulong niya. Isang ngiti ang sumilay sa kanya, na agad din niyang binawi.
"Sa...salamat po."
Ngayon lang siya nagpakita ng paghanga sa aking itsura. Ramdam ko ang pamumula ng aking mga pisngi, kaya agad kong inilayo ang tingin sa kanya.
"Halika na, puntahan na natin ang Manila Hotel."
Sumunod ako sa kanya. Mabilis siyang maglakad at pinilit ko ang sarili na sumabay sa kanyang mga hakbang kahit ako ay naka-high heels. Nakarating kami sa bakanteng lote kung saan nakaparada ang kanyang itim na kotse, na Bentley R-Type.
Pinagbuksan ako ni Sir Jaime ng pintuan sa may tabi ng driver's seat. Agad akong naupo sa loob. Nang makaupo na siya sa tabi, nagsimula na niyang paganahin ang sasakyan, at doon na kami nagbyahe patungo sa Manila Hotel.
Ito ang unang beses na nakatuntong ako sa pamosong hotel. Maganda ang pagkagawa nito pagkatapos yanigin ng giyera ilang taon na ang nagdaan. Nabasa ko na minsan nang nakarating dito ang kilalang manunulat sa Amerika na si Ernest Hemingway noong 1941. Sinabi pa nga niya, "It is a good story if it's like Manila Hotel."
Habang pinagmamasdan ang aking buong paligid, hindi ko namalayan na nakarating na pala kami sa dining hall. Pinauna ko nang maglakad si Sir Jaime habang nakasunod ako sa kanya.
"Bonjour, Monsieur Alexandre!" Masayang bati ni Sir Jaime nang makalapit kami sa isang lalaki na maputi at matangos ang ilong. May dalawa siyang kasama: isang babaeng blondie na maayos din ang bihis at parang sekretarya niya rin, at isang lalaki na kapwa Pilipino at kakilala para ni Sir Jaime. Siya pala ang daan para magtagpo ang dalawa tungkol sa binabalak na partnership.
"Bonjour, Monsieur Miranda!"
Nagkamayan ang dalawa at magaan agad ang pakiramdam ko sa taong ito. Binati rin ni Sir Jaime ang dalawa pang kasama ni Monsieur Alexandre. Sumenyas na ang Pranses na ginoo na maupo kami sa round table, at doon na nagsimula ang meeting.
Tahimik akong nagsulat sa isang pad paper habang masusing nakikinig sa kanilang usapan. Dumating na rin ang pagkain, ngunit pahapyaw akong kumakain habang sila ay may diskusyon. Nalaman ko na Beauté ang pangalan ng perfume line ni Monsieur Jean Alexandre. Mabenta na ito sa Pransiya at Italya, at nakita niya na magandang oportunidad kung dito ito magsisimula sa Pilipinas.
"I would love us to be business partners," ngiti ni Alexandre."
"Of course, I studied your proposal and I'm looking forward to the product launch by next year, perhaps, January to March," sagot ni Sir Jaime. Tinignan niya ako at tinanong, "What do you think, Miss Aldaba?"
Isusubo ko na sana ang aking steak na nasa tinidor nang magitla ako. Ramdam ko ang kanilang mga paningin sa akin.
"Yes, we can do this by early next year."
Buti na lang at mabilis akong nakapag-isip.
"That means we will work double-time, is that alright with you?"
Nakangiti akong tumango kay Sir Jaime. "Yes."
"Good, you may finish your dinner," tawa niya.
"Your secretary is a smart lady," komento sa akin ni Monsieur Alexandre.
"She is." Nakangiti akong tinitigan ni Sir Jaime.
"Merci." Nagpasalamat ako sa kanya sa wikang Pranses.
"She can speak French too?" Pagkamangha ni Monsieur Alexandre.
"I studied some phrases," ngiti ko.
"I told you, she is smart," ika ni Sir Jaime na may kumikinang na ngiti.
"Don't get jealous there, Chloe," biro ni Alexandre sa kanyang sekretarya.
"You can replace me with her," ika ng babae na si Chloe ang pangalan sabay ngiti.
"She stays with me," natawa si Sir Jaime. "Right, Madamoiselle Aldaba?"
"Oui." Hinayaan ko ang sarili na ngumiti nang malaya at mas gumaan na ang aming usapan dahil lahat sila ay natawa.
Nagpatuloy ang hapunan at ang masayang usapan. Sa wakas, natapos na rin ang dinner meeting, mga bandang alas nueve. Maayos ang aming paalamanan at may usapan na sa mismong opisina ng Luxuriant ang susunod na pagkikita.
"You were impressive," ika ni Sir Jaime nang makasakay kami sa sasakyan.
"Thank you, pinag-aralan ko lang po ang mga salitang Pranses," tugon ko.
"The night is still young. Gusto mo bang dumaan sa isang diner? May alam ako sa Ermita," alok ni Sir Jaime.
"Pero pinapauwi po ako nang maaga ng aking tiyahin." Hindi ako makatingin nang diretso sa kanya.
"Libre ko, minsan lang ito. Ice cream lang naman. At ako magpapaliwanag sa tiyahin mo kung bakit ka ginabi."
Sa bandang huli, hindi ako makatanggi. Dinala ako ni Sir Jaime sa isang lugar sa Ermita, doon sa marami ang restawran. Tumigil kami sa isang diner na American-style. Checkered tiles, pulang mga upuan, may bar at stools, at may malaking jukebox sa tabi. Nagliliwanagan ang buong lugar ng neon lights sa gitna ng gabi.
May pailan-ilan ang kumakain, na mukhang mga magsing-irog. Naupo kami sa isang table for two malapit sa jukebox.
"Ako ang kukuha ng order. Anong ice cream gusto mo?" tanong sa akin ni Sir Jaime.
"Chocolate sundae po," agad kong sinabi.
"Okay."
Pinanood ko si Sir Jaime na lumakad papunta sa counter. Biglang kumabog ang aking dibdib dahil ngayon ko lang siya makakasama sa ganitong lugar, at libre pa niya ang ice cream.
"Ito ang Chocolate Sundae mo." Inilapag niya sa aking harapan ang isang crystal bowl ng malamig na vanilla ice cream na may chocolate syrup at cherry sa ibabaw.
"Ano pong ice cream niyo?" Napansin ko na kulay berde ang sa kanya na may chocolate syrup din.
"Mint Chocolate Sundae ito. Maanghang at malamig," ika niya, sabay subo ng ice cream. "Kuha ka," alok niya.
Kumuha nga ako ng isang scoop. Nang matikman ko ito, para akong kumain ng toothpaste na may chocolate.
"Maanghang po," natawa ako.
"First time mo pala sa mint ice cream," ngiti niya.
Tumawa na lang ako at tumango. Tahimik kong kinakain ang aking ice cream at iniiwasang tignan ang aking boss na nasa harapan ko ngayon. Kay lapit niya, ngunit kay layo pa rin niya sa akin.
Natutukso akong magtanong kung bakit niya ako inaya dito, pero nahihiya ako. Alam kong nakikipagkita siya kay Flora Sanz, pero bakit ako ang kasama niya, imbes na si Flora? At bakit hindi ko magawang tumanggi sa kanya? Oo, pangarap ko na makasama siya sa lugar na hindi namin opisina. Pero bakit ngayon pa, kung kailan pilit kong kinakalimutan ang aking tagong damdamin para sa kanya?
Mabilis naubos ni Sir Jaime ang kanyang ice cream. Tumayo siya at lumapit sa jukebox para pumili ng awitin. May kinuha siyang sentimo sa bulsa, hinulog ito, at may tinapik sa ibabaw.
Nagsimulang umawit si Ella Fitzgerald. Lumapit si Sir Jaime sa akin.
"Maari ba kitang masayaw ngayong gabi?" Magalang niyang tanong.
Napahawak ako sa aking dibdib at hindi makaimik.
"Halika."
Marahan niyang hinawakan ang aking kamay at dinala ako patungo sa gitna ng floor. May nagsasayaw na rin sa di-kalayuan.
"Pwede ba kitang mahawakan at maisayaw?" Tanong ni Sir Jaime.
"Pero... Hindi po ba... Kayo po ni Flora..." pautal-utal kong sinabi.
"Hindi naman kami magkasintahan. Siya nga itong panay habol sa akin, di ko naman siya sinasagot," natawa si Sir Jaime.
Nakahinga ako nang maluwag sa aking narinig. Hindi na ako nakapag-isip pa nang inilagay ko ang kanang kamay sa kanyang kaliwang balikat, habang kinuha niya ang isa kong kamay.
"Ibababa ko lang ang kamay ko," ika niya.
"Sige po."
Naramdaman ko ang pagbaba ng kanyang kamay sa aking baywang. Inilapit na ako ni Sir Jaime sa kanya at tinulungan akong sumayaw sa saliw ng musika.
Halos hindi ako makahinga nang mga sandaling iyon. Ni hindi ako makatingin nang diretso sa kanya. Yumuko ako habang nagsasayaw, hanggang sa sabihin ni Sir Jaime:
"Look at me."
Iniangat niya ang aking mukha, at agad akong nalunod sa kanyang mga mata.
"Matagal na akong nakatingin sa iyo, sa totoo lang," bulong ko.
Natigilan si Sir Jaime sa aming slow dance.
"Alam ko. At ganoon din ang nararamdaman ko."
Gusto kong maiyak sa mga oras na iyon. Hindi ako makapaniwala na may pagtingin din siya sa akin.
Inilapit ni Sir Jaime ang kanyang mukha. Pinikit ko ang aking mga mata, handa na sa susunod na mangyayari.
That night, we kissed, and the world stopped turning.
A/N:
Song lyrics from
"Someone to Watch Over Me"
Songwriters: Ira Gershwin / George Gershwin
Someone to Watch over Me lyrics © Warner Chappell Music, Inc, Peermusic Publishing
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top