11-Regalo

"Sir Jaime, pakibaba niyo na lang po ako diyan sa may tapat ng sari-sari store."

Tinulungan ko si Sir na mahanap ang aming kalye. Buti ay hindi kami naligaw. Maiksi lang ang aming byahe at puno ako ng pagkabalisa sa mga oras na iyon. Kay lapit ko sa kanya, at hindi ko magawang makapagsalita, pwera na lang sa pagbibigay ng direksiyon patungo sa amin.

"Sigurado ka ba? Kung gusto mo, puntahan na natin ang tapat ng inyong tirahan."

Tinignan ko siyang saglit. Isang ngiti ang sumulyap sa kanyang mukha. Doon ko naramdaman ang kanyang malasakit.

"Huwag na po. Nasa dulo po ng kalye ang aming bahay, kaya ko naman pong lakarin."

"Baka himatayin ka habang naglalakad," paalala niya.

"Nagiging maayos na po ang aking kalagayan. Maraming salamat po sa gamot na ibinigay niyo at sa kabutihang-loob po na paghahatid sa akin."

Nakatingin ako sa kanya ngunit iniiwasan ko ang kanyang mga mata. Dumungaw ako sa bintana at akmang bubuksan na ang pintuan nang sinabihan ako ni Sir:

"Let me open the car door for you."

Kaya nanatili ako sa aking upuan. Lumabas ng kotse si Sir Jaime at pinagbuksan ako ng pintuan.

Pagkalabas ko, aking sinabi:

"See you tomorrow po."

"Magpahinga ka muna. You can take a leave. Visit this doctor."

Kinuha ni Sir Jaime ang kanyang pitaka sa bulsa at inabutan ako ng calling card. Tinignan ko ito. Malapit lang ang nasabing klinika ng espesyalista.

"Salamat po. Pupuntahan ko po ito bukas."

Inilagay ko ang calling card sa loob ng aking shoulder bag.

"Mauna na ako, Miss Aldaba. Babalik pa ako sa opisina."

"Mag-ingat po kayo."

Ngumiti sa akin si Sir Jaime. Hinintay ko na makaalis siya at ang kanyang sasakyan.

Nang maiwan na akong mag-isa, naglakad na ako papunta sa aking tirahan.

"Andito na po ako, Tiya."

Ito ang aking bungad kay Tiya Cely, na kasalukuyang nakaupo sa sofa at nagbuburda.

"Maaga ka yata." Inangat niya ang kanyang paningin sa akin at inilapag sa tabi ang kanyang tinatahi. "Alas-kwatro lang ng hapon."

"Pinauwi na po ako ng aking boss. Nalaman niyang masakit ang aking ulo. Pumayag na rin siya na huwag muna akong pumasok bukas, para makapagpatingin po ako."

"Eloisa, maupo ka muna."

Naglakad ako at umupo sa tabi ng aking tiyahin. Nag-aalala niya akong tinignan.

"May nililihim ka ba sa akin? Gaano na katagal sumasakit ang ulo mo?"

"Kagabi lang po. Nawala po sa gamot tapos umulit nitong tanghali."

"Mukhang bumabalik ang dati mong sakit."

"Mukhang may kinalaman po ito sa mga natatago kong alaala. Napapaginipan ko muli yung batang lalaki," kwento ko. "Taon na ang binilang mula nang huli itong nangyari."

Walang imik si Tiya Cely. Parang gusto niyang magsalita, ngunit hindi niya ito magawa.

"Wala pa rin akong naaalala sa nangyari sa akin noong giyera. Tiya, kung mamarapatin, may alam po ba kayo tungkol doon?" Magalang kong tinanong.

Napatingin sa malayo ang aking tiyahin.

"Makakayanan mo bang tanggapin ang katotohanan kung sakaling maalala mo ulit ito?" Pangangamba niya.

"Matagal ko na pong gustong magtanong sa inyo ngunit nahihiya po ako," yumuko ako. "Kayo lang po ang makakatulong sa akin."

Umiling si Tiya Cely. "Hindi ko gusto na pilitin mong maalala kahit ikuwento ko pa sa iyo. Nag-aalala ako sa magiging reaksiyon mo kung sakaling maalala mo."

"May kinalaman po ba ito sa pagkamatay ng aking mga magulang?"

Napabuntong-hininga ang aking tiyahin. "Kahit ako, nasasaktan tuwing sumasagi iyon sa aking isipan. Oh siya, ipaghahanda na kita ng merienda."

Ganoon na lamang natapos ang aming usapan. Iniwan ako ni Tiya Cely na nakatanga sa aking kinauupuan.

Umakyat ako sa kwarto at nagbihis. Pagkababa ko, may isang plato ng suman sa lamesa. Sabay kaming kumain ni Tiya Cely.

Ayoko nang magtanong pa. Gaya ng dati, umiiwas ang tiya na sagutin ako nang diretso.

"Paano ka pala nakauwi dito?" Tanong niya sa akin.

"Hinatid ako ni Sir sa kanyang kotse," ika ko.

Nanlaki ang mga mata ni Tiya Cely sa narinig.

"Ingatan mo ang sarili. Kurusunada ka ata nito."

"Hindi naman po sa ganoon," pinigilan ko ang aking ngiti. "Mabait lang po talaga si Sir Jaime."

Natigilan ang aking tiyahin nang marinig niya ang pangalan ni Sir. Hindi naman ako palakwento sa kanya tungkol sa aking trabaho. Ang alam lang niya, pinasok ako ng kanyang kaibigan ngunit hindi na niya inungkat pa ang pangalan ng may ari ng Luxuriant.

"Anong buong pangalan niya?"

"Jaime Miranda po, Tiya."

Muntik nang mabitawan ni Tiya Cely ang hawak niyang tasa ng kape. Halatang hindi siya mapakali sa kanyang pwesto.

"Bakit po?" Pagtataka ko sa kanyang kinikilos.

"Ah, pamilyar lang ang pangalan niya sa aking pandinig," komento niya.

"Anak po siya ng may-ari ng Horace Department Store, si Señor Horacio Miranda," kwento ko. "Kay Sir Jaime po ang Luxuriant."

"Ganoon pala," malamig na wika ni Tiya Cely. "Maiwan muna kita. Ikaw na bahala sa pinagkainan mo."

"Sige po."

Nang makaalis na si Tiya Cely, malaki ang pagtataka ko sa kanyang reaksiyon sa pangalan ni Sir Jaime.

Bakit parang takot na takot siya? Para bang may alam siya na hindi ko alam.

Maraming lihim na kinukubli ang aking tiyahin. At lahat ng ito ay parang may kinalaman sa aking pagkatao.

---

Kinabukasan, hindi muna ako pumasok sa trabaho. Nagpatingin ako sa espesyalista na nakalagay sa calling card galing kay Sir Jaime.

Ang klinika nito ay nasa Escolta lang din. Mabilis ang naging proseso. Hinala nito ay may diprensiya ang aking mga mata, na dahilan sa pagsakit ng aking ulo.

Mabuti naman ay normal lang ang aking paningin at hindi ko na kailangang magsuot ng salamin. Nakauwi rin ako kaagad. Pinagpahinga lang din ako ng aking tiyahin imbes na hayaan niya akong tumulong sa mga gawaing-bahay.

Kinabukasan, pumasok na ako sa trabaho. Lumipas ang mga oras buong araw at bago ako umuwi, nag-ayos muna ako sa palikuran.

Nang makabalik ako sa aking lamesa, nakita ko ang isang maliit na papel na nakapatong sa ibabaw.

Dumaan ka muna sa aking opisina. -Sir Jaime

Napakunot ako ng noo. Siguro ay itutuloy namin ang aming dapat pag-usapan noong nakaraan, na naantala dahil sa pagsakit ng aking ulo. Pero bakit kung kailan uwian ay ngayon lang niya ito naisip?

Kumatok muna ako pagkadating ko sa pintuan ng opisina ni Sir Jaime.

"Come in," wika niya mula sa loob.

Pinihit ko ang doorknob at pumasok ako.

"Magandang hapon po. May meeting po ba?"

Seryoso akong tinignan ni Sir Jaime. "Maupo ka muna."

Ginawa ko ang kanyang sinabi. Naupo ako sa pwesto malapit sa kanyang desk. Doon na niya ako nagsimulang kausapin.

"Miss Aldaba, I want you to accompany me to the meeting with the foreign investor at Manila Hotel. It's on Saturday this week, seven pm."

"Ngayong Sabado po?" tanong ko.

"May lakad ka ba na personal sa araw na iyon?"

"Wala po Sir. Magpapaalam po ako sa aking tiya."

"It's for work, papayagan ka noon. Ilan taon ka na ba?" ngisi niya.

"Bente kwatro po," natawa ako. "Legal naman po."

"Kung hindi kita kilala, iisipin kong estudyante ka pa lamang," tawa ni Sir Jaime. "You will be paid overtime for this. Ang task mo lang, to take down minutes of the meeting. This is our foreign investor from Paris, France, who is launching his premium perfume line. This is a first in an Asian country, and he chose the Philippines, an honor for us. Of all shops, he picked Luxuriant."

"Ang galing naman po. Makakapasok pa ako sa Manila Hotel." Hindi ko mapigilang ngumiti.

"See you on Saturday. Dito tayo magkikita, sa akin ka sasabay."

"Salamat po, aalis na ako Sir."

Nakatayo na ako at akmang lalabas ng kwarto nang sabihin niya:

"Wait, I have something to give you."

Lumingon ako. May nilapag na malaking puting kahon si Sir Jaime sa kalapit na sofa sa kanyang lamesa.

"Ano po ito?" Pagtataka ko.

"Ang iyong isusuot sa Sabado."

Aking binuksan ang takip sa ibabaw. Halos mapanganga ako sa nakita.

Isa itong black silk dress na may label na Christian Dior. Maingat ko na inangat ang nasabing kasuotan. Sleeveless ito at ball skirt style. Sa gilid ng kahon ay may nakita akong white high heels.

"Ang ganda," bulong ko.

"Size 6 ang sapatos. I think I got it right," ika ni Sir Jaime.

Masaya akong tinignan si Sir Jaime. "Tama po kayo. At kasyang-kasya po itong dress sa akin! Pero nahihiya po ako, bumili pa kayo nito."

"Huwag mong ikahiya, you deserve to look good for that meeting."

Wagas ang ngiti ni Sir sa akin. Ibinalik ko na ang damit sa loob ng kahon at isinarado ito. Binuhat ko ang dress box at nagpaalam na.

"Maraming salamat po."

"Magkita tayo sa labas ng Luxuriant, six pm. At sana hindi sumakit ang iyong ulo," paalala niya.

"Nakapagpatingin na po ako. Wala naman pong diprensiya sa akin, kahit sa mga mata ko."

"Okay, you may go."

Matipid akong ngumiti sa huling sulyap ko kay Sir Jaime.

Umaapaw ang aking puso nang umuwi ako pagkatapos ng trabaho. Bitbit ko ang ibinigay sa akin na damit ni Sir Jaime. Sa munting paraan, nakikita niya ako at binibigyan ng halaga ang aking presensiya, kahit bilang isang empleyado.

A/N:

Ito ang itsura ng dress na regalo kay Eloisa.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top