10-Sakit ng Ulo
Walang espesyal na mga naganap pagkatapos kong makita nang personal si Flora Sanz. Dumaan lang ang mga araw na parang hangin habang ako ay abala sa pagtatrabaho. Tuwing Sabado ay kasama ko si Mila o si Tony na kumakain, namimili ng kung ano, o nanonood ng sine. Kapag Linggo ay nagsisimba kami ni Tiya Cely at tinatapos din namin ang mga gawaing-bahay.
Iniiwasan ko nang isipin si Ser Jaime sa abot ng aking makakaya. Kapag wala akong ginagawa ay nagbabasa na lang ako ng nobela para matuon ang aking isipan sa ibang bagay. Nakakatapos na nga ako ng isang libro kada isang linggo. Bumibili ako sa bookstore malapit sa Luxuriant basta may matapos akong babasahin.
Mga nobela ito na nakasulat sa wikang Ingles. Minsan romansa, minsan tungkol sa adventures o mysteries. Marami akong natututunan at naaaliw din ang aking diwa.
"Uy, tapos ka na ba diyan sa binabasa mo?" Tanong ni Mila nang makita niya ang isang aklat sa aking lamesa. Nag-aayos na ako ng gamit para makauwi.
"Oo, gusto mong hiramin?" Alok ko.
"Sige ba!" Ngiti niya.
Inabot ko sa kanya ang aking kakatapos pa lamang na mystery novel. Tinignan niya ang buod sa likuran at sinabing, "Ngayon lang ako nakakita ng ganito! Bidang babae na detective! Mabasa nga!"
"Basta ibalik mo nang maayos," paalala ko.
"Sure, Madam!" Natawa siya. "Sabay na tayong lumabas!"
"Hintayin kita."
Pagkatapos ng ilang minuto ay sabay na kaming lumabas ni Mila at naglalakad na patungo sa sakayan ng dyip.
"Di ko gaanong nakikita si Sir Jaime sa opisina natin. Palaging may meeting," pagtataka ni Mila.
"May tinatagpong foreigner na investor. Balak daw kunin ang perfume line nila para ibenta dito sa Pilipinas," kwento ko.
"Taga saan iyan?"
"Paris, France."
"Aba, umaasenso ang Luxuriant!" Masayang wika ni Mila. "Mabuti iyan, hihilingin ko sana na taasan ang aking sahod," tawa niya.
"Lambingin mo lang si Sir, bibigay din iyon!" Biro ko.
"Parang di ka na nangungulila sa kanya ah," ngisi ni Mila.
"Alam natin ang dahilan kung bakit."
Napadaan kami sa isang sinehan kung saan may movie poster ulit si Flora Sanz para sa isang bagong pelikula. Tinitigan ko ito at sinabing, "Masaya na iyon dahil sa kanya."
Dama ko ang pait ng aking mga salita, na hindi ko maikaila sa sarili.
Hinatak ako palayo ni Mila. "Naku, huwag ka nang malungkot! May darating para sa iyo!"
"Tama ka, mananalig na lang ako!" Pilit akong ngumiti.
"Ice cream ulit tayo sa Sabado! Mauna na ako, 'Loisa!"
"Sige, bukas ulit!"
Kumaway ako kay Mila at ngumiti siya sa akin bago sumakay ng jeepney. Naiwan akong nakatayo na malalim ang iniisip.
Kay hirap ngang turuan ng puso na makalimot.
---
"Mírame!"
Narinig ko muli ang tinig na iyon. Nasa loob ako ng malawak na salas na may chandelier sa itaas. Nakaupo ako sa isang malambot na sofa at nagbabasa nang may boses na tumawag sa akin.
"Mírame!"
Nabagsak ko ang aking libro. Tumayo ako mula sa aking kinauupuan at tumakbo ako patungo sa labas. Nagkataong may nadaanan ako na salamin, kung saan ko nakita ang aking sarili.
Iba ang aking itsura. Natatakpan ng buhok ang aking noo, kulot ito at abot hanggang balikat. May ribbon ako sa ibabaw ng ulo at nakadamit ako ng puting bestida na may lace. Tumingin ako sa ibaba. White dress pala ang aking suot na may pulang Mary Jane na sapatos.
Kung tutuusin, ang edad ko ay dose (12) o trese (13) anyos.
Naalala ko na hahanapin ko ang pinanggagalingan ng boses. Tumakbo na ako patungo sa labas, kung saan may hardin na napapaligiran ng mga bulaklak ng gumamela at santan. Nagpalinga-linga ako hanggang sa narinig ko ang salitang "Mírame".
Wikang Kastila ito kung hindi ako nagkakamali. Sa dulo ng hardin ay may batang lalaking nakatalikod. Pareho ang suot niya na puting coat at pantalon.
Lumapit ako at tinapik siya sa balikat. Lilingon na sana siya nang may naramdaman akong sakit na gumapang sa aking ulo.
Naalimpungatan ako at nagising. Ramdam ko ang sarili na nakahiga sa kama. Unti-unti kong minulat ang mga mata. Madilim na kwarto ang tumambad sa akin, kasabay ng kirot sa kanang bahagi ng aking ulo.
Hinawakan ko ito. Bakit napapaginipan ko ang batang iyon?
Bahagi ba ito ng aking nakaraan, na nakabaon sa aking alaala?
Pinigilan ko ang sarili na magmuni-muni. Maingat akong bumangon at binuksan ang lampshade. Lumakad ako sa aking aparador, kung saan may bote ng gamot na iniinom ko tuwing masakit ang aking ulo. Matagal na mula nang uminom ako nito.
Binuksan ko ang bote, kumuha ng isang tableta, at isinubo ito sabay lagok ng basong tubig. Napapikit ako at humawak sa ibabaw ng tukador.
Hinintay ko itong mawala. Nang makadilat ako ay tinignan ko ang alarm clock. Alas kwatro na pala ng umaga.
Bumalik na ako sa aking higaan at kinapa ang lampshade. Buti nakatulong ang dilim na makatulog akong muli. Kinalaunan, nagising na ako sa nakasanayang oras. Agad akong bumangon, nag-ayos, at bumaba para mag-agahan bago pumasok.
Hindi ko na sinabi kay Tiya Cely ang aking sakit ng ulo. Alam naman niya ang aking kondisyon noong una ko siyang nakasama. Ayon sa espesyalista ay hindi naman ito delikado, pero kailangang ko pa rin magpatingin kung pabalik-balik ang sakit.
Sana ay di na maulit ito, dahil abala pa ang magpunta sa doktor. Siguro ganito lang talaga kapag nabuhay ka noong panahon ng giyera.
Umalis na ako at pumasok na sa trabaho. Tahimik na dumaan ang umaga at tanghali. Pagdating ng hapon, nakaramdam akong muli ng kirot sa aking ulo.
Kamalas-malasan na naiwan ko ang aking gamot sa bahay. Pumikit na lang ako at hinimas ang gilid ng ulo at pati na rin ang aking kanang sentido.
"Miss Aldaba, maari ba kitang makausap?"
Dumilat ako nang marinig ang boses ni Ser Jaime. Nakatayo na siya sa gilid.
"Opo Ser, saan po tayo?"
Tumayo ako, at lalong nagpintig ang aking ulo.
"Sa meeting room na lang. Follow me."
Dahan-dahan akong tumayo at sumunod sa kanya, ngunit pagkadating namin sa nasabing kwarto, napasandal ako sa pader habang nakapikit.
"Miss Aldaba, anong nangyayari?"
Agad lumapit sa akin si Ser Jaime at inalalayan ako. Nakahawak ang isa niyang kamay sa aking balikat.
"Kanina pa po masakit ang aking ulo," ika ko.
"Can you walk? Bibigyan kita ng gamot para mawala iyan."
Hindi na ako tumanggi pa. Nakaakbay ako sa kanyang balikat at hindi na namin tinuloy ang aming pag-uusap. Dinala niya ako sa kanyang opisina at iniupo sa arm chair. May kinuha siyang maliit na bote sa drawer.
"Take this. Mabisa iyan."
Tumayo siya at pinagsalin ako ng baso ng tubig. Iniabot niya ito sa akin. Kumuha ako ng tableta mula sa kulay berdeng bote, ininom ito, at isinunod ang tubig.
Pumikit na lang ako at sumandal sa napakalambot na armchair.
"Maraming salamat po, Ser," bulong ko.
"Maari ko bang malaman kung may iniinda kang sakit? Samahan pa kita sa doktor kung gusto mo, para maipatingin natin iyan."
Tinignan ko si Ser Jaime. Bakas ang pag-aalala sa kanyang mukha.
"Huwag na po. Malaking abala lang," magalang kong pagtanggi. "Ngayon lang ulit ito sumakit pagkatapos ng ilang taon. Siguro dahil lumaki ako noong panahon ng giyera," pagdadahilan ko.
"Halos lahat naman tayo nabuhay noong giyera," tawa niya. "Sige ka, baka maging malala iyan."
"Ser, iba pong kaso ang sa akin. Hindi ko maalala ang aking naging buhay noong ako ay bata pa lamang. Para bang nakalimutan ko ang lahat sa isang saglit. Ang kasama ko ngayon na tiyahin, siya ang umampon sa akin. Hindi ko alam kung sino ang aking mga magulang."
Nagulat si Ser Jaime sa aking ikinuwento.
"May amnesia ka?"
"Ano po iyon?" Ngayon ko lang narinig ang termino na ito.
"Pagkalimot. Maaring nabagok ang iyong ulo o naaksidente."
"Baka nga ganoon po."
"Gusto mo bang ipatingin natin iyan? May kilala akong espesyalista na nag-aral sa Amerika tungkol diyan."
"Ser Jaime, di niyo na po kailangang mag-abala."
"Aba, sagot ko na iyan, tumatanggi ka pa," ngiti niya. "Huwag mong pabayaan ang iyong sarili."
"Nadadaan ko po sa gamot, sa katunayan po, mabuti na nga ang aking pakiramdam."
Dumiretso ako sa pagkakaupo. "Meeting na po tayo. Ano po ang ating pag-uusapan?" Pinilit kong ngumiti.
"Umuwi ka na. Ihahatid kita."
Napanganga ako sa narinig. Seryoso si Ser Jamie?
"Naku, ako na lang po. Kaya ko na po."
"Miss Aldaba, allow me to bring you home. Baka himatayin ka pa sa daan."
"Ah, payag na po ako. Maraming salamat po."
Sa bandang huli, hindi na ako nakatanggi. Pagkatapos ng oras ng trabaho, sumunod na ako kay Ser Jaime sa parking lot sa labas ng Luxuriant.
Pinagbuksan pa niya ako ng pintuan ng kotse at sumakay ako na katabi siya habang siya ay nagmamaneho.
Tahimik ang aming biyahe. Hindi ako makaimik o makatingin nang diretso sa kanya.
Talagang nag-abala siya para ako ay tulungan, at lubusan ang aking pasasalamat.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top