1-Rules for a Secretary
Rules to live by as a secretary:
1. Smile and look pleasant
2. Avoid looking bored at work, even during slow days
3. Dress properly. No low necklines, dangling earrings, and open-toed shoes
4. Know how to answer the phone, know where the files are kept, always know where the boss is
5. Don't reply sarcastically to your boss. Don't talk back.
6. Maintain a straight posture
7. Listen properly during meetings. Take down the minutes and points of discussion in short-hand
8. Avoid mistakes during typing documents. Avoid using the white ink as much as possible
9. Do not talk much about yourself
10. Maintain distance from the higher-ups, most especially your boss
11. Don't fall for your boss
Nanlaki ang aking mga mata sa pang-labing isang kataga. Bakit ko ba ito naisulat?
Lihim ako na nahiya sa aking sarili. Kinuha ko ang white ink at binura ang item number eleven. Nakahinga na ako nang maluwag nang makita sa puting papel na di na ito gaano kalahata.
"Eloisa, nakatulala ka na naman diyan."
I snapped out of my thoughts. Tumingin ako sa kanang bahagi kung saan aking katabi si Mila, ang aking kapwa sekretarya.
"Ang tagal naman bumalik ni Señor Jaime sa kanyang meeting," wika ko. "Aba'y sabi niya, may kailangan pag-usapan tungkol sa bagong stocks ng watches na darating sa susunod na linggo."
"Siguro sinisigurado lang niya na darating iyon sa tamang oras. Kausap niya ang brand manager ng luxury watches sa mga oras na ito," seryosong wika ni Mila. Umusod siya sa aking tabi at bumulong, "Pero ang totoo niyan, nangungulila ka na sa kanya. Buong araw mo nang hindi nakikita."
Hindi maikakaila ang malawak na ngisi ni Mila nang banggitin ang mga katagang iyon.
"Manahimik ka," matalim kong wika.
"Kunwari pa ito. Apat na taon ka nang nangangarap kay Señor Jaime pero di ka pa natatauhan." Sinagi niya ang aking tagliran sabay balik sa kanyang lamesa. Dinig ko ang kanyang munting tawa, pero sinagot ko na lang siya ng ganito:
"Malay mo, sa kakapangarap ko ay magkatotoo. Paghanga lang naman ang aking nadarama kay Ser Jaime."
"Gumising ka na sa pangarap mo, 'Loisa. Pero oo nga, malay mo magkatotoo, hindi ba?"
Natawa na lang ako.
Sa buong opisina ng Luxuriant High End Goods sa Escolta, si Mila Ferrer ang tanging nakaaalam ng aking pinakatatagong lihim. Hindi ko naman alam na ganoon katalas ang kanyang pandama.
At ito ako, ang sekretarya na lihim na umiibig kay Señor Jaime Miranda. Anak ng isang mestizong mayaman na may ari ng pinakamalaking department store sa buong Maynila. Si Señor Jaime, na mukhang galing sa isang pelikula ng LVN studios at pwedeng maihanay ang kagwapuhan kay Armando Goyena, Rogelio Dela Rosa, at ang kanyang katukayo na kapatid ni Rogelio, si Jaime Dela Rosa.
Hindi ko na malaman kung kailan ko siya unang napansin. Apat na taon na ang nakararaan mula nang maging sekretarya ako dito sa Luxuriant. Kakagaling ko lang sa secretarial school at pinasok ako dito sa tulong ng aking tiyahin. May kakilala kasi siya doon sa malaking department store, at dito ako dinala ng nasabing kakilala.
Noong una, pinasagot ako ng exam na yes or no lang ang mamarkahan.
Can you keep up during stressful situations?
Can you stay still and not get bored?
Can you serve your boss with a smile?
Syempre, yes lahat ang isasagot ko doon.
Si Señor Jaime ang kumausap sa akin. Di ko lubos akalain na final interview na rin pala iyon. Unang kita ko pa lang sa kanya, magaan na ang kalooban ko. Siguro dahil gwapo siya. Sino ba ang hindi makakapansin sa kanyang makisig na tindig, maayos na pustura, at makapigil-hiningang mga ngiti?
Maayos naman siyang makipag-usap. Sa bandang huli, nakuha na ako bilang sekretarya. At di ako nagsisi sa aking inakala. May mga panahon na umiinit ang kanyang ulo dahil sa trabaho, pero kalimitan, siya ay masayahin, maayos makitungo, at magalang na tao.
Paminsan-minsan ay sumasagi siya sa aking isipan. Hanggang sa aking nalaman na palagi na siyang laman ng aking bawat gunita at di ko na mapigilan ang sarili na hindi siya isipin.
Tuwing nanonood ako ng sine, umiinom ng shake sa soda fountain, o namamasyal kasama si Mila, maya't maya kong nagugunita si Señor Jaime.
Sa loob lamang ng opisina ay doon ko lang siya nakikita. Masaya akong makaalis sa kanyang piling pagkatapos ng isang buong araw ng pagtatrabaho. Masaya, dahil di na ako nababagabag sa kanyang presensiya ilang hakbang lang mula sa aking lamesa.
Pero kapalit ng pansamantalang kasiyahan na iyon ay kakaibang lungkot ang bumabalot sa aking puso.
Napapansin kaya ako ni Ser Jaime sa ibang paraan? Hindi bilang si Eloisa Aldaba, bente-kwatro años na sekretarya? Kundi ako bilang isang babae at tao na may buhay din sa labas ng Luxuriant?
Alam kong wala akong karapatang isipin ang mga ganitong bagay.
Masayang mangarap ngunit kailangang din gumising sa realidad na ang isang hamak na sekretarya ay hindi mapapansin ni Señor Jaime Miranda.
Pero nangangarap lang, hindi ba?
Binalikan ko ang listahan sa aking itim na talaarawan.
Ang buradong item number 11 ang nagpaalala sa akin na kahit kailan, ay hindi ka pwedeng mangarap sa isang pag-ibig na kailanman ay di mo maabot at di dapat sa iyo.
Dahil magkaiba kayo ng mundo.
Siya, na isang mayaman at miyembro ng alta sociedad.
Ako, isang ordinaryong mamamayan na kanyang sekretarya.
(Itutuloy)
A/N: First chapter, at sa 1950s Escolta ang setting nito. Hope you'll like this. Salamat!
P.S. Fictional ang Luxuriant. Based ito sa mga high end department stores sa Escolta noong araw.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top