Mimi

Mukha.

Iba't ibang mga mukha.

May masaya.

May luhaan.

May nagpupuyos sa sama ng loob.

Ngunit ang pinakapaborito ni Mimi?

Ang mukhang takot na takot.

Gimbal na gimbal.

Puno ng pangingilabot.

Napabuntong-hininga siya. Tanging ang mahinang paglagitik ng orasan ang maririnig sa silid niya ngayon. Dis-oras na ng gabi pero hindi pa siya makatulog.

Pinagmasdan niya at tahimik na binilang ang mga obra sa kanyang pader. Sadyang kay gaganda nga ng mga ito.

Kuhang-kuha ang bawat detalye.

Kitang-kita ang iba't ibang emosyon.

Nadako ang paningin niya sa pinakabagong karagdagan sa kanyang koleksyon. Napahagikhik siya.

"Ito ang unang beses... kaya sabik na sabik na ako para bukas."

Pagkatapos noon ay gumuhit ang isang kakaibang ngiti sa mukha n'ya—

Sa kanyang mukha sa ngayon.

•••

"Okay guys, let's pray. Close your eyes and..."

Napabuga na lamang ng hangin si Adriana at napanguso nang bahagya. Humarap siya sa bintana ng sinasakyang bus at napahalumbaba.

Hinawi niya ang kulay itim niyang buhok na may puting highlights sa unahan patungo sa likod ng tainga niya at itinutok ang paningin sa senaryo sa labas ng sasakyan.

Tirik na ang araw sa silangan kaya naman kumikinang ang malalawak na palayan na puno ng patubig. May mga puting tagak ring makikita sa di-kalayuan at mga maliliit na kubo na malamang ay sa mga magsasaka.

Nasisinagan ng araw ang mukha ng dalaga na hindi maikakailang maalindog. Mahahabang pilikmata, ilong na matangos, mga labing nagpapakawala ng mapang-akit na ngiti at siyempre, ang paborito niyang parte: ang mga matang parang nakikita ang budhi mo sa talim ng mga titig.

Napabuntong-hininga ang dalaga.

"Enjoying the view? Hindi ko alam na naturalist ka pala, Addie." Napukaw siya nang marinig ang mahinang boses ng katabi. Naningkit ang kanyang mga mata sa pagharap dito.

"Shut up, Yaz. At least, medyo refreshing sa labas kaysa naman dito," maarte ngunit mahina pa ring tugon ni Adriana bago inilipat ang tingin sa harapan. Nakaupo kasi sila sa pinakadulong bahagi ng bus at maliban sa kanilang tatlong magkakaibigan, lahat ng iba pa ay mga estudyante mula sa dalawang paaralan na ang destinasyon ay sa isang camp para mag-team building.

"They look so cheap. Puro scholars na mahihirap." Kasunod noon ay ang pag-ikot ng mata ng dalaga.

"Ano ka ba, baka marinig ka nila. Pinasakay na nga tayo for free 'no," litanya naman ni Cindy, ang isa pa nilang kasama. Medyo nag-aalala ang mukha nito at sinusulyapan ang ibang estudyanteng nagdarasal.

"Whatever. If only that stupid Timothy didn't take my car keys with him, we would've been partying in my car right now. Not like this one hell of a ride." Napangiwi na lang sina Yaz at Cindy sa winika ng kaibigan. Talagang walang sinasanto ang dila nito, kahit pa ang sariling ama.

Hindi na nagsalita pa ang dalawa dahil alam naman nilang hindi sila mananalo. Natapos na ring magdasal ang guro sa bandang unahan kaya namayani ang payak na katahimikan.

Matagal nang magkakaibigan sina Adriana, Yazrie, at Cindy. Mula elementarya hanggang ngayong magtatapos na sila ng kolehiyo ay magkakadikit pa rin sila dahil ang kanilang mga pamilya ay may kaya at nag-aaral sila sa mamahaling paaralan. May taglay rin silang katanyagan dahil sa pagiging social media influencers at pagiging modelo rin ng ilang produktong pampaganda, lalo na si Adriana.

"How long pa ba ang byahe? Almost two hours na tayong late sa planned arrival natin sa resort," maktol ni Yaz at napakagat sa labi bago ituon ang paningin sa suot na mamahaling relo. Alas diyes na rin kasi, at dapat alas otso y media pa sila nakarating sa binayarang private resort ni Adriana.

"Ang bagal kasing magpatakbo ng driver, eh," dismayado ring wika ni Cindy na nakakrus ang mga braso.

"See? This ride is so bothersome, right?" Hindi naman iniaalis ni Adriana ang titig sa labas. Wala na muling sumagot. Nilibang na lang ni Cindy ang sarili sa pag-ihip pataas upang pagalawin ang kanyang bangs, habang si Yazrie ay kinikilatis ang mga estudyanteng kasabay nila na pawang nakasuot ng kulay pula at abo saka kayumanggi at dilaw na mga PE uniform.

Lumipas ang ilan pang minuto. Halos mapapikit na si Adriana dahil sa antok nang mahagip ng mata niya ang isang karatulang nilampasan ng sasakyan.

"Oh my gosh, that's it!" bulalas niya sa dalawang kasama.

"What?" naguguluhang usal ni Cindy.

"The resort! Nalampasan na natin!" Naalerto naman ang dalawa sa sagot ni Adriana kaya agad na sumigaw si Yazrie.

"Excuse me po, kuya driver! Stop na!"

Agad iyong natunugan ng nagmamaneho at nagpreno. Naging sanhi naman iyon upang mapuwersa paharap ang mga nakasakay.

"That old man almost threw me to the front. Dumbass." Tumayo na ang tatlo habang bitbit ang kanya-kanyang maleta habang bumubulong pa rin ng kung ano-ano si Adriana.

Nakaramdam din siya ng pagkailang dahil alam niyang tinititigan siya ng lahat ng mga estudyante habang naglalakad paharap. Maiksi pa naman ang kanyang leather black skirt at criss-cross pa ang disenyo ng likuran ng pulang crop top niya. Napairap na lang siya sa ideyang pinagpipiyestahan ng mga kalalakihang dugyot ang kanyang katawan.

"Thank you for the ride, Ma'am," magalang namang pagpapaalam ni Cindy sa gurong pinakiusapan nilang sabayan.

Sumunod naman si Yazrie na simpleng nginitian ang maestra. Habang si Adriana, nagpakita ng isang pekeng ngiti at nag-finger heart pa sa guro.

Taliwas man sa totoo niyang saloobin, ginawa niya lang iyon upang panindigan ang pagiging 'mabait' na influencer nila.

Sumara na ang pinto ng bus at unti-unting umarangkada papalayo. Hindi na nila ramdam ang air conditioner sa labas kaya napaihip na lang sa init si Yazrie.

"Casa de Constantino..." pagbasa ni Cindy sa karatulang nakalagay sa isang arkong gawa sa kahoy. Mula rin sa kahoy ng mismong karatula at kulay ginto ang mga letrang bumubuo sa pangalang nakaukit dito. Isang bahagyang masikip na daan ang makikita papasok nito, at nababalot ng luntiang kalikasan ang paligid.

Kinuha ni Adriana ang pares ng sunglasses na nakasabit sa kanyang damit at isinuot. Tumingin siya sa mga kaibigan, ngumiti, at saka nagsalita.

"Let's go, bitches!"

•••

Halos isandaang metro rin ang nilakad ng mga dalaga bago nakarating sa resort. Bumungad sa kanila ang isang Western-style na mansion na makaluma man ang disenyo, halatang alagang-alaga dahil ni hindi makikitaan ng dumi o pagkasira ang anyo. Mapusyaw na kahel, puti, at kayumanggi ang mga kulay na bumabalot rito. May tatlo itong palapag at sa gitna ng una ay may malaking arkong pinto na gawa sa kahoy. Puno rin ng malalagong bulaklak ang hardin nito sa dalawang gilid.

"This is actually... gorgeous. Where did you find this, Addie?" Palinga-linga pa si Cindy sa mga halaman.

"Recommendation of a friend. Mukhang decent naman..." tugon ni Adriana na pasimple ring sumusulyap sa paligid.

"You know what, let's start our vlog na. Ang ganda ng panahon, oh." Kinuha naman ni Yazrie mula sa maleta niya ang Sony W800 camera niya. Pumuwesto sila kung saan kitang-kita sa likod nila ang buong istraktura ng mansion at nagsimulang mag-video.

Bawat isa ay malayang nakapagsalita kahit walang planong kodigo, dahil may mga angking galing sila sa pakikipagtalastasan, bunsod na rin ng pagiging estudyante nila ng kursong Mass Communication. Hindi nagtagal ay natapos na ang magkakaibigan.

"That was quick. Sana umabot ng twenty minutes ang mabuo nating content," komento ni Yazrie habang pinapanood ang kinuhanang video.

"Don't worry, I'm sure marami tayong magagawang scenes, lalo na at siguradong may pool sa loob. Saka..." Bumaling naman ang nagsalitang si Cindy kay Adriana na kinakalikot ang kanyang cellphone.

"What?" inosenteng tanong nito nang mapansin na nakangiti sa kanya ang mga kaibigan.

"So you're acting like today's nothing special, huh. Push mo 'yan girl." Napahagikhik naman sina Yaz at Cindy. Naging dahilan iyon upang mairita si Adriana at magpapadyak.

"Whatever. By the way, bakit ba walang lumalabas to entertain us? The staff here must be really stupi—"

"Oh my gosh, girl!"

Napatigil na lang si Adriana sa pagrereklamo nang makitang parang hangang-hanga ang dalawang kasama sa kung ano mang nasa likuran niya. Nilingon naman niya ito sa kaliwang parte ng hardin.

"O-Oh..." Nalusaw ang namumuong bagyo sa pagmumukha ng dalaga. Paano kasi, ang tumambad sa kanila ay isang matikas na lalaking walang damit pantaas. Kulay lumot na pantalon ang suot nito at itim na bota, samantalang may nakasabit na puting tela sa kanang balikat niya na malamang ay kaniyang pantaas. Pawisan pa ito at medyo hinihingal.

"Sorry po Miss! Akala ko hindi na kayo darating kaya nagpaka-busy na ako sa garden. Welcome po sa Casa de Constantino!" bungad nito at ipinakita ang biloy sa kanyang pisngi.

Hindi naman mapigilan ng tatlong kababaihan na maakit sa kaharap na Adan. Kumikintab kasi ang katawan nitong halatang batak sa trabaho dahil sa pawis, at lantad na lantad sa kanila ang mga matitigas na masel nito sa tiyan. Isama pa ang magulo nitong buhok, mapungay na mata, at matangos na ilong, parang gusto nang himatayin ng tatlo lalo na si Yazrie na pulang-pula ang mukha.

"Pasok na kayo. Ako na ang bahala sa mga maleta." Mukhang napansin din naman ng lalaki ang pagkahumaling ng mga kaharap sa kanya kaya napatawa ito nang mahina. Nilapitan niya ang mga bagahe na magkakatabi sa isang parte.

Nagkrus ang mga titig nila ni Adriana at para bang nagpalitan sila ng mga salitang sila lang ang nakaririnig.
Parehong nagpakawala ng kakaibang ngiti ang kanilang mga labi.

Pinagpatong-patong ng binata ang mga maleta at buong lakas na kinarga kahit pa may gulong ang mga iyon. Nakakailang hakbang pa lang siya ay nilingon niya ang mga dalagang nagpapalitan ng tingin.

"Nga pala, ako si Kairan. Ako ang may-ari nitong resort."

Muli niyang nginitian ang tatlo.

•••

"Shiz, I can't! Ang pogi at hot niya!" kinikilig na saad ni Yazrie at pabagsak pang humiga sa puting kama na may puti ring unan at comforter. King-sized naman ito kaya nagpaikot-ikot pa siya na parang bata.

"Umayos ka nga, Yaz! Daydreaming is not cool," usal naman ng nakahalumbabang si Cindy na nakaupo sa isang stool at nakatapat sa air conditioner.

"Uh-uh! I love him na agad. Hindi ko s'ya ibibigay sa'yo. Kunwari ka pa, ha!" Ngumuso naman si Yazrie at ipinilig ang kanang hintuturo sa harap ni Cindy. Inirapan na lang iyon ng kausap at lumingon kay Adriana na nagkakalikot na naman ng cellphone niya habang nakasandal sa isang kulay itim na dresser.

"Hey, Addie! Kanina ka pa tahimik ha. That's so not you." Nalihis naman ang tingin ni Adriana kay Cindy at nagtaas ng isang kilay.

"No, no, no! Don't give me that inquisitive look. I know it. Nakita ko kayo kanina." Umismid si Cindy at tila nangunguwestiyon.

"I don't know what you're talking about." Ibinalik lang ni Adriana ang pansin sa sariling gadget.

Humarap si Cindy sa mismong air conditioner at ginalaw ang kanyang kulay kahel na buhok. Pinantay niya rin ang kanyang bangs bago nagsalita.

"May something sa inyo ni Kairan, right?"

Nagulat naman si Adriana sa pahayag na iyon pero hindi siya nagpahalata. Napabangon naman ang nakahigang si Yazrie at ipinagkrus ang mga braso.

"Addie! Spare him na, oh! Akin na lang, maawa ka. Please?" Iginalaw nito ang katawan habang nakanguso.

Nagpakawala naman ng mahinang pagmumura si Adriana na narinig din naman nina Yaz at Cindy bago siya tumugon.

"You know what? I don't care. Kung gusto niyo siya, then go and fuck him! Ang dami n'yong issue." Nagkatinginan naman ang dalawang dalaga at napabuntong-hininga. Ibang klase pa rin talaga ang katarayan ni Adriana.

Tumayo naman si Cindy at hinubad ang denim jacket niya. Lumantad ang mahubog na katawan ng dalaga habang nakasuot ng sports bra at denim shorts. Kinalikot nito ang maleta niya at itinaas sa isang upuan.

"Hay nako Addie, you'll never be fun at parties." Muling nahiga si Yazrie sa kama kaya kumalat ang itim niyang buhok. "Wait, tara nang mag-vid! Mag-what's in my baggage tayo." Pagkawika noon ay diretsong gumulong si Yazrie papunta sa kabilang parte ng kama at nilapitan ang sarili niyang kagamitan.

Isang simple ngunit komportableng silid ang pinagdalhan sa kanila ni Kairan. Nasa ikatlong palapag ito,  puti ang kisame, mapusyaw na asul ang pader, at salitan ang itim at puti sa iba pang kagamitan gaya ng lampshade, maliit na dining table, cabinet, at mga dekorasyon na pulos hugis kwadrado. Mukhang makaluma sa panlabas, pero modernong-moderno ito sa loob.

"Okay, let's start! So guys, ngayon nga ay kararating lang namin dito sa loob. Look, it's so cool and comfy here, right?" Muling nagsimula sa pagkuha ng video ang tatlo. Bumalik na rin sa maayos na mood si Adriana.

"So ang susunod naming agenda ay—"

Bigla namang umalingawngaw ang tatlong malalakas na katok sa silid. Hinarap ng ngayo'y may hawak ng camera na si Adriana ang screen at mabilis na nagpaalam bago patayin ang recording.

Sabay-sabay na tumayo ang tatlo mula sa pagkakaupo sa kama at nilapitan ang pinto. Si Yazrie ang nagbukas nito.

"Oh... Kairan! Na-miss mo ba agad ak— I mean what's the problem? What brings you here?" bungad ni Yazrie na napatakip pa sa bibig matapos madulas sa sasabihin. Ngayon ay nakasuot na ng itim na t-shirt si Kairan at kulay asul na beach shorts.

"Ah, may nakita kasi akong envelope sa labas." Inilabas nito mula sa bulsa ang isang kulay pulang sobre. May sticker ito ng masayang mukha sa harapan.

"Since kayo lang naman ang guests today, siguro inyo 'yan."

Niluwangan ni Yazrie ang pagkakabukas ng pinto upang makalapit silang tatlo sa binata. Inilahad ni Kairan ang sobre, at si Cindy ang kumuha nito.

"So inyo nga 'yan?"

"Siguro?" Sinusuri naman ni Cindy ang sobre. Nagtapunan sila ng tingin ng dalawang kasama at marahang tumaas ang balikat niya, senyales na hindi siya sigurado tungkol sa hawak. Gayunpaman, nginitian na lang nila si Kairan.

"Thank you! We'll be swimming na rin later, hope to see you ha!" Nagpakamayumi naman si Yazrie at hinawi ang buhok sa likod ng kanyang tainga.

"Sige. Lilinisin ko na rin 'yung tubig sa pool para sa inyo. See you later!" Muling nagpakawala ng makamandag niyang ngiti si Kairan at sumenyas na papaalis. Saglit nitong itinutok ang titig kay Adriana na nasa likuran ni Yazrie na giliw na giliw namang kumakaway.

Isinara na nila ang pinto at agad na tumungo si Cindy sa kama.

"Ano bang meron, Cindy? Iyo ba 'yan?" usisa ni Yazrie at tinabihan ang kaibigan.

"No. Pero parang may something dito. I don't know what, but parang ang bigat sa pakiramdam," pakli ng dalaga.

"Ano ba kasi 'yan? Just open it." Sinamahan ni Adriana ang dalawang dalaga. Dahan-dahan naman binuksan ni Cindy ang hawak. Mabilis na naalis ang sticker at bumungad ang isang puting papel sa loob. Hinila niya rin iyon palabas. Inagaw naman ni Yazrie ang papel at siyang nagbasa ng laman nito.

"Hindi lahat ng gusto niyo ay dapat ninyong makuha. Hindi lahat ng tao ay maaari niyong itulak pababa. Humanda kayo sa matatanggap niyong parusa."

Nagkatinginan ang tatlo. Ipinagpatuloy naman ni Yazrie ang pagbabasa.

"Ako ang pag-asa ng mga inapi. Ako ang maghihiganti. Ako si..." Napalunok si Yazrie bago sambitin ang huling salita.

"... Mimi."

"What the fuck?" Napaawang ang bibig ni Cindy sa narinig.

"Seriously? Anong klaseng letter ba 'to?" dagdag ni Yazrie na nakakunot ang noo. Hinablot naman ni Adriana ang sulat sa kanya.

"It's obviously a threat letter! Who in this fucking world wrote this? Hindi nakakatuwa," saad nito at binaliktad ang sulat. Hindi naman siya nabigo dahil may nakita pa siyang nakasulat sa kaliwang sulok ng likuran nito.

"Don't let Mimi cry... or else it's time to die..."

Kasunod ng mga katagang iyon ay may tatlong letra. Ito ay mga titik L, S, at A.

"LSA? Sinong LSA?" ani Yazrie. Ang kaninang magaang atmospera sa loob ng silid ay naging seryoso. Hindi na rin kasi bago sa kanilang tatlo ang mga pagbabanta. Marami rin ang nambabatikos at may ayaw sa kanila, ngunit hindi nila iyon pinapansin. Pero, nakaranas na sila na atakihin mismo at saktan gaya noong isang beses na may nagtulak kay Yazrie sa hagdan ng isang hotel, kaya naman may takot na rin sila sa kahit anong uri ng pagbabanta. Sa katunayan, isang linggo pa lang ang nakalilipas mula noong makalabas si Yazrie sa ospital. Nabalian kasi ito bunsod ng pagkakahulog niya.

"Lana San Alonzo."

Napatingin sina Yazrie at Adriana kay Cindy.

"Lana, the girl na pinalitan niyo ni Addie para sa endorsement ng liptint?" Napatango na lang ang mga tinanong kay Yazrie. Lumunok si Cindy bago magsalita.

"She's really mad na nakuha namin ni Addie 'yung slot. Nagkalat pa nga siya sa Twitter ng malicious things tungkol sa atin."

"I'll give her a good beating kapag nakauwi tayo. That bitch."

Wala nang nakatugon sa sinabi ni Adriana. Pumailanglang ang katahimikan at napirmi sila sa kinalalagyan.

Hindi nagtagal ay tumayo si Adriana. Lumapit ito sa bagahe niya at binuksan iyon.

"What are you doing?"

Nakataas na muli ang kilay ni Adriana pagharap sa dalawa.

"I'm not letting that fucking card to ruin this day. Besides, that Lana is a hampaslupa. She can't even buy designer clothes, paano pa kaya siya makakarating sa resort? Tayo lang daw ang guests sabi ni Kairan, right?" mahabang litanya niya.

"What if si Kairan ang kinausap niya? We're alone here, at siya lang ang iba nating kasama," pangunguwestiyon ni Cindy.

"Ano ba kayo, let's shrug that off. My babe Kairan is not masama. Saka,  today's special nga kasi, 'di ba Addie?" Mukha namang masigla na ulit si Yazrie at tumayo na. Nginitian niya ulit si Adriana na tinalikuran lang siya.

"For someone who was sent flying down the stairs, you seem so unbothered," komento ni Cindy. Hinarap siya ni Yazrie na nakapameywang at inilabas ang dila.

"Duh! Ako yata ang unkabogable sunshine ng buong universe, 'no!"

•••

"Don't know what to do! I don't know what to do without you! Yeah, hey, hey!"

Isang maaliwalas na panahon ang nakalatag sa kalangitan. Katuwang pa ang katahimikan at natural na ganda ng Casa de Constantino, naging perpekto ito para sa kasiyahan ng tatlong binibini.

Nakahiga sa isang lounge chair si Adriana habang nakasuot ng salamin. Chanel ang brand ng itim na two-piece swimsuit na kanyang suot. Sa kanan niya ay may maliit na lamesang pinapapatungan ng pineapple juice at may payong din na pinoprotektahan siya sa sinag ng araw.

Samantala, si Yazrie naman ay walang sawang kumakanta habang maya't mayang lumulusong sa olympic-sized swimming pool suot ang dilaw niyang two-piece. Maya't maya niya ring hinihila si Cindy na nakatambay sa isang cottage upang isama sa paliligo. Tapos na silang mag-video kanina at nagpapakasaya na lang sila.

"Hey, Addie! Swim ka na! Ang sarap ng tubig, pero mas yummy si babe Kai—" Napatakip naman sa bibig si Yazrie dahil naalalang nasa malapit lang ang binatang pinagpapantasyahan. Napatawa na lang si Kairan habang nakasandal sa isang poste ng mansion at matamang nakabantay sa kanyang mga bisita.

"Addie, alis lang ako saglit. I want to take photos doon sa garden sa labas kasi." Ibinaba ni Adriana ang suot na shades nang lumapit sa kanya si Cindy. Nakasuot na ito ng puting bathrobe sa kulay asul na monokini.

"Just go, girl. I'm not your mom," taas-kilay na tugon ni Adriana. Mariin nitong tinitigan ang likuran ni Cindy na papalayo.

Kanina pa kasi ito paalis-alis. Iba't iba naman ang dahilan. At kung nasa may pool man ito, palagi lang nasa cottage at gumagamit ng cellphone.

"What's she doing?" bulong niya sa sarili.

"Addie!" Napukaw naman siya ni Yazrie na tumatakbo papunta sa kanya. Hinawakan siya nito sa braso at hinila patayo.

"Ano ba, let go of me!"

"No! Maligo ka na, hindi pwedeng hindi!"

"Yazrie!"

Sa kabila ng pagpupumiglas ni Adriana ay nagawa ni Yazrie na kaladkarin siya malapit sa pool.

"Ano ba kasing— Ahh!"

Hindi na nakatapos sa pagdada ang dalaga dahil itinulak na siya ni Yazrie sa tubig. May kalaliman ang parte na pinaghulugan niya kaya hindi agad siya nakaahon. Habang nasa ilalim ng tubig ay narinig naman niya ang sigaw ni Yazrie na hindi maintindihan.

Ilang saglit lang ay nagawa na rin ni Adriana na makalanghap ng hangin.

"What the fuck, Yazrie? My shades fell—"

Nanibago ang kanyang bista sa natagpuang tahimik na paligid. Bukod kasi sa tahimik na talaga ito noon, ay wala nang katao-tao maliban sa kanya.

"Where the heck are they?" Lumangoy naman siya palapit sa gilid ng pool at umahon. Inilibot niya ang paningin ngunit walang kahit anong bakas ng mga kaibigan. Napabuntong-hininga siya.

"If you're having fun by leaving me here alone, okay. So funny!" anunsyo niya kahit pa hindi sigurado kung may makaririnig noon.

Tinapunan niya ng tingin at silid nila sa itaas. Nangunot ang kanyang noo nang mapansing hinawi na ang kurtina sa may sliding window nito gayong sigurado siyang iniwan naman nila itong nakabukas.

"Babalik na lang ako sa room. Fuck those bitches."

Kinuha na niya mula sa pinaghigaang lounge chair ang isang puting bathrobe na nakalaan para sa kanya at isinuot. Parang modelo niyang tinahak ang daan patungo sa sariling kuwarto.

Nang makarating sa may pinto ay agad niya iyong binuksan.

"What are you doing here?"

Hindi naman niya inasahan ang pigurang nadatnan sa loob. Nakahiga ito sa kama nila at ang mga kamay nito'y nasa likod ng kanyang ulo. Nginitian siya nito nang makapasok.

"Nagpapahinga lang. Pagod na ako, eh."

Sumilay ang isang kakaibang ngiti kay Adriana kasabay ng pag-lock niya ng pinto. Lumapit siya kay Kairan na bumangon na mula sa pagkakahiga.

"You're so hot," bulong ng binata at hinablot ang balakang ng dalaga upang magkalapit ang katawan nila.

"You're so bold to barge into my room, huh?"

"Akin ang lugar na 'to. At ikaw, akin ka rin."

Nagdikit ang mga labi ng dalawa para sa isang saglit na halik, at mabilis na inalis ni Adriana ang suot na bathrobe. Si Kairan naman na kanina pa walang pantaas ay pabagsak na humiga sa kama. Inalis nito ang suot na shorts at iniwan ang itim na boxer brief.

Nagtaka naman ang binata nang ang bagahe ni Adriana ang lapitan nito. Pagharap nito sa kanya ay may hawak itong lubid.

"Para saan 'yan?"

"I want you to be mine. You'll do whatever I want, right? My submissive ex..." Madiin ang bawat salita ni Adriana ngunit hininaan niya iyon sa bandang dulo.

"Ibang-iba ka na. Ang bangis mo," pakli ni Kairan. Ginawa naman ni Adriana ang nais nito sa binata. Itinali niya ang nga kamay at paa nito sa apat na kanto ng kama. Mabilis ngunit may alindog pa rin ang paggalaw niya.

"Handa ka na ba?"

"You mean, are you ready for me?"

Umupo na si Adriana sa kama at agad na sinunggaban ang labi ng binata.

Mapusok.

Iyan ang salitang perpektong maglalarawan sa kanila ngayon. Malaya ring gumala ang kamay ng dalaga sa katawan ni Kairan, na nagdulot ng kiliti sa lalaki.

Nagpatuloy sila sa kanilang gawain nang biglang umalingawngaw ang limang malalakas na katok mula sa pinto. Natuon ang paningin nila roon.

"What the fuck," asik ni Adriana at tumingin kay Kairan bago tumayo. Binuksan niyang pinto nang bahagya lamang upang hindi makita si Kairan sa loob.

"I know you'd be here."

"Cindy? Where the fuck did you two go?"

"Sumama ka sa'kin. Now."

Naiirita man, saglit na isinara ni Adriana ang pinto.

"Sino?" usisa ni Kairan.

"Cindy. Just stay there, I'll be right back," sagot ni Adriana habang isinusuot ang puting bathrobe.

"Bilisan mo, ha. I-lock mo 'yang pinto, mahirap na." Tinanguan ni Adriana ang pahayag na iyon ni Kairan. Nang bubuksan niya nang muli ang pinto ay may pahabol pa ang lalaki.

"Saka Adriana, baka nakakalimutan mo. Hindi pa nagiging tayo."

"Shut up." Inirapan na lang ng dalaga ang kausap bago lumisan sa silid.

Hinarap naman niya si Cindy na nasa likod ang mga kamay habang naghihintay sa kanya. Nakataas ang kilay nito.

"Now, what?"

"Wear this."

Ipinakita ni Cindy ang isang pulang panyo na itinago niya likuran.

"What kind of shit is this, Cindy? I'm not amused. Kanina pa kayo!" Sa pagkabwisit ay nagpapadyak na si Adriana na parang bata.

"Just cooperate. We have something for you!" Wala namang nagawa si Adriana nang si Cindy na ang magpiring sa kanya. Naisip niya rin kasi na baka may surpresa ang mga ito sa kanya.

"Gagabayan na lang kita papunta sa destination natin. Nandoon na si Yaz." Hinawakan ni Cindy ang kamay ng kaibigan at naglakad.

"Make sure na hindi mo ako ihuhulog sa hagdan ha. If anything goes wrong, I'll kill you!"

"Nothing will go wrong kung mananahimik ka na lang at susunod. So wordy as always."

Maingat na lamang na binaybay ng dalawa ang pasilyo at hagdan ng mansiyon. Walang ibang maririnig kundi ang mga yabag nila.

Sa kalagitnaan ng paglalakad ay nagsalita si Adriana.

"Hey, Cindy..."

"What?"

"Did you take the threat letter seriously? I mean, may nagawa talaga tayong mali kay Lana. We paid the endorsement manager para palitan siya, right?"

"What are you talking about? Wala tayong ginawa. Well, siguro kaunting pagpapa-impress, then sila mismo ang pumili sa atin for that endorsement. Saka, ano ka ba? Sabi mo nga, Lana is powerless. She can't even touch us."

"Well, you're right. That endorsement wasn't a big deal anyway. Gusto lang talagang magpasikat ng Lana na 'yon."

"Oh, wait. Here we are!"

Napatigil sila sa paglalakad. Bumitaw si Cindy sa pagkakahawak sa kamay ni Adriana at rinig ng dalaga ang pagbukas ni Cindy ng isang pinto.

"Let's go, girl!"

Pagtapak ni Adriana sa kuwartong pinagdalhan sa kanya ay yumakap sa kanya ang malamig na hangin, na panigurado'y galing sa air conditioner.

"Sit here, our queen!" Iginiya ni Cindy ang nakapiring pa ring si Adriana sa isang upuan.

"One, two, three!" Hinila na ni Cindy ang panyo pababa sa leeg ni Adriana.

"Happy Birthday, Queen Adriana!"

Napatakip sa bibig si Adriana nang masilayan ang isang silid na may mga kulay pulang lobo, kulay pulang kurtina, at isang tarpaulin na may pagbati sa kanya kasama ng kanyang litrato. Mayroon ding isang black forest cake sa harapan niya na may kulay pulang kandila.

"Oh my gosh... You prepared this?" Bakas pa rin ang gulat at pagkamangha sa mukha ng dalaga.

"Of course! Hahayaan ba namin na walang celebration si Queen Addie?" tugon ni Cindy na nakatayo sa kaliwa niya.

"Did you like it?" Napansin naman ni Adriana si Yazrie na nakatayo sa isang sulok at may hawak na camera.

"I don't like it. I love it!" Hindi naman napigilan ni Adriana ang sarili at napaluha na. Niyakap siya ni Cindy.

"Blow the candle na! And say hi to our viewers!" pakli ni Yazrie. Inilapit naman niya ang camera at kinausap ito ni Adriana.

"Hey guys! I really love this present! Thank you!" Pagkatapos noon ay hinipan na niya ang kandila. Napapalakpak naman ang dalawa niyang kasama.

"Yaz, turn the camera off. Now."

Nabigla naman si Yazrie sa iniutos ng kaibigan pero ginawa niya pa rin. Ibinaba niya ito sa isang lamesa.

"Here's the knife, go and slice it!" Iniabot naman ni Cindy ang isang kitchen knife kay Adriana. Tinanggap nito iyon at sinimulang hiwain ang cake.

"You made me cry," usal ng dalaga.

"Love na love ka kasi namin!" Lumapit na rin si Yazrie sa dalawang kaibigan. Pinanood nila ang paghiwa ni Adriana ng cake.

"'Di ba sabi ko, don't let Mimi cry or else it's time to die?"

Nanlaki ang mata nina Yazrie at Cindy nang biglang mag-iba ang boses ni Adriana. Naging mahinhin ito at ibang-iba sa nakasanayan nila. Rumehistro rin sa mukha nito ang isang nakakikilabot na ngiti.

"What are you— Ahhh!"

Hindi na nakatapos si Cindy nang itaas ni Adriana ang kutsilyo at  undayan na siya ng saksak sa leeg. Mabilis nito iyong hinugot at isinaksak nang paulit-ulit kaya naman sumagitsit ang masaganang dugo ni Cindy sa sahig.

Binitawan ni Adriana si Cindy at hinarap si Yazrie na natuod na dahil sa nasaksihan. Hindi ito makapaniwala sa mga nangyari sa loob ng ilang saglit lamang.

"Pasensya na."

Niyakap ni Adriana ang tulalang dalaga at ibinaon ang kutsilyo sa likod nito. Napaigik ito sa sakit.

"B-Bakit..."

Hinaplos ni Adriana ang pisngi ni Yazrie ang tiningnan na para bang puno ng adorasyon. Hinayaan na niyang nakabaon ang kutsilyo sa likod ng dalaga at binitawan ito.

Ipinagpag niya ang kamay na puno ng dugo at pinagmasdan ang dalawang dalagang nakahandusay sa harap niya.

Bahagya pang kumikisay ang mulat na mulat na si Cindy habang patuloy sa pagdanak ang mapulang dugo niya sa kulay puting sahig. Si Yazrie naman ay nakakurba na parang sanggol at gimbal na gimbal ang mga matang nakatingin sa kanya.

"Pakisabi na lang kay Adriana, maligayang kaarawan."

Ngumiti nang matamis si Adriana— hindi, hindi siya si Adriana.

Siya si Mimi.

Nagsimulang maglakad papalayo si Mimi. Lumabas siya ng silid at nalamang nasa unang palapag pala ang pinagdalhan sa kanya. Nagpakita siya sa sinag ng araw at tumungo sa may swimming pool.

Puno man ng talsik ng dugo ang katawan ay parang modelo pa rin ang paglakad ng mahubog niyang katawan.

Sumisid siya sa malamig na tubig.

Ang galing niya talaga.

Ang galing niyang mangopya.

•••

Umugong ang tunog ng driller sa kabuuan ng mansyon ni Mimi. Pagkatapos butasan ang pader ay ipinalsak niya rito ang metal na sabitan at sinigurong matibay ang pagkakalagay.

Tumalikod siya para kunin ang bago niyang obra. Ito ay mga guhit ng dalawang babae. Ang isa ay nakataas ang kilay habang ang isa ay nakangiti.

Inilagay niya ang mga iyon sa mga kuwadro upang magmistulang mga totoong larawan. Magkasunod niyang isinabit ang mga kuwadro sa tabi ng iba pang mga obra sa malawak niyang pader.

Kinuha niya ang kamera at nilitratuhan ang mga bagong dagdag sa koleksyon. Ipapadala niya iyon sa kanyang huling kliyente na humingi ng tulong sa kanya.

"Napakasaya ng misyon na ito... Unang beses kong ginamit ang mukha ng taong pinatay ko mismo, para patayin ang susunod."

Napahagikhik si Mimi.

"Ngayon... sino kaya ang sunod kong gagayahin?"

×××

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top