Third Eye

Sabi nila, lahat daw tayo may Third Eye. Yun nga lang, hindi natin alam kung papaano ito bubuksan.

Normal akong bata noon, ngunit dahil sa Lola ko, nagsimula ng maging kahindik-hindik ang pangyayari sa buhay ko.

Walang araw na hindi ko sila nakikita. Nagbabantay, nagmamatyag. Gusto kong maniwala na espesyal ang pagkakaroon ng third eye, ngunit para sa akin, sumpa ito.

High School ako noong lumala ang lahat. Walang oras na hindi ko sila nakikita. May matanda, may bata, may babae. Pero sabi ng lola ko, 'wag ko daw sila pansinin, mga kaluluwa daw silang hindi matahimik, hindi nabigyan ng hustisya ang pagkamatay nila.

Nasa kalagitnaan ng buwan ng klase, tahimik akong naglalakad papuntang paaralan. Medyo malayo ito at kailangan kong dumaan sa sementeryo. Hindi naman ako takot dahil sanay na akong naglalakad mag-isa.

Ngunit sa pagdaan ko sa sementeryo ay tumindig ang mga balahibo ko sa katawan. Parang may mali. Hindi ako mapakali. Dali-dali akong naglakad, halos lakad-takbo na nga ang ginawa ko makaalis lang sa lugar na iyon.

Nang makalabas ako sa sementeryo ay napalingon ako. May kung anong bagay ang humahatak sa akin para tumingin dito. At sa paglingon ng ulo ko ay siyang pagmura ko ng malutong. Shit! May bata! Babae. Wasak ang kabilang bahagi ng ulo nito at may tumutulong dugo mula sa mata niya. Maputik ang ilang bahagi ng kanyang puting damit at medyo basa pa ang buhok nito. Nakatingin siya sa akin. At ang tingin na iyon ang siyang nagpatakbo sa akin papalayo sa kanya.


Third subject na namin sa araw na iyon at medyo lutang pa din ako. Sino kaya ang batang iyon? Bakit siya nagpakita sa akin? Pabalik-balik na tanong ko sa sarili hanggang sa dumating ang guro namin sa Chemistry.

Habang nagtuturo siya ay nakayuko lamang ako sa armchair ko. Nag-advance reading naman ako kaya ok lang kahit hindi na ako makinig. Hindi pa din kasi mawala sa isip ko ang imahe ng batang iyon.

Binigyan kami ng group activity ng guro bago siya umalis. May urgent meeting daw ang Principal kaya kailangan niyang umattend. Nag-di-discuss ang isa kong kasama sa gagawin namin ng biglang mag-init ang buong katawan ko. Para akong malalagnat na ewan. Pinagpapawisan ako ng malagkit.

"Okay ka lang ba, Mianne?" Tanong sa akin ni Hannah habang nakahawak sa kaliwang balikat ko.

"Ok lang ako." 'Yun lang ang sinabi ko pero ang totoo ay sobrang sama ng pakiramdam ko.

Lumingon ako sa paligid. Abala ang lahat sa ginagawang group activity. Habang tumitingin ako sa mga kaklase ko ay bigla na lamang napako ang paningin ko sa pintuan ngunit nagsisi ako na sana hindi ko na lang ginawa. Nakita ko na naman siya. Gan'on pa din ang kanyang anyo. Madungis, maraming dugo ngunit walang may nakakapansin sa kanya. Nakatingin lamang siya sa akin na parang may ipinapahiwatig.

Ipinikit ko ang mga mata ko at nagdasal na sana sa pagbukas ko nito ay mawala na siya ng tuluyan. Muli kong binuksan ang mga mata ko ngunit mas lalong lumakas ang kabog ng dibdib ko nang sa pagdilat ko ng aking mga mata ay nasa harapan ko na siya. Umiiyak siya at dugo ang luha niya.

Gusto kong umiyak. Gusto kong tumakbo pero para akong pinako sa kinauupuan ko. Ipinikit ko ang mga mata ko sa ikalawang pagkakataon at nagdasal. Jusko po, Lord. Sana wala na siya. Natatakot na po ako.

Laking pasasalamat ko na sa muling pagbukas ng mga mata ko ay siya ding pagkawala ng imahe ng bata.

"Nakita ko ang nakita mo." Napalingon ako kay Loisa, kaklase ko. Nakasandal siya sa pader sa labas ng classroom na parang may hinihintay.

"A-ano?" Nauutal na tanong ko sa kanya.

"Yung bata." Napahigpit ang hawak ko sa sling ng bag ko ng marinig ko ang sinabi niya. "'Wag mo siyang katakutan. Harapin mo siya. Kailangan niya ng tulong mo."

"A-ano bang pinagsasabi mo, Loisa?"

"Alam kong may third eye ka, Mianne. Pareho tayo. Hindi ka nag-iisa. Harapin mo siya, sila. Hindi ka nila sasaktan. Kung patuloy kang tatakbo, patuloy ka nilang hahabulin. Hindi ka nila papatulugin." Sabi niya atsaka ako tinalikudan.

Hindi pa man siya nakakalayo ay tinawag ko siya. "Loisa.. Tulungan mo naman ako, please."


Pinuntahan namin ang lugar kung saan unang nagpakita ang batang babae sa akin. Sa sementeryo.

"Bata.. Bata.." Tawag ko dito ngunit hindi pa din siya nagpapakita. "Wala eh." Baling ko kay Loisa na tumitingin din sa paligid.

Nagkibit-balikat lamang ito sa akin. Saan na ba 'yon? Mahigit isang oras na kaming naghahanap sa kanya ngunit hindi pa din siya nagpapakita. Kung kelan ba namang may lakas ng loob na akong harapin siya, d'on naman siya hindi nagpakita. Hay.

"Uwi na lang tayo." Aya ko kay Loisa dahil malapit ng mag-alas sais. Wala naman yatang balak magpakita ang bata sa akin, eh.

Nagku-kwentuhan kami ni Loisa habang pauwi. Hindi kami close pero nag-uusap naman kami. May kalapitan lang naman ang bahay niya sa bahay namin.

Nauna ng pumasok si Loisa sa bahay nila. Ako naman ay nagpatuloy na lang sa paglalakad. Tahimik ang eskenitang nilalakaran ko. Hindi kasi matao ang lugar namin. Malapit na ako sa bahay ng biglang humangin ng malakas at malamig.

"Ate.." Bigla na lamang nanindig ang balahibo ko ng marinig ko ang boses na iyon. "Tulungan mo ako. Ate.."

Nanigas ako sa kinatatayuan ko. Parang umurong ang dila kong kanina lang ay handa nang kumausap sa batang nagmumulto sa akin. Nilakasan ko ang loob ko, humarap ako sa kanya.

Umiiyak siya. Kahit nakakatakot ang itsura niya ay nagawa ko pa ding maawa. Ano kayang nangyari sa batang ito at napaka-brutal naman ng itsura niya?

"Ano-" Huminga ako ng malalim saka nilakasan pa lalo ang loob kong kausapin siya. Hindi madali ang kumausap sa isang multo lalo na at ganito ang itsura ng makakausap mo. "Anong nangyari sa iyo?" Tanong ko sa kanya.

"Pinatay niya ako. Ate.. Tulungan mo ako. Hinahanap na ako ni nanay. Hindi niya alam kung nasaan ako." Umiiyak na sabi niya sa akin.

"Sinong pumatay sa'yo? Teka, saan niya inilagay ang katawan mo?" Sunod-sunod na tanong ko sa kanya.

"Nasa ilalim ng bahay namin. Doon niya inilagay ang katawan ko. Masama siyang tao, ate. Pinatay niya ako."

Dahil sa sinabi ng bata ay nagkaroon ako ng dahilan para tulungan siya. Mananagot ang gumawa nito sa kanya.

"'Wag kang mag-alala, tutulungan kita."

Kinaumagahan ay pinuntahan namin ni Loisa ang bahay ng batang multo. Doon ay nakita namin ang nanay niyang namumugto ang mga mata sa kaiiyak.

"Magandang araw po." Bati namin sa kanya. "Kayo po ba ang nanay ni Mikyla?" Tanong ko sa Ginang.

"Oo. Nakita n'yo ba siya? Isang linggo nang nawawala ang anak ko. Sabi daw ng mga kapit-bahay ay hindi naman nila nakita ang bata. Alalang-alala na ako sa kanya." Umiiyak na kwento ng Ginang.

Nagpasama kami sa Pulisya para ipahalughog ang buong bahay. Nagtataka man ay pumayag ang Ginang.

Pinuntahan namin ang ilalim ng bahay na siyang kinu-kwento ng bata sa akin. At doon ay nakita namin ang isang lumang baul na pinatungan ng hallowblocks. Parang may kung anong bagay ang humahatak sa akin na buksan ito kung kaya't ipinabuksan ko ito sa mamang pulis na kasama namin.

Tumambad sa amin ang masangsang na amoy na waring may nabubulok na isang katawan sa loob nito. Nang tignan namin ang baul, laking gulat ng lahat nang makita namin ang isang bulok na katawan ng bata. Medyo naaagnas na ito. Wasak ang isang bahagi ng ulo at naliligo ito sa sariling dugo. Siya. Siya yung batang nagmumulto sa akin.

Pumalahaw ang malakas na iyak ng kanyang ina nang makita ang munting batang wala ng buhay sa loob ng baul. Nakita namin ni Loisa ang pag-litaw ng kaluluwa ng bata. Nakatingin ito sa ina habang umiiyak.

"Hayup ka!" Isang malakas na sampal ang ibinigay ng Ginang sa pangalawang asawa nito. "Akala ko tunay na anak ang turing mo sa anak ko! 'Yun pala, ikaw pa ang papatay sa kanya! Akala mo ba makakatakas ka sa ginawa mo sa sa kanya? Mabubulok ka ng panghabang-buhay sa rehas, hayup ka!" Inawat siya ng mga Pulis sa ginawang pagsampal at bugbog sa lalaki.

Ang ama-amahan ni Mikyla ang siyang pumatay sa kanya. Ni-rape siya nito bago patayin. Napag-alaman din na nasa ilalim ng ipinagbabawal na gamot ang lalaki kung kaya't hinuli agad siya ng mga Pulis bago makatakas. Ayon sa imbestigasyon, pinukpok sa ulo ng lalaki gamit ang isang malaking bato ang bata matapos nitong pagsamantalahan. Dahil sa takot ay inilagay nito ang katawan ng huli sa baul at pinatungan ng hallowblocks.


Nailibing nang maayos ang katawan ni Mikyla. Laking pasasalamat sa amin ng Ginang sa malaking tulong na aming ginawa sa kanya. Sinamahan muna namin siya sa puntod ng kanyang anak.

"Ate.." Nakangiting anyo ng bata ang siyang nagpakita sa akin. Hindi na rin nakakatakot ang kanyang itsura. Malinis at walang mantsa ang kanyang damit. Nakalugay ang mahaba nitong buhok at maaliwalas na ang kanyang anyo. "Maraming salamat sa tulong mo. Binigyan ninyo ng hustisya ang pagkamatay ko. Sana marami ka pa pong matutulungan. Aalis na po ako, ate. Kailangan ko na pong pumunta sa lugar na dapat kong puntahan. Hindi po kita makakalimutan. Maraming salamat po." At sa huling salita niyon ay iwinagayway niya ang kanyang mga kamay habang sinasakop ng puting liwanag ang buo niyang katawan. Binigyan ko siya ng matamis na ngiti bago siya tuluyang maglaho.

"Tara na?" Aya sa akin ni Loisa. Tinanguan ko siya at nginitian saka kami naglakad pauwi.


-FIN-

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top