Unang Pahina

Sa unang pagbuklat ng pahina nitong libro ay pinapanalangin ko,
na sana makamit mo ang pahinga na hinahanap mo,
Ang paghiga, at paghinga ng malalim ay uso,
tulad din ng paglayo at pagsuko,

Ang pagsubok ay tila ba isang tali na humaharang sa ating dinaraanan,
mauna ka man sa pila'y wag kang matakot maunahan,
Bumagsak man sa unang pagkakataon,
matutong maging maingat at magdahan-dahan,
Ang pagmamabilis ay natitisod,
nagagasgas ang talampakan,

Pinakapaborito kong pagmasdan ang mga ulap,
at mahiga sa lilim ng puno na hitik sa bunga,
dinggin ang tunog ng mga nag-uumpugang mga sanga,
na sumasabay sa huni ng mga ibon,
isipin ang ulam sa hapon,
planuhin ang mga bagay na hindi ko naman magagawa buong taon,
at magliwaliw hanggang sumapit ang dapit hapon,

Ang mga tulang naririto ay ang aking pahinga,
sa mundong puno ng kapaguran, pasakit, at pagdurusa,
ito ang dahilan kung bakit mahimbing ang aking tulog,
ang ulan na nagbibigay kapayapaan sa mga kulog nitong isipan.

Sa aking paglalakbay ay sabayan mo akong maniwala,
na may pintuan pang bukas upang tayo'y makawala,
sa dilim nitong mundo,
ikaw, sila, at ako,
ihanda ang unan, kumot, utak at ulo,
Naririnig mo ba ako?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top