Please Wave Back

Natawa na lang si Aubrey nang maalala ang sinabi ng isang aleng napagtanungan niya kung saan ang daan papuntang Villagracia Farm.

Itinuro ng ale ang daan patungo sa hinahanap na farm na matatagpuan sa Sitio Dilim subalit may ibinilin ito sa kanya. Kailangan daw niyang kumaway sa kalsada kapag nakita niya ang isang road sign sa nasabing sitio na may nakasulat na "Waving children, Please wave back." kahit wala siyang nakikitang mga bata.

Lulan siya ngayon ng minamaneho niyang Nissan pickup habang tinatahak ang daan patungo sa Sitio Dilim. Sasadyain niya ang pinakamalaking farm sa munisipyo ng Lopez, probinsya ng Quezon upang alukin ang may-ari nito na bumili sa kanya ng animal health products na ibinebenta ng kanilang kumpanya.

Maya-maya pa'y naaninag na ng kanyang mga mata ang isang kulay dilaw na road sign. Nag-aagaw na ang liwanag at dilim ngunit sapat pa ang liwanag upang makita niya ang drawing ng isang batang babae at lalaki sa road sign na may nakalagay na "Waving children, please wave back" nang mas makalapit pa ang minamaneho niyang sasakyan dito.

Hindi kumaway si Aubrey kahit napatapat na siya sa nasabing road sign bagkus umismid pa siya habang tinitingnan ang nilagpasang road sign sa side-view mirror ng kanyang sasakyan. Wala siyang panahon sa mga ganoong paniniwala, ang kailangan niya ay makabenta at maka-quota upang manatili sa kanyang trabaho bilang isang ahente.

Nanlaki ang kanyang mga mata nang muli niyang itutok sa harapan ang kanyang mga paningin. Ikinagulat niya na may isang batang babae at lalaki na nakaharang sa kanyang daraanan. Agad niyang inapakan ang preno ng minamaneho niyang sasakyan, subalit huli na ang lahat dahil nabangga na niya ang dalawang na pumailalim pa sa kanyang sasakyan. Rinig at ramdam niya na may mga nagulungan ang kanyang kotse.

"Oh, hindi! Nakabangga ako!" takot na sigaw ni Aubrey sa kanyang isipan.

Dali-dali siyang bumaba nang tuluyang maitabi ang minamanehong sasakyan upang tingnan ang kalagayan ng mga batang nasagasaan. Sinilip niya ang ilalim ng sasakyan subalit wala naman siyang nakitang mga bata. Maya-maya ay may nakita siyang dalawang pares ng mga paa na nagtatabukhan sa bandang likuran ng kanyang sasakyan patungo sa talahiban sa gilid ng daan.

Mabilis siyang tumayo at sinundan ang mga bata upang madala ang mga ito sa ospital dahil sigurado siyang hindi maganda ang lagay ng mga ito.

Hindi niya inasahan na tila bangin ang nasa likod ng talahiban kaya naman nahulog siya rito at nagpagulung-gulong pababa. Natigil lang ang paggulong niya nang maumpog ang ulo niya sa isang bato. Naramdaman ni Aubrey ang sobrang pagsakit ng kanyang ulo kaya pinilit niyang makatayo subalit muli siyang nadulas at nagpagulung-gulong pababa.

Naramdaman na lang ni Audrey na patag na ang kanyang hinihigaan at hindi na siya gumugulong bago siya tuluyang mawalan ng malay.

Kulubot na mukha ng isang matandang babae na may mahabang puting buhok ang nabungaran ni Aubrey sa pagmulat ng kanyang mga mata. Hindi niya alam kung gaano siya katagal nawalan ng ulirat subalit laganap na ang dilim at tanging ang bilog na buwan na lang ang nagbibigay ng liwanag sa paligid ang kanyang namulatan.

"May bago na naman," sabi ng matandang babae.

"Ano hong ibig ninyong sabihin?" tanong ni Aubrey habang tumatayo mula sa damuhan na kanyang kinabagsakan.

"May bago na namang buhay na kinuha ng aking mga apo," malungkot na sagot ng matanda.

"Hindi ko ho maintindihan ang mga sinasabi ninyo. Sino ho ba kayo?"

"Apo ko ang batang babae at lalaki na na-hit & run sa kalsadang iyong pinanggalingan limang taon na ang nakakaraan. Simula noong araw na iyon, marami na ang naaksidente sa kalsadang iyon kapag hindi kumakaway. Pakiramdam ng mga apo ko, ang sino mang hindi gumawa nito ay ang mismong taong hindi pumansin at sumagasa sa kanila noon."

"Ibig nyong sabihin mga kaluluwa na lang ang dalawang batang nakita ko kanina?"

"Oo, mga kaluluwa na lang sila...mga kaluluwang hindi matahimik...tulad ng iba pang naaksidente sa kalsadang iyon dahil sa kanila...mga patay na silang katulad mo."

Ikinagulat at ikinasindak ni Aubrey ang tinuran ng matanda. Lalo pa siyang nanghilakbot nang makitang lumabas sa magkabilang gilid ng matanda ang duguang batang babae at lalaki. May mga naglabasan ding iba pang mga tao na lahat ay duguan ang katawan at mukha na halos nakapalibot na sa kanya lahat.

"Hindi ho yan totoo! Hindi pa ako patay! Hindi nabangga ang sinasakyan ko! Saka bakit n'yo ako nakikita at nakakausap ngayon?"

"Dahil may kakayahan akong makita at makausap ang mga kaluluwa ng mga yumao."

"Hindi 'yan totoo! Hindi ho ako naniniwala sa inyo!"

Dali-daling umakyat si Aubrey pabalik sa kanyang pinanggalingan. Makalipas ang ilang minuto, may nakita siyang nakahandusay sa kanyang dinaraanan. Nilapitan niya ito at nakita niyang kapareho ng suot niyang damit ang suot nito. Sinipat niya ang mukha nito at nakita niyang dilat ang mga mata nito at punung-puno ng dugo ang ulo nito dahil sa pagkakaumpog sa isang bato. Isang malakas na sigaw ang pinakawalan ni Aubrey nang matiyak niya na siya nga ang babaeng nakahandusay, dilat ang mga mata at punung-puno ng dugo ang ulo.

"Hindi!!!"

Wakas.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top