Picture Of Death
"Mamamatay na ako...mamamatay na tayo...ayoko pa...natatakot ako," tila wala sa sariling turan ni Marie habang hawak at tinitingnan ang dalawang printed picture mula sa instax camera na dala ni Ella.
Parehong makukulit ang pose nilang tatlong magkakaibigan sa dalawang larawan kung saan si Marie ang nasa gitna sa isang picture samantalang si Rina naman ang nasa gitna sa isang larawan.
"Bakit ko ba nalimutan?...masyado akong nag-enjoy kanina," sising-sising sabi ni Marie habang naka-upo sa back seat ng sinasakyang kotse na minamaneho ni Ella. Inabot na sila ng gabi sa daan mula sa pag-attend ng kanilang foundation day. Pare-pareho silang fourth-year student ng magkakaibang kurso sa St. Peregrine University Manila. Nag-volunteer ang dalawa niyang kaibigan na ihatid siya sa bahay nila na matatagpuan sa bayan ng Lobo, Batangas at magbakasyon na rin sa kanila kahit sandali.
"Tumigil ka na Marie...hindi tayo mamamatay...akin na nga 'yang pictures natin," kalmadong sabi ni Rina habang pinipilit abutin ang mga larawan na hawak ni Marie. Nakaupo ito sa harapan sa tabi ni Ella.
Iniiwas naman ni Marie ang hawak na pictures. "Ayoko...hindi pwede! Susunugin ko ito mamaya pagdating ng bahay...pero papadasalan ko muna kay lola para mawala ang negatibong hatid ng pictures na ito."
Malaki ang paniniwala ni Marie sa mga pamahiin dahil pinalaki ito ng abuela nitong naniniwala sa ganoong bagay. Kabaligtaran naman ni Rina dahil mas naniniwala ito sa kapangyarihan ng Diyos.
Patuloy na nag-aagawan ang dalawang babae para sa mga larawan nang bigla silang mapasigaw dahil biglang pagpreno ng sinasakyan nila.
"Girls!" Napatingin sina Marie at Rina kay Ella nang tawagin sila nito sa takot na boses, "may tao sa gitna ng kalsada...nakaharang sa daraanan natin."
Dahan-dahan na nilingon ng dalawa ang sinasabi ni Ella at nakita nga nila ang isang taong nakatayo sa gitna ng kalsada. Kinilabutan sila nang makita ang taong natatamaan ng headlight dahil nakasuot ito ng mahabang itim na damit na tumatakip sa ulo nito, mga kamay at mga paa. Hindi nila makita ang mukha nito dahil may kalayuan ito sa kanila.
Nagulat sina Marie at Rina nang bumusina si Ella nang tatlong beses. Maya-maya'y naglakad ang tao at nakita nilang tumabi ito sa gilid ng kalsada, sa bandang kaliwa nila.
Mabilis na pinatakbo ni Ella ang sasakyan dahil sa kaba lalo na't tatlong babae lang sila na dumadaan sa liblib na lugar. Ikinagulat at lalong ikinatakot nang tatlo nang biglang bumagal ang takbo nila nang malapit na sila sa taong naka-itim.
"Ella, bakit bumabagal ang takbo natin?! Bilisan mo please!" nangangatog na pakiusap ni Rina.
"Hindi ko alam alam kung anong nangyayari!" nanginginig na sagot ni Ella.
Sabay-sabay ang tatlo na napatingin sa taong nakaitim nang matapat na sila rito.
"Ahhhh!!!" sabay sabay na sigaw ng tatlong babae nang makita ang bungong mukha ng nakaitim. Nakita rin nila nang inilabas nito ang hawak na karit mula sa mabaha nitong itim na damit.
Mabilis na kinabig ni Ella ang manibela pakanan at nagawa naman niyang mapatakbo ulit ito ng mabilis.
"Ayan na nga ang sinasabi ko! Hinahabol na tayo ni Kamatayan! Mamamatay na tayo Rina! Mamatay na tayo!" sigaw ni Marie.
"Shut up, Marie! Hindi tayo mamamatay!" sagot na pasigaw ni Rina.
"Kumapit kayong dalawa! Nawalan tayo ng preno!" sigaw ni Ella na nagpatahimik sa dalawa.
Nagpagewang-gewang ang takbo ng sasakyan hanggang sa napunta ito sa talabihan. Naramdaman nila dumausdos pababa ang sasakyan. Isang malakas na sigaw ang pinakawalan ng tatlo nang maramdaman nila ang pagbaligtad ng kotse at pagkahagis ng bawat isa palabas. Pagkatapos ay nagdilim na ang lahat nang maramdaman ng bawat isa ang pagbagsak nila sa lupa.
Puting kisame ang nakita ni Ella sa pagmulat ng kanyang mga mata. Ramdam niya ang sakit sa buo niyang katawan. Napansin niyang naka-dextrose siya. Bumaling siya sa kaliwa at nakita ang isang puting tela na humaharang sa kanyang kinahihigaan.
"Marie?...Rina?" naiiyak na tawag ni Ella.
"Andito ako Ella," sagot ni Rina. Hinawi nito ang telang puti na nakaharang sa kanila kaya nakita ito ni Ella na nakahiga sa kama at puro sugat din.
"Mabuti naman at ligtas ka...asan si Marie?"
Tumulo ang mga luha ni Rina dahil sa narinig. "Wala na si Marie...patay na siya."
"Oh hindi!...Marie!" Naglandasan din ang mga luha ni Ella. "Nagkatotoo ang sinabi niya."
"Si Marie, kanina nang pauwi na tayo sa school niyaya ko siyang dumaan muna sa chapel para magdasal...dahil nga sa sinasabi niyang pagpapa-picture nating tatlo," kwento ni Rina.
"Pero ayaw niya dahil masyado na niyang sinisisi ang sarili niya...dahil nalimutan niya ang pamahiin tungkol sa pictures tama ba?" dugtong ni Ella.
Tango lang ang itinugon ni Rina sa mga sinabi ni Ella.
"Hindi ko alam kung totoo ang nakita ko kanina nang tumalsik na ako palabas ng sasakyan...may nakita akong nagliliwanag na hugis babae na may dalawang pakpak na lumapit at yumakap sa akin bago ako tuluyang bumagsak sa lupa," saad ni Rina.
"Isang anghel?" tanong ni Ella.
"I'm not sure...hindi rin ako sigurado kung totoo ang nakita o namamalikmata lang ako...pero isa lang ang sigurado ko, mas makapangyarihan ang panalangin at pananampalataya sa Diyos kesa sa kung ano mang paniniwala o pamahiin ng tao."
Wakas.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top