Mommy, Sino 'Yang Katabi Mo? Part 2

Nakita niyang nakatayo ang anak sa labas ng pinto at nakangiti sa kanya.

"Mommy, tulog na lang po pala tayo nang magkatabi."

"Hay salamat naman bebe ko. Halika na, pasok ka na at matulog na tayo."

Inakay ni Coreen papasok ang anak at sabay silang humiga sa kama. Nakatulog siyang nakayakap sa kanyang anak.

Makalipas ang ilang sandali naalimpungatan siya nang marinig na tumatawa si Iñigo.

Napabalikwas ng bangon si Coreen dahil nakakikilabot ang narinig niyang pagtawa ng anak. Mas lalo siyang kinilabutan nang makitang mahimbing naman na natutulog si Iñigo. Walang indikasyon na tumatawa ito, nagsasalita habang tulog o kaya ay nananaginip. Payapang-payapa ang pagtulog ng kanyang anak.

"Ano ba 'tong mga nangyayari? Nananaginip na naman ba ako?"

Naisip ni Coreen na bukas na bukas din ay magsisimba silang mag-ina at makikiusap siya sa isang pari na bendisyunan ang loob ng kanilang bahay upang maitaboy ang kung ano mang kababalaghang nangyayari at nararanasan niya.

Nakatulog si Coreen na ang planong ito ang nasa kanyang isipan. Maliwanag na sa labas nang muling magmulat ang kanyang mga mata. Wala na si Iñigo sa kanyang tabi.

Bumangon siya at inayos ang sarili. Bumaba siya sa unang palapag ng kanilang bahay upang hanapin ang anak. Naisip niyang baka nagpunta ito ng banyo upang umihi o kaya naman ay nagpunta ng kusina upang uminom ng tubig.

Una niyang sinilip ang banyo subalit hindi niya nakita si Iñigo. Sunod niyang pinuntahan ang kusina subalit wala rin doon ang bata.

Naisip niyang muling bumalik sa taas at tingnan ang kwarto ng anak. Baka lumipat na ito sa sariling kwarto nang makitang umaga na. Baka inaantok pa ito at doon na lang sa sariling kwarto itinuloy ang pagtulog. Ang mga ito ang tumakbo sa isipan ni Coreen habang umaakyat sa hagdan patungo sa ikalawang palapag ng kanilang bahay.

Dahan-dahan niyang binuksan ang pinto ng kwarto ni Iñigo. Nakahinga ng maluwag si Coreen nang makitang mahimbing na natutulog ang anak.

Nilapitan niya ito, umupo sa gilid ng kama at ginising. "Bebe, bakit ka pa lumipat dito sa kwarto mo?"

Nagsalita si Iñigo na hindi binubuksan ang mga mata, "Mommy, inaantok pa po ako. Mamaya n'yo na po ako kausapin please."

"Eh kasi naman anak, bakit bumangon ka pa sa kama ko at lumipat dito? Sana doon ko na lang sa kwarto natulog hanggang sa magising ka na ng tuluyan."

Napansin ni Coreen na agad na nagmulat ng mga mata ang anak matapos marinig ang kanyang sinabi.

"Ano pong sinasabi n'yo Mommy? Lumipat ako rito mula sa kama n'yo?" tanong ni Iñigo matapos na umupo sa kama.

"Oo, anak. 'Di ba nga magkatabi tayong natulog?"

Kitang-kita ni Coreen ang rumehistrong gulat sa mukha ng anak.

"Hindi po ako nagpunta sa kwarto n'yo mommy. Hindi rin ako natulog doon. Dito lang po ako simula kagabi hanggang ngayong umaga."

Ikinalamig ng buong katawan ni Coreen ang sinabi ng anak.

"Kung ganoon...si-sino ang katabi kong matulog kagabi?" nauutal sa takot na tanong ni Coreen.

"Mommy."

Ikinanginig ni Coreen nang marinig ang pagtawag sa kanyang pangalan na nagmumula sa labas ng kwarto ng anak. Narinig rin niya ang ingit at unti-unting pagbukas ng pinto.

"Sino po 'yun mommy? Bakit kaboses ko?" takot na tanong ni Iñigo na sumiksik sa kanya.

Dahan-dahang nilingon ni Coreen ang pintuan at ikinagimbal ng buo niyang pagkatao nang makita ang isang batang lalaking kamukha ng kanyang anak. Nakasuot din ito ng pantulog na suot ni Inigo subalit itim ang buong dalawang mata nito at may itim na likidong tumutulo mula sa bibig nito na mala-demonyong nakangisi sa kanila.

"Mommy...sino 'yang katabi mo?" tanong ng batang lalaking kawangis ni Ińigo na nakatayo sa labas ng pinto. Kitang-kita ni Coreen nang magsimula na itong maglakad palapit sa kanila.

Wakas.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top