Mommy, Sino 'Yang Katabi Mo? Part 1
Madilim na kusina ang tumambad sa paningin ni Coreen.
Sinadya niyang patayin ang ilaw sa kusina kagabi bago siya matulog dahil kailangan nilang magtipid sa kuryente lalo na't mataas ang electricity bill nila noong nakaraang buwan.
Marahang naglakad si Coreen patungo sa refrigerator nang makapag-adjust na ang mga mata niya sa dilim. Balak niyang kumuha muna ng maiinom bago siya magluto ng agahan nilang mag-ina.
Muntik na niyang mabitawan ang hawak na babasaging pitsel nang makita ang pitong taong gulang niyang anak na naka-upo sa komedor. Hindi niya ito napansin kanina. Baka dahil sa kadiliman ng kusina, sa isip-isip ni Coreen.
"Oh, Iñigo, anak! Gising ka na pala. Kanina pa ba diyan ang bebe ko? Anong gusto mong almusal?"
Hindi umimik ang bata at nanatili lamang itong nakayuko sa lamesa.
"Inaantok pa ba ang bebe ko? Sandali lang ha, iinom muna si mommy ng water then ipagluluto na kita ng breakfast."
Hindi na hinintay ni Coreen na sumagot ang anak. Naisip niyang baka inaantok pa ito pero nagugutom na kayo bumangon ito nang maaga.
Inilapag niya ang hawak na pitsel sa lamesa at akmang kukuha siya ng baso nang maalala niyang hindi pa pala niya napapatay ang aircon sa kwarto nilang mag-asawa.
"Bebe wait lang ha, akyat muna si mommy sa kwarto. Mabilis lang ito."
Mabilis na naglakad si Coreen palabas ng kusina. Subalit napatigil siya at nanlaki ang mga mata nang masalubong si Iñigo sa sala.
"Mommy, gutom na po ako...luto n'yo po ako ng chicken nuggets please," malambing na sabi ng bata sa ina.
"Anak?! 'Di ba iniwan kita doon sa kusina?" nagtatakang tanong ni Coreen sa anak dahil bagama't hindi niya nakita ang mukha ng bata sa kusina sigurado siyang si Iñigo iyon dahil nakasuot iyon ng iron man na pajama at wala naman silang ibang kasamang bata sa bahay.
"Po? Hindi po. Kakagising ko lang po, mommy. Kakababa ko lang din po ngayon."
Nagsitayuan ang mga balahibo sa buong katawan ni Coreen dahil sa sinabi ng anak.
"Kung hindi si Iñigo ang batang nasa kusina...sino iyon?" takot na tanong ni Coreen sa kanyang isipan.
"Bakit po mommy? Ano pong nangyayari?"
"Ssshhh...huwag kang maingay anak. Halika." Inabot ni Coreen ang kaliwang kamay ng anak at marahan silang naglakad patungo sa kusina.
Medyo maliwanag na kaya mas nakikita na nila ang kabuuan ng kusina. Tiningnan ni Coreen ang komedor subalit wala siyang nakitang batang nakaupo. Binuksan niya ang ilaw subalit wala talaga silang nakitang bata nang tuluyang lumiwanag ang paligid.
Kinagabihan, napagdesisyunan ni Coreen na sa kwarto na lang niya matulog ang anak dahil sa nangyari nitong umaga.
Naisip rin niya na papuntahin ang kanyang nanay at bunsong kapatid na lalaki sa kanilang bahay at doon na muna manirahan upang may makasama silang mag-ina. Dadalawa lang sila ng kanyang nag-iisang anak na magkasama sa bahay dahil umalis na sa bansa ang engineer niyang asawa upang magtrabaho sa ibayong dagat.
Kakatawag lang niya kanina sa probinsya at sumang-ayon naman ang kanyang ina sa kanyang binabalak.
Pinuntahan niya ang kwarto ng anak upang yayain ito na matulog na lang sa kwarto niya.
"Bebe, halika tulog ka na lang sa kwarto ko. Baka natatakot kang mag-isa rito, tabi na lang tayo, anak."
"Ayoko po mommy, brave po ako saka big boy na po ako. Kayang-kaya ko nang matulog nang walang katabi," pagmamalaki ni Iñigo.
"Eh si mommy naman ang natatakot bebe kaya tara na tabi na lang tayo. Kung gusto mo ako na lang matutulog dito," malambing na sabi ni Coreen sa anak.
"Mommy, big girl ka na...saka po kung natatakot ka eh di mag-pray ka. Ako nga po nag-pray na kanina eh."
Wala nang maktwiran pa si Coreen si anak. Masyado itong matalinong bata. Laging may sagot sa mga tanong o sinasabi niya. Hindi niya alam kung sa kanya ito nagmana o sa asawa niya.
"Sige na nga bebe. Goodnight na," sabi ni Coreen pagkatapos ay hinalikan sa pisngi ang anak.
Pinunasan naman ng bata ang pisngi. "Mommy naman eh, sabi nang big boy na 'ko. Bawal na po ang kiss."
"Bebe ko talaga oh," sabi ni Coreen pagkatapos ay ginulo ang buhok ng anak.
Nakita niyang humiga na si Iñigo kaya naman lumabas na siya ng kwarto ng anak, nagtungo sa sariling kwarto at nagpasyang matulog na.
Naalimpungatan si Coreen mula sa pagtulog nang marinig na tinatawag siya ng kanyang anak. Napabalikwas siya ng bangon nang patuloy ito sa pagtawag mula sa kabilang kwarto. Tuluyan siyang bumangon upang puntahan ito at alamin ang dahilan ng pagtawag nito.
Binuksan niya ang pintuan ng kwarto ni Iñigo at ikinagulat niya nang makita niyang mahimbing itong natutulog. Nilapitan niya ito, umupo siya sa kama at ginising ang anak.
"Bebe...bebe...anak...tinatawag mo ba si mommy?"
Nagmulat ng mga mata ang bata at tumingin sa ina.
"Bakit po mommy?"
"Tinatawag mo ba ako kanina anak?"
"Hindi po."
Gumapang ang kilabot sa buong katawan ni Coreen. Hindi sinungaling na bata si Iñigo. Ilang beses na niya itong napatunayan.
"Oh sige matulog ka na ulit."
Muling pumikit si Iñigo. Inayos naman ni Coreen ang kumot sa katawan ng bata.
"Baka naman nananaginip lang ako...o baka naman guni-guni ko lang." Sa loob-loob ni Coreen.
Muli na siyang bumalik sa kwarto at natulog. Maya-maya nakarinig siya ng pagkatok sa kanyang pinto at pagtawag sa kanyang pangalan.
"Anak bakit?" Bumangon si Coreen at binuksan ang pinto.
Nakita niyang nakatayo ang anak sa labas ng pinto at nakangiti sa kanya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top