May Mga 'Di Kilalang Tao Sa Bahay Namin

Naalimpungatan ako nang makarinig ng ingay na tila nagmumula sa labas ng aking kwarto.

Agad akong napabalikwas ng bangon sa aking kama nang maalala na mag-isa lang ako ngayon sa aming bahay dahil nagbakasyon sa probinsya ang aking mga magulang at nakababatang kapatid.

Hindi ako sumama sa kanila dahil marami akong pending na trabaho bilang isang graphic designer. Kahit naka work from home naman ako siguradong hindi ko ito magagawa kapag nagbakasyon ako sa probinsya ng aking ama. Isa pa, hindi ko rin naman maisasama ang aking nobya dahil abala rin ito sa kanyang trabaho.

Tiningnan ko ang orasan at nakitang alas-sais na ng umaga. Sabado ngayon kaya wala akong trabaho. Sigurado ako sa narinig kong tawanan ng dalawang batang babae at takbuhan ng mga ito paakyat sa hagdan patungo sa second floor na aking kinalalagyan. Kinilabutan ako dahil sigurado akong nai-lock ko ang gate at ang main door ng aming rowhouse bago ako natulog kagabi.

"Hindi kaya...mga multo iyon?...mga batang multo." Gumapang ang kilabot sa buo kong katawan dahil sa naisip kong ito.

Bagama't natatakot, dahan-dahan akong bumangon mula sa kama upang silipin kung tama ang kutob ko. Naglakad ako patungo sa pinto at pinihit ang doorknob nito. Lalong bumilis ang tibok ng puso ko nang eksaktong sumara ang pintuan ng kwarto ng aking mga magulang at kapatid pagkabukas ko ng aking pinto.

"May mga...kaluluwang naggagala...sa aming bahay." Nanginginig kong sabi sa aking sarili habang papalapit sa kabilang kwarto. Hindi ko alam kung saan ako humuhugot ng katapangan dahil imbes na bumalik sa kwarto patuloy akong naglakad patungo sa kabilang silid.

Akmang bubuksan ko ang doorknob nang makalapit na ako sa kwarto ng aking mga magulang nang may maulinigan akong ingay na nanggagaling sa unang palapag ng aming bahay na lalong nakapagbigay ng labis na kilabot sa akin.

"Ano iyon?...parang may nag-uusap?" tanong ko pagkatapos ay nilingon ang hagdan pababa.

Mas naagaw ng narinig ko sa baba ang aking interes kaya binaybay ko ang daan patungo sa hagdanan. Sa aking pagbaba, nakita ko ang isang babae na kasing edad na ng aking lola at isang babae na kasing edad naman ng aking ina. Sabay silang umupo sa sofa habang nakatingin sa isa't-isa na para bang pumasok lang sa loob para ituloy ang kanilang usapan sa labas ng bahay.

"Ano hong ginagawa n'yo rito sa bahay namin? Sino ho kayo?" tanong ko sa dalawang babae nang tuluyan na akong makababa ng hagdan. Subalit patuloy lang na nakatingin ang dalawang babae sa isa't-isa at hindi ako pinansin.

"Hindi n'yo ho ba ako naririnig?...sino ho kayo at bakit kayo nandito sa loob ng bahay namin?" malakas kong tanong nang nakatayo na ako ng malapit sa dalawang babae.

Tinapunan ako ng tingin ng babaeng kasing edad ng aking ina pagkatapos ay muli itong tumingin sa matanda.

"Malamang siya po si Alex. Ang tinutukoy n'yong binata na pinatay dito ng mga magnanakaw."

Sinulyapan din ako ng matandang babae bago ito nagsalita, "Malamang siya nga iha. Kawawa naman ang batang iyan at sayang dahil napabakata pa at napakakisig. Bente Cuatro Años lang nang mamatay. Karumal-dumal pa ang naging kamatayan. Sana sumama na lang siya sa pamilya niya nang magbakasyon sa probinsya. Hindi sana siya napatay ng mga magnanakaw na pumasok dito sa bahay nila isang buwan na ang nakakaraan."

Nanlamig ako sa aking narinig. "Bakit kilala nila ako? Sino ba ang mga ito? At tama ba ako nang narinig? Pinasok ng mga magnanakaw ang bahay namin at pinatay ako? Imposible! Dahil nandito pa ako at buhay na buhay." Gulung-gulo kong tanong at sabi sa aking sarili.

Muli akong napatingin sa kanila nang magsalita ang babaeng kasing edad ng aking ina.

"Grabe naman 'yung seller ng bahay na ito, hindi na nga sinabi ang nakakatakot na nangyari dito hindi pa inalis 'yang family portrait nila Alex." Muli akong tinapunan ng tingin ng babae.

Napaawang ang bibig ko sa narinig mula sa babae. Lumingon ako sa aking likuran at tumambad sa akin ang aming family portrait.

"Ibig sabihin ito ang tinitingnan nila kanina pa at hindi ako...ibig sabihin hindi nila ako nakikita...ibig sabihin," hindi ko na naituloy ang sasabihin ko dahil sa narinig kong pagtili ng dalawang batang babae.

"Aaaahhh!!! Mommy! May multo!"

Nakita ko ang dalawang batang babae na nasa gitna ng hagdan na nakatingin sa akin. Parehong nanginginig at umiiyak na magkayakap.

Sindak ang namayani sa buo kong pagkatao nang mapatingin ako sa full-length mirror na nasa tabi ng aming sofa, nakita ko ang sarili kong basag ang bungo, laslas ang leeg at punung-puno ng dugo ang buong katawan.

Wakas.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top