Ang Babae Sa Loob Ng Antigong Salamin
Dismayado si Donya Clarita nang makita ang kanyang itsura sa antigong full-length mirror na nasa kanyang harapan.
Maganda nga at mamahalin ang suot niyang damit at mga alahas subalit halatang-halata naman ang kanyang katandaan, isa na siyang señor citizen. Lalo siyang napasimangot nang mapansin niyang naglalabasan na naman ang kanyang wrinkles na nangangahulugan na kailangan na naman niyang magpa-botox.
Napabuntung-hininga siya ng maalalang muli ang kariktan ng kanyang kabataan habang nakatingin sa salamin. Ang dati niyang balingkinitang katawan, ngayon ay malapad na. Ang dati niyang flat na tiyan ay may mga bilbil na. Ang dati niyang tayung-tayong hinaharap ngayon ay bagsak na. At dating niyang makinis na balat ngayon ay kulubot na.
"Handa kong gawin ang lahat, maibalik ko lang ang dati kong kagandahan at kabataan."
Tumalikod na ang donya pagkatapos na bitawan ang mga salitang ito sa harapan ng salamin. Muli siyang mag-iikot sa antique shop na kanyang kinaroonan upang makabili ng bagong maidaragdag sa kanyang koleksyon.
"Donya Clarita."
Napatigil sa paghakbang ang donya nang marinig ang tinig ng isang babae. Nagpalinga-linga siya sa paligid upang makita kung sino ang tumawag sa kanyang pangalan subalit pawang mga antigong gamit lamang ang naroon.
"Paano kung sabihin ko sa'yong kaya kong ipagkaloob ang iyong ninanais?"
Nangibabaw ang kuryosidad ng donya kesa sa takot dahil sa kanyang narinig. Muling siyang humarap sa kanyang likuran nang mapagtantong doon nanggagaling ang tinig. Sumalubong sa kanya ang sariling repleksyon sa antigong itim na salamin na hugis parihaba na may magagandang disenyo sa gilid. Sa isang iglap, nakita niyang bumata ang kanyang repleksyon.
"Sino ka!? Anong gagawin ko upang maibalik ang aking kabataan?"
"Ako si Jeze....tulungan mo akong makalabas sa salamin na ito upang lubusan kong magamit ko ang aking kapangyarihan nang sa gayon ay maibigay ko ang iyong kahilingan."
"Kung talagang makapangyarihan ka, bakit hindi mo magawang mapalaya ang sarili mo?"
"Masyadong makapangyarihan ang nagkulong sa akin dito. Makakalabas lang ako kung may tutulong sa akin mula sa labas ng salamin na ito."
"Sabihin mo sa akin kung anong gagawin ko upang mapalaya ka," desperadong tanong ng donya.
"May kausap po ba kayo, donya Clarita?"
Napalingon ang donya sa empleyada ng antique shop.
"Wala naman, hija. Ito na nga palang salamin na ito ang kukunin ko. Paki-asikaso na lang. Salamat."
"Sige po. Aasikasuhin ko na po para ma-i-deliver na sa bahay nyo."
Eksaktong alas-dose ng hatinggabi, nasa harapan na ng antigong salamin na nakalagay na sa marangya niyang silid ang pitong taong gulang na batang babaeng palaboy na kanyang pinulot mula sa kalsada. Masaya nitong tinitingnan ang suot na magarang bestida na kanyang ibinigay.
Dahan-dahan niyang inilabas ang hawak na kutsiyo sa kanyang likuran at sinasaksak ang bata. Hindi na nito nagawang makasigaw dahil sa kanyang ginawa. Tumigil lang siya sa pagsaksak nang makitang hindi na gumagalaw ang inosenteng bata. Ipinahid niya sa salamin ang mga dugo nito.
Matapos maitabi ang bangkay, pinatay niya ang ilaw pagkatapos ay nagsindi ng kandila at humarap sa salamin.
"Jeze...Jeze...Jeze...tinatawag kita mula sa iyong kinalalagyan...halika't sundan mo ang liwanag patungo sa aming mundo."
Nakaramdam ng biglang pag-init paligid si Donya Clarita matapos ang mga sinabi. Kinilabutan siya ng may nakitang may mga usok na lumabas mula sa salamin, pagkatapos ay nakarinig siya ng halakhak ng isang babae na may malaki, mababa at nakakikilabot na tinig.
"Aaaahhhh!!!" sigaw ng donya nang makita ang isang nilalang na unti-unting lumabas mula sa salamin. Isa itong babaeng nakahubad subalit itim ang buong katawan at mukha nito na bitak-bitak ang balat. May mahaba itong itim na buhok at may dalawang naglalakihang sungay. Mapupula ang mga mata nito at matutulis ang mga ngipin.
"Aaaahhhh!!!" Muling napasigaw ang donya nang maramdaman niyang hinihigop siya ng salamin.
Mas lalong napuno ng nakakikilabot na halakhak ang buong kwarto nang tuluyang makalabas ang demonyang si Jezebeth, ang reyna ng panlililang at kasinungalingan.
Mula sa nakasisindak na anyo nito nagpalit ito ng anyo at naging kamukha ni Donya Clarita noong kabataan nito. Maganda at kaakit-akit.
"Sa wakas! Nakalaya na rin ako! At siguradong makakalaya rin mula sa pagkakakulong sa mga salamin ang iba ko pang mga kasamahan dahil sa mga taong tulad ng matandang ito! Makapaghahasik na naman kami ng lagim sa sangkatauhan! Bwahaha!" dumadagundong na halakhak ng demonya habang nakatingin kay Donya Clarita na sumisigaw subalit hindi naririnig ang boses at nagpupumilit makalabas mula sa pagkakakulong sa loob ng antigong salamin.
Wakas.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top