IV - Huwag Buksan Ang Pinto

Dedicated ang part na ito kay Aprilim1994 he's also a horror story writer, try to check his stories out :))



IV - Huwag Buksan Ang Pinto


“Bess? Hindi ka pa ba tapos?” bati ko kay Suzy at pumasok sa kwarto. Tumingin siya sa akin mula sa kaharap niyang salamin.

“Sandali nalang 'to," sabi niya at nagpatuloy na naman sa pagsusuklay.

“Sinabi mo na sakin kanina 'yan. Tapos ngayon maabutan kitang nagsusuklay parin? Bilisan mo na dyan, magsisimula na ang Bonfire Gathering.” Sabi ko at humiga sa kama namin. Napatitig ako sa kisame.

“Kaya nga eh, Gathering ngayon kaya kailangan maging maganda ako.”

“Maganda ka na, bess.”

“Alam ko 'yon, no... o tapos na ako. Tara na!” lumapit siya sa akin at hinila ang kamay ko.

Noong nasa pintuan na kami, napatigil ako. Dahan-dahan kong nilingon ang salamin, pakiramdam ko may tao.

“Ano pang tinatayo-tayo mo dyan? Tara na.”

“Sige,” tumingin ulit ako at wala naman akong nakita.

Pangalawang gabi na namin ngayon, last night namin. Marami kaming ginawang activities kaninang umaga. Naligo kami sa ilog, nagkaroon ng games at may simpleng program din.

At ngayong gabi gaganapin ang huling activity namin. Pabilog naming pinalibutan ang bonfire ng naka-squat. At nakatayo naman si ma'am sa gitna malapit sa bahay.

“Good evening class," nakangiting bati ni ma'am. Ginantihan din namin siya ng 'good evening.'

“Alam kong alam niyo na ang sole reason ng camping na ito ay ang makapag-unwind, hindi lamang kayo kundi pati na rin ako,” ngumiti ulit si ma'am at naglakad. “Ngayon, bilang tao, dumarating sa buhay natin ang iba't-ibang klase ng karanasan. May roong masaya, malungkot at meron naman ding mga pangyayaring hinding-hindi natin malilimutan. At bilang tao, hindi tayo perpekto. Nagkakasala, nagkakamali. May mga nagawa tayo na pinagsisihan din natin sa huli.”

Tahimik lang kaming lahat. Normal sa aming magkaklase ang maging maingay. Pero iba ngayon. Walang umimik sa amin.

“Gusto kong pumikit kayong lahat...” tiningnan ko ang mga kaklase ko, isa-isa silang pumikit. Pumikit na rin ako.

“Isipin niyo ang mga mahal niyo sa buhay,... ang pamilya niyo, ang ama, ina at ang inyong mga kapatid. Isipin niyo ang masasayang oras na kasama niyo sila.”

Naisip ko si mama at si Lola. Napangiti ako nang maalala ko 'yong oras na humagalpak si Lola ng tawa at nahulog mula sa bibig niya ang artificial niyang ngipin.

At si mama. Ngumiti ako nang maalala ko 'yong oras na natatarantang nagsisigaw siya ng "sunog! sunog!” sunog!” dahil binalot nang makapal na usok ang bahay dahil nasusunog ang niluluto ko.

“May mga malulungkot at masasakit din tayong naranasan. Isipin niyo 'yon, hukayin niyo ang mga alaalang iyon na matagal ng nakabaon sa kailaliman ng inyong puso.”

Biglang pumasok sa isipan ko ang mukha ni papa. Naramdaman kong mahigpit na hinawakan ni Suzy ang kamay ko. Sunod kong narinig ang mahinang pag-iyak niya.

Naalala ko ang lahat ng mga masasayang alaala noong magkasama pa kami ni papa. At bigla nalang siyang binawi sa akin ng panginoon.

Naramdaman ko nalang ang luhang umagos sa pisngi ko. Sa sandaling umiiyak ako ay naalala ko nalang ang mukha ng matandang babae.

Sa alaalang iyon ay lalo lang akong napaluha.

“Patawad.”


***

Dalawang araw na rin ang dumaan magmula noong nagcamping kami. Simula noon ay tila gumaan ang kaluoban ng bawat isa sa amin. Malaki rin ang naitulong ng bonfire gathering sa akin.

Malapit nang gumabi at naglalakad na ako pauwi ng bahay. Nakasanayan ko na rin kasi dahil malapit lang din ang bahay namin.

Nasa gitna ako ng paglalakad nang may maramdaman ako sa likod ko. Napatigil ako sa paglalakad. Dahan-dahan akong lumingon sa likuran ko.

Walang tao.

Napailing nalang ako at nagpatuloy na sa paglalakad. May nadaanan akong mga trashbins na sa sobrang dami ng basura ay nagkalat na ang iba sa sahig. Napatingin ako sa itim na pusa na tila umiilaw ang mata. Saglit itong tumingin sa akin.

Napahawak ako sa strap ng bag ko at nagpatuloy na sa paglalakad.

Mga dilaw na ilaw lang ng streetlight ang nagsisilbing liwanag ko sa daan, nagdadala rin ito ng kakaibang pakiramdam.

Hininaan ko ang paglalakad ko nang may marinig akong mga yapak ng paa na nasa likod ko lang. Huminga ako nang malalim at mabilis na lumingon.

Malamig na hangin lang ang sumalubong sa akin. Nakikita ko ang itim na pusa na nadaanan ko sa may basurahan. Nakaupo ito at diretso ang matang nakatingin sa akin.

Nagsimulang bumilis ang tibok ng puso ko. Tumingin ako sa paligid pero wala akong makitang tao. Humugot ako nang malalim na hininga at umikot para maglakad ulit.

Sa 'di kalayuan ay may nakita akong batang babae na papalapit sa direksyon ko. Tila nabunutan ako ng tinik sa puso nang makalapit na ito sa akin.

“Ate, gusto niyo ng sampaguita? Bili na po kayo," ngiti-ngiting aya ng batang babae.

Napangiti ako sa ganda ng ngiti niya. At bilang pasasalamat ay bumili ako.

“Salamat po ate!" masayang saad niya at umalis na. Dumaan siya sa gilid ko.

Nagpatuloy ulit ako sa paglalakad nang marinig ko ulit ang bata sa likod ko.

“Magandang gabi po Lola! Gusto niyo pong bumili ng sampaguita?”

Tumigil ako sa paglalakad at naghintay. Nanindig ang balahibo ko sa braso.

“Lola? Ano pong nangyari sa mukha niyo?”

“Nasagasaan ako.”

“Po? Sino naman po ang may kasalanan?”

“Siya.”

“Po? Si ate po? Imposible po, ang bait niya nga po. Bumili siya ng sampaguita ko.”

Halos mawalan na ako ng lakas sa kinatatayuan ko, dahil sa mga narinig.

Dahan-dahan akong lumingon at nakita ko ang matanda na kausap ng bata.

“May tubig ka ba?”

“Ako po?”

“Gusto ko ng tubig.”

“Meron po sa bahay, halika po.”

Hindi na ako nakapagpigil kaya nilapitan ko ang bata at hinawakan ito sa braso.

“B-bata, bibilhin ko na lahat ang sampaguita mo. I-ilan ba lahat 'yan?” halos mabingi na ako sa lakas ng tibok ng puso ko. Hindi ko binibigyan ng tingin ang matanda. Nakapokus lang ang mata ko sa bata.

“Talaga po? Singkwenta pesos po," mabilis kong kinuha ang wallet ko ng hindi parin nakatingin sa matandang babae na hanggang ngayon ay nakatayo parin.

Inabot ko sa kanya ang pera at tinanggap ang sampaguitta. “Umuwi ka na, gabi na. Delikado sa daan,” hinila ko siya. Nagpasalamat ulit ito sa akin saka masayang umalis.

Tumingin ulit ako sa paligid, hindi ko na nakikita ang matanda.

Naglakad na ako nang mabilis. Ilang sandali lang ay nakarinig na naman ako ng mga yapak ng paa. Kahit hindi man ako lumingon, alam kong nasa likod ko lang siya.

Lakad takbo na ang aking ginawa. Maluha-luha na rin ako dahil sa sobrang takot.

“Ineng? May tubig ka ba?”

“Pahingi ng tubig."

Nagpatuloy parin ako sa paglalakad sa kabila ng mga naririnig kong bulong.

Naikuyom ko nalang ang aking kamao. Huminto ako at nilingon ang matanda.

“Tigilan mo na ako!” sigaw ko ngunit hindi ko nakita ang matanda

Sobrang tahimik ang lugar. Ang tibok ng puso ko lang naririnig ko.

Umihip ang malamig na hangin. Napayakap ako sa sarili.

Umikot ako para ipagpatuloy ang paglalakad nang sa paglingon ko'y sumalubong sa akin ang wasak na mukha ng matanda.

Lumuwa na ang isang mata nito.

Sumigaw ang matanda at lumabas mula sa kanyang bibig ang itim na dugo.

“IKAW! IKAW ANG MAY KASALANAN!”

Marahas niyang hinawakan ang aking braso at sa isang iglap lang ay bumalik ako sa pangyayaring iyon.

Flashback...

Gabi na noong naglalakad ako sa kalsada pauwi sa bahay nang may matandang babae ang lumapit sa akin. 

“Anak, p-pahingi ng pagkain. Nagugutom na ako.” marumi ang mukha ng matanda.

“Naku sorry po Lola, wala na po kasi akong pera.”

“Wala ka bang tubig? K-kahit tubig.”

Kukuba-kuba ito kung maglakad.

“Naku wala po talaga, sorry.” Binilisan ko ang paglalakad ko nang bigla siyang kumapit sa braso ko.

Nandiri ako sa kamay nito kaya agad ko siyang tinulak. Napaatras siya at natumba. Napangiwi siya sa pagkatumba.

Nandilat ang mata ko sa aking nagawa. Lalapitan ko sana siya para tulungan nang biglang may mabilis na sasakyan ang dumating.

Napakabilis ng pangyayari, nakita ng dalawang mata ko kung paano tumama ang ulo ng matanda sa gulong ng sasakyan.

Sinubukang lumiko ng sasakyan ngunit sumalpok ito sa poste.

Nandilat ang mata ko. Napatakip ako sa aking bibig at halos hindi na makagalaw.

“T-tulungan mo ako! M-maawa ka. T-tulong.”

Mahinang daing ng matanda. Buhay pa ito. Wasak ang mukha. Tuloy-tuloy ang agos ng dugo sa mata!

Gumapang ito. Hindi na makalakad. “M-maawa ka! D-dalhin mo ako sa ospital. Ang apo ko!”

Hindi ko napigilang umatras. Hanggang sa umikot ako at mabilis na tumakbo. Patuloy ang agos ng luha.

Iniwan ko siya!

Iniwan ko ang matanda.

Ang matandang humihingi ng tulong sa akin.

***

“Oo na! Kasalanan ko! Iniwan kita! H-hinayaan kitang mamatay!” tuloy-tuloy ang agos ng aking luha. “Patawarin mo na ako! Pinagsisisihan ko ang lahat nang iyon!”

Unti-unting nawala ang malamig na hampas ng hangin. Tumahimik ang paligid. Hindi ko na ramdam ang pagkakahawak ng matanda sa aking braso.

Humihikbi kong minulat ang aking mata.

Wala na ang matanda. Tahimik na ang paligid. Humihikbi kong niyakap ang aking sarili.

Napaluhod na lamang ako dahil sa nanlalambot kong tuhod.

Nang may narinig akong ingay

Beep! Beep!

Napalingon ako sa dalawang pares ng ilaw.

Pumikit ako at hinintay na lamang ang pagtama nito sa akin.

Tumulo ang huling butil ng luha sa semento.

***

Naliwanagan na ba ang lahat?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top