Chapter 5
Chapter 5
SA Barrio Jacinto ay nag-iimbestiga naman ang mga pulis ukol sa krimen na naganap roon.
Isa-isang pinagmasdan ni SPO2 Romel Landes ang mga bangkay. Kasama nya ang kanyang partner at pamangkin na si PO1 Jarred Landes, Isang bagitong pulis at ito ang pinakaunang kasong hahawakan nya. Halos hindi nya masikmura ang kalunos-lunos na katawan ng mga bangkay.Humawak naman si Romel sa balikat nya.
"Masasanay ka rin, bata! Baguhan ka pa sa mga ganitong bagay kaya di mo pa makayanan ang tagpo dito. Alam mo, kahit ako ay hindi rin maatim ang sinapit ng mga kaawa-awang mga tao dito. Magbabayad rin kung sino ang mga may kagagawan nito!!"
"Tito, sigurado ho ba na mga rebelde ang may gawa nito?"
"Espekulasyon pa lang iyon sa mgayon. Pero kung ako ang tatanungin, sa tingin ko ay hindi mga rebelde ang gumawa nito. Kung pagmamasdan ang katawan ng mga bangkay, wala silang tama ng mga bala sa katawan. Tanging mga bali-baling buto at hati-hating katawan ang sinapit nila. At kung titingnan naman ang buong lugar, para itong dinaanan ng kung anong bagyo?!"
"Pero, ano o sino ho ba ang maaaring gumawa nito?"
"Wala rin akong ideya sa ngayon."
Lumapit naman ang isa pang pulis sa kanila.
"Sir," tawag nito. "Dadalhin na ho ang mga bangkay para sa autopsy."
"Ganun ba? Kumpirmado ba na lahat ng tao dito ang namatay?"
"May ilan pa rin ho na nawawala. May hinala ho na naipit ang iba sa ilalim ng malaking bato base na rin sa mga dugong nakita sa ilalim ng bato. Mamaya ho ay darating na rin ang hihila sa batong iyon." pahayag pa ng pulis.
"Kakaiba talaga ang kasong ito! Paano ba naipit ang mga tao sa isang malaking bato?"
"Hindi pa rin po alam sa ngayon. Sige po Sir, aasikasuhin ko na po ang pagdadala ng mga bangkay para maipagpatuloy ang kaso."
"Mabuti pa nga,"
Umalis na ang pulis na ito. Isa-isa namang pinagmasdan nina Romel at Jarred ang mga bangkay na isinasakay sa sasakyan.
Sa di kalayuan naman ay nagmamatyag ang pangkat ni Colonel Raymond Landes, ang ama ni Jarred. Lumapit ito sa kanila.
"Romel," tawag nito.
"O, Kuya."
"Kayo na muna ang bahala dito. Nakakita kasi ang mga pangkat ko ng palatandaan kung saan maaaring nagawi ang mga kalaban. Sa gitna ito ng kagubatan. Imomonitor muna namin ang lugar do'n."
"Ganun ba kuya? O sige mag-ingat na lang kayo."
"Dad," ani naman ni Jarred. "Ingatan nyo sana ang sarili nyo."
"Ano ba naman kayo? Mataas na ang ranggo ko, hindi ako basta-basta mamamatay nang ganun na lang. Ikaw naman Jarred, ito ang pinakaunang kaso mo, inaasahan ko na malulutas nyo ito ng tito mo. Wala sa bokabulayo ng pamilya natin ang salitang SUMUKO! Nasa lahi natin ang matatapang! Alam ko na kaya nyong bigyan ng hustisya ang mga tao na namatay sa lugar na ito!"
"Oo Dad, makakaasa ka."
"Lulutasin namin ang kasong ito, Kuya."
"Alam kong magagawa nyo ito!" sabay hawak sa balikk at nila. "O sige, aalis na kami. Kayo na ang bahala dito." sumaludo ito sa kanila bago nagpaalam. Nagpaalam na rin sina Jarred dito bago nagtuloy ang pangkat ni Col. Raymond sa gubat.
Sasakay na sana ng kanilang mobile car sina Jarred ng mapansin nila na may gumagalaw mula sa isang bahagi ng damuhan doon. Hinugot ni Romel ang kanyang baril. Ganun din si Jarred.
"Maging listo ka, bata." aniya at saka dahan-dahang lumapit sa may damuhan. "Sino ang nariyan??" wika pa nya pero walang sumasagot. Sa halip ay patuloy pa rin ang bahagi ng damuhan doon sa pagkislot.
Hinawi nya ang damuhan at itinutok ang baril nagkukubli roon. Pero kaagad nya ring ibinaba ang baril nang makita ang nasa may damuhan. Isang batang babae na sa tantya nila ay nasa sampung taong gulang. Nakaupo ito at walang tigil sa pagluha habang todo ang panginginig ng katawan nito dahil sa takot. Agad itong nilapitan ni Romel.
"JARRED, tumawag ka ng medic! May nakaligtas na bata!!" utos nito.
"Opo!" mabilis na tumawag ng medic si Jarred.
Tila hindi naman makausap ng matino ang bata ng tanungin ito ni Romel. Tahimik lamang ito sa pag-iyak at tila takot na takot. Kinailangan pa itong turukan ng pampatulog ng mga medical assistant dahil nagwawala ito nang lapitan nila. Waring dumanas ito ng napakatinding trauma dahil sa nasaksihang patayan.
Dinala ang bata sa ospital para sa karampatang lunas. Sina Romel at Jarred naman ay nasa mobile car na nila. Pareho sila ng iniisip. Gusto nilang pagbayarin kung sino man ang may kagagawan ng masaker na iyon at ang bata lamang na nakaligtas ang makapagbibigay linaw sa kaso.
***Sina Leo at Marine naman ay tinatahak pa rin ang buong kagubatan. Wala silang ideya kung saan papunta pero kailangan nilang makahanap ng palatandaan kung saan mahahanap ang nawawalang apoy. Ilang sandali lamang ay pareho na silang nakaramdam ng gutom.
"Ayos ka lang ba Prinsesa?" tanong ni Leo.
"O-oo, ayos lang ako!"
"Kailangan muna nating makahanap ng makakain natin."
Nagpatuloy sila sa paglalakad hanggang sa masulyapan nila ang isang taniman ng mga gulay at prutas. Nilapitan ni Leo ang isang puno ng saging at kumuha ng isang piling nito. Iniabot nya ito kay Marine.
"Kumain ka na, prinsesa. Kailangan nating magkaroon ng lakas upang makapagpatuloy tayo sa paghahanap ng nawawalang apoy."
"Salamat."
Bigla na lamang silang nakarinig ng sigaw mula sa isangmatandang lalaki.
"HOY!! Sabi ko na nga ba't may mga taong nagnanakaw ng mga pananim ko! Ibalik nyo yang mga ninakaw nyo!!" saway ng matnda sa kanila.
"Pasensya na ho. Di namin alam na may nagmamay-ari pala ng mga ito." paumanhin ni Marine.
Kumalma naman ang matanda ng makita ang kakaibang kasuotan nila.
"Sabihin nyo, taga saan kayo??"
"Mahirap ipaliwanag pero di nyo rin mauunawaan kahit na sabihin pa namin sa inyo." si Marine.
"Taga Melva kayo tama ba??" tanong ng matanda.
Nabigla naman sila sa sinabi nito. "Ano? A-alam nyo ang Melva? Papaano nyo nalaman ang tungkol do'n?" naguguluhan rin nilang tanong.
"Sumunod kayo sa akin."
Inanyayahan sila ng matanda na pumasok sa kubo. Naguguluhan man ay sumunod na lamang sila dito.
Pinaupo sila nito sa silya na yari sa kahoy. Naghain ang matanda ng pagkain sa mesa.Di na nagpaligoy-ligoy pa ng pagtatanong si Leo sa lalaki.
"Papaanong ang isang taong katulad nyo ay alam ang tungkol sa Melva? Tanging mga engkanto at ilang mga nilalang lamang ang nakakaalam sa lugar na 'yon?!"
Bumuntong hinga muna ang matanda bago nagsalita. "Dahil tulad nyo ay sa Melva rin ako nagmula."
"Ano? Papaanong nangyaring taga Melva kayo?"
"Matagal na panahon na rin ang nagdaan, isa ako noon sa mga engkantong may kakayahang makagawa ng lagusan papunta sa mundo ng mga tao. Malaya akong nakakalabas at nakakapasok sa Melva. Hanggang sa makakilala ako ng isang babaeng tagalupa. Umibig ako sa kanya at ganun din sya sa akin. Di nagtagal ay nagkaroon kami ng relasyon. Nalaman ng punong ministro ng mga engkanto ang tungkol sa amin. Isa sa mabibigat na batas ng Melva ang nilabag ko! Bawal umibig ang mga tulad natin sa di natin kauri. Magkaganun pa man ay ipinaglaban ko pa rin ang pag-ibig ko kaya inalis nila ang lahat ng karapatan at kapanyarihan ko bilang isang engkanto. Ipinatapon nila ako dito sa mundo ng mga tao. Pero wala akong pagsisisi. Namuhay ako dito bilang tao kasama ang babaeng pinakamamahal ko. Nagkaroon kami noon ng isang anak na lalaki. Akala ko noon ay lubusan na ang saya na aking nadarama pero panandalian lamang pala 'yon. Dumating sa punto na nagkasakit ang aking asawa. Wala akong alam kung paano sya mapapagaling. Humingi na ako ng tulong sa mga kaibigan kong engkanto ngunit wala raw silang magagawa upang tulungan ako dahil hindi na nila ako kaisa. Hanggang sa pumanaw na nga ang aking asawa. Matindi ang hinagpis ko ng mga panahong iyon. Makaraan ang ilang araw ay kinuha naman nila sa akin ang anak ko. Papalakihin raw nila ito bilang isang engkanto. Wala akong nagawa para mabuhay ang aking asawa, di ko rin naipaglaban ang aking anak! Ito na siguro ang parusang natanggap ko dahil sa paglabag ko sa batas ng mga engkanto. Tama nga sila, walang mabuting maidudulot ang pakikipag-ibigan ng mga engkanto sa tao kundi pasakit lang. Kaya heto ako ngayon, mag-isa na lamang sa buhay!!"
Nahabag naman si Marine sa kalagayan nito. "Ikinalulungkot ko po ang nangyari sa inyo. Napakasaklap ho pala ang nangyari sa inyo,"
"Hayaan mo na 'yon, iha. Tapos na ang kalbaryo na iyon ng aking buhay. Sya nga pala, ano ang ginagawa nyo rito sa mundo ng mga tao. Base sa antas ng pananamit nyo ay mula kayo sa maharlikang pamilya ng Melva, tama ba ako?"
Napatango muna sila Marine bago nagsalita. "Ako ho si Marine, ang prinsesa ng Melva. At sya naman ho si Leo, ang pinunong mandirigma ng Melva. Kung nagmula kayo sa Melva ay alam nyo ang tungkol sa mga metaphor na pagmamay-ari ng aking amang hari na si Melvior,"
"Oo, alam ko ang tungkol do'n. Kilala ko rin si Melvior. Nung mga panahong nasa Melva pa ako ay prinsipe pa lamang sya noon ng kanluran. Di ko akalain na hari na pala sya ngayon. Isa sya sa pinakamatalik kong kaibigan. Di ko inaasahan na ikaw pala ang anak nya. Ikinalulugod ko ang makilala kayo. Kamusta naman ang iyong ama?"
"Wala na sya." maikli at malungkot na tugon ni Marine.
"ANO??"
"Sinakop ng isang masama at makapangyarihang engkanto ang Melva. Sya si Zepiro. Taglay nya ang napakalakas na kapangyarihan na kung tawagin ay Metaphist. Ang itim na elemento. Nagawa niyang matalo si Ama. Nakatakas naman kami ni Leo mula sa kanila kaya kami napunta rito. Tanging ang apat na nahirang lang ng Metaphor ang makapipigil sa kanya! Kailangan naming maibalik ang kapayapaan ng aming mundo. Isa ako sa napili ng Metaphor. Ako ang nahirang ng espiritung diyos ng tubig na si Helyon. Subalit mahihirapan pa rin kami, nasa mga kalaban ngayon ang metaphor ng lupa at hangin samantalang naiwala naman namin dito ang Metaphor ng apoy. Tanging ang apat lamang na nahirang ng mga metaphor ang makakatalo kay Zepiro."
"Hindi nga biro ang nangyayari sa Melva! Sadyang napakalakas ng Metaphist! Hindi ko alam kung kaya nga itong talunin ng Metaphor!"
"Maaaring matalo ho ang Metaphist sa pamamagitan ng METAMORPHOSIS. Ito ang nakatagong kapangyarihan ng apat na Metaphor. Tanging ang apat na napili lamang ang makagagamit nito!"
"Ang Metamorphosis? Ang maalamat na kapangyarihang nakasaad sa puting propesiya?"
"Tama ho yon! Subalit kailangan munang magkasama-sama ang apat na Metamorphosist!"
"Wag kayong mag-alala. Maaasahan nyo ako. Tutulungan ko kayong mabuo ang apat na Metamorphosist! Sya nga pala, Nestor ang pangalan ko... mang Nestor. Nung nasa Melva pa ako ay Siegmund ang tawag nila sa akin."
"Siegmund?" mulagat ni Leo. "Parang pamilyar ang pangalan nyo? Sabihin nyo, ano ang pangalan ng inyong anak?"
"Sya si Siegfried. Bakit mo naman naitanong yan?"
Sandaling natigilian si Leo.
"Kung gano'n ay kayo pala ang ama ni Siegfried?" wika ni Marine.
"Kilala nyo sya? Kamusta na ang anak ko? Ano ang lagay nya doon sa Melva?" natutuwa pero may pangambang tanong ni Nestor sa dalawa. Alam nyang may kaguluhan sa Melva kaya di nya maiwasang mangamba sa anak.
Si Leo na ang nagpaliwanag. "Si Siegfried ang dating pinuno ng hukbong kawal ng palasyo ng Melva. Isa syang napakahusay at napakalakas na mandirigma. Sya ang nagturo sa akin noon kung paano makipaglaban. Hinahangaan ko sya noon. Tanging sya lamang ang nakatalo sa masamang dragon na naghasik ng kaguluhan sa Melva. Maituturing na isang dakilang bayani si Siegfried dahil sa kanyang husay!"
"Kung gano'n ay malayo na pala ang narating nya? Ipinagmamalaki ko sya bilang isang anak. Kamusta na pala ang kalagayan ni Siegfried ngayon?"
Lumungkot ang mukha ni Leo bago nagsalita. "Bago sakupin ni Zepiro ang Melva ngayon, una na nyang pinagtangkaan ang Melva noon. Nagbabalak syang mag-aklas laban sa hari upang makuha nya ang mga Metaphor. Nalaman naman ito ng hari kaya ipinadala nya ang hukbo ni Siegfried sa silangan upang kalabanin ang mga kampon ni Zepiro. Nagtagumpay sila Siegfried sa digmaan. Ikinulong ng hari at reyna si Zepiro sa lugar ng walang hanggang pagpaparusa subalit hindi na nakabalik pa si Siegfried noon mula sa digmaan. Sinubukan namin syang hanapin noon pero di na namin sya natagpuan pa. May ilang mga nagsasabi na namatay sya sa digmaan. Hindi na sya nakita pa simula noon. Hanggang sa ako na ang hinirang bilang bagong pinunong mandirigma ng Melva."
Lumungkot naman ang mukha ni Nestor sa narinig. "Wala man lang akong nagawa para sa anak ko!! Isa talaga akong napakainutil na ama! Hindi ko man lang sya nagawang makasama't matulungan!" hinagpis nito. "Ano pa ba ang natitira sa buhay ko?"
Tinangka naman syang pakalmahin ni Marine. "Isang bayani Si Siegfried sa Melva. Alam nyo ho bang kilalang kilala na si Siegfried sa Melva dahil sa kanyang katapangan at kadakilaan? Nagbuwis sya ng buhay para sa kaligtasan ng nakararami. Lahat ng mga mandirigmang engkanto ay hinahangaan sya. Maipagmamalaki nyo ho si Siegfried, ang anak nyo. At bilang kanyang ama, hindi nyo dapat kaawaan ang sinapit nya. Namatay syang may dangal."
Nakampante naman si Nestor sa sinabi nya."Tama ka nga, iha. Karangalan para sa isang mandirigma ang mamatay na ipinaglalaban ang kanyang layunin. Taglay nya ang katapangan ng ating lahi. Mas lalo ko pang maipagmamalaki ang anak ko ngayon." natutuwang sabi nito. "Maraming salamat rin sa inyo. Ngayon ay nawawala na ang bigat sa aking damdamin na matagal ko nang din adala sa loob ng mahabang panahon."
"Di nyo na ho kailangan pang magpasalamat." wika ni Marine.
Mayamaya ay nakarinig sila ng mga katok mula sa pinto ng kubo.
"MANG NESTOR... MANG NESTOR..." bulalas ng isang boses sa may pinto. Sinilip naman ito ng matanda.
"Dyan na muna kayo. Huwag muna kayong lalabas. May kakausapin lang ako." wika nito sa kanila.
Bahagyang lumabas si Mang Nestor sa kubo.
Si Marine naman noon ay malalim ang iniisip. Napuna naman ito ni Leo.
"May problema ba, prinsesa? May dinaramdam ka ba?"
"Naiisip ko lang ang Metaphor ng apoy. Kung sino man ang nakapulot o makakapulot no'n ay malalagay sa malaking kapahamakan. Ang diyos ng apoy na si Flareon ay isang mapaminsalang diyos. Mapanira sya at walang pakialam sa lahat. Tanging si Ina lamang ang nakakakontrol sa kanya. Magkakaroon ng malaking kapahamakan sa oras na mapunta ang metaphor ng apoy sa maling kamay!"
"Kailangan natin itong mahanap sa lalong madaling panahon kung gano'n!"
"Tama ka! Subalit ang ipinag-aalala ko, maaaring maramdaman ng mga itim na nilalang at maligno ang metaphor! Tiyak na mag-aagawan sila sa kapangyarihan nito!" saad pa ni Marine.
Ilang sandali pa ay pumasok na muli si Nestor. Puno ng pag-aalala ang mukha nito nang makita nina Marine.
"Masamang balita, isang Barrio malapit sa lugar na ito an sinalanta ng mga di kilalang salarin. Halos walang tinirang buhay sa lugar na 'yon! Pinatay lahat!"
"A-ano ho?"
"Ayon sa nagbalita sa akin, pinaghihinalaan na ng ilan na mga kakaibang nilalang daw ang sumalanta sa Barrio Jacinto base na rin sa isang batang nakaligtas at nakasaksi raw sa lugar na 'yon."
"S-sana mali ang hinala namin, kung totoo ang kutob ko, maaaring nasundan na kami dito ng mga kalaban!" pag-aalala ni Marine.
"Hindi pa lubusan ang lakas natin upang talunin sila!" dagdag pa ni Leo.
"Wag na muna kayong mabahala, maaaring mga rebelde rin ang may kagagawan nun! Marami rin kasing mga rebelde ang nagkukuta dito sa gubat."
"Sana nga mali kami. Kung nagkataon ay labis kong sisisihin ang sarili ko dahil sa nangyari! Maraming madadamay nang dahil sa akin!" maluha-luhang pahayag no Marine.
"Wala ka namang kasalanan! Ang tanging pakay nyo lang naman ay ang iligtas ang mundo nyo. Isa pa, wala pa naman tayong basehan kung mga kalaban nyo nga ang may gawa no'n? Ang tanging may kasalanan dito ay ang mga masasamang loob na gumawa ng karahasan sa mga inosenteng tao!"
"Wag ka nang lumuha pa, prinsesa. Alam kong mapipigilan din natin sila. Mabubuo natin ang apat na natatanging kinatawan ng Metaphor!" pahayag pa ni Leo kay Marine.
"Sana nga Leo. Hindi ko kaya na na walang gawin sa mga nangyayaring ito."
SAMANTALA:
Papauwi na noon si Sander sa kanila. Malapit nang mag-gabi at kasalukuyan na nyang tinatahak ang kakahuyan patungo sa kanila nang bigla na lamang syang nakarinig ng isang kakaibang bulong kasunod ng isang ungol na parang sa kabayo. Nung una ay binalewala nya ito pero nang nagpapatuloy na sya sa paglalakad ay napansin nya na iba na ang dinadaanan nya. Tila naliligaw na ata sya.Naalala nya ang sinabi ng kanyang lolo noon, maaaring ang tikbalang ang may kagagawan kung bakit naliligaw ang isang tao sa kagubatan. Bumubulong ito sa hangin upang manipulahin ang isipan ng tao ukol sa direksyong tinatahak nito. Ang kailangan lamang gawin ay ang baligtarin ang suot na damit ng taong naliligaw upang mawala ang bisa ng 'BULONG' ng tikbalang.Gano'n na sana ang gagawin ni Sander subalit kaagad syang napapitlag dahil sa malalaking yabag mula sa kanyang likuran. Nang lingunin nya ito ay laking gulat nya nang makita ang isang matangkad at itim na lalaki. Isang KAPRE! May hawak itong malaking tabako at palapit sa kanya. Napabalikwas si Sander. Kaagad syang tumakbo pero hinabol sya nito.
Nang mapansing wala na ang humahabol sa kanya ay kaagad syang nagpahinga sa gilid ng isang puno. Kinakabahan at puro pagtataka laman ng kanyang isip sa mga nangyayari. Hanggang sa nakarinig sya ng mga malalaking pagaspas ng pakpak. Tila palapit ito sa kanya. Mayamaya ay nawala rin ang ingay nito. Biglang may kung anong likido ang bumagsak sa may balikat nya. Sinuri nya ito. Parang isang laway ang likido na 'yon. Hanggang sa unti-unti nyang nilingon sa taas ng puno ang pinagmumulan ng likido na 'yon. Napahumindig at nangilabot sya sa nakita sa itaas ng puno.
.
.
.
.
.
.
.
.
ISANG MANANANGGAL!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top