Chapter 16
Chapter 16
***
ISANG itim na harang na yari sa mabagsik na usok ang pumalibot kina Marine.
Nakulong sila sa itim na usok na iyon.
"Ngayon ay wala nang makakatakas pa sa inyo!" bigkas ni Silva.
"Kung aakalain mo nga naman ang pagkakataon. Hindi ko inaasahan na muli ko kayong makakatagpo. Kahit ang tadhana ay sumasang-ayon na rin sa amin. Sa pagkakataong ito ay nasa akin na ang kahihinatnan ng inyong mga buhay! Sisiguraduhin ko na hindi na mauulit ang nangyari noong huling nagtagpo ang ating mga landas!" ani Nexus kasabay ng pagguhit ng kidlat sa kanyang mga kamay.
"Kung gano'n, isa itong bitag!" wika ni Marine.
"Pasensya na pero gaya nga ng sinabi ko, naaayon na rin sa amin ang tadhana. Hindi namin plinano ang nangyaring ito. Ang kapangyarihan ng metaphor ng lupa ang dahilan kaya namin kayo natagpuan. Sinundan nyo ang kapangyarihan na inyong naramdaman at ganun din kami. Wala kaming ideya kung bakit lumakas ng gano'n ang kapangyarihan ng metaphor na hawak ni Astaroth pero ang
pangyayaring iyon ang naging dahilan upang matugis namin kayo!! Una ko munang kukunin ang metaphor na nasa inyo bago ko aalamin ang nangyari kay Astaroth... Kasabay na rin ng pagtugis ko pa sa may hawak ng Metaphor ng apoy!!" humakbang ng dalawang beses si Nexus kasabay ng malakas na pagkislap ng mga kamay nito.
"Hindi kayo makakalapit sa prinsesa!! Dadaan muna kayo sa talim ng aking espada bago nyo siya masaktan!!" biglang iniharang ni Leo ang sarili mula sa kalaban.
Si Mang Nestor ay nakahanda na rin mula sa anumang labanan na magaganap.
"Isang mumunting mandirigma. Pinapatawa mo ako. Ni wala ka ngang nagawa mula sa amin noon. Paano mo papatunayan ang mga salitang binitiwan mo?!"
"Handa akong mamatay alang-alang sa prinsesa! Sinumpaan kong tungkulin ang protektahan s'ya anuman ang mangyari!"
"Malakas ang iyong loob pero mahina ang iyong kakayahan!! Ngayon natin papatunayan ang mga sinasabi mo!!" pumitik si Nexus at biglang gumuhit sa daliri nito ang manipis na kuryente. Nagtuloy ito sa direksiyon nina
Leo.
Mabilis naman na kumilos si Leo at agad nyang sinalag ng espada ang kapangyarihang itinira ni Nexus. Hinawi nya ito at tumama sa ibang direksyon.
"Mahusay ka upang hawiin ang mumunting kapangyarihan ko... Ngunit, kaya lang..."
Biglang napaluhod si Leo at napasandal sa espada matapos maramdaman ang pagdaloy ng kuryente sa kanyang katawan. Bahagya pa ring dumaloy ang kuryente sa kanyang espada matapos nya itong salagin at nagtuloy ang pagdaloy sa kanyang katawan.
"Leo, ayos ka lang ba??" pag-aalala ni Marine.
"O-oo, ayos lang ako. Wala lang ito sa akin!" sambit nya saka muling tumayo.
Mataman namang tinitigan ni Mang Nestor si Nexus.
"Ang lalaking iyon, simpleng pag-atake lang ang ginawa nya pero halos bumagsak na si Leo dahil sa nangyari! Lubha talaga silang mapanganib!!" bulong nito.
"Akalain mo nga naman, may kakayahan ka pa palang makatayo matapos ang iyong natamo? Ang buong akala ko ay tuluyan ka nang babagsak?" kantyaw ni Nexus.
"Huwag mong maliitin ang kakayahan ko. Ito pa lamang ang simula ng ating laban!!"
"Hah, ano pa nga ba ang inaasahan sa mga mandirigma ng Melva? Pilit kayong nagpapakadakila sa kabila ng katotohanang mas maituturing kayong mga hangal! Haha, yan ang tawag sa inyo, mga hangal! Mga nagbubuwis ng buhay para sa kapakanan ng iba, ngunit sa oras na kayo'y mawala, lilimutin rin kayo ng lahat! Ang mga nagawa nyo, ang mga ipinaglaban nyo, ang lahat ng paghihirap nyo, lahat ng iyon ay mawawala sa isang iglap lang!! Maglalaho kayong lahat sa mundo na para bang hindi kayo isinilang at nabuhay! Iyon ang kapalaran ng mga mandirigma ng Melva!"
"Kasinungalingan ang lahat ng sinasabi mo! Ang bawat mandirigma na namamatay sa labanan ay itinuturing na bayani, mga tagapagligtas, mga tagapagtanggol. Lahat sila ay namatay para sa kapayapaan ng Melva! Hindi ko hahayaan na yurakan mo ang dangal nila!! Namatay silang may ipinaglalaban at ganun rin ang gagawin ko, tulad nila at tulad ni Siegfried!!"
"Kung gano'n, si Siegfried pala ang iyong tinutularan. Kaya pala hinda kataka-takang maging isa ka ring inutil! Naalala ko pa noong una naming pinagtangkaan na sakupin ang Melva, isa si Siegfried sa mga humarang sa amin noon. Haha matatawag nga siyang hangal noon nang ginawa nyang panangga ang sariling katawan upang harangin ang tinipong kapangyarihan ni Panginoong Zepiro para wasakin ang Melva. Ngunit sa huli ay wala rin siyang nagawa. Nawalan lang ng saysay ang ginawa nyang pagsasakripisyo!! Ngunit sa tuwing naaalala ko iyon, hindi ko pa rin maiwasang sumikdo ang galit sa aking damdamin! Bakit... Bakit si Siegfried pa?! Sa lahat ng ginawa nya, binigyan pa rin siya ng pagkakataon ni Panginoong Zepiro! Si Siegfried ang dahilan kaya nawala ako sa posisyon bilang pinuno ng mga mandirigma ng kadiiman!!" tuluyang naglabasan ang makapanindig balahibong mga kidlat sa iba't-ibang parte ng katawan ng Nexus.
Bahagyang lumayo si Silva kay Nexus.
"Mapanganib na ang mga susunod na sandali sa mga oras na ito. Ang nakaraan ni Nexus ang naging sanhi upang lumabas ang galit na matagal nang kinikimkim nito. Kahit ako ay manganganib na rin sa oras na tangkain ko pang lumapit kay Nexus." bulong ni Silva.
"Lumayo ka na mula sa kinatatayuan ko prinsesa. Mas lubha nang mapanganib ang lumalabas na kapangyarihan sa kanya!!"
"Pero Leo, anong binabalak mong gawin? Wala na rin tayong paraan upang makatakas sa likhang dimensiyon na ito?"
"May paraan pa..."
"Paano..."
"Magtiwala ka lamang sa akin. Ibuwis ko man ang aking buhay sisiguraduhin ko ang iyong kaligtasan." humakbang ng marahan si Leo paharap sa kalaban.
Tinangkang lumapit ni Marine pero pinigilan sya ni Mang Nestor.
"Huwag Marine. Baka mapahamak ka."
"Pero si Leo..."
"Sinabi nyang magtiwala tayo sa kanya at naniniwala ako na kaya nya. Magtiwala lamang tayo, yun lang ang hinihiling nya."
Malungkot na lamang na tumingin si Marine kay Leo.
"Tigilan nyo na ang mga walang kwenta nyong pag-uusap! Ngayon natin mapapatunayan na tama ang lahat ng sinasabi ko!" biglang naipon ang malaking bilog na kidlat sa ibabaw ni Nexus.
"Nakahanda ako sa anumang mangyayari! Gagawin ko kung ano man ang nagawa ni Siegfried noon! Para sa kapayapaan at para sa Melva! Hindi ko rin mapapalampas ang pang-iinsulto mo sa kanya! Hindi kita mapapatawad!"
"Napakalakas naman ng loob mo para sa bihin ang mga iyan a akin! Sino ka ba sa inaakala mo? Isa ka lamang mahinang nilalang na kaya kong pulbusin! Isang walang kwenta! Magsama kayo ng itinuturing mong bayani sa impiyerno!! SAMA-SAMA NA KAYONG MAGLAHO SA MUNDONG ITO!!" buong lakas na itinira ni Nexus ang kapangyarihan kay Leo.
Sinalo ni Leo ang pag-atakeng iyon. Tumama ito sa kanyang espada. Halos mabuwal si Leo dahil sa pagdaloy ng napakatinding boltahe sa kanyang katawan. Napasandal na ang isa nyang tuhod sa lupa.
"Haha! Sisiguraduhin ko na mabubura ka ng tuluyan!"
"LEO........." sigaw ni Marine pero hinila sya ni mang Nestor pabalik.
Naglabas pa ng malakas na impact ang pagtama ng kapangyarihan kay Leo kaya agad na napadapa sina Marine at Mang Nestor.
"Si Leo, hindi pwede, kailangan ko syang tulungan!!"
"Huwag, mapanganib kung lalapit ka pa!!"
Si Leo naman ay halos umabot na sa kanyang hangganan. Hindi na nya kayang salagin pa ang kapangyarihan na patuloy na gumagapang sa kanya.
"LEO, ano ba ang mga ipinaglalaban mo? Bakit pinili mong maging isang mandirigma?" biglang isang pamilyar na boses ang narinig nya.
"Siegfried??"
Biglang isang gunita mula sa nakaraan ang naalala ni Leo.
***
LEO, ano ba ang mga ipinaglalaban mo? Bakit pinili mong maging isang mandirigma?" biglang tanong ni Siegfried kay Leo na noon ay baguhan pa lamang sa pakikipaglaban.
"Ha? Bakit mo naman naitanong yan?"
"Nais ko lamang na malaman kung ano ang nais mong piliin na tadhana."
"Hindi ko rin alam kung bakit pinili kong maging isang mandirigma. Basta ang alam ko, gusto ko ring maging katulad mo. Gusto ko ring maging malakas balang araw."
"Hindi katanggap-tanggap para sa akin ang ganyang kasagutan. Hindi ka dapat tawaging mandirigma kung nais mo lamang na maging katulad ko. Madali kang masasawi sa ganyang pananaw. Kung mamamatay kang walang ipinaglalaban, maitutulad ka lamang sa isang bagay na walang halaga. Madaling lilimutin ng lahat!"
"Patawad."
"Alam mo, ang pagiging malakas ay hindi lang maibabatay sa angking abilidad. Lahat tayo ay may sariling kalakasan at kahinaan. May mga kakayahan ako na hindi mo kayang gawin at maaaring may kakayahan ka rin na hindi ko kayang gawin. Lahat tayo ay tagapagtanggol ng Melva. May mga sarili tayong ipinaglalaban na kailan ma'y hindi natin maaaring baliin dahil ito ang nagpapalakas sa atin. Tulad ng ating espada, patuloy tayong magwawagi sa laban hangga't ating dala ang kalakasan na tinataglay natin. Hindi tayo sumusuko sa bawat hamon sa atin ng kapalaran. Hangga't patuloy na nakataas at hawak natin ang ating espada, hindi tayo padadaig sa bawat laban."
"Ang kalakasan natin? Kaya ba dalawa ang gamit mong espada? Mas magiging malakas ba ang isang mandirigma kung marami syang espadang dala? Pero bakit ganun? Kahit kailan ay hindi ko pa nakitang ginamit mo ang isa mong espada. Tanging ang pangkaraniwan lamang ang ginagamit mo?"
"Hindi sa dami ng armas nasusukat ang taglay na lakas ng isang mandirigma. Minsan may mga bagay na kapag hindi mo kayang kontrolin ito mismo ang kokontrol sa iyo."
"Hindi kita maintindihan?"
Ginulo na lamang si Siegfried ang nakatayong buhok ni Leo saka nito kinuha ang isa sa dalawa nitong espada. Ang espada sa sinasabi ni Leo na pangkaraniwan.
"Kunin mo ito, Leo." sabay abot ng espada. "Espesyal ang espada na 'yan. Marami nang pinagdaanan ang espadang iyan ngunit nananatili pa rin ang talim at tibay niyan."
"Bakit mo ibinibigay sa akin ito? Hindi ba't sa iyo ito?"
"Gusto kong maging katulad ka rin ng espadang iyan. Maging isang tagapagtanggol na handang harapin ang lahat ng hamon ng buhay. Kapag napagtagumpayan mo ang lahat ng pagsubok na darating sa iyong buhay, maaaring mahigitan mo pa ako balang araw."
"Ano ka ba? Ikaw na ang pinakamalakas na mandirigma sa Melva. Hindi kita kayang higitan pa."
Tumango lamang si Siegfried.
"Ibinigay ko rin iyan sa'yo para magamit mo sa pakikipaglaban. Gusto ko rin, balang araw ay sagutin mo uli ang tanong ko sa'yo. ANO ANG MGA IPINAGLALABAN MO? BAKIT PINILI MONG MAGING ISANG MANDIRIGMA? Alam kong makakatulong ang espadang iyan para mahanap mo ang sagot. At kapag nahanap mo na ang kasagutan, harapin mo ako at sabihin sa akin kung ano ito."
***
AGAD na naputol ang gunitang iyon ni Leo.
"Ano nga ba ang mga ipinaglalaban ko? Bakit pinili kong maging isang mandirigma?"
Bagama't nanghihina na ay nagawa pa rin niyang tingalain ang espadang hawak. Agad siyang napa-isip.
Hawak pa rin niya at nananatiling nakataas ang kanyang espada na bigay ni Siegfried. Sinasalag pa rin nito ang kapangyarihan ni Nexus.
"Bakit? Bakit nakataas pa rin ang aking espada?? Gusto nang sumuko ng katawan ko pero parang may nagsasabi sa akin na kaya ko pa? Dahil ba... Dahil... ... Tama! Dahil may mga ipinaglalaban na ako. Isa na akong ganap na mandirigma. Isang Pinuno. Hindi lang para maging malakas o maging katulad ni Siegfried, naging mandirigma ako dahil gusto kong ipagtanggol ang lahat ng malalapit sa akin." biglang tumayo uli si Leo.
"Paanong nagawa mo pang makatayo matapos ang ginawa kong pag-atake?!" takang tanong ni Nexus.
"Upang protektahan ang Melva, ang kaharian at ang prinsesa ang sinumpaan kong tungkulin. Ang aking dignidad , prinsipyo at tungkulin ang bumubuo sa akin. Hangga't may ipinagtatanggol ako, hindi ako maaaring sumuko. Hangga't nakataas ang aking espada, hindi ako masasawi!!"
Biglang nagliwanag ang metaphor na hawak ni Silva.
"Anong nangyayari? Bakit nagliliwanag ng ganito ang metaphor ng hangin??" pagtataka ni Silva.
"Nauubos na talaga ang pasensya ko sa iyo!! Maglaho ka na sa mundong ito!!" lalo pang dinagdagan ni Nexus ang kuryente na tumatama kay Leo.
Kumaskas ang paa ni Leo sa lupa dahil sa nangyari pero nananatili pa rin siyang nakatayo.
"Para sa kapayapaan, hindi ako maaring sumuko!!"
Biglang umihip ang malakas na hangin. Mabilis na kumawala ang liwanag mula sa kamay ni Silva. Nagtuloy ang liwanag hanggang pumalibot ito sa katawan ni Leo.
Isang Tinig ang narinig ni Leo.
"Damhin mo ang hangin. Kapanatagan ang isipin. Hayaan mong pumagaspas ang pagdaloy ng iyong damdamin. Ang iyong ipinaglalaban, ang kaligtasan. Ang katapangang iyong taglay ay magmimistulang isang talim na hihiwa sa anumang balakid na haharang sa iyong tungkulin. Piliin mo ang hangin. Maging isang talim. Damhin mo ang kapangyarihan na bumubulong sa iyo. Tawagin mo ang kapangyarihan..."
"METAMORPHOSIS..." biglang sigaw ni Leo. Bumalot sa kanya ang tila isang buhawi. Biglang nagbago ang kanyang anyo. Nagkaroon sya ng mga puting baluti (armor) sa katawan at naging puti na rin ang kanyang buhok. Sa ibabaw ni Leo ay may nabuong isang imahe. Tila mga matatalim na pagaspas ng isang tila ibon. Isang WIND WYVERN.
Agad na umipon ang hangin na iyon sa espada ni Leo at sa isang iglap lang ay nagawa nyang mahawi ang napakalakas na kidlat ni Nexus. Tumama ito sa isang bahagi ng harang na ginawa ni Silva. Nagkaroon iyon ng napakalaking butas.
Kapwa hindi makapaniwala ang dalawang kalaban sa nangyari. Habang ang kabang nadarama ni Marine ay napalitan na ng kapanatagan, pag-asa.
"Kung gano'n, si Leo ang nahirang ng Metaphor ng hangin." nagagalak na sabi ng prinsesa.
"Dito na magsisimula ang tunay na laban!" wika ni Leo.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top