Moment One

JANUARY 19, 2019

Alinea's Household - Brngy. Dolores, Cabangan

"Uy, Rosas." Matalim ang tingin ko nang lumingon sa kaniya. "Ano nga yung opaque?"

"Secret." Agad na sagot ko sa kaniya. "Balakajan. Kaya mo na yan." Sabi ko saka binilisan ang paglalakad.

"Not transparent daw sabi sa Science." Bigla niyang sabi kaya napatigil ako. "Tapos sa English naman, difficult to understand or explain."

Napalingon ako sa kaniya. Kitang-kita ang mukha niyang nagtataka, hinarap niya sakin ang cellphone na hawak-hawak. "Ayan oh, sabi ni Merriam."

"Grabe, ang layo." Nakangiwing sabi ko. "Basta, expression ko 'yon. Saka may katunog, eh."

"Hala, s'ya." Ani Late. Nanlalaki pa ang mga mata. Ilang beses kumurap, parang may narealize. "Yung bad word 'yon, 'no? Minura mo ko?!"

Chosero 'to.

"Malay mo. Malay natin." Sabi ko, nagkibit-balikat. Inaasar siya. "Bastaaa, expression ko yun. Parang ano, papansin ka? Ganon."

"Sure, ah?"

"Oo nga."

"So, 'di mo ko minura?"

"Di."

"So, mahal mo ko?"

"Luh. Ang ewan mo." Nginiwian ko siya. "Sure ka ba talagang ihahatid mo pa 'ko?" Pag-iiba ko ng usapan.

Nakakauwi naman ako mag-isa. Mukha ba 'kong maliligaw?

"Oo nga. Kahit 'di na ko pumasok, kung 'yun man inaalala mo. Hatid lang kita. Nakakahiya naman kay Kap kung pababayaan ko prinsesa niya." Sabi niya habang magkasabay kaming naglalakad. Nakalagay ang dalawa niyang kamay sa bulsa.

'Yan na naman siya sa prinsesa. Pft.

"Kahit hindi naman na kasi." Kontra ko. "Saka gusto mo bang makita ka ng Tatay ko? Baka iba isipin nun. Yari ka." Pananakot ko sa kaniya.

Masungit si Dad. Well, medyo. Lalo na sa mga lalaking kumakausap sa'kin.

Kaya nako, Late. Ingat ingat tayo d'yan.

"Edi magpaalam tayo." Sagot niya sa'kin. 'Di rin talaga nagpapatalo 'to, eh 'no? "Sabihin ko hinatid lang kita. Saka kilala naman ako nila Kapitana. Sila bahala sa'kin." aniya, kinindatan ako.

Kaya naman pala malakas ang loob. May kapit, eh.

Hashtag TamangKapitKayKapitana.

"Alam mo, bahala ka. Gusto mo 'yan, eh. Basta walang sisihan pag-"

Napatigil ako nang marealize na wala na akong kasabay maglakad.

Paglingon ko nandun lang sa likod ko si Late.

Tiningnan niya ako, naguguluhan. "Hala s'ya, sa'n ka pupunta? Lagpas ka na, oh?"

Putek. Mas alam pa nito bahay namin. Muntik na 'ko maligaw.

Si Lola ang bumungad sa'min pagkabukas ni Late ng Gate.

Ay wow, rhyme.

"Oh, Late kakaalis lang ni Lolo Kap niyo. Hindi mo naabutan."

Lolo Kap? Bakit Lolo Kap? Kapatid ko ba 'to? Pinsan? Nakiki-lolo, ay.

Nagmano siya kay Lola. "Ay actually po, nakasalubong na po namin siya ni Rose."

"Magkakilala na pala kayo," pinapasok kami ni Lola sa loob ng bahay. Tumingin siya sa'min ni Late. "Naku, bagay na bagay."

"Ha po?" Wala sa sariling tanong ko.

"Pansin niyo rin po, 'La?" Natatawang ani Late. "Bagay na bagay po, 'no?" Sabi niya pa, kinindatan ako.

"Ew ka."

"Awts." Sabi niya, nakahawak sa dibdib. "Bitter."

"Korni ka lang."

Nang makapasok kami sa loob---teka. Tiningnan ko si Late na mukhang at home na at home pagkapasok namin sa loob. "Akala ko hindi ka na papasok?"

"Ay," napakamot siya sa may batok. "Oo nga pala." Tatawa-tawa niyang sabi.

Para-paraan nito, ah.

Hindi naman sa gusto ko siyang palabasin. Nagmumukha akong masama, eh. Worried lang, baka kasi sungitan siya ni Dad kapag nakita siya dito sa loob.

Hashtag defensive.

Palabas pa lang sana kami nang magsalita si Lola. "Oh Late, uuwi ka na? Aba'y dito ka na maghapunan."

Anla, hindi pwede!

"Pero Lola sina Dad-"

"Ano ka ba, ako na ang bahala sa Daddy mo."

Kitang-kita ko ang malawak na ngiti ni Late paglingon. "Pa'no ba yan Rosas, mukhang kasama mo akong maghapunan?"

Napairap na lang ako. "Nye nye, Huli."

"O s'ya, umupo muna kayo diyan at magkwentuhan habang naghahanda ako ng hapunan." Sabi ni Lola bago pumunta sa kusina.

"Naks rhymes."

"Rhyme time."

"Luh."

Nakangisi siyang tumingin sa'kin. "Well, great minds think alike?"

"Taray, englisher." Sabi ko na lang.

"Ano raw?"

"Wala." Sabi ko. "Awit sa'yo."

Sumandal siya sa sofa. "Alien language ka na naman."

"Ikaw mukhang alien." Sabi ko habang nililigpit ang mga files ni Lolo na nasa center table.

Tinulungan ako ni Late. "Lah. Gwapong alien."

Napangiwi ako. Napaka-feelingero talaga.

"Rose, Late, halika na kayo, nakahanda na ang hapunan." Biglang tawag sa'min ni Lola kaya hindi ko na natuloy ang pagkontra ko. "Rose tawagin mo na sila Daddy mo sa taas." Sabi niya pa.

Lagot. Ano kayang reaksyon nila Dad kapag nakita nila si Late dito sa bahay?

Tinawag ko na sila Mommy. Naunang bumaba si Daddy kaya lalo akong kinabahan. Nagtutupi pa kasi ng damit si Mommy, kaya hinintay ko na para sabay kaming bumaba.

Kaya na ni Late 'yon, sus. Ginusto niya 'yan, eh.

"Good evening, po Tito." Rinig kong bati niya kay daddy sa baba. "Late po pala."

Papansinin kaya siya ni Dad-

"Good evening."

Aba aba. Hindi na masama, ha? Baka naman pinakitaan ng birth certificate na anak siya ni Mayora kaya ganon?

Teka, ano bang sinasabi ko? Ang non-sense.

Pagkatapos ni Mommy, agad kaming bumaba. Buong akala ko ay sumabay na si Late kila Daddy papunta sa dining area pero nasa may sala pa rin siya pagbaba namin.

"Good evening po, Tita." Bati niya rin kay mommy. "Late po." Pagpapakilala niya.

"Good evening din." Nakangiting bati rin ni mommy sa kan'ya. "Pasensya ka na sa Daddy ni Rose. Masungit talaga yun sa mga lalaking kaedad ng anak namin."

Hindi naman maipagkakailang gwapo si Late. Pero hindi rin maipagkakailang opaque talaga siya.

"Okay lang po, naiintindihan ko. Sa ganda po ng anak niyo, talagang kailangan maging protective." Nakangiting sagot niya kay mommy.

Luh. Kung anu-anong sinasabi!

"Hindi ka naman nanliligaw sa anak ko, diba?" Muntik na kong mabilaukan sa sariling laway dahil sa tanong ni Mommy.

Ano ba namang klase ng tanong yan?!

Kakakilala pa lang namin!

"Ha po?" Biglang napatingin sa'kin si Late. Tinaasan ko lang siya ng kilay, a way of saying, Anong tinitingin-tingin mo? Malamang hindi! "Ano, hindi po. Magkaibigan lang po kami." Sagot niya. Napatango naman si mommy.

"Ikaw po talaga, Mhie. Kakakilala pa lang po namin hehehe."

"Hala, masamang pinaghihintay ang pagkain. Dito na kayo mag-usap." Sabi ni Lola.

Agad na kaming sumunod sa kan'ya papunta sa may dining area. Napangiti ako nang makitang paborito ko ang inihanda ni mama. Chicken Humba.

Grabe, na-miss ko 'to.

Maya-maya pa, narinig naming bumukas yung pinto. Nakabalik na si Lolo, kasama niya si Tito Jim. May dala silang mga softdrinks.

"Oh, nandito na pala yung dalawa." Tukoy niya sa'min ni Late. "Musta mga apo?"

Wao, mga apo. Alam ko, isang apo lang ako, ah?

"Okay lang po kami, Lo." Sagot ko. Nakangiti namang sumang-ayon si Late.

"Kuya Jim!" Bigla siyang tumayo. Nakipag-apir dito. "Musta po? Grabe long time!"

Sino pa ba sa pamilya namin ang hindi kilala nito?

Baka mamaya pati mga alaga kong pusa sa Gapo, kilala niya.

"Namiss kita, utol!" Full of energy na sabi ni Tito Jim. Mukhang close sila, eh.

Kala mo naman madalang magkita, eh lagi naman silang nandito sa Cabangan. Pft.

Tumingin sa'kin si Tito Jim nang may malawak na ngiti kaya naman tumayo ako para yumakap. "Tumangkad ka, ah?" Bati niya sa'kin. Ganyan talaga 'yan bumati. Height ko lagi ang nakikita.

Rawr.

"Hala, tumangkad ka n'yan?"

"Eh?"

"Tumangk---"

"Ehdi wow." Sagot ko kaya napatawa sina Lola.

Umupo na sina Lolo at Tito Jim. Nasa pinakadulo si Lolo, si Tito naman ay nasa pagitan ni Lola at Daddy.

"Mukhang close na agad kayong dalawa, ah?" Pansin sa'min ni Tito, inilalabas ang mga inuming pinamili nila at inilagay sa lamesa.

Maloko kaming nagtinginan ni Late na animo'y hindi makapaniwala sa narinig.

"Mukha lang po." Sabi ko.

Napatawa naman sila sa sagot ko. "Buti nga at nagkita kayo ngayon. 'Yan pa namang si Late ay minsan lang dumalaw dito." Ani Lolo.

Napatingin ako kay Late. Minsan lang?

"Oh halika na, mamaya na 'yang kwentuhan." Saway sa'min ni Lola. "Kumain na muna tayo."

Umayos na kami ng upo at nagdasal muna bago kumain.

At isa lang talaga ang nasa isip ko habang kumakain kami.

Grabe, ang sarap talaga ng chicken humba!

"Sino ka ulit?" Tanong ni Dad kaya napatigil ako sa pagnamnam ng paborito kong pagkain. Napatingin kaming lahat sa kan'ya. Tapos kay Late na kausap niya.

Nako, yari na. Magkatapat pa naman sila.

"Late po." Maamo ang ngiti nito kay Dad.

Natatawa ako. Mukha kasi siyang kinakabahan. Yung mukhang natatae? Gano'n. Ginusto mo yan, eh.

"Anak yan ni Mayora, Kuya." Sabat ni Tito Jim.

"Ah." Matipid na sagot ni Daddy.

Tumahimik na kaya nagpatuloy na kami sa pagkain ng hapunan, nang biglang magsalita ulit si Dad.

"Weird ng pangalan mo."

Muntik nang pumasok yung kanin sa ilong ko.

"Ay, opo nga eh." Awkward na tumawa si Late. "Alam niyo po ba---"

"Hindi pa."

Boom basag.

'Wag mo na i-push, Late. Hindi uubra kay Dad ang kakulitan mo.

"Hehehe." Awkward na tawa niya ulit. Nag-aabang lang kami sa sasabihin niya. "Simula grade school po ako, kapag first day at introduce yourself na, kapag magpapakilala ako," Umubo- ubo pa siya bago nagsalita. "Hi guys, I'm sorry I'm Late." Sabi niya. Nagsimulang lumungkot ang mukha. "Ang daya po, diba? Kahit ang aga kong pumapasok, Late pa rin ako." Sabi nito at umakto pang nagda-drama.

Napatawa kami sa sinabi at sa pag-aacting niya. Nagulat ako nang mapansing natawa rin si Dad.

Aba, teka! For the perstaym!

Mukhang pasado, ah.

Teka---anong sinasabi ko? Weird.

Pasado as a friend kasi!

At bakit ko ba kinakausap ang sarili ko? Kaloka!

Kumain na lang ako ulit. Ang dami ko nang natikman na Chicken humba pero the best talaga ang kay Lola!

Mas enjoy rin dahil napuno ng kwentuhan at tawanan yung hapunan namin. Hindi ko inexpect na mawawala 'yong awkwardness dahil sa kakulitan ni Late.

Sabagay, si Late yan, eh.

Ako nga na dapat bibili lang na ice cream, nawala ang katarayan kahit papa'no dahil sa dami ng pakeme sa buhay. Basta. In short, opaque talaga siya.

Tumulong kaming dalawa sa pagliligpit pero sinabihan kami na hayaan nalang na sila ang maghugas ng mga pinagkainan namin. Nandito raw kasi kami para magrelax. Totoo naman. Masyado kasing stressing ang buhay namin sa Olongapo. Ang daming responsibilidad, idagdag pa yung pag-aaral ko.

Lumabas na lang muna ako para magpahangin. Malamig at presko ang hangin dito sa Cabangan. Tahimik pa. Isa sa mga dahilan kung bakit gustong-gusto kong pumunta rito. Nakakarelax din yung view ng mga halaman at puno sa bakuran nina Lola. Kung dito siguro ako nag-aaral, baka mas ginaganahan ako kaysa namomroblema.

"Di ka pa uuwi?" Tanong ko kay Late nang mapansing sinundan niya ako.

"Gusto mo na ba akong umuwi?"

"Bakit hindi?" Biro ko sa kaniya. Diretso lang ang tingin sa mga halaman. "Joke. Ikaw bahala." Bawi ko nang nag-drama na naman siya.

"Uyyy," marahan akong tinulak ni Late. Nang-aasar. "Ayaw niya pa 'ko umuwi. Yieee."

"Luh." Pairap kong sabi sa kan'ya. "Binabawi ko na. Umuwi ka na."

"Ay, wala nang bawian, Rosas." Sagot niya sa tanong ko kanina. "Dito na muna ako. Kwentuhan muna tayo."

Napatingin ako sa kaniya na nakatingin sa kalangitan. Ang dami palang bituin ngayon. Ang gandang tingnan.

"Di ka ba hahanapin sa inyo?" Tanong ko sa kan'ya. "Mayor pa naman mama mo, baka mamaya bigla kang ipahanap."

"Ay, grabe. Joke ba 'yon?"

"Opaque ka." Tinulak ko siya. Pero hinila ko rin pabalik. Muntik masubsob, eh. "Seryoso nga."

"Di, yun." Sabi niya matapos makatayo nang maayos. "Wag ka mag-alala, itetext ko naman si Mama. Sabihin ko na-meet ko apo ni Kap Alinea tapos ayaw ako pauwiin, eh hindi ko naman mahindi-an."

Nagsalubong ang kilay ko sa sinabi niya. "Alam mo balakajan. Magkwento ka mag-isa."

"Uy, joke lang!" Pigil niya sa'kin. "Rosas kamo, 'di mabiro. Dali na, minsan lang eh. Malay mo next time 'di na ulit tayo magkita."

Napalingon ako bigla sa sinabi niya. "Bakit naman? Aalis ka?"

"Hindi naman." Agad na sagot niya. Umiiling. "Wala lang. Eh diba kasi sa tagal nating pumupunta dito, ngayon lang tayo nagkita? Kaya malay mo next time hindi ulit tayo magkakitaan."

Waw. As if hindi niya alam yung bahay namin. 'Di pwedeng puntahan ako?

Teka---mali. Bakit ako pupuntahan?

Malamang kasi magkaibigan kayo!

Putek. Kinakausap ko na naman ang sarili ko.

"Pero uyyy," maloko na naman ang ngiti niya. Kainis! "Napalingon ka bigla nung sabi kong baka 'di tayo magkita." Biro niya nang hindi ako sumagot sa sinabi niya kanina. Sinamaan ko siya ng tingin, pero nagpatuloy pa rin ang loko. "Gusto mo pa akong makita next time, 'no? Ayie, crush mo na ako agad? Bilis mo naman!" Sabi niya pa habang bahagyang tinutusok ng daliri ang tagiliran ko.

Nag-make face na lang ako at ngumiwi. "Feelingero ka na nga, chansing ka pa." Biro ko sa kaniya. "Di kita crush. Asa ka naman."

"Hala sabi ko na, eh."

"Oh, da-drama ka na naman diyan?"

Nagkunwari pa siyang gulat na napatingin sa'kin kahit halata namang nagpipigil ng tawa. "Mahal mo na ako?! Agad?!"

Napatawa na lang din ako sa kalokohan niya. "Sira. Puro ka talaga kalokohan."

"Sige, ito seryoso na." Sabi niya, ikinukumpas ang kamay sa tapat ng mukha, sinusubukang mag-mukhang seryoso.

"Weh? Joke ba yan?"

"Seryoso na nga!" Natatawang sabi niya.

"Seryoso pero tumatawa ka."

"Tumatawa ka, eh!"

Patuloy pa rin kami sa pagtawa. "Nakakatawa kasi mukha mo."

Lalo siyang natawa. "Seryoso na nga ako. Nakakatawa pa rin?"

"Mukha ka kasing clown." Sagot ko at natawa ulit.

Bigla siyang napasimangot. "Grabe! Clown?!" Tapos ay biglang lumawak ang ngiti. "Ikaw ah, Clown pala, ah. Alam mo, kung napapasaya kita pwede mo namang sabihin na lang nang diretso, hindi yung idinadaan mo pa sa banat."

Sinamaan ko siya ng tingin, natatawa. "Opaque ka talaga!" Ilang segundo pa bago kami natigil. Sinubukan kong magpigil ng tawa pagkatingin sa kaniya. Nakakainis! Natatawa talaga ako! Hindi ko alam bakit. "Akala ko ba seryoso na?"

Ngumiti muna siya nang maloko at tumawa bago nagseryoso. "Ito na nga." Hanggang sa natawa na naman siya. "Di, ito na. Ito na talaga."

Kumuha siya ng dalawang upuan sa gilid namin at binigay yung isa sa'kin. Nauna siyang umupo. "May tanong pala ako." Sabi niya. Napatingin ako. Mukhang seryoso na talaga siya kaya't sinubukan ko ring magseryoso. "Tuwing kailan kayo pumupunta dito?" Tanong niya sa'kin.

"Hm. . . " umupo rin ako sa upuang nasa tabi niya. "Kapag kailangan kami ni Lolo. Kapag may event dito o kaya bago mag January 24, o kaya 'pag magbabakasyon kami." Sagot ko, nakatingin lang siya sa'kin. Napangisi ako sa naisip. "Bakit, miss mo na ko agad kaya inaalam mo sunod na punta ko?"

Napatawa siya sa sinabi ko. "Lakas mo naman." Pang-aasar niya. "Tinanong ko lang para alam ko kailan ako magtatago."

"Ah ganon?" Tanong ko, akmang tatayo pero pinigilan niya agad.

"Biro lang!" Natatawang sabi niya. "Pero January 24? Ano meron dun?"

"Birthday ko. Mayro'n kasi kaming panata. Kasabay ko raw kasi yung feast day ni Ina Poon Bato kaya dinala nila ako doon sa church sa Botolan nung baby ako. Tapos nung sunod na taon na hindi nila ako dinala-"

"Nagkasakit ka?"

"Oo." Sagot ko. "Hilig mo talagang 'di ako patapusin, 'no?"

"Sorry na," natatawang sabi niya. "Pero kasi diba ganun madalas na nangyayari sa panata kapag hindi nagagawa?"

"Siguro." Sabi ko na lang. "Kaya ayun, kada taon, bago magbirthday ko, pumupunta kami sa Botolan."

Hinarap niya yung upuan niya sa'kin. Magkaharap na kami ngayon, at hindi ko alam bakit, pero ang awkward. "Eh January 19 na. Kailan kayo pupunta n'yan?"

"Bukas."

"Edi hindi pala kita makikita bukas?" Tanong niya.

Tumingin ako sa langit. Medyo nakakailang kasi. Parang mas gusto ko na lang na magkatabi kami. "Hindi. . .siguro. Malay mo. Malay natin."

"Hilig mo sabihin yan, ah?" Pagpansin niya sa sinabi ko.

Nagkibit-balikat lang ako. "Totoo naman kasi diba? Kahit minsan nakaplano na lahat, mayro'n pa ring paraan yung buhay para bigyan tayo nung mga unexpected na pangyayari."

"Lalim. Mukhang sinisid pa sa karagatan." Biro niya. "Experience ba yan?"

"Siguro. Ewan." Maski ako ay naguluhan sa sinagot ko."Organized kasi akong tao. Gusto ko lahat nakaplano pero ayun. Palaging unexpected yung nangyayari, eh. Kaumay."

Bahagya siyang nangiti sa sinabi ko. "Eh kung kunwari yung mismong inaasahan mo yung mangyayari, anong ineexpect mo bukas?"

Napaisip ako sa sinabi niya. Ano nga bang ineexpect ko na mangyayari? "Usual na ginagawa siguro namin? Magsisimba, pupuntang Apo Apang pagkatapos, bili ng bracelet, then uwi."

"Ang planado agad." Natawa siya. "Talagang yung usual lang? Walang iba?"

"Sanay nga akong nasa plano yung gagawin."

"Tunog siyudad." Natatawa niyang sabi. "Masyado kasi kayong busy palagi. Kaya nasasanay kayo sa plano."

"Satru." Pagsang-ayon ko.

Natawa siya, umiiling. "Alien language." Sabi niya. Sinamaan ko lang siya ng tingin. "Pero dali na, ano pang gusto mong mangyari bukas?"

Nagkibit-balikat ako. "Parang wala naman na."

"Kahit random lang? Yung naiisip mo ngayon na gusto mong gawin?"

Napaisip ako. "Teka, bakit mo ba tinatanong?"

"Curious lang." Natatawang sabi niya. "Sabi mo kasi sanay kang nakaplano kaya napapaisip lang kung ano yung gusto mo talagang gawin."

"Siguro ano," panimula ko, nag-iisip ng isasagot. "Mag-swimming."

"Dagat? Pool?"

"Dagat." Agad na sagot ko. "Iba yung feels, eh. Lalo na 'pag sunset."

"Romantic feels ba 'yan?" Tanong niya.

Tumango ako, bahagyang natatawa.

"Malay mo naman mangyari. Sabi mo nga, malay mo, malay natin." Panggagaya niya sa sinabi ko kanina.

"Layo ng narating natin, ah?"

"Oo nga, eh. Lumalim. Napunta pa sa dagat." Natatawang sabi niya,at sumandal sa upuan. Tumingala. "Pero okay lang din naman siguro na hindi tayo magkikita bukas." Sabi niya, ibinabalik ang usapan namin kanina. "May ibang araw pa naman. Kailan ba kayo uuwi sa Gapo?"

"Alam mong sa Gapo kami nakatira?" Tanong ko, bahagyang nagulat sa sinabi niya. Pinatayo ko pa muna siya at hinila pabalik sa tabi ko ang upuan niya bago nagsalita ulit. "Ikaw ata may crush sa'kin, eh. Inii-stalk mo ako."

Aasarin n'ya pa muna sana ako na gusto ko s'yang katabi pero sinamaan ko siya ng tingin.

"Lakas mo talaga, Rosas." Natatawang sagot niya sa bintang ko. "Nakwento lang ni Kap noon."

"Ah, sige." Sabi ko, pinapahalatang hindi naniwala sa sinabi niya. "Sabi mo, eh."

"Kailan nga?"

Napangiti na lang ako sa kan'ya. "Bukas din."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top