Moment Four
JANUARY 20, 2019
Apo Apang Shrine - Botolan, Zambales
"Papunta pa lang kayo, pabalik na kami."
Literal ang pagkakasabi ni Daddy sa'min ni Huli nang makaakyat kami at makarating sa Apo Apang. Sinundan pa ng mga tanong na, "siguro nag-date pa kayo, 'no?" at, "nakita niyo ba sina Mama? Nag-date na rin ata. Tagal niyo kasi, eh."
Kasi naman! Nakaka-stress yung kasama kong umakyat! Napaka!
Si Tita Lizette naman, hinihila-hila kami ni Late para sa ilang selfies. Remembrance daw.
"Teka nga---okay ka lang ba, Rose?" Bakas ang pag-aalala ni Mommy nang lapitan niya ako at inilapat ang palad sa noo at leeg ko. "Hindi ka naman mainit, pero namumula ka. Masama ba ang pakiramdam mo?"
"H-hindi p---"
"Kinikilig lang po siya sa'kin, Tita. Ang gwapo ko po kasi."
"Mainit po kasi yung panahon." Sagot ko at sinamaan ng tingin si Huli. "Pero mukhang lumamig na po dahil sa katabi ko."
"Ay, ang cool ko kasi. Gwapo na cool pa."
"Hindi ka cool. Mahangin ka. Bagyong Huli."
"Ikaw talaga, crush."
"Shh!" Tarantang sabi ko at sinamaan ng tingin si Huli. Ayokong marinig! Kainis. Ba't pa ba kailangang banggitin yun.
Kinakalimutan ko na nga! Saka hindi naman big deal yun, 'no. Crush? Ano kami, grade school? Kaloka! Bakit naman ako kikiligin dun? Sus!
"Namumula ka na naman." Puna sa akin ni Mommy kaya't kinuha ko ang tubig sa kamay ni Huli at ininom.
Pero lalo lang akong namula dahil sa sinabi ni Daddy. "Oh, kay Late 'yan, ah? Bakit diyan ka uminom?"
Muntik ko nang maibuga kay Huli yung nainom ko.
Aaaaaaaaaaa! Ano bang ginagawa ko? Bakit kasi ako nang-aagaw ng inumin! Ang init naman kasi! Mainit yung pisngi ko, okay? Hindi ko ginustong---!
"Sabi ko sa inyo, Tita, eh. Kinikilig talaga siya sa'kin." Tatawa-tawa niyang sabi habang hawak-hawak ang boteng taranta kong ibinalik sa kaniya.
"H-hindi ko po sinasadya! N-nainitan l-lang po ako bigla, Dad. Hehehe." Sabi ko at awkward na tumawa. Seryoso pa rin ang tingin sa'kin ni Dad habang nakapamulsa. "Halika na po, pasok na lang po tayo sa loob. Masyado pong mainit dito sa labas." Suhestiyon ko at saka awkward na tumawa ulit.
Doon napatango si Daddy at tinawag na sina Lola, Lolo, at Tito Jim na tumitingin sa mga tindahan ng souvenir at si Tita Lizette rin na kasama nila pero paminsan minsan ay kumukuha ng litrato ng paligid.
Magkasabay kami ni Huli na naglalakad papasok sa simbahan. Medyo nagulat pa ako nang bigla siyang bumulong. "Baka ang ibig mong sabihin, pumasok na tayo sa loob bago ka kiligin ulit?"
"Ibig kong sabihin, pumasok na tayo sa loob bago pa bumagyo dahil sa kahanginan mo, crush." Biro ko pabalik sa kaniya. Akala niya ba siya lang ang marunong mang-asar?
Natawa ako nang mapansin ang pamumula ng tainga niya.
"Oh, edi ikaw ngayon ang namula."
Umupo na kami at saka nagsimulang magdasal. Pagkatapos, dumiretso kami doon sa isa pang inaakyat namin para magsindi ng kandila.
At last but not the least, pasalubong time! Agad na akong pumunta sa bilihan ng bracelet para mamili ng mga ibibigay ko sa mga kaibigan ko sa Gapo.
"Ano yan?"
Bahagya akong nagulat nang mapansing sinundan pala ako ni Huli.
"Bracelet."
"Ay, talaga? Akala ko kwintas. Try nga natin baka kasya sa leeg mo." Sabi niya habang pilit kinukuha sa'kin ang bracelet nang may malokong ngiti sa mga labi.
"Joke lang!" Natatawang awat ko sa kaniya. "Ano ba kasing ineexpect mong isasagot ko sa tanong mo?"
"Souvenir?" Sabi niya. "Hay nako, Rosas."
"Hay nako rin, Huli." Panggagaya ko sa kaniya. Nagpatuloy na akong pumili ng mga bracelet. Inangat ko ang isa para tingnan ito nang malapitan. "Dito kami palagi bumibili ni Lolo ng mga bracelet para sa mga kaibigan ko."
Nakapamulsang sinundan niya nang tingin ang paglapag ko sa bracelet na hawak. "Bakit naman?"
"Suki na kami ni Ate, eh." Sabi ko, patuloy na pumipili ng mga bibilihin. "Maganda na, mura pa yung tinda niya."
Biglang napatingin sa amin si Ate Mey at napangiti. "Ay maraming salamat po, Ma'am."
"Ate talaga, oh. Rose na nga lang po." Nakangiting sabi ko.
Napalingon ako kay Huli nang magsalita siya.
"Oh, okay. Pero ibig kong sabihin, bakit ka bumibili ng souvenir?"
"Remembrance."
"Para sa mga kaibigan mo?"
"Ah." Sabi ko nang maipagtanto ang tanong niya. "Bakit ko binibilihan ng pasalubong mga kaibigan ko?"
Tumango siya.
"Para malaman nila na nasa isip ko sila habang nandito ako."
Kumunot ang noo niya kaya napailing ako, nakangiti. "Ganon ba yun?"
"Para sa'kin lang naman." Sabi ko. "Ikaw ba?"
"Anong ako? Sinong iniisip ko?"
"Ha?" Naguguluhang tanong ko. Ibinigay ko muna kay Ate Mey ang dalawang napili. Tatlo pa. "Loka. I mean, hindi mo binibilihan ng pasalubong mga kaibigan mo?"
"Kailangan ba?"
Kumunot ang noo ko sa kaniya. "Gulo nito kausap."
"Nagtatanong lang!" Tatawa-tawang sagot niya.
Napailing na lang ako at nadaanan ng aking tingin si Ate Mey na natatawa rin sa pagiging ewan ni Huli. "Sa'kin nga lang. Para alam nilang naalala ko sila habang nandito ako."
Sa isang iglap, ang mapaglarong ngiti ni Huli ay nawala at ang tanging nakikita ko lamang ay ang seryoso niyang mukha.
"Wala pa naman akong naiisip o naaalala kapag pumupunta ako sa ibang lugar."
"Posible ba yun?"
"Oo naman." Simpleng sagot niya.
"Hindi kita gets."
Nagkibit-balikat lang siya. "Siguro depende rin sa dahilan mo kung bakit ka nasa lugar na yun."
"Lalim." Pagbabalik ko sa kumento niya sa'kin kagabi. "Anong dahilan ba 'yan?"
"Ano,"
Napalingon ako nang tumigil siyang magsalita.
"Ano?"
"Gusto mo malaman?"
"Ba't hindi---"
"Kain ka gulaman."
Naiinis man sa sagot niya, bahagya akong napangiti dahil bumalik na ang pagiging mapaglaro niya. "Ah ganon?"
Napakamot siya nang ulo, natatawa. "Basta." Sabi niya. "Bilisan mo na oh, hinihintay ni Ate yung bibilihin mo."
Agad akong napatingin kay Ate Mey na nakikipag-usap sa katabi niyang nagtitinda, at bigla ring napatingin sa'kin.
"Naku, sige lang, Rose. " Nakangiting sabi niya. "Pili ka lang diyan."
"Kita mo na, chosero ka talaga." Sabi ko paglingon kay Huli. "Ikaw, 'di ka bibili?"
"Wala naman akong bibilihan."
"Sure ka? Isabay mo na sa'kin, oh."
Umiling siya. "Wala talaga."
"Para sa'yo?"
"Hm," Sandali siyang napaisip sa tanong ko. "Marami na akong bracelet."
Tiningnan ko siya, hindi makapaniwala. "Parang wala naman." Kumento ko.
Wala naman kasi talaga siyang suot na bracelet. Pft.
Natawa siya sa sinabi ko. "Nasa bahay, Rosas."
"Okay, sige. Sabi mo, eh." Sabi ko na lang. Mahirap pilitin ang ayaw, paulit-ulit ka lang marereject.
#NdeNamanMesheket.
Ibinigay ko na kay Ate ang tatlong bracelet na hawak ko. "Ito na po, Ate Mey. May discount po ba? Hehehe." Pabirong tanong ko sa kaniya.
"Oo naman, syempre. Ikaw pa ba?" Natatawang sabi niya. "Alam mo namang malakas ka sa'kin dahil suki na kita."
Abot-tainga ang ngiti ko nang iabot ko ang bayad. "Ayown naman! Kaya dabest ka, Ate eh."
"Bolera ka talaga." Natatawang kumento niya. "Oh, ito na."
"Salamat po. Sa susunod ulit Ate, ah?"
"Oo naman. Sa susunod na taon ulit."
Ngumiti kami ni Huli pabalik kay Ate bago umalis. Pero nakakailang hakbang pa lang kami ay bigla rin kaming napahinto.
"Ay, teka---Rose."
Napalingon kami ni Huli. "Po?"
"Ito, oh." Matamis ang ngiti ni Ate Mey nang may iabot siyang maliit na bagay sa akin. Lumapit kami ni Huli at doon ko lang napagtanto kung ano iyon.
Maliit na libro ng mga prayers. Gusto ko 'yon!
"Para saan po ito, Ate?" Tanong ko sa kaniya. "Binibentahan mo po ba ak---"
"Regalo ko 'yan sayo. Birthday mo ang ipinupunta niyo rito diba? Alam kong maliit na bagay lang yan pero sana ay magustu---"
Hindi na naituloy ni Ate Mey ang sasabihin nang bigla ko siyang yakapin.
"Ano ka po ba, Ate. Syempre po nagustuhan ko. Salamat po! Itatabi ko po 'to." Tuwang-tuwa akong bumitaw sa yakap para tingnan siya. "Ikaw Ate, ha. May pa-surprise gift ka pa sa akin."
"Napakabait mo kasing bata." Panimula niya habang may matamis na ngiti sa mga labi. "Wala kang pinipili sa pakikipagkaibigan. Hindi ka tumitingin sa estado ng buhay o kung ano man. Natutuwa ako sa'yo." Sabi pa niya at bahagyang ginulo ang buhok ko.
"Salamat talaga, Ate." Sabi ko at yumakap ulit. "Napasaya mo ako. Next time po ulit!"
"Mag-iingat kayo ng nobyo mo!" Sigaw niya bago kami makaalis.
Napatingin ako kay Ate Mey na kasalukuyang tumatawa dahil sa reaksyon ko.
"Binibiro lang kita." Natatawang sabi niya. "Mag-iingat kayo ng kaibigan mo."
Napailing na lang ako habang nakangiti dahil sa pang-aasar ni Ate Mey.
Nakatingin pa rin ako sa hawak-hawak na maliit na libro habang nakangiti nang biglang magsalita si Huli.
"Grabe rin talaga epekto mo sa mga tao 'no?"
Pabiro ko siyang inirapan. "Chosero."
"Seryoso nga." Natatawang sabi niyo. "Tingnan mo yung sinabi ni Ate---ano uli pangalan niya? Meyo?"
"Anong Meyo ka riyan. Ginawa mo namang mayonnaise si Ate Mey."
"Ah, Mey." Natatawang sabi niya at nagdagdag ng sorry, malay ko ba! Napailing na lang ako. "Pero yun nga, kita naman sa sinabi ni Ate Mey."
"Ang alin?"
"Yung ano, epekto mo nga sa mga tao." Natatawang sabi niya dahil paulit-ulit na naman kami. "Na ang dali mong hangaan. Ang dali mong mahalin."
Mahalin.
"Nagpakatotoo lang naman ako, eh."
"Hindi ba mahirap yun?"
Napalingon ako sa kaniya. Patuloy pa rin kami sa paglalakad. "Ang magpakatotoo?"
Ibinaba niya ang tingin sa nilalakaran namin. "Na marami kang kaibigan, o yung mga tinuturing mong pamilya."
"Bakit naman?"
"Kasi mas maraming mahalaga sayo, mas maraming pagkakataon na malulungkot ka. Masasaktan."
Napangiti ako sa sinabi niya. Totoo ata talaga na kung sino yung mga pinakamasiyahing tao, sila rin yung pinakamalungkot.
"Pero mas marami ring pagkakataon na sumaya ka. The more the merrier nga, diba?"
"Pero may lungkot pa rin pagkatapos."
"Pero may saya pa rin bago yung lungkot." Sagot ko pabalik sa kaniya. "Lagi namang magkasama yung dalawang yan, eh. Nasasayo na lang kung sa saya o sa lungkot ka titingin."
Napalingon siya sa akin. "Bakit ka pa titingin sa saya kung malulungkot ka lang din?"
"Kasi kapag natutunan mong tumingin sa masaya, kahit na maging malungkot ka pagkatapos, atleast naging masaya ka. Pero kapag umpisa pa lang, tumingin ka na agad sa lungkot, sa palagay mo ba kahit sandali lang magiging masaya ka?"
Natigilan siya sa tanong ko.
"Oh, tapos na ba kayong mamili?" Napatingin ako---o kami, kay Lolo na may hawak-hawak na ilang supot ng pinamili nila ni Lola.
"Opo, 'Lo. Kayo po ba? Wala na po kayong idadagdag?"
"Wala naman na, apo." Sagot niya sa akin at saka lumingon-lingon. "Hintayin na lang natin sina Daddy mo at nang makabyahe na tayo."
Makabyahe? Agad-agad? Uuwi na kami agad?
"Hindi po ba muna tayo maglalunch?"
"Hindi na, babyahe na muna tayo apo. Saka na tayo magtanghalian kapag nakarating na."
Bahagya akong nalungkot sa sinabi ni Lolo. Uuwi na pala kami. . .
"Bakit, gutom ka na ba?"
Agad akong napailing at ibinalik ang ngiti sa mga labi. "Hindi pa naman po." Sagot ko. "Ikaw ba Huli---nasa'an po si Late?" Takang tanong ko nang paglingon ay wala na sa tabi ko si Huli.
"Ay, hindi ko rin napansin, apo."
Grabe, hindi man lang nagpaalam!
"Tita Lizette, nakita niyo po ba si Late?" Tanong ko nang makitang papalapit siya sa'min ni Lolo.
"Naku hindi, iha." Sagot niya habang ang atensyon ay nasa mga pinamili. Lumingon siya sa akin. "Diba kayo ang magkasama?"
"Opo kaso paglingon ko po, biglang nawala, eh."
"Gano'n ba, hayaan mo na at baka umihi lang. 'Yong bata talaga na yun pasaway."
Maya-maya pa, dumating na rin sina Daddy, Mommy, Tito Jim, at Lola.
"Nakabili na kayo ng mga pasalubong?" Tanong ni Lolo sa kanila.
Nakangiting itinaas ni Dad ang mga ipinamili. Lumingon siya sa'kin. "Kayo Rose? Nasa'n si Late?"
"Opo, nakabili na po ako." Sabi ko at ipinakita ang mga bracelet na hawak ko. "Hindi ko po alam, Dad. Baka po umihi."
"Oh, 'yan na pala, eh."
Napatingin kaming lahat sa tinuro ni Tito Jim at surprise! Si Huli nga.
"Sa'n ka galing?" Tanong ni Tito Jim sa kaniya. "Nag-alala sa'yo si Rosas mo."
Sinamaan ko ng tingin si Tito Jim dahil nang-aasar na naman siya. Tinawanan niya lang ako.
Napakamot ng ulo si Huli at nahihiyang tumawa bago napatingin sa akin. "May pinuntahan lang po."
Ay, may pinuntahan. Bawal sabihin?
Payn. Edi wag.
"Nandito na ba lahat?" Tanong ni Lolo. "Halika na para makapagtanghalian na tayo pagkabyahe." Sabi niya nang makitang kumpleto na kami.
Tahimik kaming naupo pagdating sa van. Walang nagsalita---I mean meron, pero wala sa'min ni Huli.
Magkatabi na kami pero walang nagsasalita. Kahit pangalawang araw pa lang naming nagkasama, ang unusual sa pakiramdam na hindi kami nag-uusap. Parang ang awkward bigla.
Ito na nga lang yung huling moment na magkakasama kami, hindi pa ba niya ako kakausapin?
Para saan pa na niyaya niya si Tita Lizette kung wala naman pala siyang balak sulitin yung huling araw na magkakasama kami. Hmp.
Nakakainis! Ito na, oh. Pauwi na kami ng Cabangan. Ibababa na lang namin sila at kukunin yung mga gamit namin tapos uuwi na kami.
Hindi niya ba 'yon naisip? O wala lang sa kaniya?
At bakit ko ba 'to iniisip?! Kaloka!
Bumuntong-hininga na lang ako at napansin kong lumingon siya sa'kin pero hindi pa rin nagsalita. Isinandal ko ang ulo ko sa upuan at pumikit, nagbabalak na matulog sa byahe kaysa namnamin ang awkwardness sa pagitan namin.
Hanggang sa bigla na lang akong nakaramdam ng mga paru-paro sa tiyan ko nang maramdamang dahan-dahan niyang isinandal ang ulo ko sa balikat niya, nag-iingat na huwag akong magising.
Sa sobrang komportable ng pakiramdam, tuluyan na akong nakatulog at nagising na lang nang may nakakasilaw na liwanag ang tumama sa maganda kong natutulog na mga mata.
"Aray---!" Sigaw ko at lalong napaaray nang magkauntugan kami ni Huli. Nakatulog din pala siya?
Sabay kaming napahawak sa nauntog na ulo at bahagya itong hinilot para mawala ang sakit. Napatingin kami sa mga nanay naming may hawak na cellphone at camera.
"Mhie, alam ko naman pong cute ako pag natutulog pero sana po walang flash." Antok na sabi ko habang humihikab pa at kasalukuyan pang hinihilot ang ulo.
Nakapikit pa na sumang-ayon si Huli sa sinabi ko. "Opo nga, Ma. Alam ko naman pong cute kami. Wala lang po, alam ko lang."
Kahit akong bagong gising ay napatawa sa sinabi niya. "Tulog ka pa ata, Huli." Kumento ko.
Nakapikit pa rin siya at nakasandal sa upuan nang magsalita si Lolo.
"Wala munang matutulog. Nandito na tayo."
Maliban sa gulat ko sa sinabi ni Lolo, mas nagulat ako dahil sa nakita ko pagsilip sa bintana.
KSHSBSJSKSHSGBSJSKSHS!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top