/9/ Lonely Valentine Monday
(Bestre)
Ano ba ang nangyayari sa akin?
Ipinikit ko ang aking mga mata nang maalala ko ang aking mga salitang binitiwan ngayong gabi. Lubos ang panggagalaiti ko sa aking sarili habang sariwa pa rin ang aking mga sinabi kay Rania Miranda.
"Para akong gamu-gamo na nahuhumaling sa iyong liwanag..."
Napakalapit na niya sa akin. Sa mga sandaling ito, tuluyan na akong natupok ng kanyang apoy habang nahihibang sa kanyang liwanag.
Malapit ko na siyang hagkan, ngunit naalala ko na labis na malaki ang aming agwat. Hindi pwede. Hindi maari.
Si Rania Miranda ang sumisimbolo sa lahat ng bagay na hindi ko gusto sa lipunang ito: mayaman, walang pakialam, at mataas ang lipad. Bulag na sumusunod sa batas at walang kamalay-malay sa tunay na estado ng mga pangyayari.
Ngunit sa isang iglap ngayong gabi, may nagbago sa akin.
Nararamdaman ko pa rin hanggang ngayon ang lambot ng kanyang palad, ang matipid niyang ngiti, at ang kanyang mga mata na pilit bumabaon sa aking mga paningin habang kami ay binabalot ng musiko sa gitna ng aming pagsasayaw.
Inamin ko na sa kanya ang hindi ko maamin-amin mula noon.
Sa gitna ng mga pang-aasar ng aking mga kaibigan at ang aking pinapakitang pagkainis, unti-unting namumuo ang damdaming ayaw kong pansinin.
Hindi ko na maalala kung kailan pa ito nangyari. Ngunit alam kong madalas akong nagnanakaw ng tingin sa kanya tuwing siya ay aking nakikita. Sa unang beses na magkalapit kami, nakakatukso ang ideya na humalik sa kanya. Ngunit may respeto pa rin ako sa mga kababaihan.
Marami akong magagandang bagay na naririnig tungkol kay Rania: maganda, matalino, at mabuti ang pag-uugali. Ngunit hirap akong paniwalaan na ang kagaya niya ay marunong makitungo sa kapwa at nag-aaral pa sa isang state university.
Matagal na mula nang ako ay huling umibig. Wala sa aking mga plano ang magkaroon ng kursunada sa mga babae sa aking unibersidad.
Ngunit nag-iba ang ihip ng hangin ngayong gabi.
Habang ako ay nakahiga sa aking kwarto, mag-isa at balot ng kadiliman, isa lang ang aking iniisip.
Mag-isa akong umiibig.
At kailangan ko itong puksain dahil kahit kailan ay hindi niya ito masusuklian.
May mas importante pa akong dapat gawin kaysa ang mabalisa dahil sa isang babae.
Isang babaeng hindi ko kailanman mapapantayan.
---
(Ranie)
Labis ang aking kalungkutan nang matapos ang Valentine's Night. Nakapagpaalam ako kay Alma at Tina nang maayos, ngunit sa aking pagmamaneho pauwi ay nababagabag ako ng mga pangyayari kanina.
Hindi ko naikwento sa aking mga kaibigan na nagsayaw kami ni Bestre at muntik na siyang humalik sa akin. Ang mas nakakagulat pa, umamin ito na may lihim siyang pagtingin.
Ngunit bago pa ako makapagsalita ay tumakbo papalayo si Bestre at iniwan ako sa dance floor na nag-iisa.
Natawa ako sa tagpong iyon. Kung gaano siya katapang ay ganoon din siya ka-torpe.
Nakauwi ako sa aming tirahan at ipinarada ang aking kotse sa may garahe. Dumiretso ako sa aking kwarto at nag-ayos para matulog.
Nahiga ako at napabuntong-hininga.
Hindi ko mabura sa isipan ang mga tingin ni Bestre. Kung paano kami nagkalapit ng mukha at basta na lang ako tinakbuhan.
He crosses my mind sometimes, but I can erase thoughts of him as soon as it comes.
But tonight, I know something has changed between us.
He crossed my mind tonight and never left since then.
Ngunit alam ko, hanggang salita lang ito. Hindi pwedeng may mamagitan sa aming dalawa.
And as I lay in bed, I am frustrated at this thought that we can never be together.
Hanggang ngayong gabi lang, hahayaan ko ang sarili na siya ay mamalagi sa puso at isipan. Ngayong gabi, kami ay nagsayaw, nahawakan ang isa't isa, at may namuong mga damdamin.
Ngunit hanggang ngayong gabi lang pala ito.
The moth danced around the flames but was soon consumed by the fire.
And it was all gone. The magic, the small spark of love was never meant to last.
---
Lumipas ang Sabado at Linggo na ako ay nagsimba at nananghalian sa isang restaurant kasama ang aking pamilya. Tahimik lamang ako sa mga tagpong ito habang pilit na umaakto nang normal at hindi iniisip si Bestre.
Sana ay mag-Lunes na. Gusto ko siyang makausap kahit sa huling pagkakataon.
Nang sumapit ang araw na aking pinakahihintay, ang Lunes, maaga akong gumising at naunang nag-agahan. Mag-isa ako sa kusina habang abala sa pagkain ng aking mainit na pandesal at kape nang dumaan si Manang Delia.
"Kain po tayo," nakangiti kong pag-aaya sa aming mayordoma.
"Aba, may date ka ba ngayon, Ranie? Nauna ka pang gumising sa iyong Mama!" Natatawa niyang biro.
"Date? Ano po bang petsa ngayon?"
"Pebrero katorse! Valentine's Day ngayon!" Tumawa si Manang Delia.
"Ah, nakalimutan ko na po," ngiti ko sabay inom ng kape sa aking tasa. "May klase po kasi ako ng alas nueve ngayong umaga."
"Ranie, alas-siyete pa lang ng umaga. Siguro may date ka no?" Tumaas ang isang sulok ng kanyang mga labi na para bang may lihim akong tinatago.
"Naku, wala po!" Pagtanggi ko. "Lunes kasi, at gusto kong maalwan na makarating sa unibersidad nang hindi ako nag-aalala tungkol sa trapik."
"Mabuti iyan, kasing-sipag mo ang iyong ama!" Ika ni Manang Delia.
"Nakaalis na po ba si Papa?" Ngayon ko lang napansin na di ko pa siya nakikita sa aming tahanan mula nang ako ay magising. Minsan ay sumasabay siyang mag-agahan kasama namin nila Mama at Adie, at may pagkakataon na mas nauuna siya sa amin dahil sa kanyang trabaho.
"Kaninang alas-kwatro siya nagising at umalis din agad pagkatapos kumain. Bihis na bihis. Sabi niya pipilitin niyang umuwi nang maaga dahil may date sila ng iyong ina mamayang gabi." Ngumiti si Manang Delia habang nagkukwento.
"Sweet po talaga sila magpahanggang-ngayon," aking pagsang-ayon.
Natapos ako sa aking agahan at dinala ang aking mga pinagkainan sa lababo para hugasan ito.
"Ranie, ako na maghuhugas," alok ni Manang Delia.
"Kumain na po kayo, matatapos ko na oh," ngiti ko habang binabanlawan ang aking tasa at platito sa ilalim ng umaapaw na tubig matapos ko itong sabunin. Inilagay ko ang mga ito sa tauban ng mga plato at nagpatuyo ng kamay pagkatapos.
"Mauna na po ako, Manang. Happy Valentines!"
"Mag-iingat ka, hija! Enjoy your day!" Ngiti ng ginang sa akin.
Ngumiti ako kay Manang Delia at naglakad palabas ng kusina. Dumiretso ako sa shower at naligo. Pagkatapos ay nag-ayos ako at nagbihis ng red and white striped shirt, flared denim jeans, at black sneakers. Ayokong magmukhang sobrang nag-ayos na parang may date nga ako ngayong araw.
Nagbyahe ako patungo sa unibersidad, at awa ng Diyos ay hindi gaano kabigat ang trapik. Nang makarating ako, ipinarada ko ang aking kotse sa dating pwesto nito sa parking lot. Lumabas ako sa sasakyan at nagsimula nang maglakad patungo sa Business Admin Building.
Tumingin-tingin ako sa paligid. Kahit ganito kaaga ay may nakikita na akong mga kababaihan na may hawak na bouquet ng roses at box ng chocolates. O kaya naman ay Valentine's card or letter. Kasama nila ang kanilang mga kaibigan na masayang pinagyayabang kung kanino nila ito natanggap. Nahagip ko ang isang usapan at ito ay galing daw sa kanyang secret admirer.
"Aba naman, kaya pala ang ganda ng umaga mo, Jenny!"
"Oo nga eh, Lisa! Sana si Alex nga ang nagbigay ng mga red roses na ito sa akin!"
Ngumiti ako habang narinig ko ang kanilang mga tiliian. Tunay ngang kay sarap sa pakiramdam ang umibig.
"Bili na kayo ng red roses! Kapag isang dosena, may libreng chocolate bar!"
Sinundan ko ng tingin kung kanino nanggaling ang alok na ito. Malapit sa football field ay may nakatayong lalaki na nagtitinda ng roses. Buhat niya ang bouquet ng tig-isang stem ng roses sa kanang braso at sa tabi nito ay may bulto ng chocolate bars na nakapatong sa isang kahon.
"Miss, may nagbigay na ba sa iyo ng roses?" Tanong nito sa akin nang ako ay kanyang matanaw.
"Ah, wala pa po," magalang kong sagot.
"Sayang oh, ang ganda mo pa naman," biro ni Manong.
"Okay lang po, it's the thought that counts," ngiti ko. "Mas gusto ko sana yung chocolate," biro ko.
"Tama po kayo Ma'am! Ay, sa inyo na lang itong chocolate." Bigla akong inabutan ni Manong ng chocolate bar.
"Libre niyo pong ibibigay?" Pagkagulat ko.
"Kunin niyo na po." Iniaabot na ni Manong sa akin ang tsokolate.
"Ay, magbabayad po ako para dito." Bubuksan ko na sana ang aking shoulder bag ngunit sabi ni Manong, "Ikaw lang ang bibigyan ko nito nang libre. Parang ang lungkot mo ngayong araw."
"Ay, paano niyo po nasabi?" Natawa ako. Oo nga, kahapon ko pa iniisip si Bestre at naiinis sa kanyang ginawa noong Biyernes.
"Kanina ka pa nakatingin doon sa dalawang babae kanina, yung may secret admirer."
Oo nga, halos kalapit nila si Manong habang nag-uusap kanina at ngayon ay nakaalis na sila.
"Kung libre po iyan, maraming salamat!"
"Walang anuman, Ma'am!"
Malawak ang aking ngiti nang kunin ko kay Manong ang chocolate bar at maingat itong inilagay sa aking handbag. Kumaway ako kay Manong at pinagpapatuloy ang aking lakad.
Nang makarating ako sa aming building, pumasok ako sa una kong klase at naabutan si Tina at ang lalaking si Nimrod, na ka-date niya noong Biyernes. Nakangiti ang aking kaibigan habang may dalang one-stemmed rose sa kanyang kanang kamay.
"Mauna na ako, Tina."
"Bye Nimrod."
Bumeso ito kay Tina at nakangiting umalis ng classroom nang hindi ako napapansin. Iginala ko ang aking paningin sa paligid. May dalawang pares ng mag-nobyo na nag-uusap at ang kanilang mga nobya ay may hawak na roses at chocolates.
"Ranie! Andito ka na pala!"
"Good morning, Tina!" Bumeso ako sa aking kaibigan at naupo kaming magkatabi sa armchairs.
"Bigay ni Nimrod," pinakita niya sa akin ang kanyang rose.
"Buti naman naalala ka niya," ika ko.
"Parang malungkot ka yata," puna ni Tina. "Ang lamlam ng inyong mga mata."
Nagkusot ako ng aking mga mata at sinabing, "Hindi ah! Sa katunayan nga, yung manong na nagtitinda ng roses at chocolates sa may football field, nilibre ako ng chocolate!"
Inilabas ko ang tsokolate mula sa aking bag at inalok si Tina. Habang kinakain namin ang pinutol-putol na chocolate bar, nagkukwento si Tina ng nangyari sa kanila ni Nimrod noong Valentine's Night.
"Ayun, nagsayaw lang kami at hindi naghalikan. Hmp! Torpe talaga oh!" Humalukipkip ang aking kaibigan habang nakasimangot.
"Ayaw mo iyon, ginagalang ka niya? Take it slow."
Kumagat si Tina ng chocolate bar at tumango. "May punto ka doon. Anyway, wala akong balita sa iyo. Pakiramdam ko may di ka sinasabi sa akin kaya mukha kang malungkot."
"Nakasayaw ko si Bestre."
"Ano, si Bestre?!" Nanlaki ang mga mata ni Tina sa aking balita.
"Huwag ka sumigaw!" Pinandilatan ko si Tina sabay tapik sa kanyang braso.
"Sabi ko na nga ba, may namumuo na sa inyong dalawa!" Pigil na pigil tumili itong si Tina.
"Bakit ko ba naikwento?" Tinakpan ko ang aking mukha at ibinaon ito sa aking mga palad.
"Sige na Ranie, magkwento ka na! Hindi na ako sisigaw."
Ramdam ko ang mga kamay ni Tina na nakakapit sa aking mga balikat. Diretso ko na siyang tinignan at ikinuwento ang mga pangyayari.
"Matapos niyang umamin, tinakbuhan niya ako at iniwan sa dance floor."
"Kung ako iyan, mararamdaman ko rin ang pakiramdam mo. Kaya pala ikaw ay parang Biyernes Santo ang mukha," pagsang-ayon ni Tina.
"Siguro di na niya ako gagambalain pa pagkatapos," pagmumuni-muni ko.
"Huwag ka na doon. Torpe kasi. Hayaan mo, may ipapakilala ako sa iyo," ngiti ni Tina sa akin.
Magsasalita pa sana ako nang nagkataong tumingin ako sa may pintuan ng classroom. Tahimik na naglakad papasok si Bestre patungo sa amin ni Tina.
"Speaking of, andito ang ating pinag-uusapan," bulong ni Tina.
Agad akong tumayo at tinaasan ng kilay si Bestre.
"Paano mo nalaman na ito ang aking unang klase?"
"Nagtanong ako," ismid nito sabay iwas ng tingin.
"Diretsuhin mo nga ako. Anong pakay mo dito?"
"Hanggang anong oras ang iyong klase ngayong araw?" Tanong ni Bestre.
"Hanggang alas tres lang. Bakit, may balak kang tumiktik sa aking mga galaw? Pagkatapos mo akong iwanan noong Biyernes?"
"Hindi... Gusto... Gusto kitang ayain ng merienda mamaya. May alam akong lugar dito sa unibersidad."
Nautal na ang matapang na si Bestre at hindi niya magawang tumingin sa akin nang diretso.
"Libre mo ang merienda?" Tanong ko para maasar siya.
"Ako ang nag-aya, siyempre libre ko," galit na wika ni Bestre.
"Oo na, pumapayag na ako." I smiled sweetly at him.
Napakagat-labi si Bestre at halatang namumula ang kanyang mga pisngi.
"Sige, alas tres. Magkita tayo sa Lucky Canteen malapit sa Bell Tower. Mas tahimik doon kaysa sa main cafeteria."
"Okay, it's a deal."
"Paalam."
Diretsong lumabas ng classroom si Bestre at hindi man lang niya ako nilingon.
Sa labas ay narinig ko ang hiyawan nila Ferdie at Jepoy.
"Tagumpay! Sa wakas ay may date na kayo ni Miss Universe!" Halos magwala na si Ferdie.
"Hindi na siya torpe!" Natutuwang nasabi ni Jepoy.
Naglakad sila paalis na nakaakbay sila sa magkabilang balikat ni Bestre.
"Kung gaano siya katapang, ganoon din katorpe," ika ko.
"Kunwari pa siya," ika ni Tina.
Nagkatinginan kaming dalawa sabay tawa.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top