/6/ Isang bagong kaibigan
"Hello, ikaw ba si Rania Miranda?"
Kasalukuyan akong kumakain ng merienda sa canteen nang marinig ko ang mahinang boses sa aking tabi. Agad akong napatingala habang kumakain ng aking sandwich. Ito pala ang babaeng kasamahan nila Bestre sa may lagoon noong mga nakaraang araw.
"Hi," ngiti ko sa kanya. "Ikaw yung si Alma, hindi ba?"
"Oo!" Nagagalak niyang tugon. "Pwede ba kitang sabayan na kumain?"
Nakita ko ang hawak niyang bote ng Royal Tru-Orange sa kanang kamay at isang plastik na naglalaman ng tatlong malalaking hopia sa kaliwa niya. Bumalik ang aking paningin sa kanyang mukha. Nakangiti si Alma ngunit halata ko pa rin ang kanyang pag-aalinlangan.
"Ayos lang, nag-iisa lang naman ako," sagot ko. "Maupo ka na sa harap."
"Salamat ah!"
Lumawak na ang ngiti ni Alma at pumuwesto na sa bakanteng long bench sa harapan.
"Teka nga pala, nasaan yung mga kasama mo?" Agad kong tinanong.
"Ah, sila ba? May kung anong lakad sila pagkatapos ng klase, at iniwan na naman ako," sumimangot si Alma. "Sa bagay, di naman talaga ako madalas sumama sa kanila. Minsan lang kapag nahahatak ako ni Jepoy sa mga gigs nila."
Uminom si Alma ng Royal gamit ang straw na nasa bote. "Kami pa rin ni Jepoy, kung nagtataka ka man. Ay..."
Natigilan ito nang may maalala. "Siya nga pala, gusto kong humingi ng paumanhin sa iyo doon sa nangyari sa lagoon. Si Bestre kasi, sobrang mainitin ang ulo at lahat na lang pinupuna."
Ramdam ko na hindi siya makatingin nang diretso sa akin. Nagpatuloy si Alma at dinagdag, "Hinahanap nga kita kung saan-saan, buti natagpuan kita dito sa canteen. Pasensiya na."
"Wala lang iyon sa akin," ika ko. "Di mo kailangang humingi ng paumanhin."
Agad akong tinignan ni Alma. "Talaga?!"
"Di mo kasalanan iyon!" I can't help but truly smile at her reaction. Para siyang bata na nakikipagbati sa nakagalit na kalaro.
"Buti na lang hindi ka masungit!" Ngumiti si Alma at nagbuntong-hininga.
"Sino ba nagsabi sa iyo na masungit ako?"
"Kasi kapag nakikita kita minsan, tahimik ka lang naglalakad at mukha kang suplada, kasi ang seryoso ng itsura mo. Tapos madalas na wala kang kasama. Iniisip ko na lang na baka ganoon talaga kayong mga alta sociedad."
Nanahimik si Alma.
Tuluyan akong natawa sa kanyang sinabi pati sa itsura ng kanyang mukha. Kanina masaya siya, ngayon naman ay parang terror teacher ang kanyang kausap habang inilalarawan niya ako.
"Pasensiya na Miss Miranda, madaldal lang ako." Nanliit si Alma sa kanyang upuan habang ako ay patuloy na tumatawa. "Galit ba kayo o pinagtatawanan ninyo ako?"
"Ano ka ba, relax! Hindi ako terror teacher! Kausapin mo lang ako nang natural. Estudyante rin ako dito gaya mo. At Ranie na lang itawag mo sa akin," paalala ko. Hinabol ko ang aking hininga at ningitian si Alma.
"Sige, Ranie. Gusto mo ng hopia?" Inalok niya sa akin ang plastik nito, na hindi pa niya nakakain magmula kanina.
"No thanks, busog na ako sa sandwich ko. Ubos ko na nga oh," ipinakita ko sa kanya ang sandwich bag.
"Mabait ka pala," ika ni Alma habang nagsisimula nang kainin ng kanyang hopia.
"Kapag tulog mas mabait ako!" biro ko.
Nagtawanan kami pareho. Habang nag-uusap kami, nalaman kong Psych student din si Alma, kaya magkakilala sila nila Jepoy. Second year din ito.
"Mahirap ba pag-aaral ng Psychology?" tanong ko kay Alma. Natapos na kami sa aming pinagsaluhang merienda at ngayon ay naglalakad na patungo sa car park, kung saan andoon ang aking kotse.
"Hindi naman, pwera sa Math subjects. Kaya ko nga ito kinuha kasi akala ko walang Math!" Tawa ni Alma. Mas magaan na ang kanyang pakiramdam sa akin kumpara kanina. "Ikaw, di ba Business Admin kinukuha mo? Puro rin Math iyon?"
"Mas marami kamo!" Ngisi ko. "Kahit ano ang iyong pag-aralan, mahihirapan ka talaga. Nasa pagsusumikap ng tao iyon."
"Tama ka diyan, Ranie! Apir!"
Itinaas ni Alma ang kanyang kamay at ipinalo ko ang aking palad sa kanya.
"Ayan ah, friends na tayo!" Ngiti ko.
"Sige! Wow, may kaibigan akong mayaman!" Tawa ni Alma.
"Baka gusto mong umutang," biro ko.
"Hindi ah! Natutuwa lang ako kasi kahit mayaman ka, hindi ka pala suplada!" Nakangiti akong tinignan ni Alma.
"Pareho lang tayo ng lupang inaapakan," paalala ko.
"Tama ka diyan!"
Malapit na kami sa car park nang matigilan kaming dalawa dahil sa ingay ng iba't ibang mga boses na nanggagaling sa may football field. Sa gitna nito ay may dalawang grupo ng mga babae at lalaki na nagtatalo.
"Mga bakya, mas magaling si Vilma sa pag-arte!" Sigaw ng isang babae na matangkad at maputi.
"Wala si Vilma niyo sa Nora namin! Marunong umarte at kumanta! Tawag ng Tanghalan iyan eh!" Pumamewang dito ang isang lalaki na naka-pink na polo at white bell-bottom jeans.
"Si Vilma pinipilit lang na pakantahin!" Pagsang-ayon sa kanya ng isa pa nilang kasama.
"Mas maganda naman na di hamak si Vilma!" Satsat ng isa sa mga miyembro ng grupo na karibal ng mga maka-Nora.
"Hindi, mas may talento si Nora!"
"Halika na, huwag na tayong makiusisa." Hinawakan ni Alma ang aking braso at inaya na akong umalis. Sumunod naman ako sa kanya at nang makalayo na kami, aking tinanong:
"Hanggang ngayon ba naman, pinag-aawayan pa rin sila Nora Aunor at Vilma Santos?"
"Oo, masyado silang panatiko," ismid ni Alma. "Sandali lang, bakit mo kilala sila Nora at Vilma?!" Gulat niyang tanong.
"Nababasa ko sa mga pahayagan at magasin na nakakalat lang sa bahay," sagot ko. "Yung iba doon, binabasa ng mayordoma namin at ng iba naming kasambahay. Minsan nagkukumpulan sila sa kusina at pinag-uusapan din ang dalawang aktres," ngiti ko.
"Sino mas gusto nila?" Tanong sa akin ni Alma.
Inilapit ko ang aking sarili at bumulong, "Mas gusto nila si Nora. Minsan pinapatugtog mga awitin niya sa radyo. Kahit ako gusto ko ang maganda niyang boses."
"Noranian ka pala ah!" Tawa ni Alma.
"Baka Vilmanian ka," biro ko.
"Hindi, Noranian din! May mga plaka ako ni Nora sa bahay!"
"Magkakasundo pala tayo!"
Masaya akong inakbayan ni Alma habang papalapit na kami sa may car park.
"Dati akong miyembro ng mga iyon, sa Noranian Fans Club. Umalis lang ako kasi ang hilig nila makipagtalo! Makikinig na lang ako sa bahay ng aking mga plaka at walang away doon!" Pagmamalaki ni Alma.
"Mabuti iyon. Ayoko rin maging fanatic gaya nila," ika ko.
"Ay, andito na tayo sa car park! Nasaan ang tsikot mo?" Tanong ni Alma.
Naglakad ako papunta sa likuran habang nakasunod si Alma sa akin, at tumigil ako sa gilid ng aking Mercedes-Benz 350 SLC.
"Tadah! Meet my car!" Nakangiti kong inilahad ang aking mga kamay.
Namangha si Alma at inikot niya ang buong kotse habang pinagmamasdan niya ang bawat detalye nito.
"Wow, ang dami mong bread para makabili nito," ika niya.
"May tinapay kami sa bahay, dalhan kita," biro ko.
"Ah hindi, ibig sabihin ng bread ay pera. Slang talk iyon," paliwanag ni Alma. "Alaws akong bread na pambili ng tsikot gaya ng sa iyo," paghahalimbawa niya.
"Ako naman, alaws boypren, ikaw meron." Natawa ako. Pamilyar naman ako sa slang talk na palagi kong naririnig sa buong unibersidad kahit sa aming mga kasambahay, ngunit ngayon ko lang ito nasasambit at sa presensiya pa ng ibang tao.
"Bagay pala sa iyo mag-slang!" Ngumiti si Alma sa akin.
"I'm no uptight rich girl. Marunong ako makibagay dito! Ay, siya nga, gusto mo ihatid na kita sa inyo?" Nakangiti kong alok.
"Nakakahiya naman sa iyo, baka makaabala ako sa pagbyahe mo," magalang na tumanggi si Alma.
"Ayos lang, ihahatid na kita pauwi. Taga-saan ka ba?" Tanong ko.
"Taga Project-4."
"Kaya iyan ng aking biyahe. Sige na, sumama ka na."
"Naku, nahihiya ako. Jeep na lang ako pauwi."
"Sumakay ka na, Alma," diin ko.
Sa bandang huli, nakumbinse ko rin ang aking bagong kaibigan na ihatid ko siya sa kanila. Masaya ang aming naging biyahe habang napupuno ang kotse ng aming usapan.
"May tanong ako, masungit ba talaga iyang si Bestre?" Tumingin ako kay Alma na nasa passenger's seat habang nakatigil kami sa trapik sa bandang Cubao.
"Oo, di ko rin siya masisisi dahil sa naging nakaraan niya. Kaya siya ganoon, tibak." Hininaan ni Alma ang kanyang boses sa salitang tibak. "Maraming puna sa paligid. Maraming pinaglalaban. Minsan nakikipagtalo rin sa mga prof at nakikipag-away sa mga kaklase para lang ipunto na tama siya sa kanyang mga pananaw."
"Noong isang araw kasi, naabutan niya akong nakikinig sa practice nila ng gitara sa isang bakanteng classroom," kwento ko. "Ayun, gustong makipagtalo. Kinorner ako at tinignan ako nang diretso. Akala ko hahalikan ako---"
"Talaga?!" Napalakas ang reaksyon ni Alma. "Ginawa niya iyon?!"
"Oo, nakakainis tapos nakatingin lang sila Jepoy, yung boypren mo, pati yung Ferdie." Napasimangot tuloy ako habang nakatingin sa daan kasabay ng pagmamaneho. "Pakisabihan nga iyang si Jepoy mo na umayos siya. Tapos iyang si Bestre, sobrang makahusga."
Nanahimik ang buong sasakyan hanggang sa narinig kong lihim na tumatawa si Alma.
"Oh, kinikilig ka yata," komento ko.
"Sa totoo lang, mula nang nangyari yung tagpo sa lagoon, walang bukang-bibig si Bestre kundi ikaw," rebelasyon ni Alma. "Kung gaano raw kalaki ang agwat ng mga mayayaman at mahihirap, na ang mga kagaya mo ay walang pakialam sa lipunan, na hinahayaan niyo lang ang mga nasa paligid na maghirap, tapos ikaw at ang pamilya mo ang palaging halimbawa."
"Hindi ko kasalanan na may kaya kami. Aba, pinaghirapan din namin kung ano ang aming natatamasa ngayon! Mula sa boutique sa Escolta, nagpakahirap din si Papa para lang sa department store!"
Doon ko naramdaman ang aking pagkainis. Di baleng ako ang kanyang laitin, huwag lang ang aking pamilya.
"Iyon din sinasabi namin ni Jepoy sa kanya, pero mapilit ang aming kumpare sa kanyang pinaglalaban. Na walang pagkakapantay-pantay sa mundo dahil may nakakaangat gaya niyo at may nasa mababang antas. Sabi ko, the world is fair because it is unfair to all of us. Ayun, nagalit at nag-walk out. Ngayon lang ito nangyari, bago tayo nag-usap."
"Wala rin tayo magagawa sa kanyang mga opinyon. Siguro gusto niya lang ako," biro ko.
"Iyon din sinasabi nila Jepoy at Ferdie sa kanya. Pare, ligawan mo na kung sobra kang nababagabag sa kanyang presensiya!" Nilakihan ni Alma ang kanyang boses na para bang lalaki siya kung magsalita. Nasundan ito ng matinis na pagtili sa sobrang kasabikan.
"Ba't ka kinikilig diyan?" Kunwari ay umirap ako kay Alma. "Basted siya agad kahit di pa siya nanliligaw!"
Nagtawanan kami pareho hanggang sa nakarating kami sa isang kalye na may apartment building. Doon ko itinigil ang kotse, malapit sa isang malaking gate na kulay asul.
"Hayaan mo na si Bestre. Baka matauhan din iyon na may mali rin sa kanyang ugali," paalala ni Alma.
"Di ko siya pinapansin, siya itong lapit nang lapit. Ako na lang ang iiwas."
"Tapos hahanap-hanapin ka," biro ni Alma.
"Di ako magpapahanap sa kanya! Nakakainis siya kamo!"
"Ay talaga. Paano, mauna na ako, Ranie. Ito na ang apartment namin. Bye."
Nakipagbeso ako kay Alma.
"Paalam. See you again, Alma."
I smiled at her for the last time. Lumabas ng kotse si Alma at kumaway sa akin.
Hinintay ko siyang makaalis nang tuluyan. Pagkatapos ay tinuloy ko na ang aking biyahe pauwi sa Makati. May kalayuan din pala ang aming nilakbay ngunit balewala sa akin ito.
Masaya ako na may bago akong kaibigan bukod kay Tina.
Ngunit nang sumagi sa aking isipan si Bestre, sumimangot ako sa aking sarili habang nagmamaneho.
Talagang di ako magpapahanap sa kanya. Hahayaan ko na mabagabag ang kanyang kalooban.
A/N: Some 70s slang words:
1. Bakya-baduy, jologs, jeje. Ang salitang "bakya" ay pinakaunang version ng dalawang nasabing salita
2. Tsikot- kotse. Uso na dati pa ang mga binaliktad na salita
3. Bread-slang for "pera"
4. Alaws- wala
5. Tibak-activist
Kung ngayon ay online fan wars ng mga iba-ibang fandoms, dati naman ay sila Nora Aunor at Vilma Santos ang pinag-aawayan. Nalaman ko ang ibang slang words at ang mga ganap dati sa aking mga magulang. Both of them were in college during the 70s.
Quotation: "The world is fair because it is unfair to all of us" from unknown
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top