/4/ Awitin

Magmula noon, tumatak na sa aking isipan si Silvestre Felix, na mas kilala sa palayaw na Bestre.


Mas madalas ko na siyang nakikita sa unibersidad, mula sa cafeteria, school grounds, at sa hallways tuwing lilipat ako ng building para sa iba kong mga klase. Gaya ng tagpo namin sa hotel ay naglalampasan kami habang naglalakad.


Mas marami ang pagkakataong nakikita ko siya na mag-isa. Kapag palihim ko siyang sinusulyapan, bakas ang seryosong ekspresyon sa kanyang mukha: nakakunot na noo at malayo ang tingin. Tila may bigat ng kalooban itong dinadala. Sa kanyang kanang braso ay may hawak siyang makapal na long brown envelope na pawang naglalaman ng mga papeles. Mahigpit itong nakapailalim sa kanyang bisig, na para bang iniingatan niya ito gamit ang kanyang sariling buhay.


Buti na lamang at di niya ako gaanong napapansin kapag naglalampasan kami. Ayoko na muling mapaaway sa kanya.


Ngunit may isang beses na nadaanan ko ang isang bakanteng classroom at nakarinig ng usapan.


"Aba, Ferdinand, nahuli ka ata ngayon ng dating!" Tawag ng isang lalaking boses. "Kakagaling mo lang ba sa underground?"


"Hoy tumigil ka at baka ipadala tayo sa Kampo Crame dahil diyan sa biro mo, Jepoy!"


"Bakit ngayon lang dating mo? Ka-date mo na naman yung syota mo na anak ng isang mayamang doktor?"


"Ang ingay nito! Tumahimik ka nga diyan, Jeffrey!"


Nakalagpas na ako sa nasabing classroom nang marinig ko ang mga pamilyar na boses na iyon. Ito ang mga binata sa may lagoon.


Nagtago ako sa gilid at sumilip. Tama nga ang hinala ko. Silang tatlo lang ang nasa classroom at nakaupo sa mga armchairs na malapit sa bintana. Sa gitna nila ay si Bestre, na abala sa pagsusulat ng kung ano sa isang kapirasong papel. Sa kanan niya ay si Jepoy, na may patilya at nakangisi sa lalaking nasa harapan niya, sa kaliwa ni Bestre. Ito si Ferdinand o Ferdie.


"Sus! Kunwari pa kayong tinatago ang inyong relasyon." Pagpapatuloy ni Jepoy sa kanilang pag-uusap.


"Di na nga tago dito!" Halakhak ni Ferdie. "Sana lang di makarating sa erpats niya."


"Sumbong kita diyan! Tapos bukas, ipapatapon ka na nila sa malayo! Ikaw kasi, ang daming babae dito, iyan pa pinili mo, mayaman na nga, may mga big-time na koneksyon pa ang pamilya! Ikaw tuloy ang magiging M.I.A. dahil kay Mia."


"Ganyan talaga kaming mga umiibig, hahamakin ang lahat, kahit langit at lupa ang agwat!" Tumayo si Ferdie at umasta na parang tumutula.


Binato ni Jepoy si Ferdie ng crumpled paper, pero balewala lang ito kay Ferdie, na patuloy pa rin tumatawa. Napaupo tuloy ito.


"Maghunos-dili nga kayo diyan," seryosong paalala ni Bestre. Bakas kahit sa malayo ang malalim na kunot ng kanyang noo.


Nakita ko na tinupi na niya ang kanyang sinusulatang papel at ibinulsa ito sa gilid ng kanyang maong na pantalon.


"May mga tainga ang pamantasang ito, hindi kayo dapat basta-bastang nagbibitaw ng mga pananalita," payo ni Bestre.


"Nagsalita ang ating manunulat, naku, kapag dumating ang araw at naglaho ka lang na parang bula, ewan ko na lang," sagot ni Ferdie. "Ang dapat sisihin lang diyan ay mga tula at panunulat mo."


"Mangyari man iyon ay magiging mas makabuluhan ang ating ipinaglalaban," pahiwatig ni Bestre.


Napalunok ako. Alam ko ang kanyang ibig sabihin. Hindi ba pinagbabawal ang mga lihim na samahan ng mga estudyante dito sa unibersidad?


"Masyado tayong seryoso. Teka, kakanta muna ako. Praktis lang para sa susunod nating gig," wika ni Jepoy.


Sa gilid ng upuan ay nakita kong may inilabas siya na gitara. Kinalong ito ni Jepoy sa kanyang braso at nagsimula na sa intro ng isang pamilyar na himig. Siya na rin ang kumakanta habang tahimik ang dalawa.


Hindi ko mapigilang ngumiti sa ganda ng kanyang boses habang inaawit ang Ikaw ang Miss Universe ng Buhay Ko. Napasandal ako sa pader at pumikit habang nakikinig. Nahagip ng aking pandinig ang pangalawang boses na sumasabay na rin sa awitin ng si Jepoy, hanggang narinig kong papalapit nang papalapit ang tinig na ito.


Narinig ko ang isang pag-ubo. Idinilat ko ang aking mga mata at laking gulat ko na nakatayo na sa aking harapan si Bestre.


"Ay!" Napasigaw ako dahil sa pagkagulat.


Kay lapit niya sa akin at diretso akong nakatingin sa kanyang mga mata. Napatingin ako sa kanyang mga labi at isang mapaglarong ngiti ang nakalinya dito. Sa kanyang likuran ay sila Ferdie at Jepoy, na bitbit pa rin ang gitara.


"Sabi ko na nga ba, may umaaligid sa labas."


Hindi ako makapagsalita o makatakbo. Oo nga, nakasandal ako sa pader habang nakikinig at ngayon ay nasa harapan ko na si Bestre, kaya wala na akong mapupuntahan. Isinandal niya ang kanyang kanang braso habang mariin na nakatitig sa akin.


"Interrogate muna kita, Miss Universe," ngisi nito. "Narinig mo ba ang lahat ng usapan sa loob?"


Ramdam ko ang malakas na kaba na dumadagundong sa aking dibdib. Ngunit pinilit kong kumalma. Huminga ako nang malalim at diretsong tumitig sa mga mata ni Bestre.


"Hindi. At kahit marinig ko pa iyang mga pinagsasabi niyo diyan, wala akong pakialam. Your life doesn't concern mine," maldita kong sinagot.


Napa-"tsk" si Bestre at tumingin sa gilid. Akala ko papakawalan na niya ako ngunit mas lalo lang niyang inilapit ang kanyang katawan sa akin. Sa likuran niya ay tumatawa lang ang kanyang mga katropa. Aba, wala ba silang gagawin kung may binabalak na masama ang kanilang kasamahan?


"Kayong mga mayayaman, wala talagang pakialam sa mga mas mababa sa inyo." Matalas ang mga mata ni Bestre na kasalukuyang nakapako sa akin.


"Ano bang problema mo sa akin at bakit palagi mong hinanakit ang antas ng aking buhay?!" Panunumbat ko sa kanya. "Kung sa tingin mo ay isusumbong ko kayo sa mga awtoridad, nagkakamali ka! Wala nga akong pakialam eh! Hindi ko na kasalanan kung mapahamak kayo! Basta ako, pumapasok dito para mag-aral! Hindi ko kayo ginugulo, pero ikaw naman itong lapit nang lapit!"


"Uy, may pahiwatig si Miss Miranda!" Sabik na sinigaw ni Jepoy.


Nanahimik si Bestre. Ramdam ko ang pagkamuhi niya sa akin habang hindi niya inaalis ang kanyang mga tingin. Kaya ginantihan ko na rin siya at sinalubong ng matalas na pag-irap.


"Maghahalikan na iyan!" Sigaw ni Ferdie, sabay batok naman sa kanya ni Jepoy.


Napakagat ako ng labi habang mas inilapit pa ni Bestre ang kanyang mukha sa akin. Sigurado akong napatitig siya paibaba sa aking mga labi, o sa sleeveless brown dress na aking suot ngayong araw.


Ngunit agad niyang ibinaling ang kanyang ulo sa aking tainga at may ibinulong ito:


"Talagang kumukulo ang dugo ko sa mga kagaya mo, Miss Universe. Wala ka talagang pakialam sa mga mas mababa sa iyo, ano?"


Napabuntong-hininga ako nang umurong na si Bestre at umismid sa akin sa huling pagkakataon. Bilang ganti, naging daan na ito para gawaran ko siya ng isang malutong na sampal.


"Bastos!" Giit ko sabay lipad ng aking palad sa kanyang kaliwang pisngi.


"Ow!" Kapwa nagulat ang dalawang kaibigan nito sa likuran. Napangiwi ang mukha ni Bestre sabay daop ng kanyang palad sa namumula nitong pisngi.


Akala ko ay may sasabihin pa siya ngunit umirap lang ito sa akin nang may pagkamuhi. Tumalikod na siya at naglakad papalayo habang nakasunod ang dalawa niyang kaibigan.


"Akala ko talaga! Ayan nasampal ka tuloy!" Natawa si Jepoy.


"Pre, sana hinalikan mo na!" Nanggagalaiting paninisi ni Ferdie.


"Huwag kang bastos diyan, Ferdinand! Hindi iyon ang aking intensyon!"


Pagkasabi nito ni Bestre, nilingon niya ako. Halatang naiinis siya sa biro ng kasama. Isa pa, ramdam ko pa rin ang kanyang galit sa akin.


Nakaalis na sila sa wakas, ngunit di pa rin ako makakilos at nakadikit na yata ako sa pader. Natulala ako sa kanyang sinabi at pilit itong iniintindi. Sinabi ito ni Bestre sa paraang tagos sa buto.


Ganoon ba ako sa kanyang mga mata? Isang tao na walang pakialam dahil sa pagiging anak-mayaman?


Ayoko lang ng gulo, gusto ko lang ng tahimik na pamumuhay bilang estudyante dito sa unibersidad. Ano bang gusto niyang mangyari, humawak ako ng placard at magprotesta sa school grounds? Kahit anong gawin ko ay wala naman magbabago sa galaw ng mundo dito sa unibersidad o sa bansa natin.


Ano ba ang pinaglalaban ng mga kagaya ni Bestre? Maayos naman ang takbo ng lipunan. Kita ko ang mga pinagawang pagamutan, iba-ibang establishments, ang pagpapalaganap ng kultura, at ang kawalan ng krimen dahil sa tahimik na mga gabi. Bakit di nila makita ito at magpasalamat sa mga ganitong benepisyo para sa mga mamamayan?


Bawal magprotesta dito sa unibersidad o sumapi sa samahan, dahil utos din ito ng gobyerno. Bakit di na lang sumunod ang mga tao para sa ikatatahimik ng mga buhay nila?


At bakit ayaw akong lubayan ng binatang iyon? Hindi ko mapigilan maisip na iba ang kanyang intensyon bukod sa pagpapasaring sa akin. Tunog may malisya ang aking nasa isip, pero siguro, gusto lang niya akong inisin.


Hindi niya magagawa iyon sa akin, at mas nakakatawang makita na siya ang nasisira ang araw kapag nakakasalubong niya ako.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top