/25/ Ang Huling Kabanata

(1990, Bestre's POV)


Hindi ako naniniwala sa mga milagro. Ngunit ngayon, kumbinsido ako na totoo ang mga ito.


Dalawang milagro ang aking naranasan.


Una, ay humihinga pa rin ako hanggang ngayon. Dapat ay matagal na akong namatay ngunit naawa ang Diyos sa akin at hinayaan Niya akong mabuhay.


Pangalawa, nasa tabi ko ang pinakamagandang milagro na nangyari sa akin.


Mula sa tabing-dagat ay tanaw ko ang papalubog na araw. Nakabaon sa buhangin ang aking mga paa habang pabalik-balik na humahampas ang mga alon.


Malawak ang aking ngiti nang makita kong papalapit ang aking asawa kasama ang aming anak na lalaki na isang taong gulang. Kita ko sa malayo ang kanyang mayumi na ngiti na abot hanggang sa kanyang mga mata. Mas lalo pang tumingkad ang kanyang kagandahan kahit ilang taon na ang lumipas. Trenta'y tres anyos na siya ngayon at ako ay trenta'y kwatro anyos na.


"Bestre! Halika dito!" Kumaway siya sa akin.


Agad akong lumapit at kinuha ang aming anak mula sa kanyang mga bisig. Sinalubong ko ng halik ang aking asawa at sabay kaming naglakad sa kahabaan ng pampang.



Ilang taon na ang dumaan ngunit hindi ko siya kinalimutan. Kahit isipin niya na namatay na ako, nangako ako sa kanya at sa aking sarili na babalikan ko siya kahit ano man ang mangyari.


Nakakatawang biro ito ng kapalaran. Labis akong napaibig ng babaeng aking kinamumuhian, si Rania. Siya ang naging dahilan ko para mabuhay. At sa unang pagkakataon, nasabi ko sa sarili na ito ang pinakamagandang biro na nangyari sa akin.

Noong gabi na ako ay nakaranas ng tortyur, dinala nila ako sa isang liblib na lugar para ako ay itapon at hayaang mamatay.


Ngunit may tumulong sa akin at ang taong ito ang dahilan kaya ako ay nailigtas. Sa gitna ng kakahuyan, may nagdala sa akin sa kanilang kubo sa bundok at ginamot ako. Inalagaan ako ng taong ito hanggang sa manumbalik ang aking lakas.


Ang manong na ito ay retired member ng Philippine Constabulary. May katandaan na, byudo, at mag-isang naninirahan sa bundok. May anak ito na binata ngunit napatay ito nang mapagkamalang aktibista ng mga awtoridad. Ito ang dahilan kaya siya umalis sa kanyang trabaho.


Itinuring niya ako bilang isang anak. Dahil hindi ako agad makakabalik sa aking ina na sa probinsiya na tumuloy manirahan, nagpresenta siya na itatago ako para hindi na ako mahuli muli ng mga gustong pumatay sa akin.


Nang ako ay malakas na, sumakay kami ng barko at tumawid sa dagat hanggang sa makarating kami ng Iloilo. Mula doon, may tumulong sa amin na makalipad sa Bukidnon. Dito nagsimula ang aking bagong pamumuhay at bagong pagkakakilanlan: Felix Banzon.


Naging trabahador sa isang pineapple farm ang umampon sa akin. Mabuti ang may-ari nito, at silang dalawa lang ng aking kinikilalang ama ang nakakaalam ng tunay na nangyari sa akin. Pinag-aral ako ng may-ari ng bukid sa kalapit na unibersidad, at nagtapos ako ng kursong Journalism sa loob ng apat na taon.


Ako ay naging resident photographer at contributor ng isang agriculture publication sa amin. Minsan ay tumutulong din ako sa aking amain sa pagtatanim at pag-ani ng mga pinya na ine-export abroad.


Maayos ang naging takbo ng aking pamumuhay. Nagkaroon pa nga ako ng pagkakataong magmahal muli at magkaroon ng sariling pamilya. 


Ngunit agad din akong nakipaghiwalay sa nakilalang babae na ito. Kahit kailan ay hindi umalis sa aking isipan ang babaeng una kong kinamuhian at natutong mahalin kinalaunan.


Nagdalawang-isip ako kung babalikan ko pa ba siya at hahanapin. Ilang taon na rin ang nagdaan, baka may asawa na ito at naniniwalang ako ay tuluyan nang nawala.


Ngunit naglakas-loob pa rin ako. Nagbabaka-sakali na makuha ko ang hinihintay kong sagot sa loob ng halos sampung taon.


Nabalitaan ko na siya ay isa nang tanyag na radio broadcaster sa Maynila. Natutuwa ako na natuto siyang mangarap at maging matapang kahit wala ako sa tabi niya.



Nang ako ay dumalaw sa aking lumang unibersidad, nagkataong andoon din siya. Sinundan ko siya hanggang sa roofdeck ng Mass Comm Building at natapos ang tagpong iyon sa isang mainit na yakap at mga luha ng kaligayahan.


Hindi lang softdrinks at hopia ang napangako ko sa kanya, kundi pati na rin ang habang-buhay na pagsasama. Kahit anong mangyari ay sabay tayong haharap sa mga hamon ng buhay.


Rania Elvira Miranda-Felix, ikaw ang aking milagro, ang sagot ng Maykapal sa aking mga dasal.


Loving you is the luxury I don't deserve. I'd willingly go through hell again if it means having you as my heaven in the end. You waited, I waited, and we are now together.


The memory of you is a fulfilled miracle. The memory of you kept me alive.


Mahal kita. Mahal na mahal kita. At wala nang hahadlang pa sa ating dalawa.


-FIN-

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top