/22/ Life without you
Life went on but deep inside I carry a heavy burden, a heartache that will never go away.
Buhay ka pa ba, Bestre? Kung ganoon, maghihintay ako. Binigyan ko ang aking sarili ng palugit na siyam na taon. Pagkatapos nito, kung wala na talaga, ay maluwag kong tatanggapin ito at magpapatuloy sa buhay.
Kung wala ka na, hiling ko na makita ang iyong mga labi. Kung ito man ang kaso, handa na akong tanggapin na wala ka na.
Magpapatuloy ako nang wala ka. Kahit isa man sa dalawa, magpapatuloy akong mabuhay kahit na napakasakit na wala ka sa aking tabi. Ngunit huwag mo akong pigilan na patuloy kang mahalin. Hindi ko alam kung kakayanin kong umibig sa iba.
Silvestre Felix, mahal na mahal kita. Magiging matapang ako sa kabila ng aking pagdurusa.
You are my bittersweet memory. But I do not regret knowing you.
---
Nag-iba na ang takbo ng aming pamumuhay mula nang mawala si Bestre.
Kahit pinahanap ni Papa kung nasaan ito, hindi na siya makita pa. Isa itong kaso ng desaparecido.
Dumalaw ulit kami kay Ferdie pagkatapos ng ilang araw at naabutan siyang binabangungot at sumisigaw habang natutulog. Buti na lang ay kasama namin si Mia at sinubukan siyang gisingin para pakalmahin siya.
Ayon sa kanyang doktor, epekto ito ng trauma na kanyang dinaranas pagkatapos maging biktima ng tortyur. Kailangan lang ng matagalang gamutan, bukod sa presensya ng kanyang mahal sa buhay. Awa ng Diyos ay kasama niya palagi ang kanyang tiyahin.
Nagpasiya ang tiyahin ni Ferdie na hindi na ito babalik sa unibersidad, at sa halip, ay maninirahan na lang sila sa Benguet.
"Mas maganda po doon, para malayo sa lahat ng mga naganap dito," tugon ko habang nag-uusap kami ng tiya ni Ferdie. Kumakain kami ng merienda sa kanyang hospital room habang natutulog si Ferdie. Pinainom ito ng pampakalma dahil inatake na naman siya ng masasamang panaginip at di ito mapakali.
"Baka makatulong ito na siya ay gumaling," tumango si Tiya. "Hindi na makakabuti na manatili pa siya dito sa Maynila. Andito rin ang mga tao na winalang-hiya siya kasama ang inyong kaibigan."
"Paano ikaw, Mia?" tanong ko.
"Nag-usap na kami ni Ferdie," ika niya sabay inom ng kape. "Napagpasiyahan namin na maghiwalay na kami, pero maghihiwalay kami nang matiwasay. Mabuti na rin iyon. Ayoko siyang mapahamak muli, lalo na alam namin na magkaiba kami ng estado ng pamumuhay."
Nagpalis si Mia ng kanyang luha at inakbayan ko siya sa balikat para siya ay yakapin.
"Balak na akong patirahin nila Papa sa Davao. Doon na ako magpapatuloy ng pag-aaral. May ospital kami doon." Pinilit ni Mia na ngumiti. "Nalaman kasi nila ang tungkol sa amin ni Ferdie. Parusa ko raw ito."
"Sayang, aalis na kayo pareho." Puno ng panghihinayang ang aking puso para sa kanilang dalawa.
Tumulo ang aking mga luha at mas niyakap ko pa ang aking kaibigan pagkatapos nito.
"Dadalaw pa naman ako kapag may oras. Susulat ako sa iyo, Ranie. Hindi tayo magkakalimutan. Naging pamilya ko na rin kayo sa mga oras na walang pakialam ang aking sariling pamilya. Gaya ngayon, may alitan kami ng aking ina. Hindi kami nagkikibuan sa bahay. Sinabihan ako ni Papa na magpakalayo-layo muna ako. Pero mabuti na rin ito, lalo na may alam akong lihim sa pamilya namin na aking kinabigla at kinasama ng loob, bukod sa sama ng loob nila sa akin. Nais ko munang makalimot at mas magagawa ko iyon sa ibang lugar na malayo sa kanila."
Ngumisi si Mia ngunit natuluyan din siya sa pag-iyak. Niyakap ko na lang siya at pinigilan ang sarili na tanungin ang tungkol sa kanyang problema sa pamilya. Sa ngayon ay mas kailangan niya ng karamay.
"Magkakaayos din kayo, hija," pakonsuelo ng tiya ni Ferdie. "Ituring mo na rin ako na tiya. Kung gusto mo ng kausap, tawagan mo lang ako kahit long-distance."
"Salamat po Tita, pero parte ng kasunduan namin ni Ferdie na huwag muna makipag-usap sa isa't isa. Magpaparaya na kami at hahanapin muna ang aming mga sarili," magalang na pagtanggi ni Mia.
"Basta andito lang ako," pagpupumilit ni Tiya. "Kahit sa iyo, Ranie."
"Salamat po."
Niyakap ko si Mia at ang tiya ni Ferdie sa huling sandali, at agad na rin akong nagpaalam.
Pinigilan ko ang umiyak habang nagmamaneho. Nang makadaan ako ng Quiapo at nagsimula nang bagtasin ang Quezon Bridge, ipinarada ko muna ang kotse sa gilid.
Lumabas ako dito at tumayo habang tanaw ko ang madilim na kalangitan. Iginala ko ang paningin at naaninag ko ang ilog ng Pasig sa ilalim ng tulay.
Ipinikit ko ang aking mga mata at tuluyan nang dumaloy ang maiinit na mga luha. Nakasandal ako sa railing at hinayaan ko na ang sarili na isigaw ang hinagpis na matagal ko nang tinitiis.
"Bestre! Bumalik ka! Nangako ka sa akin! May utang kang hopia at softdrinks!"
Humagulgol ako sandali at nagpatuloy.
"Silverstre Felix, sabi mo babalik ka! Bakit wala ka pa hanggang ngayon, ilang araw na?! Loko ka, hihintayin kita! Siyam na taon kitang hihintayin magmula ngayon! Magiging matapang ako para sa iyo! Kung patay ka na, magparamdam ka naman! Pero nakakainis lang, hindi mo hinintay birthday ko! Bakit ba ako pinanganak ng Nobyembre, tapos July ngayon, nakakainis! Bakit ka nagpatalo sa kanila?"
Iniyak at inilabas ko ang lahat ng aking nararamdaman nang gabing iyon. Ang tanging mga saksi ay ang mga bituin at ang gabi na aking karamay. Kinapa ko ang aking leeg at inilapit ang pendant ng aking kwintas para halikan ito kasabay ng walang tigil na pagdaloy ng aking mga mapapait na luha. Hindi man mamahalin ang kwintas na ito, pero ito ang tanging alaala na iniregalo sa akin ni Silvestre. Iingatan ko ito kasama ng aming mga araw na magkasama.
Nagbabaka-sakali lamang na ako ay marinig ng kalangitan at tuparin ang aking kahilingan.
Ngunit sa ngayon, kailangan kong harapin ang mundo at ang mga susunod na bukas na wala siya.
Dumaan ang mga araw at buwan. Sinabihan ko ang sarili na magpakatatag. Bumalik ako sa unibersidad na walang Bestre na makikita.
Umalis na si Ferdie at nanirahan na sa Benguet kasama ang kanyang tiyahin. Si Mia naman ay sa Davao na namalagi para ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral ng pre-med.
Minsan kaming nagkita ni Aling Lota, ang ina ni Bestre, nang napadaan ako sa kanilang bahay sa Sampaloc. Akala ko ay wala nang tao doon ngunit sinalubong ako ng ginang. Tinitignan lang niya ang kanilang tahanan bago ito bumalik sa Batangas.
"Salamat po at pinatuloy niyo ako. Tungkol pala sa nangyari kay Bestre, humihingi ako ng paumanhin."
Mapait na ngumiti sa akin si Aling Lota. Niyakap lang niya ako at hindi na sumagot pa. Tahimik kaming lumuluha habang inaalala si Bestre.
"Paano po kayo ngayon?" tanong ko kay Aling Lota.
"Wala na tayong magagawa," naluluhang tugon ng ginang. "Kung nawala na ang aking anak, tanggap ko na maaring namatay na siya at intinapon kung saan. Pagkatapos nito, hindi na ako dito sa Sampaloc at maninirahan na ako sa aking kapatid sa probinsya. Baka balikan nila ako."
"Hindi niyo po ba hihintayin o hahanapin?"
Umiling si Aling Lota. "Dasal ko na lang ay matanggap ang kanyang pagkawala. Naniniwala ako may hustisya sa kabilang-buhay. Diyos na ang bahala sa mga nanakit at pumatay sa kanya."
"Hindi pa ako naniniwala na wala na siya talaga," sagot ko. "Hihintayin ko siyang bumalik."
"Hija, payo ko ay ipagpatuloy mo ang iyong buhay. Napakabata mo pa, may makikilala ka pang iba na mamahalin ka rin gaya ng pagmamahal ng aking binata sa iyo."
Umiling na lang ako at tuluyan na akong humagulgol sa balikat ni Aling Lota.
Nanatili ako sa bahay ng ginang at doon na rin ako kumain ng hapunan. Nang gabing iyon, yumakap ako kay Aling Lota at nagpaalam na kami sa isa't isa.
"Pagpalain ka ng Panginoon, Ranie."
"Kayo rin po. Mag-iingat po kayo palagi."
Diyos lang ang may alam kung paano magwawakas ang lahat ng ito, at siya na ang bahala, ika ni Aling Lota. Ito na lang ang aking pinanghahawakan.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top