/2/ Parinig

"Good job, Miss Miranda. Ikaw ulit ang nakakuha ng pinakamataas na marka sa prelims noong Disyembre."


"Maraming salamat po, Sir Castillo."


Tahimik kong tinanggap ang aking exam paper sa Statistics. Sa aking likuran ay ramdam ko na nakapako ang tingin nila sa akin. Malakas ang boses ni Sir Castillo nang ako ay kanyang purihin. Kung ibang tao ito, pumapalakpak na ang kanilang mga tainga, ngunit hindi ako.


Tahimik kong tinalikuran ang aking propesor at hinarap ko na ang buong klase para bumalik sa aking upuan, na nasa bandang likuran malapit sa may pintuan. Habang naglalakad ay pinilit kong hindi sila tignan. Alam ko na ang kanilang mga tingin, ito ay dahil sa paghanga o pagkamuhi.


"Kaya kayong lahat, galingan niyo gaya ni Miss Miranda," istriktong paalala sa amin ni Sir Castillo. "Lahat kayo ay puro palakol ang mga grado! Mga inutil! Class dismissed!"


Padabog na lumabas ang nasabing propesor sa aming classroom. Nang mawala na siya sa paningin ay nakahinga na kami nang maluwag. Napuno na ang silid ng aming mga kuro-kuro.


Habang inaayos ko ang aking bag ay tahimik kong pinapakinggan ang mga usapan sa paligid.


"Unfair naman si Castillo, halos magsunog na ako ng kilay sa kakaaral, tapos mababa pa rin magbigay ng grado!" Reklamo ng isa kong kaklase na si Edson.


"Pre, paturo ka kay Miss Miranda!" Biro ng kanyang kaibigan na si Joel.


Bahagya kong inangat ang aking ulo at sumulyap sa dalawang iyon. Nahuli ko ang tingin ni Joel at pangiti niya akong kinindatan.


"Ikaw ang Miss Universe, ng buhay ko," pabiro niyang kinanta sa akin.


"Huwag ka ngang bastos!"


Dumaan sa likuran ni Joel si Tina, isa sa aking mga kaklase. Binatukan niya ito ng Statistics book sa ulo at napaaray ito.


"Ang tapang mo naman!" Ika niya.


"Puro kasi kayo papogi sa mga babae dito! Karapat-dapat kayong matawag na inutil!" Pahayag niya. "Alis na nga!"


Tumayo na sila Joel at Edson habang dala ang kanilang mga kagamitan, na tig-isang notebook. Wala silang mga bag o kahit ano kapag pumapasok sa klase.


"Oo na po, Kumander. Aalis na po."


Sabay na lumbas ng silid ang dalawa. Pagkatapos ay lumapit sa akin si Tina at naupo sa bakanteng upuan. "Uy, pasensiya ka na. Ganoon lang sila talaga," paumanhin niya.


"Nasanay na rin ako. Di ko na lang sila pinapansin," ika ko sabay ngiti.


"Kahit naman ako, binigyan ng pasang-awa ni Castillo kahit marami naman akong tama sa exam. Iilan lang ang pinapasa niya. Alam ko favorite ka niya, but I don't take it against you," wika niya sa akin.


"Kahit naman ako, I try not to get too friendly with him," pahayag ko. "May tsismis na manyakis iyan," bulong ko pa.


"Ay talaga?!" Nanlaki ang mga mata ni Tina sa akin.


"Tumahimik ka lang, nasagap ko lang iyan sa paligid. Halika na, umalis na tayo."


"Pwedeng sumama sa iyo?" Tanong sa akin ni Tina.


"Siyempre naman!"


Sabay kaming lumabas ng classroom at dumaan muna sa cafeteria para bumili ng sandwich at softdrinks na nasa lalagyang plastik. Pinili naming puntahan ang school lagoon, dahil maingay ang mga tao sa cafeteria at andoon din ang iba naming mga kakilala.


Naupo kami ni Tina sa ilalim ng isang puno. May puting bench doon na gawa sa kahoy, at tanaw mo dito ang man-made lake.


"Salamat ah, sinasamahan mo ako, ngayon lang ako may nakakausap." Ininom ko ang aking Sarsaparilla na softdrink gamit ang aking green na plastic straw.


"Sus, Ranie, wala iyon!" Ngiti ni Tina sa akin sabay tapik sa aking balikat. "Alam kong isa ka sa iilang mga may-kaya dito, pero hindi kita kinaibigan dahil doon. Dati na kitang nakikita na palakad-lakad sa hallways o namamalagi sa library, at lagi kang tahimik."


"Paano kasi, galing akong exclusive school at naninibago ako dito, na coed."


Totoo ito. Mula grade school hanggang high school ay pumapasok ako sa isang Catholic school na puro mga babaeng kaklase at mga madre ang nakakasalamuha ko. At alam ito ni Tina.


"Second sem na tayo ngayong second year, naninibago ka pa rin ba?" Nguso niya.


"Minsan, nakakailang, kasi kilala nila kung sino ako, kung kanino akong anak," ika ko.


"Huwag mo silang pansinin, dedma na lang!" Payo ni Tina. "Minsan, pumasok ka nga nang nakasuot ng Gucci o Pitoy Moreno!" biro nito.


"Mas gusto ko, gown na pang Flores de Mayo!"


Nagtawanan kami pareho ni Tina at nagpatuloy sa aming merienda.


Nanatili pa kami sa may lagoon, dahil malamig ang simoy ng hangin na dala ng Enero at di naman gaano mainit. Hanggang sa may dumating na tatlong lalaki at naupo sa damuhan na malapit lang sa amin.


Dalawa sa mga binatang iyon ay nakabihis ng kamiseta na fitted at bell-bottom maong pants. Maiksi pareho ang gupit ng kanilang mga buhok at ang isa sa kanila ay may patilya sa magkabilang gilid ng mukha. Habang ang isa naman ay mas maayos ang bihis: blue collared shirt, puting pantalon, brown leather shoes, at maayos ang pagkakasuklay ng buhok.


Nagkataong tumingin ang pangatlong lalaki sa aming direksyon ni Tina at di ko sinasadyang nagkasalubong ang aming mga mata. Biglang sumama ang titig niya sa akin at bumaling siya ng tingin sa kanyang mga kaibigan.


Hindi ko na napakinggan pa ang kinukwento sa akin ni Tina, dahil nakapako ang aking atensyon kay blue collar boy. Rinig ko ang kanyang komento sa dalawa niyang kasamahan.


"Bakit kaya nakakapasok mga mayayaman dito sa pamantasan? State university ito, para sa masa, di para sa kanila."


Napatingin ang lalaking may patilya sa amin ni Tina. "Pre, tumahimik ka nga at baka marinig ka ng mga nasa paligid!"


"Bakit, naghahayag lang ako ng aking opinyon!" Kontra ni blue collar boy kay patilya.


"Kaya pala parang sumama mukha mo, andito pala ang heredera!" Malakas na pagkakasabi ng unang lalaki na walang patilya.


"Ranie, makinig ka naman sa akin, hoy!" Tinapik ulit ni Tina ang aking balikat. Napansin niya ang aking pananahimik at pagkabalisa, at sinundan niya ang aking paningin. Doon niya nakita ang tatlong lalaki na abala sa pag-uusap.


"Nagtataka nga ako bakit nakapasok iyan dito, siguro sinuhulan ng ama nito ang presidente ng unibersidad!" Pahayag ni blue collar.


Agad nagbago ang itsura ni Tina. Parang may kung ano na sumanib sa kanya at tumayo siya para lumapit sa tatlong binata.


"Tina, umalis na lang tayo dito," pakiusap ko sabay sunod sa kanya.


Ngunit di ako pinansin ng aking kaibigan. Tumayo siya sa harapan ng tatlo at pumamewang.


"Narinig ko iyon."


Nanahimik ang tatlong binata. Akmang magsasalita na sana si blue collar boy ngunit naunahan ito ni Tina.


"Una sa lahat, kaya nga state university, kasi para ito sa lahat! At kung inaakala niyong nanuhol ang aking kaibigan dito para makapasok, pwes, nagkakamali kayo! Karapat-dapat siya dito dahil matalino siya at masipag! Siya ang highest sa entrance exam!"


Umalinngawngaw ang boses ni Tina at napatingin na sa amin ang ibang mga estudyante sa lagoon.


Tumayo si blue collar boy at sinalubong ang pag-irap ni Tina.


"Aba, binayaran ka ba ni Miss Miranda para ipagtanggol siya?" Ngisi nito.


"Di niya ako kailangang bayaran para maging tunay ko siyang kaibigan!"


Nagkataong hawak ni Tina ang plastik niya ng softdrinks. Walang pakundangan niya itong ibinuhos sa ulo ni blue collar boy, na siyang kinagulantang ng dalawa niyang kasama.


"Ayan, bagay sa iyo! Sobrang yabang, akala mo kung sinong magaling!" Patutsada ni Tina. Nakataas ang kanyang kilay sa basang-basang ulo ng lalaki. Pati tuloy ang kanyang pang-itaas ay nakulayan ng Sarsaparilla.


"Aba! Mapapalaban ako dito kahit babae ka!" Sinigawan ni blue collar si Tina habang nanlilisik ang kanyang mga mata.


Di mapigilang matawa ng binatang may patilya.


"Tumigil ka nga diyan, Jepoy!" Palo sa likod ng kanyang kasama.


"Di mo dapat ginawa iyon!" Nanliliit ako sa mga oras na ito, dahil sa ginawa ni Tina.


"Aba, kung makahusga naman sa iyo! Ranie, ipagtanggol mo ang iyong sarili kung kinakailangan, di iyon nagpapaapak ka na lang sa mga satsat nila!" Kunot-noo ni Tina, na mas mainit pa ang ulo kaysa sa akin.


"Hala, anong nangyari dito?!"


May dumating na babaeng estudyante na naka-salamin at mini dress. Naabutan niyang nagpupunas ng ulo si blue collar boy gamit ang kanyang panyo. Sa likuran niya ay ang lalaking si Jepoy na sumasakit na ang tiyan sa kakatawa.


"Napa-trobol ang kasama natin, Alma," paliwanag ng lalaki na walang patilya. "Paano ba naman, namuna na naman itong si Bestre, at si Miss Miranda pa ang napili!"


"Puro ka gulo, Silvestre!" Ika ng babaeng si Alma, na nagpipigil matawa. Nakita niya kami ni Tina at lumapit.


"Paumahin ah, madaldal lang talaga itong kasama namin. Teka, sinong nagbuhos sa kanya ng softdrinks?"


"Ako," ipinakita ni Tina ang plastik na walang laman. "Pakisabihan nobyo mo na ayusin ang ugali ah?"


"Di ko nobyo iyan, kabigan iyan ni Jepoy, siya talaga ang nobyo ko," nakangiting sagot ni Alma.


"Wala akong pakialam. Nananahimik kami dito tapos manggugulo kayo!" Irap ni Tina.


"Aba, ikaw ang nauna!" Nanduro si blue collar boy, na Silvestre ang ngalan. "Paliguan ba naman ako ng Sarsaparilla!"


"Narinig ko iyang komento mo at nalaman ko kung bakit balisa si Ranie! Pasalamat ka di kita tinulak diyan sa may lake! Makaalis na nga dito! Hmp!"


Kumapit si Tina sa aking braso at agad na akong inilayo sa eksena.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top