/17/ Double Dates

Sa dalawang magkasunod na Miyerkules, naisakatuparan namin ni Claudio ang aming mga "secret dates". Ihinahatid ako ni Tina sa Gate 7 pagkatapos ng aming klase at mula doon, ay sinusundo ako ni Claudio at sumasakay sa kanyang kotse patungo sa aming binabalak na puntahan.


Wala akong problema sa ugali at kilos ni Claudio. Maginoo siya, magalang, at kahit kailan ay hindi ako binabastos. Sa mga panahon na kami ay magkasamang kumakain ay halos hindi ito palakibo, kaya minsan ay ako na ang nauunang makipag-usap sa kanya.


"Malalaman kaya ng mga magulang natin ang ating mga lihim na relasyon sa ibang mga tao?"


I can't help but smile at the thought. From across the table, Claudio bit into a piece of French Fry and laughed. Ito ang aming pangalawang pagkikita, sa isang fast food chain kung saan dati na kaming kumain ni Bestre. Noong una ay sa mamahaling resto ako dinala ni Claudio. Ngayon ay ideya ko naman na kumain dito sa fast food.


"Kung itatago natin, di nila malalaman," natawa ito. "Pero alam mo na ang kasabihan, walang lihim na di nabubunyag!"


"Artista ang tinatagpo mo, malamang malalaman nila!" Ika ko sabay kagat ng hamburger.


"Iyong sa iyo naman, tibak," bulong sa akin ni Claudio sabay sulyap sa paligid. "Siya nga pala, paano naging kayo?"


Ikinuwento ko kay Claudio ang aming relasyon ni Bestre. Natulala na lang ito nang matapos ko na ang buong kwento.


"Ang tapang mo pala, Rania, at iyan pa ang pinili mo," wika niya. "Ang inaalala ko lang, baka mahuli ang iyong nobyo ng mga kinauukulan. At baka madamay ka rin, kaya ibayong pag-iingat ang aking nais para sa iyo at pati na rin sa kanya."


"Salamat, Claudio," ngiti ko. "Ikaw, paano mo nakilala ang artistang iyon?"


"Dati siyang sekretarya sa amin, tapos umalis na dahil kinuha ng talent scout para lumabas sa isang pelikula. Nalaman ko na lang na sa isang bomba film pala siya gaganap. Di ko na siya masabihan na huwag ituloy ang kanyang binabalak."


Napatingin si Claudio sa malayo at bumaling siya sa akin na may mapait na ngiti sa kanyang mga labi. "Sa Biyernes ay palihim kaming magkikita,  sa isang lugar kung saan walang nakakakilala sa amin. Sa huli naming usapan ay gusto na niyang tapusin ang aming relasyon, pero kaya ko siyang kumbinsihin na magtanan kami at tumira sa malayo. May pera ako, kung iyon ang inaalala mo."


"Paano ang career niya?" pag-aalala ko tuloy.


"Kakatapos lang niya ng isang pelikula, at sabi sa balita, di raw ito masyadong kumita. Ito ang magiging dahilan ko para itigil na niya ang paghuhubad sa pelikula, at di siya kasing-sikat ng ibang mga aktres sa bomba films." Ngumiti si Claudio sa naiisip.


"Ano palang screen name niya?" Bigla tuloy napukaw ang aking kuryosidad.


"Delilah Diaz," sagot ni Claudio. "Sa totoong buhay, siya si Delia Dimagiba. Anak siya ng Amerikanong sundalo at isang Pilipinang ginang."


Tumango na lang ako at tinuloy na namin ni Claudio ang aming kinakain na walang nangyayaring pag-uusap sa amin. Nang matapos na kami ay sumakay ulit ako sa loob ng kanyang kotse. Bago kami makaalis ay may sinabi sa akin si Claudio.


"Kung kailangan niyo ng tulong, lalo na ng totoo mong nobyo, handa akong magbigay ng kahit ano, kahit pera pa iyan," alok niya.


Nanlaki ang mga mata ko sa kanya sabay tingin. "Seryoso ka?"


"Oo," humawak si Claudio sa steering wheel ng kanyang kotse habang nakatanaw sa malayo. "Ang aking tiyahin ay dating beauty queen, ngayon ay namundok na ito at naging rebelde. Kaya nauunawaan ko ang mga kagaya ng iyong nobyo."


"Kumusta ngayon ang tiya mo?" Hindi ako makapaniwala sa aking nalaman.


"Itinakwil na siya ng aking lolo, na tatay ng aking ama," sagot ni Claudio. "Minsan nagpapadala siya ng liham para lang ipaalam ang kanyang kondisyon sa bundok. Mukhang wala pa itong balak bumaba hanggang ngayon. Hanga ako sa tapang ng mga kagaya niya at ng iyong nobyo. Siya nga pala, balak ba niyang mamundok din?"


"Si Silvestre?"


"Oo."


"Base sa huli naming usapan, hindi niya pipiliin mamundok at maging rebelde. Mas gusto niyang maging manunulat at ipahayag ang kanyang saloobin, umaasa na baka may magbago gamit ang kanyang mga sinusulat."

 

"Inaya ka ba niya na sumapi sa kanilang samahan?" tanong ni Claudio.


"Hindi, pero may mga panahon na binabasa ko ang kanyang mga artikulo para i-proofread ito. Tunay ngang malalagay ang buhay niya sa alanganin kapag nakita ito ng mga awtoridad. Sana lang ay di pa mangyari ang lahat ng aming kinakatakot."


Binalot kami ni Claudio ng nakabibinging katahimikan, at ako ang unang bumasag dito.


"Di ko pa nasasabi na nagkikita tayong dalawa, sana ay hindi siya magimbal dito." Naiisip ko ang magiging reaksyon ni Bestre sa amin ni Claudio; malamang ay mag-aapoy ang galit nito. Sana lang masabi ko sa kanya na di kami seryoso ni Claudio at handa pa nga itong tulungan siya.


"Sana ay di niya ako masuntok," natawa si Claudio. "Makaalis na nga, ihahatid na kita sa inyo."


Umandar na ang kotse at tahimik ang aming naging biyahe pauwi sa amin.


Sa pangatlong Miyerkules na sinundo ako ni Claudio, akmang pasakay na ako sa kanyang kotse nang marinig ko ang isang pamilyar na boses sa aking likuran.


"Ranie, anong ibig sabihin nito?"


Nanigas ang aking katawan. Tumayo ako nang diretso at nilingon ang pinanggagalingan ng boses. Tumambad sa akin si Bestre na nakaawang ang bibig. Pagkagulat at pagkalito ang sabay na pumupukaw sa kanyang mga mata.


"Bestre, kaya kong magpaliwanag." Lalapit na ako sa kanya ngunit hinawakan niya ako sa magkabilang mga braso.


"Rania, sino iyang kasama mo?" Tinuro niya ang nasa likuran ko. Nilingon ko si Claudio na nakasunod sa akin.


"Pare, ipapaliwanag namin ito ni Ranie," ika ni Claudio. "Kumalma ka lang, pakinggan mo muna kami at naiipit kami pareho sa aming sitwasyon."


Napabuntong-hininga si Bestre. "Ano ba ang dapat ipaliwanag, ayan na nga, nagkikita kayong dalawa? Rania, tapos na tayo."


Binitawan ako ni Bestre at padabog na naglakad papalayo sa akin. Ngunit hinabol ko siya at hinablot ang kanyang kanang braso gamit ang lakas na kaya ko sa mga oras na ito.


"Makinig ka sa akin, at pareho kaming naiipit ng kasama ko na si Claudio," diin ko.


Hinarap ako ni Bestre at ramdam ko ang poot niya sa kanyang mga tingin. "Paano kayo naiipit, kitang-kita niyo na mas naiipit ako sa inyong ginagawa!"


"Pare, pinakilala kami ng aming mga ama para maging mag-nobyo," pahabol sa amin ni Claudio. Lumapit siya sa amin ni Bestre at tinuloy ang kanyang kwento. "Pero nalaman namin ni Ranie na may iba kaming mga mahal, kaya nag-usap kami at nagpasya na magpanggap muna kaming nagkikita at magkamabutihan hanggang sa kumalas na kami. Kung nag-aalala ka kay Rania, may iba akong nobya, kaya wala akong interes sa kanya."


Nanahimik si Bestre at nagulantang sa kanyang nalaman. "Totoo... totoo ba ang lahat ng kanyang sinabi?"


Tinignan ko siya. Nawala na ang galit niya kanina at ngayon ay nagmamakaawa ang kanyang paningin sa akin, naghihintay ng kanyang pinakaasam na kasagutan.


"We're not really a couple," ngisi ko. "Napilitan lang kami ng aming ama na makipagkita. Si Claudio, may girlfriend iyan."


"Si Delilah Diaz iyon," ngiti ni Claudio kay Bestre.


"Bold star ang nobya mo? Pwera biro?" Nanlaki ang mga mata ni Bestre.


Inilabas ni Claudio ang kanyang pitaka mula sa likuran ng kanyang bulsa. Binuklat niya ito at ipinakita sa amin ni Bestre ang dalawang photo booth sized photos nila ng kanyang nobya.


"Aba, iba ka rin, at bomba star pa ang tinatagpo mo!"  Isang pilyong ngiti ang luminya sa mga labi ni Bestre habang pinagmamasdan ang larawan ni Delilah na nakayakap kay Claudio.


"Oo pare, totoo." Itinago na ni Claudio ang kanyang pitaka. "Maari ba tayong mag-usap sa mas tagong lugar?"


Pumayag si Bestre na sumama sa amin ni Claudio sa kanyang sasakyan. Dinala kami ni Claudio sa isang bakanteng lote at doon niya ipinarada sa gitna ang kantang kotse. Buti ay hindi na gaano mainit, kaya lumabas kaming tatlo at tinuloy ang pag-uusap sa may hood ng kotse.


"Hanggang kailan niyo balak ituloy ang pagpapanggap na ito?" Humalukipkip si Bestre sabay titig sa aming dalawa ni Claudio. Kapwa kami nakaupo sa hood ng kotse habang nakatayo si Bestre sa harapan namin.


"Balak ko na makipagkalas kay Claudio, at yung isa kong kasama ang gaganap na other woman," paliwanag ko kay Bestre. "Si Mia raw ang magiging accomplice dito."


"Ang gara niyo rin, ano," ngisi ni Bestre. "Sumbong ko nga kay Ferdie iyan si Mia Mirasol Fortes."


"Iyon pala buong pangalan ni Mia," ika ko.


"Alam mo na ngayon," natawa na rin si Bestre. "Di niya kasi ginagamit buong pangalan niya."


"Payag ako sa plano niyo," pagsang-ayon ni Claudio. "Pero kailan natin gagawin?"


"Dalawang linggo mula sa ngayon," suhestiyon ni Bestre. "Papaniwalain ninyo muna sila at saka ninyo biglain."


"Magkita muna kayo ni Mia sa isang hotel, tapos kukunan ko kayo ng litrato. Ipapadala ko sa aking ama at magpapanggap na galing ito sa isang kakilala niya na nahuli kayo," wika ko kay Claudio. "Tumingin ka sa camera, pero likod ni Mia lang ang makikita sa larawan."


"Gusto ko ang ideya na iyan. Gawin natin ito," tumango si Claudio. Tinignan niya si Bestre pagkatapos at sinabing, "Salamat at pinakinggan niyo kaming dalawa. Nabalitaan ko kay Ranie na ikaw ay manunulat sa underground."


"Huwag mo akong ipapahuli ah," biro ni Bestre na may halong ngisi.


"Hindi, balak ko pang pondohan kayo nang palihim," ngiti ni Claudio. Walang pasintabi na kinuha niya muli ang kanyang pitaka sabay abot ng limang piraso ng salapi na malaki ang halaga.


"Naku pare, nakakahiya," pagtanggi ni Bestre.


"Kunin mo na, marami akong ganyan," ibinigay ni Claudio ang pera kay Bestre at pinakawalan ito. "Namundok ang aking tiyahin, at nauunawaan ko kayong mga may pinaglalaban. Di kami pwedeng magsalita, alam mo na." Kumindat siya at natawa kaming pareho ni Bestre.


Ibinulsa na ni Bestre ang perang binigay sa kanya ni Claudio. "Makakatulong ito para sa grupo namin, salamat. At ang usapan ah, yung sa hotel."


"Tatawagan ko sila Ranie sa kanila, tapos ibabato ni Ranie ang gagawin ninyo," ika ni Claudio.


Ito ang napagkasunduan naming plano. Ngunit wala pang dalawang linggo ay pumutok ang balita na nakikipagkita sa isang mayaman na binata ang bold star na si Delilah Diaz. Kalat ito sa radyo, mga pahayagan, at mga magazine.


"Malas talaga, may sumunod sa amin sa motel at hinintay kami hanggang mag-umaga," umiling si Claudio habang kausap namin siya ni Bestre sa parehong bakanteng lote kung saan kaming tatlo unang nagkita. "Paglabas namin ng motel, ayun, tauhan pala ng aking ama! Dinala kami ni Delilah pareho sa bahay namin at malaking sampal ang ginawad sa aking nobya."


"Pagkatapos?" Ika ni Bestre.


"Nakipagkalas sa akin si Delilah sa mga oras na iyon at umalis na ng bahay," pagpapatuloy ni Claudio.


"Kinausap din ako ni Papa at sinabing di na itutuloy ang pakikipagkita ko kay Claudio. Ayun, nagkunwari akong nadismya," tawa ko. "Di naman nagalit si Papa kay Claudio, magkaibigan pa rin sila ng ama nito."


"Sayang, sabik pa naman akong makita yung pagpapanggap ninyo ni Mia!" Natawa si Bestre sa naiisip. Tinapik niya ang balikat ni Claudio. "Salamat sa pag-aalaga mo kay Ranie."


"Oo, mukhang ito na ang huli naming pagkikita," ika ni Claudio.


Nakipagkamay na ako kay Claudio pagkatapos. Dito na kami naghiwalay ng landas.


Sinamahan ako ni Bestre na sumakay ng bus papauwi. Habang nasa biyahe, may ibinulong siya sa akin.


"Magdo-drop out na ako sa unibersidad," rebelasyon niya.


Tinignan ko siya na nakakunot ang noo. "Bakit? Kakasimula lang ng first semester."


"Kailangan ko nang magtago. Ang huling balita, may tumitiktik sa aking mga kilos. Mahirap na, baka mapahamak ka rin. Si Ferdie ang maghahatid sa akin sa isang lugar kung saan pwede kaming magtago. Pero di na siya sasama sa amin."


Nilinga ni Bestre ang paligid ng bus. Wala naman kakaiba sa mga kasama naming nakasakay, at binaling niya ang kaniyang ulo sa akin at humalik sa gilid ng aking noo.


"Mag-iingat ka palagi, Ranie."


"Paano ako kapag wala ka?" Kinagat ko ang aking mga labi. Gusto ko nang umiyak sa mga sandaling ito.


"Kaya mo iyan. Kung hindi na ako makabalik, humanap ka na ng ibang magmamahal at mag-aalaga sa iyo," hiling nito.


"Hindi ko kaya iyon." Umiwas ako ng tingin kay Bestre ngunit binalot niya ako sa isang mahigpit na yakap at lumuha na ako sa kanyang balikat. Nanatili kaming tahimik sa buong byahe.


Nakadungaw ako sa bintana habang binabagtas namin ang kalsada. At may naisip ako. Inangat ko ang tingin kay Bestre habang nasa kanyang mga bisig.


"Kung maari ba, tutuparin mo ang aking kahilingan bago ka man lang umalis?"


Hinayag ko kay Bestre ang aking hiling, at pagkatapos ng pag-aalinlangan, ay pumayag na rin ito.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top