/12/ Adhikain

Sa araw-araw namin na pagkikita ay mas higit ko pang nakilala si Bestre.


Nalaman ko ang dalawang klase ng kanyang personalidad.


Noong mga unang araw na kami ay magkasama, magkahawak-kamay kaming naglalakad sa mga hallways at sabay na kumakain ng merienda sa Lucky's Canteen. Isang matamis at mahiyaing ngiti ang madalas na sumisilip sa kanyang mga labi. Abot ang ngiting ito hanggang sa kanyang mga mata, at hindi ko lubos akalain na marunong din pala siyang magpakita ng kasiyahan sa tahimik na paraan. Hindi siya ang tipong maingay at palatawa kagaya nila Jepoy at Ferdie, at ito ang gusto ko sa kanya.


May mga araw din naman na tahimik lamang siya. Kapag may malalim na guhit sa kanyang noo habang nakatitig sa kawalan, ito ang senyales na may dinadala siyang kabigatan ng kalooban.


Ito ang kalagayan ngayon ni Bestre ngayong Biyernes ng Marso. Minsan ko nang nais itanong sa kanya ang kanyang mga iniisip, ngunit nahihiya ako. Kaya hinayaan ko na lang siya na walang-kibo habang kami ay kumakain ng merienda sa Lucky.


"Maari bang samahan mo muna ako sa main library?"


Binasag ni Bestre ang aming mabigat na katahimikan pagkatapos naming kumain.


"Oo naman, hangga't maari, gusto kitang makasama nang mas matagal." Matipid akong ngumiti sa kanya at hinawakan niya ang aking kamay na nakapatong sa ibabaw ng lamesa.


Sabay kaming umalis ni Bestre at nagtungo kami sa building ng main library. Umakyat kami patungo sa ikalawang palapag, kung saan mas kaunti ang mga tao kumpara sa first floor.


Dumaan kami sa pagitan ng mga lamesa at natagpuan ko ang sarili na dumadaan sa hilera ng mga bookshelves papunta sa pinakadulong bahagi ng Filipiniana Section.


Akala ko ay doon na kami titigil, ngunit naglakad pa papalayo si Bestre hanggang sa marating namin ang isang section kung saan nandoon ang cabinet ng Dewey Decimal System Catalog. Nakasandal ang cabinet sa kanang bahagi at kumaliwa si Bestre sa isa pang bookshelf.


"Pwede tayong mag-usap dito, tago at malayo sa mga estudyante at librarian," ika niya.


May label na outdated books ang nasabing shelf, na mahaba at puno ng mga lumang libro na lipas na at di na pwedeng ipahiram. Pumasok kami ni Bestre sa espasyo ng shelf, at nalaman ko na totoong tago kami sa buong second floor mula dito. May pader sa aming kanan kung saan makikita ang mga metal na filing cabinets, habang ang bookshelf ng mga outdated books ay nasa kaliwa at nagsisilbing barrier para hindi kami agad makita.


"Ano kaya ang mga librong ito?"


Ngumiti ako habang inuusisa ang magkahalong mga titulo ng mga lumang aklat. May chemistry book na 1950s pa inimprenta, isang aklat ng mga alamat, at ang Alice's Adventures in Wonderland. Pinulot ko sa bookshelf ang huling libro at nabahing ako dahil sa mga alikabok na naipon sa ibabaw ng mga libro at cabinet.


"Tumahimik ka lang, baka marinig nila tayo."


Napaurong ako at nagulat nang maramdaman ko si Bestre sa aking likuran. Isang impit na sigaw ang lumabas sa akin, ngunit agad ko itong napigilan nang mapayakap ako kay Bestre.


"Ito ang panyo, naluluha na ang mga mata mo."


Kinuha ko ang asul na panyo ni Bestre at pinunasan ko ang aking nagluluhang mga mata. Suminga na rin ako sa panyo.


"Pasensiya na, may allergies ako sa alikabok."


"Sa iyo na muna iyang panyo, suminga ka na diyan oh."


Tumingala ako at sumalubong sa akin ang nakatawang mukha ni Bestre. Noon ko lang din napansin na nakakapit pa rin ang aking braso sa kanyang baywang, kaya agad akong bumitaw sa kanya.


"Sana tinuloy mo na lang iyang allergy attack mo para di ka na bumitaw sa akin," ngisi niya. "Di na baleng singahan mo ang aking panyo, basta nakahawak ka sa akin."


Pigil na tumawa si Bestre habang sumimangot na lang ako sa kanya. Naglakad ako at sumandal sa pader.


"Mahilig ka pala sa chancing," ika ko. "Siguro iba ang pakay mo kaya tayo nandito, ano?"


Tumabi sa akin si Bestre. "Hindi ah! Ito ang sikreto kong lugar dito."


"Ah, may pakay ka pala," tinaasan ko siya ng kilay.


"Ito talaga, baka ikaw ang may gusto." Kinindatan ako ni Bestre.


"Huwag mong ibalik sa akin ang binabalak mo!" Pinandilatan ko tuloy siya.


Nagkatinginan lang kami at lumapit si Bestre sa akin. Akala ko ay gagawin na niya ang aking naiisip, ngunit ibinaling niya ang kanyang mukha papunta sa aking noo at doon niya ako hinalikan.


"Pilya ka ah," tawa niya sabay salampak sa sahig.


"At ikaw naman diyan, magulo! Minsan masaya ka, tapos may araw na ang tahimik mo tuwing tayo'y magkasama. Gaya ngayon."


Naupo na rin ako sa sahig at pareho kaming nakasandal sa pader. Matagal kaming nanahimik hanggang sa nagsalita si Bestre.


"Ipagpapatuloy ko ang nasimulan ni Lily. Huwag kang mag-alala, ako ay mag-iingat," bulong ni Bestre sa akin.


"Mag-iingat ka parati." Mahigpit kong hinawakan ang kanyang kamay. "Sana maari ko rin makita ang iyong mga sulatin," hiling ko.


"Naku, mukhang di ko basta-basta maipapakita sa iyo," pag-aalangan ni Bestre.


"Kahit para i-proofread ko man lamang? May background ako sa campus journalism dati. Proofreader din ako bukod sa pagiging writer noong high school," kwento ko.


"Yabang ah," natawa tuloy si Bestre.


"Basta nandito lang ako para samahan ka sa iyong laban, kahit hindi ako sumapi sa inyo," pahiwatig ko.


Napabuntong-hininga si Bestre. "Oh siya, sa isang araw, ipapabasa ko sa iyo. Basta huwag kang magkukwento kahit kanino."


Tumayo ako at sumabay na rin siya sa akin. Muling humalik sa aking noo si Bestre at sabay kaming umalis ng library.


Magmula ngayong araw na ito, alam kong hindi na ako ang dating si Ranie.

Ang dami ko nang nalalaman tungkol sa mga nangyayari sa paligid dahil kay Bestre at sa iba pang mga tao.


Ang mundong aking ginagalawan ay hindi kagaya ng aking inaakala. Life outside my so-called ivory tower was not all about wealth and prestige. A lot of people are having a hard time and not getting what they need the most, from food to social justice. I have been blind for a long time and I wanted to change this even just by offering my support. I have learned about this by reading and proofreading Bestre's articles. 


Naalala ko na minsan kaming nag-usap ni Bestre tungkol sa Maslow's Hierarchy of Needs. Ipinakita niya sa akin ang tatsulok ni Abraham Maslow na kilala sa larangan ng Psychology. Nangyari ito sa huling linggo ng aming klase bago magbakasyon. Nasa ilalim kami ng isang puno sa may clock tower garden, ang madalas naming pinupuntahan.


"Ang pinakaimportante na pangangailangan ay nasa ibaba ng Hierarchy of Needs ni Maslow: Physiological Needs gaya ng pagkain, tubig, tirahan, at pati na rin ang malinis na hangin. Kasunod nito ay ang Safety Needs gaya ng seguridad sa tahanan, trabaho, at lipunan."


Sinilip ko ang nasabing tatsulok na nakalagay sa isa sa mga aklat ni Bestre. Pinagmasdan ko ang sumunod na tatlong bahagi na bumubuo sa ibabaw ng tatsulok.

"Love and belonging, esteem, at self-actualization," binasa ko. "Ang pagkakaunawa ko ay mas kailangan ang nasa ibaba ng pyramid gaya ng physiological needs at safety."


"Tama ka, Ranie," pangsang-ayon sa akin ni Bestre. "Hindi mo maaabot ang love, belonging, at self-actualization kung hirap kang magkaroon ng basic needs. Kung nakatuon ang iyong isipan sa pang araw-araw na pangangailangan, hindi mo prioridad ang pagkakaroon ng mataas na katungkulan, mga kaibigan, at luho."


"Ngunit anong kinalaman nito sa ating sitwasyon sa lipunan?" Kumunot ang aking noo habang iniisip kung saan mapupunta ang diskusyon na ito.


"Sa mga kagaya mo, hindi problema para sa inyo ang basic needs hanggang social security, dahil tanggap kayo ng madla at higit pa sa maayos ang inyong pamumuhay. Hindi niyo rin naiisip ang mga totoong nagaganap sa lipunan."


"Oo, tama ka. Wala akong alam hanggang sa nakilala kita," mahinahon kong sagot kay Bestre. This time, I don't feel offended anymore at his words, because everything was slowly sinking in and making sense.


"Protektado kayo ng estado dahil nabibilang kayo sa mga angat at may-kaya. Ngunit paano naman ang mga nasa ibaba, na pinaglalaban ang kawalan ng hustisya at kakulangan sa kanilang mga pangangailangan? Maayos ang aking buhay, pwede naman na wala na akong pakialam para tahimik ang lahat. Ngunit hindi ko kayang ipagsawalang-bahala ang nangyari sa aking mga kakilala."


"Nauunawaan ko."


"Silang mga nasa itaas ang namumuno at nagpapalakad sa lahat, mula sa gobyerno at negosyo. Dapat kang sumang-ayon at sumabay kung ayaw mong mapahamak. Ngunit kapag ikaw ay kumontra at punahin ang lahat ng mali, ikaw ang kalaban. Maari mo itong ikamatay. Marami na rin ang nakipaglaban at nawalan ng buhay para lang maitama ang lahat, lalo na para sa mga maliliit na tao na hindi kayang magsalita para sa kanilang sarili. Para sa mga tao sa ibaba ng tatsulok na gusto lamang kumain at makatulog nang maayos."


"Ngunit hanggang saan ninyo kayang makipaglaban?" Tanong ko. Iniwas ko ang tingin kay Bestre at iginala ang aking mga mata sa kalangitan, kung saan tanaw ko ang mga ulap.


"Lalaban ako kahit na walang katiyakan ng tagumpay," sagot ni Bestre. "Lumalaban ako ngayon para sa iyo, kahit kitilin pa ang aking buhay dahil dito."


Kinilabutan ako sa sinabi ni Bestre. Sumulyap siya sa akin at isang matamlay na ngiti ang sumilip sa kanyang mga labi. Ang ngiting ito ay hindi umabot sa kanyang mga mata.


Sa gitna ng aming katahimikan, hindi na sapat ang mga salita para maunawaan namin ang isa't isa.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top