/10/ At the canteen

Agad akong dumiretso sa Lucky Canteen pagkatapos ng aking klase ngayong alas tres ng hapon. Tatlong minuto ang tinagal ng aking paglalakad at may kalayuan nga ito mula sa aking building. Ngunit di sobrang dami ng mga tao dito sa lugar na ito. Siguro karamihan sa kanila ay nasa main cafeteria, garden, o lagoon at doon nagde-date. Nakita ko na rin na inaayos ang mga booths sa nilalakaran ko. Dahil school fair ngayong linggo, wala masyadong klase at lahat ay abala para sa nasabing ganap.


Pumasok ako sa nasabing canteen at buti na lang ay mas kaunti ang mga nandito. Karamihan sa kanila ay nag-aaral o kumakain nang mag-isa.


Ang mga lamesa ay gawa sa kahoy at kayang maglaman ng apat o anim na katao. Sa harap nito ay ang mahabang counter kung saan may glass panel at doon ka mamimili ng iyong ulam. Sa tabi naman ay may kahera at isang estante kung saan nandoon ang mga pagkaing pang-merienda.


"Rania!"


Narinig ko ang aking pangalan, at agad akong lumingon sa pinanggalingan nito. Sa bandang likod ay nakaupo na si Bestre at kumaway sa akin. Nakapwesto siya sa isang table at chairs na malapit sa may bintanang jalousie.


Agad akong lumakad patungo sa kanya at naupo sa harap nito.


"Pasensiya na, medyo malayo ang nilakad ko." Itinabi ko ang aking shoulder bag sa gilid. "Pinaghintay ba kita?"


"Hindi, kakarating ko lang din kanina," magalang na tugon ni Bestre. "Siya nga pala, ibibili kita ng merienda. Anong gusto mo?"


"Kahit ano, basta libre mo," ngisi ko.


"Hindi ka ba pamilyar sa mga ordinaryong pagkain?" pag-uusisa ni Bestre.


"Ano bang tingin mo sa akin, walang muwang sa mundo?" Ismid ko.


Napabuntong-hininga si Bestre at halata kong nagpipigil itong mainis. Natawa ako sa kanyang itsura at sumagot.


"Ibili mo na lang ako ng hopia na monggo at isang bote ng Sarsi."


"Ilang piraso ng hopia?"


"Yung tatlong malalaking hopia."


"Sige, maghintay ka diyan."


Tumayo si Bestre at naglakad papunta sa may counter. Pinanood ko siya habang bumibili at ngayon ko lang din napansin ang kanyang pananamit: berdeng kamiseta na fitted, maong pants, at puting sneakers. Nakasuklay palikod ang kanyang buhok at parang naglagay ata siya ng pomada.


"May kasama ka pala ngayon, Silvestre," ika ng ginang na nagtitinda.


Dinig ko ang kanilang usapan sa aming lamesa dahil hindi puno ang canteen.


"Opo, nagpapalibre lang," tawa ni Bestre.


"Aba, may chicks ka pala at di ka nagkukwento sa akin!" Tawa ng nasabing babae, na bilog ang pisngi, nakapuyod ang buhok, at nakabihis ng floral na blusa.


"Hindi po ako nangtsi-chicks, inaya ko lang siya na kumain dito," nahihiya niyang sagot.


Nilingon niya ako at binati ko siya ng isang tawa. Kumaway din ako kay Manang at ngumiti siya pabalik sa akin.


"Ang ganda pala niya! Mestisahin!" Tuwang-tuwa na winika ni Manang. "Alam mo, bagay kayong dalawa," kindat nito.


Nagkamot si Bestre ng kanyang batok. "Magkaibigan muna kami," ika niya.


"Ang daming kumakain dito na nagliligawan at sila ang nagkakatuluyan pagkatapos! Sana swertihin kayong dalawa! Oh, ito pala ang pagkain niyo!"


May inilapag na tray si Manang sa harapan at nakita ko ang dalawang bote ng Sarsi na may straw. Sa tabi nito ay dalawang platito na parehong may tatlong malalaking hopia.


"Ito po ang aking bayad." May inabot na salapi si Bestre.


"Salamat sa exact amount, hijo! Ay naku, sana magkatuluyan kayo pagkatapos!" Sabik na wika ni Manang, ang kanyang ngiti ay abot hanggang mga mata.


"Kung papalarin akong mabuhay nang matagal," kaswal na sinambit ni Bestre.


"Huwag kang magsalita nang ganyan! Ang bata mo pa! Sige, kumain na kayo!"


"Salamat po, Manang."


Tumango si Bestre at naglakad papunta sa akin na bitbit ang tray. Inilapag niya ito sa aming harapan at iniabot sa akin ang bote ng Sarsi at platito ng hopia at pagkatapos, ay doon lang siya naupo at kinuha ang kanyang pagkain. Itinabi niya ang tray sa gilid at tahimik kaming nagmerienda.


"Pasensiya ka na sa mga sinabi ni Manang kanina," mahinang winika ni Bestre. "Alam ko narinig mo kung gaano siya nasasabik sa ating dalawa," ngisi niya.'


"Wala iyon sa akin. Baka ikaw ang kinikilig diyan." Pilit kong tinatago ang aking ngiti sabay kagat ng aking hopia.


"Hindi ah, sabi ko magkaibigan tayo."


"Ang bilis naman, di mo pa nga ako kilala nang lubos. Kungsabagay, umamin ka na sa akin noong Biyernes." Pabiro akong kumindat kay Bestre at inilayo niya ang tingin patungo sa bintana.


"Nadala lang ako ng emosyon," paliwanag niya.


"Ah, wala lang sa iyo? Sa akin, kahit itanggi mo pa ngayon, hindi mo na mababawi ito," natawa ako.


"Gusto mo talaga ng atensyon, ano?" Diretso akong tinignan ni Bestre.


"At ikaw, gusto mo palagi ng away," sagot ko. "Huwag mo nang itanggi ang iyong nararamdaman. Hindi ko ikakayabang iyon."


"May balat ng hopia sa gilid ng bibig mo," tinuro ni Bestre ang aking mukha.


"Saan?" Kinapa ko ang kaliwang gilid ng aking labi. Ngunit agad lumapit si Bestre at dinampian ng paper napkin ang kanang bahagi ng aking mukha.


"Ayan, wala na. Halatang nagugustuhan mo ang hopia ah," natawa ito.


"Siyempre, libre mo kasi!"


Sa unang pagkakataon ay wagas akong ngumiti sa kanya. At isang matamis na ngiti ang sumilay kay Bestre, na unang beses kong nakita sa kanya.


Sa gitna ng awiting Superstar ng Buhay Ko ng bandang Cinderella, na kasalukuyang tumutugtog sa radyo, naging magaan na ang aming usapan. Isang oras kaming namalagi sa Lucky Canteen hanggang inaya na ako ni Bestre na umalis.


"Dadalhin kita sa isa sa paborito kong lugar," alok niya.


"Huwag mo akong ilalayo kung saan!" Biro ko.


"Sumama ka lang sa akin."


Inilahad ni Bestre ang kanyang kamay at kinuha ko ito. Inaya niya ako na tumakbo sa gitna ng mga corridors ng Psych Building at lumusot kami sa may back door.


Isang magandang tanawin ang tumambad sa akin. Andoon sa bandang harapan ang pamosong Bell Tower, kung saan kumakampana ito sa tunog ng malamyos na musiko para isaad ang oras araw-araw.


Hindi ko alam na may garden pa pala malapit sa Bell Tower. Ito ay pinaliligiran ng mga puno ng Narra at mga halaman gaya ng mga bulaklak ng santan. Mayroon din makukulay na puno ng bougainvillea at cadena de amor, na nagbibigay ng ganda sa buong paligid.


"May park pala dito," namamangha kong sinabi. Nauna akong naglakad kay Bestre at naupo sa isa sa mga kahoy na benches katabi ng isang punong narra.


"Hindi lahat ng estudyante ay alam ang lugar na ito. Karamihan kasi, sa lagoon o sunken garden tumatambay."


Naupo sa aking tabi si Bestre at nag-iwan ng espasyo sa pagitan namin.


"Wala yatang katao-tao dito," ika ko.


"Solo natin ang lugar na ito." Ngumiti si Bestre at pumikit para maramdaman ang sariwang hangin na kasalukuyang umiihip.


Ginaya ko rin ang kanyang ginagawa. Ipinikit ko ang aking mga mata at huminga nang malalim. Sariwa nga ang hangin dito sa garden, lalo na may lamig pa rin ang panahon ngayong buwan ng Pebrero.


"Magagalit sa akin si Lily kapag nakitang magkasama tayo," panimula ni Bestre.


"Hala, may nobya ka pala!" Nanlaki ang aking mga mata. "Palikero!"


"Hindi, pinsan ko si Lily," paliwanag ni Bestre. "Hindi rin siya maamor sa mga may-kaya at alta."


"Teka lang, bakit ba grabe kayo makahusga sa aming mga mayayaman?" Tinaasan ko siya ng kilay. "At iwan mo na ako kung magagalit iyang pinsan mong si Lily. Baka mabalitaan pa niya na nakikipagkita ka sa anak ng may-ari ng Luxuriant."


"Wala na siya."


Binalot kami ng nakabibinging katahimikan. Ipinatong ko ang aking kamay sa kamay ni Bestre at tinignan niya ako. Tumango ako sa kanya at hinintay ang kanyang tugon.


"Kung nabubuhay siya ngayon, malamang ay bente-kwatro anyos na siya. Matutuwa iyon sa akin kapag nalaman niyang manunulat din ako at ipinagpapatuloy ang kanyang nasimulan."


"Bakit siya pumanaw?" Tanong ko.


Umiling si Bestre. "Sa ibang unibersidad nag-aral ang aking pinsan na si Liliana. Editor-in-chief ng kanilang pahayagan at miyembro ng women's league sa kanila. Ang mga paksang kanyang sinusulat ay laban sa gobyerno. Kaya noong ipinatupad ang Batas Militar noong 1972, hiniling ng kanyang ina, ang aking tiyahin, na tumigil siya sa pagsusulat. Ngunit ayaw patinag ni Lily. Noon din niya nalaman na may malubha siyang sakit na walang gamot. Nang sumunod na taon, 1973, pumanaw na siya sa kanyang sakit."


Ramdam ko ang bigat ng mga pahayag ni Bestre. "Kahit noong magkasakit siya ay patuloy siya sa pagsusulat. Huling kahilingan niya sa akin ay ipagpatuloy ang kanyang nasimulang laban."


Inilayo ni Bestre ang kanyang tingin at rinig ko ang kanyang malalim na paghinga. Hinarap niya ako pagkatapos.


"Maiksi ngunit makabuluhan ang kanyang naging buhay. Labis kong hinahanap ang kanyang presensya hanggang ngayon. Si Lily ang nagsilbing nakatatandang kapatid sa akin, kasama ng kanyang kuya na si Luis at ang ate niyang si Leona. May mas bata pa siyang kapatid, si Luisa."


Tumigil si Bestre at tumingin sa malayo, na para bang inaalala ang kanyang pinsan. At nagpatuloy siya sa kanyang kwento.


"Kay Lily ako naging malapit ang loob. Magkalaro kami dati, isasakay niya ako sa isang kahon at itutulak niya ito. Nang lumaki na kami, siya ang tumutulong sa akin sa mga aralin. Pareho kaming may talento sa calligraphy. Minsan na akong binayaran ng kanyang manliligaw para gawan siya ng love letter. Nang mabasa ito ni Lily, binatukan niya ang kanyang manliligaw gamit ang papel at sinabing, 'Bakit mo binayaran ang aking pinsan para gawan ako ng love letter?' Ayun, basted. Pero naging sila rin ng kanyang manliligaw."


Natawa si Bestre sa kanyang alaala, ngunit agad din itong napalitan ng kalungkutan.


"Kaya ipinagpapatuloy ko ang kanyang laban, kahit na posible na ang aking buhay ang kabayaran. Ipinaglalaban ko ang mga biktima ng kawalan ng hustisya. Nakaiwas si Lily na maaresto ng mga kinauukulan, ngunit marami sa kanyang kasamahan ang dinakip, nawala, tinortyur, at namatay. Ang kanyang pamilya ay kailangang magtago para sa kapakanan nila. Bente anyos ako, nawa'y makaabot pa ako sa bente singko, trenta, kwarenta anyos, at ang magandang kinabukasan ay maging katotohanan."


Sa gitna ng kanyang mabulaklak na pananalita ay may nakakubling katotohanan. Unti-unti ko nang nauunawaan kung bakit ganito si Bestre.


"Ang panulat ang aking armas, ang mga salita ay aking inilalapat sa papel para magmulat sa kaisipan ng madla."


"Words are indeed powerful," ika ko.


"Sadyang makapangyarihan ang pagsusulat. Lalong nag-aalab ang apoy sa aking dibdib at lalo kong gugustuhin na makipaglaban para sa ating lahat. At para rin sa iyo. Alam kong maginhawa ang iyong pamumuhay. Naiintindihan ko rin kung bakit mas gusto mong manahimik at sumunod na lamang. Ngunit sana ay maunawaan mo ako. Hindi kita pipilitin. Ako ay maghihintay lamang at uunawain ang iyong desisyon."


"Bestre," nanginginig ang aking boses nang sabihin ko ang kanyang pangalan. "Mag-iingat ka."


"Pipilitin kong mabuhay para sa ating magiging kinabukasan. Pipilitin kong maging katotohanan ang aking mga pangarap."


Nagkasalubong kami ng tingin ni Bestre at idinaop niya ang kanyang palad sa aking pisngi.


"Rania, totoong ako ay may pagtingin sa iyo, kahit hindi ko ito ginusto noong una," pag-amin niya.


Ngumiti ako sa kanya. "Ranie na lang."


"Sige... Ranie." Tumawa si Bestre.


Inilapit niya ang kanyang mukha sa akin at malugod kong tinanggap ang kanyang paghalik. Doon ko natanto na ako rin pala ay umiibig kagaya niya.


At sa mga sandaling iyon, alam kong handa na akong tumayo sa kanyang tabi at tulungan siya sa kanyang laban.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top