/25/ Makapiling ka
A/N: Mature content
Iminulat ko ang aking mga mata at ang una kong nakita ay ang liwanag ng araw na sumisilip mula sa likod ng kurtina. Tumagilid ako at nakita ang alarm clock na nakapatong sa isang lamesa sa tabi ng kama. 6:20am na ang oras.
Naramdaman ko ang isang braso na nakayakap sa aking baywang, at ang mabigat na paghinga ni Benjamin habang siya ay mahimbing pa rin na natutulog. Tumagilid ako at pinagmasdan siya. Nakakumot kami pareho at pinagsasaluhan ang init ng isa't isa.
Napangiti ako sa aking sarili. Muntik ko nang nakalimutan.
Sumandal ako sa kanyang balikat at pumikit. Buong-loob kong ipinakita ang lahat sa akin. Ipinakita na rin niya ang kanyang pagkalalaki, at ipinadama niya sa akin ang kanyang mapusok na pag-ibig. Naalala ko ang bawat hagod at haplos ng kanyang maiinit na mga kamay sa bawat bahagi ng aking katawan, at ang kakaibang sensasyon na dulot nito, lalo na noong ako ay kanyang inangkin.
Ibinigay ko na sa kanya ang lahat, at hindi ko ito pinagsisisihan. Nakakailang at puno ng kaba ang unang beses ko sa kanya. Ngunit maingat si Ben sa akin. Dahan-dahan lang siya at hinintay ako bago ko sabihin na ipagpatuloy niya ito. Masakit man sa umpisa, ngunit nasanay din ako, at kapalit nito ay ang rurok ng kaligayahan na ngayon ko lang nadama. Napuno na rin ang aking pangungulila sa kanya matapos ang matagal kong paghihintay.
Nanatili lang akong gising at nakahiga sa kanyang tabi. Ramdam ko ang aking pamamaga at ang sakit ng aking katawan. Lilipas din ito. Pumayag ako na gawin namin ito dahil hindi ko alam kung may mas mahaba pang panahon na nakalaan para sa amin. Ayoko man mag-isip ng kung ano, ngunit hindi ko mapigilan ang aking sarili.
"Andie?" Bulong ni Ben.
"Gising na ako."
Dumilat siya at una niyang nakita ang aking ngiti ngayong umaga.
"Kanina ka pa ba gising?" Inaantok niyang tanong.
"Oo, hindi pa ako bumabangon. Hinihintay lang din kitang magising."
"Parang di ka makatayo diyan ah." Narinig ko ang kanyang impit na pagtawa.
Ramdam ko ang pamumula ng aking mukha. "Oo, pero kaya naman. Paggamit muna ng shower mo diyan," ngisi ko.
Paunti-unti akong bumangon at naupo sa kama. Tinakpan ko ang aking dibdib ng kumot.
"May tuwalya at bath robe diyan sa loob ng banyo, bagong-labas ito. Ikaw muna ang gumamit," ika ni Ben.
"Matulog ka muna diyan, maliligo muna ako." Kinurot ko ang kanyang ilong at natawa ito kahit na bakas pa rin ang kanyang pagkaantok. Bumangon na ako sa kama at pinulot ang aking mga damit sa sahig. Nag-aalangan akong tumayo at dumiretso sa banyo sa aking lagay na ito.
"Lumakad ka na, Andie, nakita ko na lahat sa iyo," tawa ni Ben. "Huwag ka na mahiya."
"Ang sexy ko, hindi ba?" Hinarap ko siya. Nakita ko ang pagsulyap niya sa akin sabay kagat ng labi. Nagtaklob tuloy si Ben ng kumot at natatawa siya sa ilalim nito.
Natawa na rin ako at pinalo ang kanyang braso. Buhat ko ang aking mga hinubad na damit at lumakad ako hanggang sa banyo na di ko sinusuot ang mga ito.
Pagkatapos ng isang warm and cold shower, nagtuyo muna ako ng sarili at sinuot ang aking bathrobe. Nadatnan ko si Ben na nagluluto ng agahan. Ito ang una naming umaga na magkasama na para bang walang hahadlang sa aming dalawa.
Hindi man kami nag-uusap habang kumakain, sumusulyap kami sa isa't isa at nagpapalitan ng matipid na mga ngiti.
Sana ganito rin ang aming magiging kinabukasan.
Ngunit nang maalala ko ang sinabi ni Ben na handa siyang sumalo ng bala para sa akin, muli akong nag-alala. Hindi ko na lang ito inisip.
Ako ang naghugas ng pinagkainan pagkatapos. Niyakap ako ni Ben mula sa likuran at hinayaan ko lang na magkayakap kami nang walang palitan ng mga salita.
---
Mas lumalim ang aming samahan sa sumunod na mga araw. Kapwa pa rin kami abala sa aming mga trabaho. Tuwing Sabado at Linggo ay natutulog ako sa apartment ni Ben. Wala na ulit nangyari sa amin, dahil sa usapan na huwag namin ito gagawin nang madalas. Sa halip, kumakain kami sa labas, nanonood ng sine, o di kaya ay nagpupunta sa mga parks o namamasyal sa may baywalk.
"Nagkita na kami ng kapatid ko. Twenty two na pala siya," kwento ni Ben habang magkatabi kami sa salas niya at nanonood ng isang pelikula.
"Anong nangyari?" tanong ko.
"Na-miss namin ang isa't isa. Buti gumaling siya sa kanser niya noong bata siya. At nagkapatawaran na kami ni nanay." Ngumiti si Ben. "Nangako siya na tatawag dito at magsusulatan kami. Buti naging maayos din ang lahat sa amin."
"I'm proud of you." Niyakap ko siya. "Sana tuluyan ka nang maghilom."
"Magaan pala sa pakiramdam ang magpatawad. At hangad ko para sa kanya ang isang maayos na buhay sa Australia."
"Inalok ka ba na doon ka na rin manirahan?"
"Oo, pero sabi ko may trabaho at girlfriend ako dito sa Cebu."
Humalik ako kay Ben. At bigla akong may naalala.
"Kailan pala birthday mo?"
"Di mo alam birthday ko?" Nanlaki ang kanyang mga mata sa akin.
"Di mo rin alam birthday ko!" Natawa ako.
"Ang daming nangyari sa atin, tapos ngayon mo lang naalala?" Tawa ng loko.
"March 31 ako, 1967," sagot ko.
"March 31 ka rin?" Nagulat si Ben.
"Hindi nga! Pareho tayo ng birthday?"
"March 31 din ako, 1964."
"Pinagtagpo talaga tayo!" Masaya kong hinampas ang kanyang braso at yumakap din ako. "Kung nalaman ko ito noong nasa Luxuriant pa tayo, sure ako, I will feel disgusted at sharing a birthday with you!"
"Isang buwan pa tayo maghihintay bago ang celebration," wika ni Ben. "At Biyernes papatak ang March 31 next month."
"Kain tayo sa labas," pag-aaya ko. "Larsian ulit."
"Hindi, may alam akong lugar na pwede nating puntahan. At sasakay tayo ng motorsiklo patungo doon."
Araw-araw na akong nagigising at excited sa papalapit naming kaarawan. Mas ganado akong nagtatrabaho, lalo na nang may commendation ako sa aming team. Iba talaga ang nagagawa ng pag-ibig.
Dumating na ang Marso, at parang mas bumagal ang takbo ng mga araw sa aking trabaho. Ngunit kapag kasama ko si Ben sa weekends, at nagde-date, mas lalo lang ako nagiging excited sa aming birthday, kung saan pagsasaluhan namin ito na magkasama.
Nang dumating ang araw ng aming kaarawan, binati ako sa aking trabaho at naghanda pa sila para sa akin. Nagsalo-salo kami ng spaghetti, cake, lumpiang shanghai, at leche flan. Kinantahan na rin nila ako ng birthday song at ito ang lihim kong hiniling bago hipan ang birthday candles.
Sana ay matagal ko pang makasama si Ben.
Nagpalakpakan ang lahat at enjoy lang kami, lalo na Biyernes ngayon. Pinayagan akong mag-time out nang maaga para makauwi ako.
Dumating ako sa aking apartment unit at tumawag muna sa aming tahanan. Buti si Daddy agad ang nakasagot. Inabot niya ang phone kay Mommy pagkatapos niya akong batiin.
"Okay naman ako dito, Ma. Miss na kita, sana dumalaw ka."
"Siyempre naman! At kumusta rin pala kay Ben."
"Sige po, makakarating. Birthday din pala niya ngayon."
"Magkabirthday pala kayo ah!" Natawa si Mommy sa kabilang linya.
"Opo, may date kami bukas."
"Ingat kayong dalawa."
"Love you ma."
Bago matulog ay sumilip muna ako sa aking balkonahe. Sakto na nandoon si Ben at inaya niya ako sa kanya.
Agad akong nagpunta doon na suot ang aking pajamas. Kinantahan ko siya ng happy birthday song sa harapan ng kanyang cake na may kandila.
Humiling muna si Ben at hinipan na niya ang cake. Ginawaran ko siya ng halik at tinanong, "Anong wish mo?"
"Ayoko ngang sabihin!" Biro nito.
"Bakit?"
"Ayoko nga!" Sumimangot si Ben na parang bata.
"Bakit mo ayaw sabihin?" Pagpupumilit ko.
"Basta, matulog ka na. Balik ka na sa inyo. Maaga pa tayo bukas. Nagpa-reserve ako sa malapit na resort, kasama natin sila Rex at Abi," ngiti nito.
"Wow, na-miss ko rin sila!" Excited kong sinambit.
"Tulog na. Baka magbago pa isipan ko at dito ka patulugin " Kumindat sa akin si Ben.
Pinalo ko ang balikat ni Ben at natatawa kaming dalawa. Bumalik na rin ako sa aking unit na masaya ang mood hanggang sa nakatulog na nga ako.
Kinabukasan, nagising ako ng alas-singko ng umaga. Naligo, kumain ng almusal, at mabilis akong nakapag-impake. Nagdala ako mga toiletries, isang malaking tuwalya, isang one-piece black bathing suit, dalawang denim shorts, at dalawang kamiseta. Nilagay ko ito sa isang duffel bag at nagbihis ako ng matching linen polo shirt and shorts set na kulay khaki.
Ni-lock ko ang aking apartment unit at saktong pagkalabas ko, ay naghihintay na si Ben sa tapat ng kanyang pintuan.
"Buti maaga ka," bati niya sa akin.
"Gaano kalayo ang resort dito?" tanong ko.
"Mga bente minutos mahigit. Sa motorsiklo tayo sasakay. Huwag kang mag-alala, magiging maingat ako sa daan," wika niya sabay halik sa aking noo.
Bumaba na kaming dalawa ng aming building. Malawak ang aking ngiti nang makita ko ang motorsiklo ni Ben na nakahilera sa ibang mga motorsiklo.
"Bagong bili ko ito," ngiti niya sabay abot ng helmet. Isinuot ko na ito sa aking ulo at pagkasuot ni Ben ng kanyang sariling helmet, sumakay na ito sa motorsiklo at umangkas na ako sa likod niya.
It was a smooth ride, with the early morning sun on us and the cool breeze blowing as we zoomed through the roads. Napayakap ako kay Ben. Na-miss ko talagang sumakay ng motor na naka-angkas ako sa likuran niya.
Nalaman kong sa Talisay pala kami pupunta, na mas malapit nga sa Cebu City. Pumasok kami sa isang lugar na akala ko ay private subdivision. Ngunit nang marating na namin ang looban, bumungad sa amin ang magandang view ng dagat. I smiled at the sight of the blue cloudless skies and the clear sea.
Nag-park si Ben sa isang gilid kung saan may mga nakaparada rin na motorsiklo. Bumaba na ako at hinintay ko muna siya na ma-secure ang kanyang motor. Inaya niya ako sa lobby ng resort at doon niya hiningi ang susi sa aming cottage.
Nang makalabas na kami, nagulat ako nang may sumigaw sa amin.
"Benjamin! Andie!"
Sinalubong kami nila Rex at Abi. Agad akong napayakap kay Abi at nakipag-apir naman ako kay Rex.
"Long time no see, Miss Miranda!" Ngiti ni Rex sa akin.
"Buti na lang pumayag si Rex na magbakasyon kami dito, isang linggo!" Wika ni Abi.
"Siyempre, pa-honeymoon ko na sa inyong dalawa!" Ika ni Ben.
"Honeymoon?" Napatingin ako kay Rex at Abi.
"Mag-asawa na kami!" Natawa tuloy si Abi. "Disyembre kami nagpakasal! Hay, tagal din nating walang balita!"
"Ang dami niyong ikukwento!" Muli akong yumakap kay Abi.
"Lalo na kayong dalawa!" Kunwaring nanlaki ang mga mata ni Rex sa amin ni Ben.
"Oo na, steady kami, last year pa ng October!" Ngisi ko.
"Aba naman! Tumalab din panunukso natin dati kay Ben Tisoy!" Halakhak ni Rex.
"Ikaw kasi!" Sinuntok ni Ben ang braso ni Rex at nagtawanan kaming lahat.
Nagtungo muna kami sa aming cottage. Gawa ito sa kahoy, may mga sliding windows na gawa sa kahoy at may capiz shells, at kamukha ng mga sinaunang bahay noong panahon ng Kastila. Mukha lang simple ito sa labas, ngunit nang pumasok kami ni Ben sa loob, maayos itong tignan. May king-sized bed na kulay light blue at white ang bedsheets, isang toilet and bath sa dulo, at kumpleto ito sa lahat ng aming kakailanganin.
Nagsimula na ang araw namin sa resort. Kasama namin sila Abi at Rex sa agahan. Danggit, longganisa, sinangag, kape, at sliced mangoes ang aming kinain. Hindi rin nawalan ng kwento sila Abi at Rex. Habang wala na pala ako sa Luxuriant at umalis si Ben, naging mag-nobyo sila Rex at Abi. Si Ben ang unang nakaalam dahil nagsusulatan sila ni Rex para balitaan ang isa't isa. Ngayon ay wala na sila sa aming department store. May naitayong mini grocery si Rex at iyon na ang negosyo nilang mag-asawa.
Nagpahinga muna ako sa cottage pagkatapos habang nag-swimming sila Rex, Abi, at Ben sa kalapit na swimming pool. Balak kong magpunta sa dagat mamayang hapon, para doon kami ni Ben lalangoy.
Kumain ulit kami nang sabay para sa pananghalian. Naglakad kaming apat pagkatapos para bisitahin ang isang kalapit na nature park, na puno ng mga bulaklak at paro-paro. Nang dumating na ang bandang hapon, nagbihis na ako ng black bathing suit ko at nagbabad na kami ni Ben sa dagat.
Tinuruan niya ako na lumangoy. Takot man ako noong una, natutunan ko rin na lumutang at kumampas ng mga braso.
"Natututo ka na," ika ni Ben habang nakababad kami sa tubig. Sa likuran namin ay ang papalubog na araw at ang matingkad na kalangitan na kulay pink, kahel, at asul.
"Sana ganito na lang tayo palagi." Umakbay ako sa kanyang mga balikat.
Yumuko si Ben at humalik sa akin. "Nagpapasalamat ako nagtagpo ang magkaiba nating daigdig at pamumuhay, dahil sa pagmamahalan natin. Natatakot ako na baka hindi ito magtagal."
"Bakit mo naman nasabi iyan?" Napakunot tuloy ang aking noo. Ayan na naman siya, at ang kanyang mga pangitain.
"Wala lang. Para kasing napakaganda ng lahat ng mga nangyayari sa atin. Kaya kung anong meron ngayon, sulitin natin. Hindi lahat ng bagay ay pangmatagalan, kahit ang pag-ibig. Pero hangga't kaya ko, mamahalin kita nang lubusan."
Humalik ulit siya sa akin at sinagot ko ito sa isang mainit na halik.
Nang gabing iyon, talagang kinalimutan namin ang aming mundo sa labas.
Ibinigay ko muli ang aking sarili kay Ben at dinama ko ang bawat pagkakataon ng aming pagsasama. Mas naging mapusok kami sa bawat halik, hagod, at ang pagbubuklod ng aming mga katawan. At nang matapos ito, kinulong ko ang sarili sa kanyang mga bisig. Napunan nang muli ang aking pag-aasam sa kanya.
Tumigil ang pag-ikot ng mundo. Tanging ang init ng aming pag-ibig ang nananatili sa amin sa mga panahong ito. At wala na akong ibang hinahangad kundi siya lang.
(Itutuloy)
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top