34 - Miss na miss

Maika's POV:

Natapos ang misa na lutang ako. Naglalakbay ang isip ko sa mga nangyari kanina. Hindi ko mawaglit sa isip ko ang klase ng titig na ipinukol niya sa'kin at ang tamis ng ngiting isinukli niya dun sa kasama niya.

Gusto ko na namang maiyak pero hindi pwede. Alam kong kanina pa gustong magtanong nila Nanang at Papa. Ramdam ko sa mga tinginan nilang dalawa mula nung dumating ako ng bahay hanggang sa makarating kami dito sa simbahan. Kung pwede ko lang kalimutan ang lahat nang nangyari at magkunwaring okay lang ako pero hindi ako okay. Hindi ako magiging okay lalo na't sariwang-sariwa pa sa alaala ko ang lahat.

Ngayon ko napagtanto na ganito pala kasakit yong nararamdamang sakit ng mga bidang karakter sa mga kwento ko. Buti pa sila naipapaliwanag ko ang nararamdaman nila sa mga salita ngunit bakit ako ganito? Bakit hindi ko kayang ilarawan sa mga salita ang sakit na nararamdaman ko sa mga nangyayari?

"Kanina ka pa tahimik, Nak. May problema ba?" tanong ni Nanang nung naglalakad na kami patungo sa nakaparada kong sasakyan.

"M-Medyo masama lang ang pakiramdam ko, Nang. Pero okay lang po ako." pagsisinungaling ko.

Ilang beses na ba ako nagsinungaling kina Nanang at Papa? Ilang beses na ba akong nagtago ng sekreto sa kanila? Kakayanin ko pa ba ang isa pang kasinungalingan kapag sinabi ko na sa kanila ang totoo at sabihin ko sa kanilang wala akong nararamdaman para kay Crisanto?

"Kung may problema, Nak sabihan mo kami ha. Makikinig kami ng Papa mo."

Hindi ko magawang tugunin ang sinabi ni Nanang kaya nag-iwas nalang ako ng tingin at iginiya na siya tungo sa sasakyan.

Tahimik lang ako sa byahe. Si Papa ang nagmamaneho katabi si Nanang sa passenger seat habang ako ay nasa likod at nakatanaw lang sa labas. Iniisip ko na kung ano ang magiging desisyon ko sa mga susunod na araw matapos kung ipagtapat kina Nanang ang lahat.

Panindigan mo kung anuman ang magiging desisyon mo, Maika! Ikaw lang ang makakatulong sa sarili mo.

Sa lahat ng sinabi ng maliit na boses na yon sa utak ko ay ngayon lang ako hindi kumontra. Tama kasi siya. Walang ibang tao na pwedeng tumulong sa'kin kundi sarili ko. At kailangan kong panindigan ang lahat ng desisyong gagawin ko.

Isang masaganang tanghalian ang pinagsaluhan namin sa bahay. Saktong lunch dumating ang mga kapatid ko kasama ang mga asawa nila at nobya.

Kita ko ang saya sa mukha ni Nanang at Papa habang magkasalo kaming lahat sa hapag-kainan. Masaya din ako sa nakikita kong saya bawat myembro ng pamilya ko kahit na may isang parte nang puso ko na nangungulila.

Pero hindi ko siya pwedeng isipin ngayon. Hindi ko pwedeng pairalin ang nararamdaman ko dahil mas mahihirapan akong bumitaw sa kaniya kapag pinalago ko ang damdaming 'to. Tama nang nagkamali ako minsan at tama nang nagsinungaling ako kina Nanang.

Itinuon ko sa masayang tawanan ng lahat ang atensiyon ko at sinabayan sila sa usapan. Kaniya-kaniyang kantiyawan ang mga kapatid habang nanonood nang basketball pagkatapos naming kumain nang tanghalian. Napapangiti ako sa tuwing naririnig ko ang sigawan ng mga kapatid ko kapag nakakalamang yong team nila. Napapailing naman yong mga kasama namin. Pati sila Nanang at Papa ay panay ang saway sa kanila dahil sa sobrang ingay sa loob ng bahay.

"Nak, hindi ba pupunta dito si Santi? Ilang araw ko na siyang hindi nakikita na kasama mong dumalaw." maya-maya ay tanong ni Nanang.

Biglang nanuyo ang lalamunan ko kasabay ang pagkabog ng aking dibdib dahil sa sinabi ni Nanang. Paano ko ba sasabihin sa kaniya ang totoo? Kailangan ko na naman bang magsinungaling ulit? Kailangan ko bang itago ang nararamdaman ko ngayon? May nagbabadya na namang luha sa mga mata ko na gustong kumawala. Pinigil kong tumulo iyon at nagkunwaring okay lang ang lahat.

"S-Sobrang busy po sa o-opisina nitong mga nagdaang araw, Nang. Baka sa mga susunod na araw pa siya makakadalaw dito." pagsisinungaling ko kahit na gustong-gusto kong sabihin sa kaniya na baka hindi na mangyari ang sinasabi ko.

"Talaga ba? Baka naman may problema kayo, Nak pero hindi mo lang sinasabi sa amin. Hindi ka dapat maglilihim sa amin, Nak. Magsabi ka kapag may problema ha. Nandito lang kami lagi para sayo." wika ni Nanang kasabay ang paggagap niya sa kamay ko. Napatitig ako sa mga kamay namin ni Nanang kasabay ang pagkapit ko doon ng mahigpit na animo'y nag-aamot ng lakas.

Kunting-kunti nalang ay bibigay na ako dahil sa mga sinabi ni Nanang. Mas tinatagan ko pa ang sarili ko dahil ayokong umani nang atensiyon nang lahat kung sakaling bumigay ako ngayon sa harap nila.

"W-Wala pong problema, Nang. Okay lang po kami ni Crisanto." dagdag ko sa kasalanan kong pagsisinungaling sa kanila.

Tinitigan ako ni Nanang nang ilang segundo bago nagsalita ulit. Alam ko ang mga tingin na 'yon pero hindi ako pwedeng magpatinag. 

Tatagan mo ang loob mo, Maika! Kilalang-kilala ka ng Nanang mo! 

"Basta pag may problema, Nak, magsabi ka lang ha. Nandito lang kami para sayo. Tandaan mo yan lagi." alam kong may laman ang mga salitang iyon pero isang ngiti lang ang itinugon ko kay Nanang kasabay ang pagyakap sa kaniya.

"Maraming salamat, Nang." tanging wika ko habang yakap siya.

"Tama na yang drama, Bunso. Namimiss mo lang si bayaw kaya ka malungkot no?" sabat ni Kuya Macoy.

"Siya agad? Hindi ba pwedeng nami-miss ko lang kayong lahat? Nami-miss ko yong ganito? Yong magkasama tayong lahat at masaya. Di ba, Pa?"

"Oo naman. Tsaka matagal na nating di nagawang maging kumpleto. Lagi nalang busy itong mga Kuyang mo." tugon ni Papa

"See? Ito yong mga na-miss ko tsaka kayong mga mokong kayo. Kaya wag mo na akong katiyawan Kuya Macoy. Gusto mo ilag-ilag kita dito kay Alice?" kunwaring pananakot ko sa kaniya kasabay ang isang ngisi.

"Bunso, magkapatid tayo. Walang laglagan. Mahal, wag ka maniwala dito. Nagbibiro lang yan, di ba Bunso?" 

"Biro lang. Ito naman ang bilis maniwala. Of course di kita ilalaglag diyan. Mahirap na baka hindi ka magka-asawa. Mas gusto ko may asawa kayong lahat para ako lang maiiwan kina Nanang." wika ko na ikinatigil ng lahat lalo na ng mga magulang ko.

Huli na nang ma-realize ko ang mga salitang lumabas sa bibig ko. Siguro nga totoo talaga na nailalabas mo ang tunay mong saloobin ng hindi mo namamalayan dahil ayaw mo nang magsinungaling subconsciously. 

Napawi ang ngiting naging maskara ko sa harap ng pamilya ko. Hindi ko mahanap ang salitang dapat kong sabihin para ituwid ang mga sinabi kong salita. Sa isang parte ng isip ko, ayokong ituwid yon dahil iyon ang totoo ngunit ito na ba ang tamang oras na sabihin ko sa kanila ang lahat? Ito na ba ang sign na hindi ko na dapat itago pa sa kanila ang lahat ng mga bagay na dapat ay noon ko pa sinabi?

"Paano ka namang maiiwan kina Nanang eh sa ating apat ikaw ang paniguradong hindi titira dito lalo na kapag nakasal na kayo ni bayaw." komento ni Kuya Macoy habang nakatuon ang tingin ng dalawa ko pang kapatid sa akin.

Naramdaman ko ang kamay ni Nanang na humaplos sa likod ko na animo'y sumasaklolo sa akin sa mga oras na 'yon.

"Alam mo, Nak, kung pwede lang kitang patirahin dito kahit kasal na kayo ni Santi eh bakit hindi. Mas gusto ko yon para masubaybayan ko kayo pero hindi eh. Kapag kasal na kayo, kailangan mong sumama sa kaniya doon sa sarili niyong bahay. Pero hindi ibig sabihin nun na hindi ka na pwedeng dumalaw dito kung kailan mo gusto." 

"Nang. . ." usal ko pero hindi ko mailabas ang mga gusto kong sabihin sa kaniya. 

"Alam naming hindi madali ang magpakasal, Nak. Naiintindihan namin na minsan dumadating tayo sa punto na may mga alinlangan tayo pero kung talagang mahal mo siya hindi mo dapat bigyan ng puwang sa puso't isip mo ang mga pag-aalinlangang yan. Magtiwala ka sa pagmamahal niya sayo. Alam namin at nakikita naming mahal na mahal ka ni Santi, Nak. Pagkatiwalaan mo ang pagmamahal niya sayo." 

Tuluyan nang naglandasan ang mga luhang kanina ko pa pinipigilang huwag makawala nang marinig ko ang mga sinabi ni Nanang. Hindi ko magawang sabihin sa kaniya na palabas lang ang lahat ng 'yon. Na walang totoo doon sa mga nakita nila sa amin. Na ang lahat ng iyon ay huwad lang dahil hindi naman talaga kami nagmamahalan. 

Ikaw lang ang nahulog, Maika! Ikaw lang ang nagmamahal dahil itinulak mo siya palayo sayo!

Para akong mabibingi sa sinisigaw ng isang parte ng isip ko. Tama nga naman. Ako lang ang nahulog sa sarili kong bitag. Ako lang ang nasasaktan ngayon dahil sa mga nangyayaring ako din ang may kasalanan. Sarili ko lang ang dapat kong sisihin at wala nang iba pa.

Naramdaman ko ang yakap ng Nanang na tinugon ko nang walang pag-aalinglangan saka ibinuhos ang mga luha ko sa balikat niya. Ito ang kailangan ko ngayon, ang mailabas nang tahimik ang sakit na nararamdaman ko kahit sa pag-iyak lang sa balikat ni Nanang na alam kong kahit anuman ang mangyari ay laging iintindi sakin.

"Kung may problema, pag-usapan niyo. Sabihin mo sa kaniya ang lahat nang alinlangan mo. Hindi makakatulong kong sasarilinin mo 'yan, Nak. Anuman ang desisyon mo, nandito lang kami nakasuporta sayo." dagdag ni Nanang habang patuloy ako sa pag-iyak sa balikat niya.

Mas gumaan ang pakiramdam ko sa isiping kahit hindi ko sabihin sa kaniya ang lahat ay alam kong maiintindihan niya ako. Alam ko sa puso ko na nandito lang siya lagi para sakin.

"Tama na yan, Bunso. Ngayon lang tayo naging kumpleto tapos ganiyan ka pa." wika ni Kuya Michael.

"Oo nga. Nahahawa ka na masyado sa mga karakter mo. Bawas-bawasan mo kasi yong mga pagbababad mo sa mundo ng mga karakter mo. Nagiging iyakin ka na eh." dagdag ni Kuya Macoy.

Loko-loko din talaga tong si Kuya Macoy. Natawa ako kahit patuloy na umaagos yong luha ko.

"Tama yan. Ngiti ka lang, bunso. Ang pangit mo kapag nakabusangot ka. Aray! Mahal naman!" angal niya dahil kinurot ni Alice sa braso.

Tuluyan nang humupa ang pag-iyak ko dahil sa mga banat ni Kuya Macoy. Kitang-kita ko sa mga tingin niya kay Alice ang pagmamahal niya sa babae. Nasabi ko tuloy sa sarili ko na ang swerte niya dahil mahal na mahal siya ng kapatid ko. 

Ako kaya? Makakahanap din kaya ng taong tulad nila Papa at ng mga kapatid ko kung magmahal?

Tunog ng doorbell mula sa pinto ang umani ng atensiyon naming lahat. Sabay kaming napalingon sa gawi ng pinto. 

"May inaasahan ka bang bisita Nang?" tanong ko kay Nanang habang nakayakap pa rin kay Nanang. Ayokong umalis sa mga yakap niya sa mga oras na 'to dahil mas gumaan ang pakiramdam ko habang nasa piling niya.

Sinipat ko ang orasan sa dingding at saktong mag aalas-kwatro na nang hapon. Pumikit ako at ninamnam ang kaginhawaang naramdaman. Ayokong isipin muna ang mga bagay na nagpapabigat masyado ng loob ko. Mas gusto kong namnamin ang mga yakap at pagmamahal ni Nanang.

"Baka kaptibahay lang. Pagbuksan mo nga Macoy at baka importante." utos ni Nanang kay Kuya Macoy na dali-dali namang tinungo ang pinto at pinagbuksan kung sinuman ang kumakatok sa labas.

"Nang maghihilamos lang muna ako." paalam ko kay Nanang.

"Mabuti pa nga, Nak. Medyo mugto yong mga mata mo." tugon ni Nanang saka ko siya iniwan sa sala at tinungo ang banyo sa bandang gilid ng kusina.

Kita ko sa salamin sa banyo ang unti-unting pamumugto ng mga mata ko. 

Gaga ka talaga, Maika! Sobrang iyakin mo na ngayon. Ang pangit-pangit mo na, gurl!

Minabuti kong maghilamos nalang kaysa patulan ang sinasabi ng utak ko. Pagkatapos maghilamos at magpunas ng mukha ay tinungo ko ang ref at kumuha ng prutas sa loob. Nagutom ako bigla sa kakaiyak kanina. Naubos yata ang lakas ko.

Nagutom ka kasi di ka kumain ng maayos kanina sa pananghalian, Maika!

Oo na! Ang kulit din nito! Lagi mo nalang akong binubuko. Ipatanggal kaya kita diyan para hindi ka na makapangulit sakin?

Natawa ako sa sarili ko dahil sa pagpatol ko sa sarili ko. Pero mas nakagaan  iyon sa pakiramdam ko dahil napangiti ako sa isiping kahit sarili ko ay hindi ako kinukunsinti at hindi ako niloloko.

Inilabas ko sa ref ang mansanas, ubas at orange na nasa loob nito at inilagay sa isang lalagyan. Tinungo ko ang lababo para hugasan muna ang ubas at mansanas. 

Bumalik na ang ingay nila sa sala. Siguro ay umalis na ang kumakatok kanina na kapitbahay.

Abala ako sa paghuhugas ng huling mansanas nang maramdaman ko ang isang pares ng brasong pumulupot sa aking bewang na otomatikong naghatid ng kabog sa dibdib ko. 

Kilala ko ang amoy ng pabangong naaamoy ko ngayon pero mas kumabog ang dibdib ko nung maramdaman ko ang mahigpit niyang yakap mula sa likod ko at ang mainit niyang hininga malapit sa aking tenga.

Para akong ipinako sa kinatatayuan ko. Para akong mabibingi sa lakas ng tambol ng dibdib ko.

"Cri-Crisanto?" paninigurado kong tawag sa kaniya dahil baka nakatulog na pala ako at nananaginip na nasa mga bisig niya ako ngayon.

Hindi ako makagalaw o mas tamang sabihing ayokong gumalaw kahit kunti. Ayokong igalaw kahit daliri ko dahil baka mawala siyang bigla. Ayokong magising kung panaginip man ang lahat nang  'to.

"I miss you, Babe. . . so much!"

At 'yon lang ang hudyat na hinihintay ng mga luha ko bago nag-unahang maglandasan sa magkabilang pisngi ko.

Okay lang kung panaginip lang lahat 'to. Ang mahalaga ay narinig ko mula sa kaniya ang mga salitang 'yon dahil. . .


sobrang miss na miss ko na din siya.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top