Rain 🌧

Mababagal ang aking paghakbang habang binabagtas ko ang kahabaan ng Ayala Avenue. Gustuhin ko mang bilisan ang paglalakad pero hindi ko magawa. Wala na akong sapat na enerhiya dahil wala pang laman ang aking tiyan mula pa kaninang umaga. Hindi pa ako nakakabili ng pananghalian. Pamasahe na lang kasi pauwi ang natitira kong pera.

Ilang araw na akong pabalik-balik sa Makati para mag-apply ng trabaho pero ilang araw na rin akong umuuwing bigo. Siguro, dahil graduate lang ako ng senior highschool. College graduate kasi ang mga kasabayan ko sa interview kaya siguro mas pinaprayoridad ang mga iyon.

Naputol ang pagmumuni-muni ko nang may pumatak na tubig sa brown envelope na dala ko. Mukhang uulan. Madilim kasi ang mga ulap.

Dali-dali akong sumilong sa labas ng isang cafe. Hindi yata magandang ideya iyon dahil lalong kumalam ang sikmura ko sa gutom dahil sa mga naka-display na pagkain. Wala akong magawa kundi ang lumunok ng laway.

Promise, kapag nagkatrabaho ako, babalik talaga ako rito at bibilhin ko 'yong pinakamahal na kape sa menu.

"Miss, miss! Patago ako please."

Napapiksi ako nang may isang lalaking pula ang buhok ang nagsumiksik sa likuran ko. Hindi ko pa lubos na napoproseso ang lahat dahil kinuha niya pa ang brown envelope ko at ipinantakip sa mukha niya. Sino ang pinagtataguan niya?

Tatanungin ko palang sana siya pero naudlot iyon nang may mga dalagitang dumaan sa puwesto namin.

"Hala, nasaan na siya?" ani ng babaeng nakatali nang mataas ang itim na buhok.

"Baka doon nagpunta!" Itinuro ng isang babaeng naka-bag na kulay violet ang direksiyon sa harap niya.

Nang makalayo na ang grupo ng mga kababaihan ay saka lang umalis sa pagtatago ang lalaki.

"Salamat, miss!"

"Walang anu- hala! 'Yung resume ko!" Kinuha ko nang may panggigilalas ang brown envelope mula sa lalaki. Napabusangot ako nang makita kong basang-basa na ang mga papel na naroon. Lahat ng iyon ay dahil sa lalaking may pulang buhok na kasama ko.

"Ay resume pala 'yan. Naghahanap ka ng trabaho?"

Inismiran ko siya. "Hindi, trip ko lang mag-print kasi bored ako."

"Wow, jokerist naman pala ang ferson!"

Tiningnan ko siya habang tumatawa. Ngayon ko lang napansin na guwapo pala siya. Kapansin-pansin ang makorte niyang panga at ang hazel green niyang contact lens na mas lalong nagpaangat sa itsura niya. Bagay din sa kaniya ang kapal ng kilay niyang malaki ang ambag sa masculinity niya. He's an epitome of an almost perfect modern Filipino man. No wonder kaya hinahabol siya ng mga babae kanina.

Naudlot ang pag-oobserba ko sa detalye ng kaniyang mukha nang bigla niya akong kindatan. Agad kong iniwas ang aking tingin na sinabayan ng labis na pamumula ng aking mga pisngi. Kung dahil ba sa hiya ay hindi ko alam.

Napahinga naman ako nang maluwag nang hindi siya nagkomento. Naisip niya siguro na baka barahin ko na naman ang sasabihin niya tulad ng ginawa ko kanina.

Tahimik naming pinagmamasdan ang pagpatak ng malakas na ulan sa sementadong daan. Parehas kami na walang ideya sa iniisip ng isa't isa.

"Mukhang matatagalan pa yata tayo rito. . ." Tila ba bulong ang
pagkakasabi niya noon pero obvious namang ako ang kinakausap niya kasi kami lang naman ang magkasama. "Ano'ng pangalan mo?"

Nilingon ko siya. "Rielle. Ikaw?"

Napatingin siya sa akin nang may pagtataka. Napawi rin naman agad iyon at napalitan ng malawig na pagngiti. "Stell. Stell Ajero."

Pamilyar sa akin ang pangalan niya. Hindi ko lang matandaan kung saan ko iyon narinig.

Marahan akong tumango. "So. . . bakit mo tinataguan 'yong mga babae kanina?"

"Ah sila?" Ngiting-ngiti siya habang tila ba may inaalala. "Wala, fangirls lang. Ayaw ako pakawalan kaya tinakasan ko na. Then ayun, napunta ako sa iyo. Hehe."

Sa puntong iyon ay tuluyan kong ipinihit ang katawan ko paharap sa kaniya. Saka ko lang na-realize na mukhang hindi siya basta-basta. Kaya pala pamilyar siya sa akin.

Para maalis ang pag-aagam-agam ko ay tinanong ko na siya. "A-Artista ka ba? Vlogger?"

Nilapitan niya ako at tinapik sa balikat. "Assignment ko 'yan sa iyo, Rielle."

Rielle. Ewan ko ba pero pumalakpak ang tainga ko nang banggitin niya ang pangalan ko. Ang sarap pakinggan.

Tuloy-tuloy pa rin sa pagbuhos ang ulan kaya lalo kaming nawalan ng tsansang makaalis. Niyaya niya akong kumain sa loob ng cafe habang nagpapatila. Tatanggi nga sana ako kasi wala akong pera. Nakakahiya namang makiupo roon kung walang bibilhin. Kaso nagsabi naman si Stell na sagot niya raw 'yong kakainin namin kaya nagpatianod na rin ako. Aba, pagkain din 'yan. Hindi ko 'yan tatanggihan.

Sa loob ng ilang oras naming pag-uusap ay marami nang naikuwento si Stell. Pati pangalan nga ng aso at pusa niya e alam ko. Trabaho lang niya talaga ang hindi niya sinasabi. Dapat daw ako 'yong makatuklas.

Sampung minuto bago mag-alas otso ng gabi nang magyaya na akong umuwi. Kung ako lang din naman ang tatanungin, ayoko pa sanang itigil ang pag-uusap namin ni Stell kasi nakakaaliw siyang kausap. Iyon nga lang, baka kasi wala na akong abutang tren pauwi kaya nagpaalam na ako sa kaniya.

"It was nice talking to you, Rielle," sabi niya habang papunta kami sa train station.

"Same." Tipid na ngiti ang pinakawalan ko. "Dito na ako. Ikaw?"

"Dadaanan ako ng mga kasama ko. Na-contact ko na sila." Hinarap niya ako at kinuha ang brown envelope na nabasa kanina. "Akin na lang 'to."

Akma ko sanang ibubuka ang bibig ko bilang protesta pero itinikom ko na lang iyon. Hinayaan ko na lang siyang kipkipin ang envelope ko. Magpapa-print na lang ako ng bagong resume.

Pagkauwi ko sa bahay ay kumonekta agad ako sa internet. Oras na para alamin ko kung ano ba talaga ang pagkatao ni Stell. Sino ba talaga siya?

Stellvester Ajero (born June 16, 1995), or known as Stell, is a Filipino singer, songwriter, dancer, and choreographer. Known for his high soprano voice, he is the main vocalist, lead dancer and main choreographer of the Filipino pop group SB19.

Halos malaglag ako sa kinauupuan ko nang mabasa ko iyon sa internet. Member pala siya ng grupo na kumanta ng sikat na sikat ngayon na kantang Gento. Familiar ako sa grupo nila kasi may playlist ako ng mga kanta nila sa Spotify. Madalas kong pakinggan ang mga iyon lalo na ang mga paborito kong What? at Hanggang Sa Huli.

Hindi ko pa napoproseso ang lahat nang may tumawag sa cellphone ko. Unknown number.

"Hi, Ms. Javier. I'm Vhea of 1Z Entertainment. We would like to invite you to an exciting opportunity to work with us as a social media specialist. Your first day will be on Friday so please make sure to complete the requirements and medical exam tomorrow. See you, ma'am!"

"P-Po? Paano po nangyari 'yun? Wala po akong natatandaang nagpasa ako ng resume sa iny-"

"You were referred by Mr. Stell Ajero, Ms. Javier."

Si Stell!

Kaya pala niya kinuha 'yung resume ko kanina e may paggagamitan pala siya. Not to mention, na sariling entertainment company ng SB19 ang 1Z Entertainment kaya considered na isa sa CEOs nito si Stell.

"To the guy I met in the pouring rain, thank you. . ." usal ko aking sarili habang nakapinta ang ngiti sa aking mga labi.

Wakas

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top