Siya lang

Jin

Ang mga araw na nagdaan ay tila ba naging mas mahirap kaysa dati. Sa bawat hakbang, sa bawat hinga, ramdam ko ang panghihina ng katawan ko. Para bang may bigat na nakapatong sa dibdib ko na hindi maalis-alis. Nagdesisyon akong itago ang sakit ko kay Joon. Hindi ko kayang isipin na siya ang magdadala ng sakit at alalahanin na dala ng kalagayan ko. Siya ang dahilan ng ngiti ko, at ayokong sirain ang ngiti niya.

Walang nakakaalam kung gaano kabigat ang bawat hakbang ko. Madalas na akong hingalin, pero hindi ko ito pinapansin. Maraming beses na rin niya akong nilapitan, tinatanong kung ano bang nangyayari, kung bakit parang umiiwas ako. Pero sa tuwing malalapit siya, nararamdaman ko lang ang bigat sa dibdib ko na tila humihigpit ang paghinga ko.

Kanina, tinanong niya ako ulit. Nagulat ako nang biglang hinawakan niya ang braso ko, pinilit akong humarap sa kanya.

"Jin, kailangan kitang makausap."

Agad ko siyang nilingon.

"Jin, hindi ko alam kung ano bang nangyari sa atin.Alam kong may nagbago sa pagitan natin, at hindi ko maintindihan kung bakit." Saad niya.

Naka tingin lang ako sa mga mata niyang puno ng pangungulila at katanungan. Wala akong maisagot sa kaniya.

"Pati si Coach Ricky, napansin na ang pag-aabsent ko, ang pagkalate ko. Lahat ng ito kasi, apektado ako. At alam mo bang ikaw ang dahilan? Sobrang hirap na ng sitwasyon ko, Jin. Hindi ba puwedeng sabihin mo man lang sa akin kung bakit ka lumayo?"

Huminga ako ng malalim at pinilit ngumiti. Bumibilis na rin ang tibok ng puso ko. Hindi ako pwedeng kinakabahan at nakakaramdam ng takot dahil sa sakit ko.

"Pasensya ka na, Joon. Pero... hindi ko rin kasi alam kung paano ko ipapaliwanag." Saad ko. Pinilit kong nagsalita ng malumanay dahil ramdam ko na ang bigat ng dibdib ko.

"Hindi mo alam? Pero ganun lang? Basta-basta ka na lang lalayo? Ganun na lang kadali sa'yo na itapon lahat ng pinagsamahan natin? Akala ko, kaibigan mo ako. Akala ko, nandito tayo para sa isa't isa. Bakit hindi mo man lang ako binigyan ng chance na malaman kung ano ba ang nangyayari sa'yo?"

Kahit masakit. Pinilit kong ngumiti. "Hindi lahat ng tao kailangan mong kasama, Joon. Minsan, may mga bagay na hindi kayang ipaliwanag. Hindi naman ikaw ang problema, ako." Saad ko.

"Ikaw? Kaya ka lumalayo dahil sa sarili mong problema. Kitang kita ng dalawang mga mata ko kung paano mo ako pilit na iniiwasan at kitang kita ng dalawang mga mata mo kung paano kita pilit na nilalapitan! Ito ba ang gusto mo? Ang mag mukha tayong gago sa mata ng isa't isa?" Tanong niya.

"Joon... gusto kong sabihin sa'yo, pero hindi ko kayang ipaunawa sa'yo ang mga bagay na ako mismo ay hindi maintindihan."

"Akala ko, sa dami ng pinagdaanan natin, tayo ang magkakaintindihan. Bakit mo kailangang gawin 'to?"

Mag sasalita pa sana ako nung bigla siyang tumayo at naglakad papalayo sa akin. Sobrang bigat ng pakiramdam ko. Parang may naka barang bato sa lalamunan ko at sa dibdib ko.

Pagkatapos ng ilang oras ng walang tigil na pag-iisip, nagdesisyon akong magpunta sa clinic. Kinakailangan kong malaman kung ano na nga ba ang tunay kong kalagayan.

Pagpasok ko, bumungad sa akin ang nurse. Ramdam niya siguro ang kaba sa aking mga mata.

"Jin," sabi niya, pinipilit na manatiling kalmado ang boses niya, "kailangan mong pumunta ng ospital. Mas mabuti kung doon natin masusuri ang kalagayan mo."

Tumango lang ako, walang imik. Tumalikod ako at bumalik sa opisina, tahimik na nilapitan si Coach Ricky. Siya na lang ang naging sandalan ko sa mga panahong ito, at alam kong sa kanya ko lang makukuha ang lakas na kailangan ko.

"Coach..." Halos pabulong kong tawag, nanginginig ang boses ko. "Magpapa-confine na ako. Sobrang sakit na ng nararamdaman ko. Pakiramdam ko'y may batong nakapatong sa puso ko."

Tinitigan niya ako ng matagal. Ramdam ko ang bigat ng mga mata niya, parang tinatanong niya ako kung kaya ko pa. Pero sa pagkakataong ito, alam kong wala nang ibang paraan. Napansin ko ang pag-aalala sa kanyang mukha, at kahit papaano, nabawasan ng kaunti ang takot ko.

Nuong nakaraang team building namin ay nakaramdam ako ng sakit sa dibdib ko kaya nagpasundo ako kay John, kapatid ni Roki. Dumeretso kami sa ospital at dun ko nalaman na may sakit ako sa puso. Na lumalaki ang puso ko. cardiomegaly ang tawag sa sakit ko na pwedeng humantong sa heart attack na pwede kong ikamatay. Lahat ng mga kaibigan ko ay alam ang sakit ko maliban kay Joon dahil natatakot akong ako ang maging sanhi ng kalungkutan niya. Napaka saya pa namin nung mga nakaraang araw at ayokong sirain iyon bagkus gusto ko pang dagdagan ang mga masasayang ala-ala namin.

"Bukas, sasamahan kita," sabi ni Coah Ricky, mahigpit ang kapit sa balikat ko.

Nagpasalamat ako sa kanya ng tahimik, pilit na ngumiti bago ako tumayo. Pero pagharap ko, biglang nanlabo ang paligid ko. Parang nag-aalangan ang mga hakbang ko, at bago ko pa man namalayan, bigla na lang bumagsak ang katawan ko sa malamig na sahig.

Paggising ko, nasa ospital na ako. Pakiramdam ko'y bumabalot ang malamig na simoy ng hangin sa buong katawan ko, na para bang nagsisigaw ang katawan kong huminto na. Nagising ako sa malamlam na ilaw sa kisame, at may narinig akong pabulong-bulong na mga boses. Nakikita kong naroon si Coach, kasama ang ilan sa mga kaibigan ko.

Pinilit kong ngumiti. Pero si Joon... wala siya.

" Coach nasaan si Joon? " Tanong ko.

" Pinauwi ko muna. Ilang linggo na rin siyang nag babantay sa iyo. Nagbabakasakaling gumising ka. Naging instant nurse mo si Joon. " Saad ni Coach Ricky.

Sinubukan kong bumangon, pero biglang sumakit ang dibdib ko. Napasinghap ako, at doon ko napagtanto na iba na talaga ang nangyayari sa katawan ko.

Araw-araw, nakikipaglaban ako sa kirot, at araw-araw, pinilit kong huwag isiping hanggang kailan pa ba ako magtatagal. Nagpatuloy ang ganito, ngunit sa tuwing nakikita ko ang mga kaibigan ko, mas lalo akong nagkakaroon ng dahilan para lumaban. Pero si Joon... siya pa rin ang bumabagabag sa isip ko.

" Coach matutulog muna ako. " Saad ko.

" Mhie ilang linggo ka nang natutulog. " Pabirong saad ni Danica.

" Manahimik ka inaantok ako. " Pabiro kong sagot.

Agad naman silang nagtawanan.
" Namiss namin iyang ugali mo. Sige mhie matulog ka muna. Pag gising mo nandito na si Joon. " Naka ngising sagot ni Arcel.

Agad ko namang ipinikit ang mga mata ko. Hindi ko alam kung anong oras na akong nagising. Naramdaman ko na lang na may naka hawak sa kamay ko.

" Jin?" Saad ni Joon

"H-Hey..." Saad ko.

Niyakap niya ako nang mahigpit, hindi na pinigilan ang pagluha. "Jin, patawarin mo ako. Kung alam mo lang... kung alam mo lang kung gaano ako natakot." Saad niya.

"Wala ka namang kasalanan." Saad ko at niyakap siya nang mas mahigpit. Marahan siyang kumalas sa pagkakayakap at tinitigan ako.

"Jin..." Seryoso ang tingin niya, bakas sa mukha niya ang pagod at hirap.

"Bakit hindi mo sinabi sa akin?" Hindi ko masagot. Parang wala akong karapatang magpaliwanag.

Nakatingin lang siya sa akin, tila galit pero ramdam ko ang sakit sa mga mata niya. Agad naman niyang hinawakan ang mga kamay ko. Ramdam ko ang init sa kanyang palad, at doon ako nakaramdam ng panibagong kirot, mas matindi pa sa sakit ng katawan ko.

"Akala ko... akala ko kasama tayo sa lahat, Jin," mahina niyang sabi, na para bang natatakot siya sa susunod niyang maririnig. "Pero bakit mo inilihim sa akin ang ganito?"

"Joon... hindi ko kayang sabihin sa'yo. Alam kong magiging masakit para sa'yo." Alam kong mahina na ang boses ko, pero sinubukan kong magpaliwanag kahit na alam kong mahirap niyang tatanggapin ang lahat ng ito.

"Mas masakit na hindi ko alam," pabulong niyang sabi. Hinigpitan niya ang hawak niya sa kamay ko, at sa unang pagkakataon, naramdaman kong humina rin ako. Umiyak siya, sa harap ko, at iyon ang huling bagay na inaasahan kong makita mula sa kanya.

Nang gabing iyon, nakatulog ako na nakahawak sa kamay ni Joon. May mga gabing nawawalan ako ng pag-asa, pero sa mga sandaling iyon, kahit paano'y naramdaman kong buo pa rin ako.

Nagpatuloy ang mga araw, at patuloy ang paghingi ko ng tawad sa kanya. Kasama ko siya, pero alam kong may mga bagay na hindi na mababago. Hindi ko na maibabalik ang mga panahong inilihim ko ang lahat ng ito. Alam kong kahit gaano pa ako magpaliwanag, may isang puwang na palaging mananatili sa pagitan namin.

Isang araw, nanghihina na akong bumangon. Nasa tabi ko si Joon, nakangiti siya, pero alam kong pilit ang mga ngiti niya. Parang may lungkot na nakatago sa kanyang mga mata, at sa bawat tingin ko sa kanya, ramdam ko ang sakit na nararamdaman niya.

"Joon... gusto kong malaman mo, mahal kita." Mahina kong sabi, alam kong maririnig niya kahit pa halos pabulong na lang ako.

Ngumiti siya sa akin, isang ngiting puno ng pagmamahal, pero kasabay noon ang lungkot. Hinawakan niya ang kamay ko at hinalikan ang likod nito.

"Mahal din kita, Jin," pabulong niyang tugon, ang mga mata niya puno ng luha. Ramdam ko ang bigat ng bawat salita niya, na para bang huling beses ko na siyang makakasama.

Sa mga huling sandali kong kasama siya, ramdam ko ang presensya niya, ang bigat at init ng pagmamahal niya. At sa mga sandaling iyon, doon ko napagtanto na kahit gaano kasakit ang lahat ng pinagdaanan namin, siya ang naging dahilan ng paglaban ko. Siya ang naging lakas ko, ang naging liwanag sa mga oras ng kadiliman.

Nang humupa ang lahat, alam kong hindi magiging madali ang lahat para kay Joon. Pero umaasa akong sa bawat alaala na iiwan ko sa kanya, makakahanap siya ng lakas na magpatuloy.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top