Panlalamig

Alas-sais na ng gabi nang makabalik kami ni Jin sa aming mga bahay. Ang buong araw ay puno ng tawanan, kuwentuhan, at walang tigil na kwelang mga usapan. Sabihin ko nang pagod, pero iba ang saya ko noong araw na 'yon-parang, alam mo 'yun, may mas magandang dahilan para bumangon bukas at pumasok ulit.

Pagdating ko sa bahay, pagod na pagod ako pero masaya. Kaagad kong tinignan ang cellphone ko, at doon ko nabasa ang message ni Jin:

"Naka-uwi na ako."

Agad akong nag-reply, "Ako rin. See you bukas sa shift."

Simple lang ang palitan namin, pero sapat na 'yon para maramdaman kong may kasama ako. Matagal ko nang hinintay ang ganitong pakiramdam, 'yong parang may ka-tandem, may ka-alalay, may taong umaalalay at nagpapagaan ng araw ko.

Dahil sa araw na 'yon, akala ko, simula na ng bagong kabanata sa aming dalawa. Akala ko, ito na ang umpisa ng mas masayang mga araw.

Kinabukasan, pumasok ako sa trabaho nang may ngiti sa labi. Hindi ko alam kung anong meron, pero parang excited akong makita si Jin. Siguro dahil sanay na akong mag-isa noon, kaya't nang dumating siya sa buhay ko, may biglang nagbago. Ngayon, may dahilan akong magmadaling mag-ayos at pumasok nang mas maaga, hindi lang dahil sa trabaho kundi dahil may taong naghihintay sa akin.

Nung pumasok ako, nakita ko agad si Jin sa station niya. Nakangiti siya, pero may kung anong lungkot na hindi niya kayang itago. Pagod siguro, naisip ko.

"Uy, good morning!" bati ko, sabay tapik sa balikat niya.

Napatingin siya sa akin at ngumiti nang bahagya, pero mabilis ding bumalik sa seryosong ekspresyon ang mukha niya. "Good morning," sagot niya nang mahina.

Sa buong araw namin sa shift, may kung anong kakaiba. Hindi ko masyadong makita ang dati niyang saya at kuwela na personality. Tahimik siya, parang laging may iniisip. Sinubukan kong biruin siya, pero may mga oras na tila wala siya sa sarili.

Nagsimula akong mag-alala, pero nagtimpi ako. Baka may problema lang siya. Baka pagod lang. Ayokong magtanong nang sobra, baka lalo lang siyang mahirapan.

Lumipas ang ilang araw, at parang hindi pa rin bumabalik ang dati niyang saya. Minsan, hindi na siya nagpapakita ng interes sa mga usapan namin, at kadalasan, parang lagi siyang may iniisip.

Nagsimula nang mabuo sa isip ko ang iba't ibang tanong. Nagkamali ba ako ng pagtingin sa kanya? Masyado ba akong naging komportable at naging clingy? O baka naman may nasabi akong hindi niya nagustuhan? Pero hindi ko magawang magtanong nang direkta, baka mali lang ako ng hinala.

Isang araw, hindi ko na natiis. Kausap ko siya sa pantry habang break namin.

"Jin, may problema ba? Parang... parang malayo ka. May nagawa ba akong hindi mo nagustuhan?"

Napatingin siya sa akin, at sandaling natahimik. Halatang may bumabagabag sa kanya, pero hindi ko alam kung gusto niya akong pagsabihan o gusto niya lang lumayo.

"Wala, okay lang ako," sagot niya, pero halata sa tono ng boses niya na may iba pa. Hindi pa rin niya kayang itago ang bigat na dala niya.

Natahimik ako. Sa isang banda, gusto kong ipilit na mag-usap kami, pero sa kabilang banda, ayoko namang maging pabigat pa sa kanya kung ayaw niya talaga mag-open up. Kaya't pinili kong manahimik.

Lumipas ang ilang linggo, at lalong lumayo ang loob ni Jin sa akin. Halos wala na siyang sinasabi sa tuwing magkikita kami. Hindi ko maintindihan kung bakit. Parang unti-unti na siyang nagiging estranghero sa buhay ko.

Isang umaga, habang naglalakad kami palabas ng trabaho, huminto siya at humarap sa akin. Hindi ko inaasahan ang susunod niyang sasabihin.

"Kailangan ko ng oras mag-isa," bungad niya.

"Ha? Anong ibig mong sabihin?" tanong ko, pero alam ko na ang sagot. Ramdam ko na ang bigat ng mga salita niya bago pa niya masabi.

"Siguro... siguro mas mabuting huwag muna tayong masyadong mag-usap," sabi niya, hindi makatingin ng diretso sa akin.

Hindi ko alam kung ano ang nararamdaman ko noong mga oras na 'yon. Alam mo 'yong pakiramdam na parang natibag ang lahat ng inaasahan mo? Parang biglang nawala ang kulay ng paligid ko. Hindi ko alam kung sasagot ba ako o kung ano bang tamang sabihin sa sitwasyon na 'yon.

"Bakit? May nagawa ba akong mali?" tanong ko, pilit na nagtatago ng emosyon sa boses ko.

Umiling siya. "Wala ka namang nagawang masama. Ako lang... ako lang 'yong may kailangang ayusin sa sarili ko. Hindi kita kayang isama sa mga problema ko."

Walang masabi ang bibig ko, pero sa loob-loob ko, nag-aalab ang damdamin ko. Bakit hindi niya ako isinama sa hirap na pinagdadaanan niya? Bakit hindi niya ako pinagkakatiwalaan sa mga bagay na dapat sana ay kinakausap niya ako? Lahat ng mga tanong na 'to, gustong-gusto kong itanong, pero sa huli, ni isang salita, walang lumabas sa bibig ko.

"Salamat sa lahat," huling sabi niya bago siya tuluyang lumayo.

Nang mga sumunod na araw, parang wala na akong gana sa trabaho. Sanay akong makita siya sa opisina o marinig ang boses niya sa paligid. Pero ngayon, wala na. Kahit magkasama kami sa shift, hindi na siya lumalapit sa akin. Walang bati, walang ngiti. Parang naging estranghero na kami sa isa't isa.

Araw-araw, pinilit kong maintindihan kung saan ba ako nagkulang. Kung totoo nga bang wala akong nagawang mali. Ngunit sa bawat hakbang kong magpaliwanag sa sarili, lalo lang akong nalilito. Nagmamahal ba ako ng sobra? Masama bang mangarap na may kasama sa hirap at ginhawa? Masama bang umasang may mag-aalalay sa akin tulad ng pag-aalalay ko sa kanya?

Minsan, naririnig ko siya na nakikipag-usap sa ibang tao, tumatawa, nagkukuwento. At sa bawat tawanan nila, parang may kung anong kirot na dumudurog sa puso ko. Para akong nanonood ng isang pelikula kung saan hindi ako kabilang.

Hindi ko alam kung kailan o paano ko matatanggap na wala na talaga kami-kung meron man kaming kahit ano sa simula pa lang. Kung anuman ang iniisip ko noon, mali pala. Hindi pala kami pareho ng nararamdaman o iniisip. Kung ako, masaya sa munting samahan namin, siya, baka iniisip niyang wala akong halaga.

Hanggang ngayon, hindi ko pa rin alam kung kaya ko bang magpatuloy nang wala siya. Oo, buhay pa rin naman ako, pero iba na. Parang may kulang na hindi ko basta-basta mapupunan. Pero ganun yata talaga, 'di ba? Darating 'yong mga tao sa buhay natin hindi para manatili, kundi para mag-iwan ng marka.

At kahit masakit, kahit mahirap, nagpapasalamat pa rin ako. Kasi, kahit papaano, naranasan ko kung paano ang magkaroon ng kaibigan na naging dahilan para ngumiti ako araw-araw. Na naging dahilan para umasa, kahit sa maikling panahon lang.

Marahil, hindi lahat ng simula ay may magandang katapusan. Minsan, kailangan mo ring tanggapin na hindi lahat ng binibigyan mo ng oras at pagmamahal ay mananatili sa buhay mo.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top