Katotohanan
Naalala ko pa ang bawat detalye ng sandaling iyon. Pagkatapos kong kinausap si Jin, bumalik ako sa station ko, nagkunwaring normal ang lahat. Pinilit kong mag-focus sa trabaho kahit na naroon pa rin ang mga tanong sa isip ko. Parang ang hirap kumalma, pero wala akong magawa kundi magpatuloy. Nakikita ko sa gilid ng mata ko ang paglakad ni Jin patungo kay Coach Ricky. Parang may bigat sa bawat hakbang niya, pero ayoko namang isipin na may mali. Siguro pagod lang.
Nagtagal nang ilang minuto ang pag-uusap nila ni Coach Ricky, pero naramdaman ko na parang may kakaiba sa mga galaw ni Jin. Hindi ko alam kung bakit, pero parang may kaba akong nararamdaman. Sinubukan kong hindi pansinin. Tinuloy ko lang ang trabaho ko, pero patuloy pa rin akong sumisilip sa kinaroroonan niya.
At sa hindi ko inasahang sandali, biglang bumagsak si Jin. Nakita ko mismo sa harap ng mga mata ko kung paano lumuhod ang mga tuhod niya sa sahig at bumagsak ang katawan niya. Para bang bumagal ang oras. Parang may kung anong bumangon sa loob ko — kaba, takot, gulat.
Bigla akong napatayo sa kinauupuan ko, halos malaglag ang mga gamit ko sa mesa. Tumakbo ako papalapit sa kanya, at sa bawat hakbang ay parang lumalabo ang paningin ko. Parang hindi totoo ang nakikita ko. Parang ayokong maniwala.
“Jin!” sigaw ko habang nilalapitan siya, ngunit hindi siya gumalaw. Nakahiga lang siya roon, ang mga mata niya nakapikit, at ang mukha niya maputla. Nilapitan ko siya, sinubukan kong kalugin ang balikat niya. “Jin, gising! Ano’ng nangyayari sa’yo?” Pero wala. Wala siyang tugon. Parang sinampal ako ng realidad sa mga oras na iyon.
Lumapit agad si Coach Ricky at ang iba pa naming kasamahan. May humila sa akin palayo, pero hindi ko kayang bumitaw. Nakikita ko ang mga mata nila, ang takot, ang pag-aalala, pero wala akong marinig. Para bang may kurtinang humahadlang sa lahat ng tunog. Nakatingin lang ako kay Jin, hindi ko kayang ipikit ang mga mata ko. Parang natatakot akong kapag pumikit ako, baka hindi ko na siya makitang gising muli.
Hindi ko alam kung ilang minuto o segundo lang ang lumipas, pero sa wakas dumating ang mga paramedics. Agad nila siyang binuhat, isinalang sa stretcher. Parang bigla akong nawalan ng lakas. Napaupo ako sa sahig, hindi ko namalayang nanginginig ang buong katawan ko. Paano nangyari ito? Bakit siya? Napakarami kong tanong, pero wala akong makuhang sagot.
Sumama ako sa ospital. Habang nasa ambulansya kami, hindi ko alam kung anong dapat kong maramdaman. Nasa likod ako, tahimik lang, nakatingin kay Jin habang may mga doktor na abala sa paglalagay ng mga kagamitan sa katawan niya. Ang bawat segundo, bawat hinga, parang napakabigat. Parang may isang bahagi ng pagkatao ko na hindi na mabubuo kahit ano pang gawin ko.
Pagdating sa ospital, agad siyang dinala sa emergency room. Naiwan ako sa labas, naglalakad paikot-ikot, pinipigilan ang mga luha ko. Hindi ko alam kung paano haharapin ang lahat ng ito. Gusto kong maging matatag para kay Jin, pero sa loob-loob ko, basag na basag na ako.
Mga oras ang lumipas. Nakatingin lang ako sa sahig, hawak ang mga kamay ko na parang nagdarasal. Naaalala ko lahat ng mga sandali namin ni Jin, bawat tawa, bawat biro, bawat kwento. Naalala ko ang mga plano namin, ang mga pangarap na pinagsaluhan namin. At ngayong nasa puntong ito kami, parang hindi ko matanggap na baka mawala siya sa akin.
Pagkalipas ng ilang oras, lumabas ang doktor. Parang bumigat ang bawat hakbang niya papalapit sa akin. Nakatingin ako sa kanya, umaasang may magandang balita siyang dala. Pero ang mga mata niya, puno ng pag-aalala.
“Kumusta po si Jin?” halos pabulong kong tanong, takot na takot marinig ang sagot.
Huminga siya nang malalim bago magsalita. “May komplikasyon po sa puso ni Jin. Kailangan natin siyang bantayan nang maigi.”
Para akong tinamaan ng matinding sakit sa dibdib. Komplikasyon sa puso? Hindi ko alam kung paano tatanggapin ang mga salitang iyon. Parang unti-unti akong nauupos habang naririnig ko ang bawat paliwanag ng doktor. Mahirap paniwalaan. Parang kahapon lang ay masaya kaming nagkukulitan ni Jin, at ngayon, nasa bingit siya ng kamatayan.
Sinubukan kong magpakatatag, pero nang bumalik ako sa kwarto niya at makita siyang nakaratay roon, napaiyak ako. Hindi ko na kayang pigilan ang mga emosyon ko. Lumapit ako sa kanya, hinawakan ang kamay niya na tila napakahina na. Parang walang lakas na natitira sa kanya.
“Jin,” bulong ko, “bumalik ka naman, please.” Parang kahapon lang ay tumatawa kami, nagbibiruan. Ngayon, narito siya, tila tulog na walang kamalay-malay sa sakit na nararamdaman ko. “Hindi ka pwedeng sumuko, Jin. Hindi mo ako pwedeng iwan.”
Habang hawak ko ang kamay niya, naramdaman ko ang malamig niyang balat. Parang kumakawala na siya sa akin, unti-unti, at wala akong magawa. Gusto kong isigaw ang sakit, pero ano’ng silbi? Gusto kong umiyak, pero ni hindi ko kayang umamin sa sarili ko na nangyayari ito.
Mga ilang araw na ang lumipas, at patuloy pa rin akong nasa ospital, kasama niya sa bawat sandali. Natutulog ako sa tabi niya, nagbabaka-sakaling sa paggising niya, nariyan ako para sa kanya. Hindi ko siya iniwan. Araw-araw, nagdarasal ako na sana, bumalik siya sa dati. Pero araw-araw, lalong bumibigat ang dibdib ko, dahil tila mas lalo siyang lumalayo.
Bumabagsak na ang mata ko sa sobrang antok pero pinipigilan ko. Ayokong magigising si Jin na tulog ako. Magdamag akong nakabantay. Ramdam ko ang pagbigat ng mga mata ko, ang bawat paghinga ko’y mabagal na, parang inaantok na rin pati mga buto ko. Pero ayokong sumuko sa antok. Ayokong ipikit ang mga mata ko, dahil ayokong magising si Jin na tulog ako, na wala ako sa tabi niya.
“Hindi ako pwedeng matulog, Jin,” bulong ko, hawak ang kamay niyang tila mas malamig kaysa sa dati. “Nandito lang ako. Hindi kita iiwan, hindi kita hahayaan mag-isa.”
Pinipilit kong mag-focus sa bawat maliit na detalye — ang tunog ng makina sa tabi niya, ang malamlam na ilaw ng kwarto, ang mahina niyang paghinga. Bawat minuto, parang pinapasan ko ang bigat ng buong mundo, pero iniisip ko lang, kakayanin ko. Para kay Jin, kakayanin ko. Kahit mapagod ako, kahit mahirapan, basta makita lang niya na nandito ako kapag dumilat siya, sapat na.
Hindi ko alam kung ilang oras na akong nakaupo roon, nakakapit sa bawat segundo na parang pag-asa. Ang hirap, ang sakit, pero hindi ko pinapansin. Iniisip ko lang, ‘Kakayanin natin 'to, Jin. Basta magising ka lang, kakayanin natin lahat.’
Kahit bumibigat na ang mata ko, pinipilit kong manatiling gising.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top