His energy

"Good morning!" sigaw ni Jin, habang dahan-dahang lumakad papasok sa opisina namin. Kahit pa pagod na kami sa buong gabi ng trabaho, parang wala siyang ka-effort-effort na parang sinag ng araw na bumubuhos sa dilim. Sa aming mundo, ang gabi ang aming umaga, at ang umaga naman ay gabi namin. Kung para sa iba, ang pagsikat ng araw ay hudyat ng simula, para sa amin, ito ang umpisa ng pagtulog at pahinga—pero hindi para kay Jin.

"Ay, ang aga-aga boses mo na naman ang naririnig ko," pabirong sabi ni Boss Khat, ang manager namin, habang nakangiting bumati sa kanya. Walang halong init ang kanyang tono, pero alam mong sanay na siya sa ingay ni Jin tuwing umaga.

"Boss, dapat lagi nating sinisimulan ang araw na puno ng energy! Ikaw nga, ngiti ka naman diyan, oh!" sabi ni Jin, sabay kindat at diretso na sa kanyang cubicle.

Sa totoo lang, siya talaga ang "energy booster" ng team. Para kaming mga solar panel na kinakailangan ng sinag ni Jin para mag-recharge. Kung may mga ahente mang umiiyak o nasasaktan dahil sa matinding sermon ng customers sa kabilang linya, si Jin ang unang takbuhan. Para siyang instant comfort zone, yung tipo ng tao na hindi mo mahirap lapitan, at lalong hindi mo mahirap patawan. Bubbly siya, palatawa, at kahit tatlong buwan pa lang sa trabaho, na-promote na agad bilang employee engagement officer. Magaling makihalubilo, at parang may kakaibang aura na nahahatak ang lahat na makipagkaibigan sa kanya.

Naalala ko pa noong baguhan pa lang ako, si Jin ang nagturo sa akin ng mga pasikot-sikot. Walang araw na hindi sumasakit ang tiyan namin kakatawa sa kanya. May mga biro siyang kahit sensitive ang topic, nakakatawa pa rin at hindi nakaka-offend dahil sa paraan niya ito sabihin.

Naglakad siya papunta sa cubicle ko, nakangiti at puno ng energy, "Good morning, Joon!" Sabay tapik sa balikat ko. "Kumusta ka naman?"

"Ayos lang po," sagot ko.

"Po? Hala! Ilang beses ko bang sasabihin sa'yo, 16 years old lang ako, ‘no!" sagot niya, kunwari nagtatampo.

"Nasanay lang akong gumalang sa mas nakakatanda," sabi ko, sabay pilyong ngiti.

"Nakaka–"

"I mean, mas nakakatanda sa opisina!" pagputol ko sa kanya. "Oo na, Jin, 16 years old ka na nga."

Natawa siya, at inabot sa akin ang isang chocolate bar. "Pinapaabot pala sa 'yo," sabi niya, parang may ibig ipahiwatig.

"Kanino galing?" tanong ko, kahit nahuhulaan ko na ang sasabihin niya.

"Kanino pa nga ba? Edi sa puso kong minamahal ka," sabay kindat at tawanan ulit. Ang kulit talaga ng taong ito.

"Ah-eh. Salamat," sagot ko, kunyari hindi ako tinamaan.

"Salamat lang? Asan ang kiss ko?" biro niya.

"Mamaya pag lunch break," sagot ko, sabay irap.

"Hala! Ayan ka na naman sa ‘mamaya’ tapos sasama ka na naman sa kanila Arcel at Andrew para mag-yosi."

Nag-abot ako ng biscuit mula sa bulsa ko. "Oh, para hindi ka na magtampo. Akin na lang ang chocolate, ito biscuit ang para sa'yo."

Tumawa siya, sabay bulsa ng biscuit. "Iishhh, thank you so much with love and care and everything that goes beyond!" sabi niya, exaggerated, habang nagpapacute na parang may emoji na heart na nagpa-pop out.

Di nagtagal, dumating si Danica, isa sa mga close friends ni Jin. "Mhie, excuse me uupo ako," sabi ni Danica, na lagi ring may halong kulit.

"Ayan Danica, nandito ka na naman. Lalandiin mo na naman boyfriend ko," biro ni Jin, habang nagpupulasan ang mga kilay.

"Sino si Joon? Duh, loyal ako kay Aaron, noh!" balik ni Danica.

"Gaga, nag-3 weeks lang kayo. Trial lang ‘yon. Nag-Baguio lang kayo, tapos after nun pagod na siya sa 'yo," sagot ni Jin, at tumawa kami lahat.

Nagpaalam si Jin na babalik siya, dahil may bagong ahente na kailangan niyang asikasuhin. Ang saya talaga sa paligid kapag nandiyan siya. Kaya lang, pag nakatalikod siya, parang may kulang sa opisina.

Habang nagtatrabaho kami, bigla akong kinabahan. Kanina kasi, nadinig ko yung usapan ni Boss Khat kasama si Moana at Mary. Narinig ko silang may mga matatanggal daw na ahente. Hindi ko tuloy maiwasang mag-isip kung isa ba ako sa mga maaapektuhan.

Nung break time, nakita kong nakausap ni Jin yung bagong ahente. Nakita ko ring panay ang tingin niya sa akin, kaya lumapit na ako.

"Anong ginagawa mo rito?" tanong ni Jin.

"Ano, pupuntahan ko lang si Clark," sabi ko, sabay tingin kay Clark na nasa tapat lang nila.

Pero bago ako umalis, sinulyapan ko yung bagong ahente. May hitsura naman, pero wala siya sa kalingkingan ko—o baka naman sinasabi ko lang 'to para hindi ako kabahan na mapalitan.

Sinama ko si Clark para magyosi, kahit hindi naman talaga siya nagyoyosi. "Clark, samahan mo na lang ako, libre kita ng coke," sabi ko para lang makumbinsi siya.

"Yung libre magic word, sige tara na," sabi ni Clark, sabay kaladkad ko sa smoking area. Habang naglalakad kami, bigla niyang tanong, "Tol, san nga pala tayo mag-iinom?"

Nagulat ako. "Anong mag-iinom?"

"Nagyayayang mag-samgyupsal sina Andrew at Coach Vince mamaya. Alam mo naman, matik na may inuman iyon."

"Hindi naman ako sasama," sagot ko, pero medyo nagdadalawang-isip na rin ako.

"Sumama ka na para sumama si Jin. Malakas uminom ‘yun, siya na lang ang tatagay ng alak mo," sabi ni Clark, sabay ngiti.

"Parang sinasabi mong aakitin ko si Jin para magtagay." Medyo natawa ako pero hindi ko rin maitago ang kaba. Alam kong may sinasabi siya. Si Jin kasi, kahit lasing, masaya pa ring kasama.

Dumiretso kami sa smoking area, pero tahimik kaming dalawa. Lalo na nung narinig kong sinasabi nina Boss Khat na kailangan talaga nilang bawasan ang mga tauhan.

Pagbalik namin sa opisina, nakita kong abala si Jin sa pagbabasa ng mga email. Hindi ko mapigilang makaramdam ng kaba. Baka nga, isa ako sa mga tatamaan ng tanggalan na ito. At kung sakali, paano na kami? Paano na yung mga araw na lagi kong inaabangan si Jin? Paano na yung mga tawanan namin?

Lumapit ulit ako kay Jin, at binulungan siya, "Jin, busy ka ba?"

"Depende, kung ikaw, hindi na busy," biro niya. "Bakit, kailangan mo ng tulong?" Nakatingin siya sa akin nang seryoso, na parang alam na niya kung anong sasabihin ko.

"Nadinig ko kasi si Boss kanina, tungkol sa tanggalan."

Tinapik niya ako sa balikat, at sabi, "Oy, Joon, kaya natin ‘to. Alam mo, ang dami mo nang na-achieve dito. Wala kang dapat ikatakot. Lagi kong sinasabi sa’yo ‘yan, di ba?"

Parang lumuwag ang loob ko sa sinabi niya. May magic talaga ang mga salita niya; parang lahat ng kaba ay biglang nawawala. At kahit hindi sigurado ang lahat, nararamdaman kong may mga bagay na sigurado.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top