Confrontation
Simula nang naging malamig ang lahat sa pagitan namin ni Jin, para bang nawalan na rin ako ng gana sa trabaho. Kung dati, hindi ako na-lalate at laging excited pumasok, ngayon, maliban sa paulit-ulit kong pagiging late, madalas pa akong nag-aabsent. Pakiramdam ko, wala nang dahilan para magmadali o magsipag pa. Parang nabawasan ng kulay ang bawat araw, at nasisira ko na rin ang performance ng buong team dahil sa pagiging pabaya ko.
Kanina, nakaupo ako sa station ko, nakatulala habang nakatitig sa monitor, nang marinig ko ang tawag ni Coach Ricky.
"Joon, halika muna rito sa station ko."
Nagulat ako at kaagad tumayo, kahit na mabigat ang mga hakbang ko. Alam ko, may sasabihin siya-at siguradong hindi ito maganda. Nakaupo lang siya doon, naghihintay sa akin habang seryoso ang ekspresyon sa mukha niya.
Pagkapwesto ko sa upuan sa harap niya, narinig ko agad ang mahinahon niyang tanong.
"Kumusta ka?"
Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko. Napakabigat ng pakiramdam ko, pero paano ko sasabihin lahat ng iniisip ko? Hindi ko nga kayang bigkasin ang mga salitang ito kahit sa sarili ko.
"Ayos lang, Coach," sambit ko nang alanganin. Pero alam kong hindi siya naniniwala sa sinabi ko. Kitang-kita niya siguro kung gaano na ako nawala sa sarili nitong mga nakaraang linggo.
Nagpatuloy siya sa pagtitig sa akin, nagtatantiya, parang binabasa ang bawat galaw ko.
"Alam kong hindi ka okay, Joon. Kita ko naman sa performance mo, sa mga late mo, sa pag-absent mo." Seryoso ang tinig ni Coach Ricky, pero halata sa boses niya ang pag-aalala. "Ano bang nangyari?"
Gusto ko sanang hindi na magkwento. Gusto kong pigilin ang sarili kong ilabas 'to, pero sa sobrang bigat ng dala ko, parang wala akong ibang choice. Para akong sasabog kung hindi ko ito mailalabas kahit kanino. Huminga ako nang malalim, pinagmasdan ang mesa niya, bago ako nag-umpisang magsalita.
"Nahihirapan lang talaga ako, Coach..." Hinaplos ko ang aking batok, pilit inaalala ang mga dahilan kung bakit ako nandito sa harapan niya, nagsusumbong.
Nagtaas siya ng kilay, parang hinihintay ang karugtong ng sinabi ko.
"Naging malapit kasi kami ng... isang tao dito sa team." Tumigil ako, pilit kinakalma ang sarili ko. "Si Jin. Dati, sabay kaming kumakain, sabay umuwi. Pero ngayon, hindi ko na alam kung ano ang nangyari. Bigla na lang siyang lumayo. Parang ang layo-layo na niya, Coach. Parang hindi na kami magkaibigan."
Napabuntong-hininga si Coach Ricky, sabay tumango-tango. "Mahirap 'yan, Joon. Pero, hindi ba puwedeng pag-usapan niyo?"
"Sinubukan ko, Coach. Tinanong ko siya, pero ang laging sagot niya, 'wala raw.' Parang... sinasabi niyang ako pa ang nag-iisip ng kung anu-ano. Pero ang totoo, ramdam ko talaga, may nagbago sa amin." Pilit kong pinigilan ang pag-alog ng boses ko. "Hindi ko lang alam kung ano bang mali ko. Sobrang hirap isipin, lalo na kapag wala kang makuhang kasagutan."
Tumingin si Coach Ricky sa akin, parang pinag-iisipan ang mga susunod niyang sasabihin. "Alam mo, minsan, Joon, hindi natin puwedeng pilitin ang tao kung ayaw nilang magsalita. Pero hindi ibig sabihin nun, wala silang dahilan. Kailangan mo ring isipin, baka may pinagdadaanan din si Jin na hindi niya kayang ibahagi."
Napalunok ako, pero sa totoo lang, gusto kong sumabog sa galit at panghihinayang. Bakit ganoon? Bakit hindi niya ako pinagkatiwalaan?
"Ang hirap, Coach," pabulong kong sabi. "Pakiramdam ko, hindi na ako importante. Parang ako na lang ang umaasa sa kung ano man ang meron kami. Sobrang sakit isipin na hindi man lang niya sinubukan na sabihin sa akin ang tunay niyang nararamdaman."
Tumango si Coach, tapos hinagod niya ang mesa niya gamit ang kamay niya, tila nag-iisip ng tamang payo.
"Joon, kung sobrang bigat na ng dala mo, bakit hindi mo siya kausapin nang direkta? Hindi lang bilang kaibigan kundi para sa sarili mo na rin. Kailangan mong ilabas 'yan. Siguro, subukan mong sabihin lahat ng gusto mong sabihin. Baka makatulong."
Pinag-isipan ko ang sinabi niya. Tama siya. Matagal na akong nagpipigil. Siguro nga, oras na para mailabas ko ang lahat.
Kinabukasan, sinikap kong hanapin si Jin matapos ang shift. Nakita ko siya sa pantry, nag-iisang nagkakape. Tahimik akong lumapit at huminga nang malalim bago nagsalita.
"Jin, kailangan kitang makausap."
Napalingon siya sa akin, at saglit na katahimikan ang sumakop sa paligid. Hindi siya nagsalita, pero tumango siya, tanda ng pagpayag na makinig. Naupo ako sa harap niya at nilabas ang lahat ng hinanakit ko.
"Jin, hindi ko alam kung ano bang nangyari sa atin," panimula ko, pilit na pinipigilan ang emosyon. "Alam kong may nagbago sa pagitan natin, at hindi ko maintindihan kung bakit."
Nakatitig lang siya sa akin, hindi nagsasalita. At sa tingin ko, parang wala siyang balak na sagutin ang tanong ko. Pero hindi ko siya tinigilan.
"Pati si Coach Ricky, napansin na ang pag-aabsent ko, ang pagkalate ko. Lahat ng ito kasi, apektado ako. At alam mo bang ikaw ang dahilan? Sobrang hirap na ng sitwasyon ko, Jin. Hindi ba puwedeng sabihin mo man lang sa akin kung bakit ka lumayo?"
Saglit siyang nagbuntong-hininga, at sa wakas, nagsalita rin siya, kahit pa hindi pa rin siya makatingin nang diretso sa akin.
"Pasensya ka na, Joon. Pero... hindi ko rin kasi alam kung paano ko ipapaliwanag." Ang boses niya, malamig at parang wala nang emosyon.
"Hindi mo alam?" Napamulat ako. "Pero ganun lang? Basta-basta ka na lang lalayo? Ganun na lang kadali sa'yo na itapon lahat ng pinagsamahan natin?"
Hindi siya sumagot. At sa puntong iyon, parang lalo lang akong sumabog. "Akala ko, kaibigan mo ako. Akala ko, nandito tayo para sa isa't isa. Bakit hindi mo man lang ako binigyan ng chance na malaman kung ano ba ang nangyayari sa'yo?"
Pinilit niyang ngumiti, pero halatang pilit iyon. "Hindi lahat ng tao kailangan mong kasama, Joon. Minsan, may mga bagay na hindi kayang ipaliwanag. Hindi naman ikaw ang problema, ako."
Natahimik ako sa sinabi niya. Masakit. Sobrang sakit.
"Ikaw? Kaya ka lumalayo dahil sa sarili mong problema?" Tanong ko, pilit na iniintindi ang bawat salita niya. "Kitang kita ng dalawang mga mata ko kung paano mo ako pilit na iniiwasan at kitang kita ng dalawang mga mata mo kung paano kita pilit na nilalapitan! Ito ba ang gusto mo? Ang mag mukha tayong gago sa mata ng isa't isa?" Tanong ko.
"Joon... gusto kong sabihin sa'yo, pero hindi ko kayang ipaunawa sa'yo ang mga bagay na ako mismo ay hindi maintindihan." May luha sa gilid ng mata niya, pero pilit niyang itinatago.
Napailing ako, ramdam ang panghihinayang. "Akala ko, sa dami ng pinagdaanan natin, tayo ang magkakaintindihan. Bakit mo kailangang gawin 'to?"
At sa puntong iyon, hindi ko na natiis. Tumayo ako at iniwan siyang nakaupo, walang masabi. Lumabas ako ng pantry, dala ang bigat ng lahat ng hindi niya sinabi.
Sa mga sumunod na araw, hindi ko na siya pinilit na kausapin. Hindi ko na rin siya kinausap kahit sa trabaho. Gusto kong isipin na kaya kong magpatuloy nang wala siya, pero araw-araw, ramdam ko ang kirot sa dibdib ko. Parang ang hirap magpatuloy kapag hindi mo alam kung bakit ka kailangang iwan.
Pero kahit masakit, unti-unti, natutunan ko ring bumangon. Natutunan kong bumalik sa dating ako, kahit may kulang. Naisip ko, hindi ko naman kailangan ng kasagutan para makapagpatuloy. Baka nga, ang mga tanong na hindi nasasagot ang magtuturo sa akin ng lakas para magpatuloy nang mag-isa.
Ngayon, kahit nakikita ko pa rin siya minsan, pilit kong tinatanggap na hindi lahat ng tao ay mananatili sa buhay natin. Minsan, may mga darating na magpapasaya, magpaparamdam sa'yo ng halaga at magdadala ng bagong kulay sa mga araw mo-pero hindi ibig sabihin na mananatili sila. Parang mga dumaraang ulap lang, nag-iiwan ng anino at pag-asa pero tuluyan ding nawawala kapag tinamaan na ng hangin.
Araw-araw, pilit kong sinasanay ang sarili ko na muling tumayo mag-isa, bumangon nang walang aasahan, at magpatuloy kahit may lamat na sa puso ko. Mahirap, pero natutunan kong minsan, kailangan mong buo ang sarili mo para sa susunod na may dumating, hindi ka na muling mababasag.
Ang alaala ni Jin? Isang bahagi lang ng nakaraan na gusto ko ring pasalamatan kahit hindi naging madali ang naging wakas. Dahil sa kanya, natutunan ko kung gaano kahalaga ang magkaroon ng isang taong maaasahan-at kung gaano rin kahalaga ang pagiging buo sa sarili kahit wala nang umaalalay.
Dahil sa kabila ng lahat, sa bawat sakit at lungkot, mas pinipili kong magpatuloy.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top