NINETEEN

Nasa The Bloomery kami isang Sabado ng hapon, tamag unwind at chill lang. Mukhang ayaw niya munang mag-stay doon sa unit niya kaya dito siya nagyaya. Okay lang naman sa akin dahil naging favorite ko na itong lugar na ito. Bukod sa maganda kasi ang paligid, mayroon siyang homey feel para sa akin.

Nag-uusap lang kami ng kung ano-anong mga pangyayari nitong mga nakaraang araw, nang biglang hinawakan niya ang kamay ko, at tumingin siya sa malayo. "Love, hindi ka ba napapagod sa akin?"

"Ha?" Napatingin ako sa kanya.

Medyo kinabahan ako sa tanong na iyon. Kasi kadalasan, ganoon ang tanong ng mga gusto nang makipag-hiwalay. "Teka, paanong napapagod? Hindi ko naiintindihan."

Hindi siya tumingin sa akin pero hindi niya binibitawan ang kamay ko. "Last week, we're supposed to see each other, but I had emergency meeting with the city health administrators regarding this arising health issue. May three cases na sa Manila so we have to be strict with our borders now."

Tumango ako. "'Yong nabanggit mo nga sa akin last time."

"Sabi ko pa naman noon, I'll see to it that we see each other every week," malungkot na sabi niya.

"Handa naman na 'ko sa mga ganyan," seryosong sabi ko naman.

Noon lang siya tumingin siya sa akin. "What do you mean?"

"Na mangyayari talaga 'yong may maca-cancel tayong mga lakad, mga plano na 'di matutuloy, gano'n. Hindi 'yan ang magpapa-suko sa 'kin." Ngumiti ako. "Hindi ko nga naiisip na napapagod ako."

"But admit it, there are times you're disappointed in me." Tiningnan niya ako ng diretso sa mga mata.

Hindi ako nakasagot agad. Pakiramdam ko kasi, ang paraan ng pagkakatingin niya sa akin, nagre-require ng totoong sagot.

Huminga muna ako. "Hindi naman disappointed. 'Yon lang, excited kasi ako lagi na makita ka, eh. Tapos 'di pala matutuloy. Siyempre nando'n 'yong panghihinayang, medyo bumabagsak 'yong energy, gano'n lang."

Hindi siya sumagot kaya itinuloy ko lang ang pagsasalita, "Pero kapag naiisip ko ang kahalagahan ng reason na kung bakit 'di tayo puwedeng magkita, okay na 'ko ulit. Kasi bumabalik lang ako lagi do'n sa simula. 'Di ba, nangako ako sa 'yo no'ng una pa lang, na uunawain kita saka tutulungan kita sa mga ginagawa mo? Dito ko pa nga sinabi 'yon, sa lugar na 'to. Natatandaan mo?"

Napangiti din siya sa wakas. "I can't believe how mature you already are."

"Hindi ko alam kung maturity ba 'to, basta ang alam ko lang, mahal kita, eh." Ako na ang humawak sa kamay niya at marahang pinisil iyon. "Ikaw, ang dami mo na ngang inaasikaso sa San Nicolas, tapos inaalala mo pa 'yong sa 'tin kahit wala namang dapat alalahanin."

"Because I have never been so insecure in my entire life. Ngayon lang." Muling naging seryoso ang mukha niya. "I'm afraid that if I disappoint you many times, you'll soon grow tired of me, and leave me."

Nakita ko ang takot sa mukha niya. Legit. First time kong nakita sa kanya ang ganitong reaction. Ang kilala ko kasing Evan, confident, assertive, and always sure of himself.

Sa sobrang paghanga at taas ng tingin ko sa kanya, nakalimutan ko na yatang tao lang din naman siya. May insecurities, fears, at imperfections.

"Leave agad? Ano 'to, group chat na puwedeng basta-basta mag-left the group? Hindi gano'n," biro ko.

Nakita kong napangiti siya ng slight. "Wala akong dahilan para iwanan ka. Kung dumating man 'yong panahon na mapagod, eh 'di magpahinga, tapos mamahalin kita ulit."

Napa-iling ako. "Mali. Mamahalin pa rin kita. Hindi pala "ulit". Kasi hindi naman mawawala, tuloy-tuloy lang. Mapagod man at magpahinga, mahal pa rin kita. Kaya sana 'wag mo na idagdag 'tong relationship natin sa mga inaalala mo."

Mas lumawak na ang ngiti niya ngayon at parang hinaplos naman ang puso ko. "Maraming salamat, love." Humigpit ang pagkakahawak niya sa kamay ko.

"'Yan, ganyan, kapit lang!" masayang sabi ko.

He gently kissed the back of my hand. "I will. I won't let go of you."

***

Pero pagkatapos ng pagkikita naming iyon ay hindi na kami nagkita ulit ni Evan.

Dumating ang Enhanced Community Quarantine, at tumigil ang mundo. Na-kansela ang mga trabaho maliban sa essential services tulad ng ospital, groceries at drugstores. Hinto rin muna ang live shows sa network kung saan kami nagpe-perform. Kahit ang show namin abroad sa katapusan ng buwan ay hindi na rin matutuloy.

Binalot ng takot ang mga tao dahil sa isang sakit na walang lunas at nakamamatay. Ang COVID-19. Bawal muna maging clingy dahil kailangang panatilihin ang distansya ng mga tao sa bawat isa para maiwasan ang pagkalat ng virus.

Hanggang sa naging limitado na rin ang paglabas ng bahay. May schedule na, at isang tao na lang sa bawat unit ang puwedeng lumabas. Sa aming dalawa ni Lyre, ako ang naging alay- alay as in tiga-punta sa grocery, tiga-withdraw sa ATM, tiga-takbo sa palengke. Mas marunong raw kasi akong mamili, pumili ng karne kung alin ang sariwa sa hindi, kung aling prutas ang hinog, kung anong isda ang hindi bilasa.

Hindi rin naman ako makauwi sa amin sa San Pascual dahil naka-lockdown ang buong Maynila. Walang mga public transpo na maaaring lumabas-pasok ng siyudad. So, stuck-up talaga ako dito. Halos araw-araw tuloy kami nagku-kumustahan ng parents ko at mga kapatid ko sa ibang lugar.

Noong first week parang kaya pa naman kasi ang dami naming nagawa ni Lyre sa bahay. Nakuskos namin ang tiles ng CR at ang toilet bowl na mula yata noong tinirhan namin ang unit ay hindi namin nagawa. Ganoon din ang mga tiles ng lababo. Nakapag-defrost at linis ng ref at microwave na amoy ulam na. Nalinis din ang buong kusina, at pati closet namin ay na-raid namin para sa mga damit na hindi na nagagamit o hindi na kasya. Binalak namin ni Lyre na mag-garage sale matapos ang quarantine na ito.

Pero sa second week, malalang boredom na ang nangyayari sa amin. May mga araw na sumasakit na ang likod ko kahihiga, at ang mata, kase-cellphone. Ang ending, sa dami ng Tiktok videos na nakikita ko sa FB wall ko, napa-install na rin ako para may paglibangan kami ni Lyre kahit paano, at makapag-sayaw pa rin kahit nasa bahay lang. Baka kalawangin na kami, eh.

Habang hindi ko na malaman kung anong gagawin para lang malibang sa araw-araw, si Evan naman, hindi na magkandaugaga sa dami ng ginagawa para sa San Nicolas.

Sa panahon kasing ito ay naka-atang sa balikat ng mga Mayors kung paano nila tutulungan ang mga nasasakupan nila, lalo at maraming nawalan ng hanapbuhay sa pansamantalang pagsasara ng mga establishments at businesses. Ang dami ring bagong rules at protocol na kailangang i-implement para sa kaligtasan ng lahat. Lahat ng Mayors, kahit ang mga madalas ibinabalita sa TV or social media ay aminadong hirap at pressured sa sitwasyon ngayon. May mga panahon na sa PM na lang talaga kami nag-uusap ni Evan at hindi na nakakapag-VC.

Ang dalawang linggong quarantine ay in-extend ng dalawang linggo pa. In-annouce iyon ng pangulo bago matapos ang period. Birthday na ni Evan sa April 1. Kawawa naman, paniguradong hindi na makakapag-celebrate iyon sa dami ng ginagawa.

Naisip kong maghanda ng konti. Isinabay ko sa pag-go-grocery ko ang spaghetti pack, ingredients ng lumpiang shanghai at nag-fried chicken na lang din ako.

Wala na akong mabilhan ng cake kaya bumili na lang ako ng isang pack ng  mamon. Seryoso! Wala na ring mabiling birthday candle kaya laban na sa kandilang pang-brownout. As in pinutol ko na lang ang mga kandila into half para hindi masyadong mahaba kapag itinulos na doon sa pinagtabi-tabing mamon. Nakakatawa, pero for sure magu-good vibes si Evan nito.

Nag-decorate din ako sa unit ni Evan, tamang gayak lang na makikita niya kapag nag-video call kami. Niyaya ko na rin si Lyre para kami ng dalawa ang mag-celebrate para kay Evan.

Tinawagan ko si Evan eksaktong alas-dose ng madaling-araw ng April 1. Dahil sira na rin ang sleeping cycle naming dalawa ni Lyre sa madalas na pagpupuyat para sa panonood ng mga k-drama, balewala na sa amin na mag-stay na gising hanggang 12:00 midnight. Madalas nga, alas-tres ng madaling-araw na kami natutulog.

Medyo matagal bago niya sinagot 'yung tawag ko.

"Happy Birthday, love!" masayang pagbati ko the moment na nakita ko ang mukha niya sa screen.

Napangiti siya at nakita kong nag-enlighten ang mukha niya. Pumayat si Evan, medyo malalim na rin ang mga mata at may konting stubbles ng bigote at balbas. Guwapo pa rin, pero alam kong pagod na at kulang sa pahinga. Naawa tuloy ako sa kanya. Parang gusto ko siyang yakapin ng mga oras na iyon. Damn, distance.

Nakita ko may mga tao pa sa likod niya. Mukhang nasa munisipyo pa sila.

"S-sorry, busy pa yata kayo," alanganing sabi ko." Mabilis lang 'to, love. Tumawag lang talaga 'ko para batiin ka."

"No need to hurry love, it's okay," malambing na sabi niya.

Ipinakita ko sa kanya ang cut-out ng mga letters na idinikit ko banda sa ibaba ng mga pictures na may fairy lights, iyong dati kong ginawa na hindi niya na pinatanggal. "Happy Birthday Evan" ang mga letters na iyon.

"Nandito kami sa unit mo. Nandito rin si Lyre." Naglakad ako papunta sa dining table para ipakita naman ang konting inihanda namin. "Kami na ang magse-celebrate para sa 'yo, ha."

Natawa siya.

"Happy Birthday, Mayor!" pagbati ni Lyre nang itapat ko sa kanya ang screen.

"Salamat, Lyre," narinig kong sabi niya. "Thank you for being with Ellie."

"Wala 'yon," sagot lang ni Lyre. Sumenyas siya na itutok ko na ulit ang cam sa mukha ko, na sinunod ko naman.

Noong kami na ulit ni Evan ang magka-usap at nasa screen, nagsalita siya. "Thank you love, I'm sorry, I can't be there."

"Okay lang 'yun. Pinapanood ko 'yong live mo araw-araw, ang dami-dami niyong ginagawa," nag-aalalang sabi ko. "Sana nakakapagpahinga ka pa ng sapat, love."

"Well, I admit, most of the time, hindi." Bahagya siyang natawa. "Pero matatapos din 'to. Just always pray for me not to be sick so as not to infect other people and affect my job."

"Oo naman," mabilis kong sagot. "Dahil diyan mag-wish ka na."

Tinulungan ako ni Lyre. Hinawakan niya ang cellphone ko para mahawakan ko naman ang mga mamon na inihilera ko sa isang tray. Chocolate flavor lahat. Nakita kong natawa si Evan.

"Sorry, love, wala na 'kong mabiling cake at kandila, kaya ito na lang muna. 'Wag nang choosy," natatawa kong paliwanag. "Wish na."

"I just wish for this pandemic to end," nakangiting sagot niya. "But how do I blow the candles?"

"Ako na iihip. Pero diyan sa end mo mag-act ka na parang umiihip din. Sabay tayo," paliwanag ko.

Natawa siya.

Natatawa din ako. "Alam ko, cringey. Pero sige na. Masaya naman 'to, eh."

"Okay, okay." Natatawa pa rin siya. Bumilang siya ng "one, two, three."

"Happy Birthday!" Pagbati ko ulit sa kanya matapos kong ihipan ang mga kandila.

Nagpalit kami ni Lyre ng hawak. Kinuha niya ang hawak kong tray at ibinalik naman niya sa akin ang phone ko. Lumipat ako ng puwesto, sa sala, medyo nahihiya din kasi ako na naririnig ni Lyre ang mga pinag-uusapan namin.

"Thank you so much. I swear I'll make it up to you when all of this is over. I'll take you on vacation, anything you want," pangako niya.

"'Wag mo munang pag-iisipin 'yang mga 'yan. Okay lang ako," sabi ko naman sa kanya. "Ang goal natin sa ngayon, eh, makaligtas tayo dito, na hindi tayo tamaan ng sakit. Tayo saka lahat ng mahal natin sa buhay."

Nakita kong napangiti siya sa sinabi ko. "Ang galing mo nga kasi wala pang infected diyan sa inyo."

"But we have twenty-nine PUIs as of today. I hope their test results will all turn out to be negative," nag-aalalang sabi niya.

"Ipagdadasal natin 'yan. Saka kaya mo 'yan. Kaya niyo 'yan. Malalagpasan nating lahat 'to." Mas kailangan talaga ngayong panahong ito na maging encouraging sa kapwa.

"Oo naman. Sabi mo nga, "laban lang"." Ngumiti siya.

"Wala akong magawa ngayon para tulungan ka sa dami ng ginagawa mo. Pero, basta, nandito lang naman ako. Alam mo naman 'yon." Ngumiti ako.

Umiling siya. "You do a lot for me just by being there. You keep me sane in these trying times. You are my sanctuary, Ellie. My peace of mind."

Muntik na akong maluha sa mga linyang iyon. Pakiramdam ko ng mga oras na iyon, ako ang pinakamahalagang tao sa buhay ni Evan.

***

Naging matunog ang pangalan ni Evan ng mga sumunod na linggo. Nagsimula kasing dumami ang mga nagshe-share ng mga Faceboook live updates niya ng bigayan ng ayuda, with the caption "Sana all". Pang-malakasan kasi ang bigayan sa bayan ng San Nicolas.

Hindi lang kilo-kilo kundi kaban-kaban ang bigayan ng bigas sa kanila. Saka, hindi mga canned goods kundi mga produkto ng mga magsasaka at poultry owners ng bayan tulad ng mga prutas, gulay, at pork and chicken meat.

Nai-inspire ako sa mga ginagawa niya, sa totoo lang. Gusto ko ring tumulong sa maliit na paraan na kaya ko, ang problema, wala rin naman akong sapat na pera. Mula kasi noong nag-ECQ, wala na rin akong kinikita, kami ni Lyre, dahil wala na kaming mga show.

Sa part-time job ko, tuloy pa rin naman ang suweldo kahit hindi kami nag-ooperate, pero hindi ko alam kung hanggang kailan iyon. Saka naaawa rin naman ako kay Ms. Nicole na pinapasahod pa rin niya kami, eh, wala rin siyang income dahil sarado ang pole dance studio.

Naisip ko tuloy ang mga kasama ko saka mga katulad kong mananayaw, at iba pang mga tao sa industry na ginagalawan namin. Gaya ng mga production staff, theater crew, lights and sound technicians, at iba pang mga hanapbuhay na katulad ng sa amin, na kapag walang show, walang kita.

Isang araw ay may naisip ako.

"Lyre, ngayon na natin ibenta online 'yong mga balak nating i-garage sale after ng pandemic."

Huminto siya sa pagbabasa ng libro at lumingon sa akin, nagtatanong ang mga mata.

Umupo ako sa tabi niya. "Mag-fundraising tayo."

Ipinaliwanag ko sa kanya ang binabalak ko na ibenta ang mga pre-loved items namin online.

"Naisip ko kasi na ang performing arts industry ang pinakahuling makakabalik sa circulation after ng pandemic na 'to. Masakit mang pakinggan, pero hindi naman kasi tayo "essential". Pero madalas ay nao-overlook din naman ang mga katulad natin sa bigayan ng mga ayuda," paliwanag ko pa. "Kaya, bukod sa matutulungan natin siyempre ang sarili natin, makakatulong din tayo sa iba 'pag nag-raise tayo ng funds. Palagay mo?"

Ngumiti si Lyre. "Pang-first lady na talaga 'yang mindset mo, El's. Bagay nga talaga kayo niyang jowa mo."

Natawa tuloy ako.

"Okay, g ako diyan."

Nagsimula kami ni Lyre na kuhaan ng picture ang mga pre-loved items na balak namin ibenta. Mga sapatos, bag, damit, at iba pang bagay na maaari pang magamit ng iba na naka-stock lang sa unit namin.

Nag-set up ng social media accounts, posting, selling, sinabi rin namin kung ano ang primary reason kung bakit naman ginagawa iyon.

Namalayan na lang namin na naubos na lahat ng items na ibinebenta namin.

"Ellie, tatanggap ba tayo ng donation na as in pera? May mga nagpi-PM kasi sa page na kung sold-out na daw tayo, magbibigay na lang daw sila para makadagdag sa pondo natin." Hawak ni Lyre ang cellphone at may kung anong binabasa doon. Mga messages siguro.

"Eh, sige. Mas okay nga 'yon para makatulong sa mas marami." Naglilinis ako ng glass door na papunta sa terrace namin.

Sa mga lumipas na araw ay may ilan pang nagbigay sa amin ni Lyre ng monetary donations. Hindi sa pagyayabang, naaalala kasi ng ibang mga tao na nag-viral ako noon dahil sa pagtulong kay Tatay Berting. Sa totoo lang ay hindi ko iyon binabanggit dahil ayokong mapag-isipan na ginagamit ko ang nangyaring iyon para sa fundraising namin ni Lyre.

Pero malaking tulong din iyon para magtiwala sa amin ang mga tao.

Nakalikom kami ng higit Seventy Thousand Pesos.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top