FOUR
Wala pang 6:00 A.M. ay nag-aabang na kami ng masasakyang jeep papunta sa terminal sa San Nicolas. Mula naman doon ay magji-jeep ulit kami papunta sa jump-off ng Biglasan Beach, at sa jump-off ay sasakay naman ng tricycle papunta sa beach mismo.
Dahil overnight kami doon, mas marami kaming dala ngayon kumpara kahapon. Ito ang medyo hassle kapag commute lang kasi effort talaga sa pag-bitbit ng mga gamit. Dahil mag-iihaw kami mamayang gabi, may dala pa kaming cooler na may yelo para hindi mabulok 'yong pang-barbeque namin. Tapos, may dala pang tent para hindi na magre-renta doon sa Biglasan. At least, entrance fee na lang ang babayaran.
"Ilang oras ba ang biyahe natin?" tanong ni Luna. "Lahat-lahat, mula dito hanggang do'n sa beach."
"Mga apat na oras din 'yon," sagot ko. "Papunta pa lang ng terminal ng San Nicolas higit isang oras na 'yon, eh."
"'Yan, may jeep." Natanaw ni Patti ang parating na jeepney. "San Nicolas Bayan. 'Yan ba sasakyan?"
"'Yan nga, tara na." Pinara ko ang jeep na iyon.
"'Bigat, 'takte," reklamo ni Luna sa dala niyang tent habang sumasampa ng jeep kaya tinulungan ko siya.
"Bakla, ke'lan ka ba bibili ng wheels?" tanong ni Patti sa akin.
"Maaga pa, eh. Sarado pa bilihan. Mamaya siguro," biro ko.
"Bakla ka." Natawa si Patti. "Akala ko ba kailangan mo?"
"Uhmm...oo." Tumango ako. "Eh kaso, hindi pa ako nakakabawi sa pagpapagawa no'ng bahay."
"'Kala ko ba hati-hati kayo do'ng magkakapatid?" si Luna.
"Oo, pero medyo 'di equal sharing 'yon, eh." Napangiti na lang ako nang alanganin.
"Mas malaki 'yong nilabas mo?" tanong ni Patti.
"Uhmm...parang gano'n na nga," nahihiyang pag-amin ko. "Pero keri lang naman. Siyempre parehas nang may pamilya si Ate at Kuya, hindi ko na ine-expect na priority pa nila 'yong pagpapa-gawa ng bahay."
"Ako lang talaga nag-push, alam niyo naman, pangarap ko na 'yon dati pa na guminhawa naman 'yong galawan nila Nanay. 'Kita niyo naman, ang liit no'ng bahay dati no'ng pumunta kayo no'ng fiesta do'n. Saka isa pa, may binabalak ako sa birthday ko. Ang tagal ko nang gustong gawin nito, eh," kuwento ko pa.
"Ano naman 'yon?" tanong naman ni Luna.
"Tutal naman, graduate na tayo sa mga pang-malakasang inuman, eh ayoko na mag-inom sa birthday ko." Napapangiti ako habang nai-imagine kung ano-ano iyong mga gagawin ko. "Gusto ko may magawang makabuluhan sa buhay ko, kahit taon-taon man lang. Magbigay ng grocery packs o food sa mga homeless, 'yong mga gano'ng bagay ba. Mag-clean up drive sa mga beaches, mag-tree-planting, mag-feed ng maraming stray cats. Basta 'yong may mai-aambag akong konti sa lipunan, ganern."
Hinawakan ako sa noo ni Luna sabay nag-sign-of-the-cross. "Santa Jea Belliefrance Buendia, bukod kang pinagpala sa babaeng lahat..."
Dinugtungan ni Patti, "Napupuspos ang iyong puso ng busilak na kadakilaan..."
Napatawa tuloy ako nang malakas. "Mga sira-ulo kayo. Bakit, ang weird ba?"
"Hindi naman. Karakter mo naman na talaga 'yan, eh," sagot ni Luna. "Ba't nga pala 'di ka nag-Social Work no'ng college tayo?"
"May licensure exam pa 'yon, eh." Umiling ako. "Alam niyo naman, mali man 'to, pero nag-aral lang talaga 'ko para maka-graduate. Para lang masabi na may diploma 'ko, may degree. Pero ang gusto ko lang talaga gawin sa buhay ko, sumayaw. 'Yon lang."
"Dapat nag-performing arts ka, baks," si Patti.
"Sa mga mamahaling school lang yata may gano'n, eh," sagot ko naman. "Mga pang-iskolar ng lungsod lang 'yong kaya natin."
Noong una, ayaw talaga ng mga magulang ko na sa Maynila pa ako mag-aral. Nalalayuan sila, saka baka hindi raw kayanin. Isa pa, may City College naman kasi sa karatig-bayan namin.
Pero sabi ko, ilalaban ko na. Kahit mag-working student ako, basta sa Manila ako makapag-aral at makapag-tapos. Sabi ko sa kanila, mas maraming opportunities sa akin kung doon ako mag-aaral.
Pero ang hindi ko inamin ay pagsayaw talaga ang pinaka-dahilan ko. Gusto ko kasi talagang maging member, noon pa, ng Supreme All Stars o SAS. Malayo kasi kung sa probinsya pa ako manggagaling para mag-audition at mag-attend ng mga training nila, na ang dance school ay naka-base rin sa Manila.
Bandang huli, nakumbinsi ko rin ang mga magulang ko at mga kapatid ko. Tinulungan ako ng Kuya ko sa mga finances tulad ng pang-baon araw-araw at renta sa dorm. Suwerte, wala akong tuition fee dahil state university ang napasukan ko. Kung may mga binabayaran man, minimal lang.
Noong nag-second year college ako, nakapasa akong member ng university dance troupe. May pa-allowance, di ganoon kalaki pero malaking tulong. That same year, nag-audition ako sa SAS, pinag-attend ako ng mga training at dance workshop, pero hindi ako nakapasa sa audition as official member.
Hindi naman ako pinanghinaan ng loob noon. Sabi ko susubok ako ulit balang-araw. Baka kulang pa ang kaalaman ko, baka hindi pa ako magaling. Laking pasalamat ko sa university dance troupe kasi lalo pa akong nahasa sa pagsasayaw. Nag-audition ulit ako sa SAS noong 4th year college ako, at iyon, ilang buwan bago ako naka-graduate ng college, natanggap ako.
Ten years old pa lang ako, sumasayaw na ako. Lahat na yata ng mga dance contest sa mga fiestahan sa amin at sa mga karatig-bayan namin, nasalihan ko na. Ilang dance group na ang naging member ako pero karamihan, nabuwag din katagalan. Minsan olats, lugi pa sa props at costume, pero iba ang saya kapag nag-champion, kahit hindi kalakihan ang pa-premyo.
Sa haba ng throwback ko sa isip ko tungkol sa aking buhay-mananayaw, buti napansin ko na malapit na pala kami sa terminal ng San Nicolas.
"'Lu, malapit na tayo," sabi ko kay Luna. Gisingin mo na 'yan si Patti."
***
"Guys, puwede ba bumawas sa tasty na baon natin?" tanong ko kina Patti at Luna habang hinihintay naming mapuno ang jeep na sinasakyan namin papuntang Biglasan. "Nagugutom na kasi 'ko."
"Pang-malakasan talaga bituka nito. Fried rice na nga 'yong inalmusal natin." Napa-iling pa si Luna. "Nandiyan sa eco bag ni Patti 'yong tinapay, eh."
"Sa'n mo ba nilalagay 'yong mga nilalafang mo, baks?" Iniabot ni Patti sa 'kin 'yong isang balot na loaf bread, at isang Tupperware na mga pritong itlog ang laman. "'Yan, palamanan mo na rin."
"Salamat!" Ipinalaman ko nga ang isang pritong itlog sa dalawang takob na tinapay.
"Nakaka-imbey ka ng very slight, baks." Ngumuso si Patti. "Ako nga, karampot na nilalafang pero hindi ako numinipis."
"Hindi ka naman mataba, ah," sabi ko sa pagitan ng pag-nguya. "Gusto ko nga 'yong ganyang katawan, eh, voluptuous."
Habang nagpupuno ng pasahero ang jeep ay hindi ko maiwasang hindi mapasulyap sa munisipyo na matatanaw lang mula dito sa terminal. Nagfa-flashback tuloy sa isip ko kung paano kami nagkita ni Mayor Montealegre doon kahapon. Noong alalayan niya akong makatayo. At ang paghawak ko sa kamay niya, it's the best feeling. Warm. Gentle. Parang ang sarap hawakan ng kamay na iyon forever.
Nasaan kaya siya ngayon? Noong nagkita kami dito kahapon, maaga pa iyon pero nasa munisipyo na siya. Kapag nagkita kaya kami ulit, maaalala niya pa kaya ako? Kung mag-comment kaya ako kapag nag-e-FB Live siya, mapapansin niya kaya ako?
Ayoko namang paniwalaan itong sinasabi nina Luna na bet niya ako. Malabo. Imposible. Assumera lang talaga siguro itong mga kaibigan ko. Ako nga hindi ko maramdaman iyon, eh. Sadyang mabait lang talaga siya, at hindi lang siya sa akin ganoon kundi sa lahat ng taong nasasakupan niya.
"Bakla, tulaley ka na diyan." Siniko ako ni Patti. "May tinapay ka pa sa pisngi, o."
"Ay." Nakapa ko ang kanang pisngi ko, may butil nga ng loaf bread. "Oo nga."
"Sino tinatanaw mo diyan, si Mayor?" pang-aasar niya.
"Hoy, ang ingay mo!" nabigla kong saway sa kanya. Kasi naman, noong pagka-banggit niya ng "Mayor", may ilang pasahero na napalingon sa amin.
"Okay lang po 'yan, Ate. Magandang lalaki po talaga ang Mayor namin."
Nagulat ako nang magsalita ang isang dalagita na nakaupo sa tapat namin. Siguro high school student iyon at papasok na sa school kasi naka-uniform siya ng white blouse at paldang checkered na green and white.
Hindi ako naka-react agad kasi medyo nabigla ako kay bagets na biglang umentra sa usapan namin. Alanganing napa-ngiti ako.
"Oo nga, eh. Nakita nga namin siya kahapon," nasabi ko na lang.
"Sana nakipag-selfie po kayo. Pagbibigyan po kayo no'n." Nakisali na rin sa usapan ang katabi niya na naka-suot ng kaparehas na uniform. Magkaklase pa yata ang mga ito. "Mabait po 'yon, eh."
"'Yon nga eh, nawala sa isip ko," nakangiting sabi ko na lang. Naisipan kong alukin sila ng tinapay na nakapatong sa kandungan ko, "May baon na ba kayo? Gusto niyo?"
"Hindi na po, Ate, thank you na lang po. May libre din po sa school namin na sandwich at juice, eh," sabi noong isang teenager na naunang nagsalita kanina.
"Talaga? Araw-araw 'yon?" nagtanong na rin si Luna.
"Opo. Pero iba-iba. Minsan po sopas naman, lugaw, sinangang na may ulam po," sagot naman noong pangalawang estudyante.
"Bakit? Ano 'yon, parang feeding program?" si Patti.
"'Di naman po. Si Mayor po nagpasimula no'n, eh. Para daw po walang batang pumapasok na 'di nag-aalmusal.
"Sa school niyo lang 'yon o sa lahat ng school dito?" Si Luna ang nagtanong.
"Sa lahat po ng public school."
"Nice," reaksiyon ko naman. Totoo sa loob ko iyon. "Hindi lang pala pogi, mabait pa 'yong Mayor niyo."
"Ate, may ibibigay po ako sa inyo." May tinanggal sa kanyang suot na ID iyong estudyante na naunang kumausap sa amin, tapos iniabot niya sa akin.
Kinuha ko naman. Picture pala ni Mayor Montealegre. Half-body lang ang kita sa pic, mukhang speaking engagement iyon kasi nahagip pa sa picture ang podium at microphone. Pero hindi siya naka-aktong nagsasalita kundi nakangiti lang. Katulad ng pagkakangiti niya sa akin kahapon nang una kaming nagkita.
Ang guwapo niya talaga.
Pinaka-pamatay niya ang ngiti niya kasi hindi lang labi, pati mata ay sumasabay. Ramdam ang sincerity. Tumatagos sa puso. Ibang klase.
"Hala. Sa 'yo 'to, eh. Bakit mo ibinibigay sa akin?" tanong ko.
"Para hindi niyo na po tanawin si Mayor sa munisipyo. Diyan niyo na lang po siya tignan," sagot niya na ikinagulat ko na naman. "Ako po nag-picture niyan no'ng pumunta po siya sa school namin, tapos pina-print ko po saka pina-laminate. Sa 'yo na lang po. saka 'di ba, sabi mo, nakalimutan mong magpa-selfie kay Mayor?"
"Sigurado ka?" alanganing tanong ko. Baka naman mapahiya itong dalagita kung hindi ko tanggapin.
Tumango siya, "Opo. Kunin niyo na po. 'Tago niyo po 'yan, ah."
Napangiti ako. "Sige. Thank you!"
***
"Nandito na po tayo, Ma'am."
Halos sabay-sabay kaming sumilip sa labas mula sa sinasakyan naming tricycle nang magsalita ang driver.
This is it, Biglasan Beach!
Bumaba na kami ng tricycle dala ang mga gamit namin. Tinulungan kami ni Kuya na ibaba ang iba naming gamit na nasa bubong. Kinuha ko ang eco bag na pinaglalagyan ng ihawan kaso na-disaster kasi sumabit pala ang isang part ng ihawan sa sako ng bigas na nasa bubong din ng tricycle.
"Ay, baka matapon ko po 'yong bigas niyo!" Abot-abot ang paghingi ko ng pasensiya. "Sorry. Sorry po."
"Walang problema 'yan, Ma'am. Ako na po magtatanggal para 'di po lumaki ang butas ng sako." Ngumiti ang tricycle driver.
"Sige po. Pasensiya na po," sabi ko.
Maya-maya lang ay iniabot na sa akin ni Kuya ang eco bag. "Salamat po."
Tinignan ko ulit ang sako, may kaunting butas. Siguro kung pinagpilitan kong kunin ang sumabit na ihawan, malamang napunit ko ang sako.
"Sigurado po ba kayo na 'di na 'yan matatapon?" nag-aalalang tanong ko, "Sayang naman kung mababawasan pa."
"Oo nga, eh. Bigay pa naman ni Mayor 'to," sagot ni Kuya. "Pero okay na 'yan Ma'am, maliit lang naman 'yong butas."
Mayor na naman?
Sabagay, nandito nga pala ako sa bayan niya.
"Binigay niya lahat 'yang isang kaban?" tanong ni Luna."Libre po? Walang bayad?"
Tumango si kuyang driver. "Oo Ma'am. Quarterly po ang bigayan sa amin niyan mga tricycle driver saka padyak."
"Wow," manghang sabi ni Luna sabay tingin sa akin nang makahulugan.
Deadma na lang muna sa panunukso nito ni Luna. Nagbayad ako ng pamasahe namin. "'Wag niyo na po suklian."
"'Uy, salamat po." Masaya ang boses ni kuya. "Ingat kayo Ma'am."
"Ingat din. 'Yung bigas niyo po," paalala ko pa bago siya umalis.
"Ang ganda dito, baks! I-feel mo 'yong sand, ang pino!" Kinikilig pa si Patti.
Yumuko si Luna para dumakot ng buhangin. "Parang pulboron mga 'tol!"
Ang ganda nga naman talaga ng Biglasan Beach. Bata pa kasi ako noong huli akong nagpunta dito, kaya feeling ko first time ko rin. Tama, pino ang buhangin, pero hindi white. Yellowish. Para nga talagang pulboron. May mga coconut trees sa shore kaya kahit paano, may shade sa init ng panahon. Ang dagat, turquoise blue at ang linaw ng tubig!
Huminga ako ng malalim at pinuno ang baga ko ng hanging-dagat. This is life!
"Tara, set-up na tayo guys. Para maka-chill-chill na tayo." Niyaya ko na sila.
Nagsimula kaming mag-set-up ng tent namin, tapos nagligpit at nag-ayos ng mga gamit. Mananghalian na rin pala kaya inilabas ko na ang mga baon naming kanin, adobong manok at steamed pork siomai. Kami rin ang nag-prepare at nagluto ng mga ito kanina habang nasa bahay.
Naglabas naman ng tatlong paper plate si Luna. "Ano, kamay-kamay na ba?"
"Aba, tara." Kinuha ko ang isang paper plate mula sa kanya.
"O, tubig mga baks." Umupo si Patti sa tabi ko.
"Lamon time!" si Luna.
Nagsimula kaming kumain.
"'Uy, ang sarap ng adobo. Gan'to 'yong bet kong adobo, eh. Madaming bawang tapos halos mantika na lang 'yong sabaw. The best ka talaga, Pat," papuri ko.
"Ang sarap nga din nitong siomai, o," sabi naman ni Luna. Si Patti rin ang nagtimpla no'n, kami lang ang nagbalot ni Luna.
"Sige lang, kain lang mga slapsoils," biro ni Patti.
"Hayop ka talaga." Natawa kami parehas ni Luna.
"Pe'nge pang kanin," hirit ko.
"'Tang inang bituka talaga nito." Iniabot sa akin ni Patti ang lagayan ng kanin. "'Yan, ubusin mo na, nakakahiya naman sa 'yo, eh."
"Daming sinasabi. Mabilaukan ka sana." Kinuha ko ang lagayan at nagsandok.
Napuno ng kuwentuhan at tawanan naming tatlo ang pananghaliang iyon.
Pagkatapos kumain at magligpit ay natulog muna kaming tatlo sa loob ng tent. Medyo nakakapagod din ang mahabang biyahe. Kaso, nang maalimpungatan ako, wala na akong katabi sa kaliwa ko, samantalang ang pagkakatanda ko, napagitnaan ako nina Luna at Patti sa pagtulog.
Nang bumaling naman ako sa kanan ko, laking gulat ko nang may katabi akong lalaki! Ang malala, naka-siksik pa ako sa bandang kili-kili niya, na in fairness eh ang bango ha, amoy bagong-ligo. Pero sino ito?
Nagpanggap muna akong tulog bago ako pumalag. Maputing lalaki itong katabi ko. Walang damit pang-itaas. Pero mukhang maganda ang katawan. Firm ang tiyan. Parang may abs pa nga. Hindi ko lang masyadong makita.
Pinakiramdaman ko ang paligid ko. Nandito pa rin ako sa tent. Nasaan kaya sina Luna at Patti? Bakit naman nila ako iniwan kasama ang isang lalaki na hindi naman namin kilala?
Baka naman masamang tao itong katabi ko at may masama na ring nangyari sa mga kaibigan ko. 'Takte! Hahanapin ko ang mga kaibigan ko! Pero paano ba ako babalikwas ng bangon at kakaripas ng takbo? Kailangan kong makahingi ng tulong. Pero kailangan kong makakilos nang mabilis palabas ng tent na 'to!
Inipon ko lahat ng lakas ko para maka-buwelo ako ng bangon.
Ellie, kahit anong mangyari, bilisan mo!
1...
2...
3!
Pero pagbangon ko, nagulat ang lalaking katabi ko kaya napabalikwas din siya. Gulat, as in gulat na gulat naman ako nang makita ko ang mukha niya.
"Okay ka lang?" masuyong tanong niya sa akin, nakangiti, pero bahagyang salubong ang kilay. Siguro nagtataka siya kung bakit bigla akong bumangon.
"Mayor?!" nanlalaki ang mga mata sa pagka-bigla na naisagot ko.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top