Simula

Tumulo ang luha sa aking mata habang naglalakad patungo sa altar kung saan naghihintay si Amadeus, ang lalaking mahal ko, at ang boyfriend ng Ate ko.

Halos ayaw ko nang humakbang dahil sa bigat na aking nararamdaman. Hindi ko kaya itong ginagawa ko ngayon kahit mahal ko ang lalaking naghihintay sa akin sa harap.

Pero ito ang request ng kapatid ko bago siya dinala sa ibang bansa upang magpagamot sa kanyang sakit na tanging kami lang ang nakakaalam.

Habang papalapit na ako, unti-unting sumikip ang dibdib ko dahil sa sinabi sa akin ni Ate. Hindi ko kayang magsaya ngayon kahit mahal ko ang pakakasalan ko.

"Magpapagamot ako sa ibang bansa," nanghihinang sabi ng aking kapatid na si Solana habang hawak niya ang kamay ko. "At...walang kasiguraduhan na makakabalik ako ng buhay dito sa Esperanza."

"Ate..." Umiling ako sa kanya. "Alam ko na gagaling ka. Huwag kang sumuko. Magpapakasal pa kayo ni Amadeus, hindi ba? Malapit na, Ate! Malapit na!"

Tumulo ang luha sa kanyang mata at saka napakagat sa ibabang labi. Parang sinaksak ang puso ko sa nakita. Para siyang nawawalan ng pag-asa ngayon. Bakit? Hindi ba nagagamot ang sakit niya?

"M-Mahal na mahal ko si Amadeus, Ciara," iyak niya sa akin habang nanginginig na ang kamay na nakahawak sa akin. "M-Mahal na mahal ko siya pero...pero hindi ko matutupad ang pangako ko sa kanya."

"Ate..."

"Alam ko na may pagtingin ka sa kanya."

Umawang ang labi ko at bibitiwan na sana ang kamay niya nang hinawakan niya nang mahigpit ang kamay ko upang hindi makawala. Namilog ang mata ko. Paano niya nalaman? Sekreto ko lang iyon.

"At hindi ako galit..." Ngumiti siya kahit hinang-hina na. "Mas maganda nga iyon kasi mapapanatag ako dahil kapag nawala ako, may magmamahal pa rin kay Amadeus."

"Ate-"

"Pakasalan mo siya, Ciara," aniya. "Ikaw ang magpatuloy sa kayamanan natin. Pakasalan mo si A-Amadeus," aniya kahit nahihirapan na. "At mahalin mo siya na mas higit sa pagmamahal ko."

Hinablot ko ang kamay ko mula sa kanya at napahagulhol na siya.

"Nababaliw ka na ba, Ate?" Tumulo ang luha sa aking mata. "Gagaling ka at babalik ka dahil pakakasalan mo si Amadeus. Huwag kang mawalan ng pag-asa, Ate."

"P-Pakasalan mo siya, Ciara," umiiyak niyang sabi. "A-Alam ko na maaalagaan mo siya at mabibigyan ng pagmamahal na hindi ko kayang maibigay. Ikaw ang tutupad sa kasunduan nila. Pakasalan mo siya, Ciara."

"Ate..."

"Gagaling ako, Ciara, kaya pakasalan mo si Amadeus. Para sa akin."

"H-Hindi ko kaya ang pinapagawa mo, Ate-"

"Kaya mo dahil mahal mo si Amadeus. Hindi ako magpapagamot kung hindi mo siya pakakasalan."

Halos manlabo ang paningin ko dahil sa luha na tumutulo. Nasasaktan ako para sa kanilang dalawa. Akala ni Amadeus na ang naglalakad patungo sa kanya ay ang babae na nakalaan sa kanya simula nang sila ay ipinagkasundo. Akala siguro ni Amadeus ay ang babaeng mahal na mahal niya ang naglalakad.

Kaya nang makarating na ako sa harap, nanginginig na tinanggap ko ang kamay ni Amadeus. Napansin ko na natigilan siya lalo na nang may napansin siya sa akin. Binitiwan niya ang kamay ko at napaatras. Bigla siyang nalito.

"C-Ciara-"

Nagulat siya nang hinawakan ko ang kamay niya.

"P-Please..." Mahina akong napasinghap. "P-Please say I do...for my sister."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top